Galaxy Invaders: Alien Shooter Review

Kung minsan mo na ring pinangarap na tawagin bilang isang Guardian of the Galaxy, siguradong iisipin mong nilikha ang larong ito para sa iyo. Ito ang Galaxy Invaders: Alien Shooter, isang uri ng arcade shooter game na inilabas ng OneSoft Global PTE. LTD. upang iparanas sa bawat manlalaro nito ang kakaibang labanan pagdating sa himpapawid. Sa larong ito, ikaw ay bibigyan ng papel bilang isang veteran spaceship striker pilot na siyang tinawag upang protektahan ang mundo mula sa mga kalabang nagtatangkang pumasok dito – ang alien army.

Dito sa Galaxy Invaders: Alien Shooter, magsisimula ka bilang isang common soldier kaya naman trabaho mong palakasin ito at gawin itong isang Elite sa pamamagitan ng paggamit mo ng iba’t ibang klaseng skills dito. Marami rin ditong iba’t ibang klase ng labanan kung saan gagamitin mo ang iyong bilis sa pagkilos at iba’t ibang klaseng taktika kung paano mauubos ang mga alien army lalo na ang bawat boss na makakaharap mo sa dulo ng bawat levels nito. Kaya ihanda na ang iyong spaceship, protektahan ang mundo’t kalawakan mula sa mga alien na nagnanais pasukin ito.

Features ng Galaxy Invaders: Alien Shooter

Ang Galaxy Invaders: Alien Shooter ay mayroong iba’t ibang klase ng game mode. Una na riyan ay ang Campaign kung saan laman nito ang labing-walong chapters. Sa loob naman ng mga chapters na ito ay mayroong labing-anim na levels kaya masasabi na ring may kahabaan ang mga ito. Gaya ng ibang laro, hindi mo mabubuksan ang bawat chapter kung kailan mo gusto dahil kailangan mo munang makumpleto ang isang chapter bago mo malaro ang kasunod nito. Dagdag pa rito, nahahati rin ang Campaign sa dalawang klase pa ng game mode; normal at hard.

Bukod sa Campaign ay marami ka pang maaaring gawin sa larong ito dahil mayroon din itong game mode na Expedition, Endless at PvP. Ang Expedition ay yung tipo ng laro na may kahabaan din gaya ng Endless, nagiging kakaiba lang ito sa parte kung saan bawat wave ay maaari kang mamili ng special skills na maaari mong gamitin. Sa Endless naman ay laman ang bawat wave na talagang nangangailangan ng bilis at galing sa pag-iwas sa bawat atake ng kalaban. Habang PvP naman ay isang game mode kung saan maaari kang makipaglaro, hasain ang iyong shooting skills kasama ang kapwa mo pilot.

Siyempre, dahil ang larong ito ay tungkol sa labanan sa himpapawid, tampok dito ang iba’t ibang klase ng ship na maaari mong i-unlock. Sa kabuuan ay mayroong labing-limang klase ng ship ang mayroon dito. Bawat isa sa mga ito ay may kanya-kanyang rarity; mayroong rare, epic, at legendary. Maaari mo ring i-customize ang mga ito pagdating sa kanilang skin at wing. Hindi ka na rin mahihirapan pang pumili sa mga ito dahil mayroon ding nilagay na info sa mga ito upang malaman mo ang ability ng bawat ship. Bagaman hindi mo pa ito naa-unlock ay maaari mo pa rin itong subukan. Idadaan ka nito sa isang maikling labanan kung saan gagamitin mo ang ship na iyong mapipili. Sa ganito ay malalaman mo rin kung ano pa ang kakayahan ng bawat ship na ito.

Bawat Ship ay mayroong kasamang maliliit ding ship na siyang nagsisilbing assistant nito sa bawat laban. Tinatawag itong drone ng laro. Gaya ng Ship, mayroon ding iba’t ibang klase ng rarity ang mga ito gaya ng rare, epic at legendary. Sa kabuuan ay mayroong labing-dalawang klase nito at maaari mo ring i-customize pagdating sa kanilang wing. Gaya rin ng Ship ay mayroon ding nilagay na info sa bawat isa sa mga ito na maaari mong silipin. Pwede mo rin itong subukan kahit hindi mo pa ito tuluyang na-a-unlock. 

Mayroon ding section sa larong ito kung saan maaari mong palakasan ang iyong karakter sa pamamagitan ng pag-upgrade rito ng kanilang Skills. Iyan ang bagay na makikita mo sa Pilot na section kung saan nakalista rito ang iba’t ibang klase ng skills o pilot training gaya ng gun upgrade, Overload, Shield, Missile, Utility, Drone at Wingman. Bawat isa sa mga kategoryang ito ay mayroong limang klase. Kailangan mo itong paabutin sa dulo upang mas maging malakas pa ang iyong ship. 

Saan maaaring i-download ang Galaxy Invaders: Alien Shooter?

Ang larong ito ay nangangailangan lamang ng 110MB sa Google Play Store habang 305.5MB naman pagdating sa App Store. Maaari ka namang gumamit ng emulator gaya ng MEmu Play para naman sa iyong PC. Kung nais mo itong laruin, i-click lamang ang link na nasa ibaba depende sa device na iyong gamit.

Download Galaxy Invaders: Alien Shooter on Android https://play.google.com/store/apps/details?id=com.alienshooter.galaxy.attack2

Download Galaxy Invaders: Alien Shooter on iOS https://apps.apple.com/us/app/galaxy-invader-alien-shooter/id1530764221

Download Galaxy Invaders: Alien Shooter on PC https://www.memuplay.com/how-to-play-com.alienshooter.galaxy.attack2-on-pc.html

Tips at Tricks sa Paglalaro ng Galaxy Invaders: Alien Shooter

Madali lamang ang game mechanics ng laro ngunit kung kikilos ka nang hindi naghahanda, imposibleng makausad ka rito. Kaya naman narito ang ilang mga tip ng Laro Reviews na siyang maaaring makatulong sa iyo pagdating sa paglalaro mo ng Galaxy Invaders: Alien Shooter.

Upang makatagal sa bawat level, mainam na dapat alam ng bawat manlalaro kung kailan maaaring maglabas nang maglabas ng bala o umiwas na lamang. May pagkakataon kasi na may mga makakasalubong ka sa bawat laban na talagang dumadaan lamang at hindi para patayin ka sa laro, maaaring ship iyan ng kalaban o yung mga batong sunod-sunod na dumarating. Minsan, hindi mo kailangang ubusin ang lahat ng mga ito dahil ang iba rito ay maaari mo namang iwasan dahil wala rin namang mangyayari kung maubos mo sila. 

Malaking bagay ang maitutulong sa iyo ng Ads. Ito kasi ang isa sa mga paraan upang maipagpatuloy mo pa ang naputol mong laban. Maaari mo itong maging alternative sa crystal na ginagamit din upang makatagal pa sa bawat laban. Mainam na tinitipid ito dahil sobrang bagal nang makakuha nito kung hindi sinasadyang maubos mo ito. Maaari mo rin namang gamitin ito kung nasa malayo ka ng level. Huwag mo muna itong gamitin kung ang isang level ay hindi naman kalayuan at maaari mo pang ulitin.

Pros at Cons ng Galaxy Invaders: Alien Shooter

Taglay ng Galaxy Invaders: Alien Shooter ang graphics na simple ngunit may dating dahil sa kakaibang mga nilagay na disenyo na makikita sa mga ship, sa iyo man o sa iyong mga kalaban. Ito yung tipo ng disenyo na talagang nakasanayan na natin o nakita na natin kahit noong mga panahong sa video games pa tayo naglalaro. Nakakabighani rin maging ang mga mapa o ang lugar kung saan nangyayari ang bawat labanan. Taglay din ng lahat ng mga ito ang iba’t ibang kulay na siyang dahilan upang mabusog na agad ang iyong mga mata, hindi mo pa man ito nilalaro.

Bukod sa bawat labanan, nakakaaliw rin sa larong ito ang pag-customize sa iyong mga ship at drone dahil marami kang maaaring pagpilian upang mas maging kalibang-libang pa ang paglalaro mo nito. Maaari mong palitan ang bawat parte nito gaya ng wing at skin depende sa iyong nais na maging itsura nito. Ang parte ng laro kung saan maaari kang makatanggap ng iba’t ibang klase ng ship sa tuwing nalalampasan mo ang bawat level ay tunay na rewarding para sa mga naglalaro nito at masasabing isang motibasyon para ipagpatuloy ang buong laro dahil palagi silang mayroong dapat abangan sa bawat dulo nito.

Isang advantage na masasabi sa larong ito ay hindi ito sobrang hirap laruin dahil hindi “mabigat” na game control. Kaya mong pagalawin ang iyong ship, iwasan ang bawat atake ng kalaban nang hindi nararamdaman ang bigat na pakiramdam sa tuwing kumikilos. Bukod pa rito, hitik din ang larong ito ng iba’t ibang klase ng game mode na maaari mong subukan kasama ang iba pang manlalaro ng larong ito. Isa pang bagay na nakakatuwa rito ay ang parte kung saan maaari mong subukan ang bawat ship kahit pa hindi mo pa ito tuluyang naa-unlock sa paraang naghanda ang laro ng isang maikling labanan upang makita mo kung ano ang skills na mayroon ang ship na nais mong i-unlock.

Kung may masasabi lang na disadbentahe sa larong ito, iyon ay ang mabagal na pag-earn mo ng crystal na siyang maaaring gamitin upang mapagpatuloy mo pa ang paglalaro nito. Sa oras kasi na maubos mo ito, tila mamamalimos ka sa paghahanap kung paano makakakuha nito. Hindi madali at kung minsan ay kulang pa. Wala naman sanang problema rito ngunit dahil wala ng ibang paraan upang ma-revive ang laro, mapipilitan ang bawat manlalaro na ulitin na lamang ito kahit pa sobrang layo na nang narating nila sa bawat laban. 

Konklusyon

Ilan sa mga bagay na parating iniinda ng bawat manlalaro ng Galaxy Invaders: Alien Shooter ay ang pagiging lag ng laro. May pagkakataon daw diumano na tumitigil ang laro lalo na sa mga crucial na parte ng bawat labanan. Ngunit isang magandang bagay na aware rito ang developer ng laro kaya agad din naman itong naaksyunan kalaunan. Para sa Laro Reviews, ang paglalaan ng developer nito ng oras upang pakinggan ang hinaing ng bawat manlalaro ay tunay na masasabing isang magandang bagay upang lalo pang mapaganda ang paglalaro nito. Gayunpaman, marami pa ring issue na binabanggit ng bawat manlalaro pagdating sa larong ito na kailangan pang pakinggan kung nais nilang maging patok pa ito sa hinaharap.

Leave a Comment

Categories
Login
Loading...
Sign Up
Loading...