Knife Hit Review

Hindi tayo magiging brutal at bayolente sa larong ito dahil lamang tampok dito ang iba’t ibang klase ng kutsilyo. Gagamitin lamang natin ito upang sukatin ang iyong talino pagdating sa pag-iisip ng estratehiya kung paano mo ilalagay ang lahat ng ito sayong target. Ito ang Knife Hit, isang arcade throwing game na inilabas ng Ketchapp na talaga namang susukatin maging ang iyong pasensya habang tumatagal ka sa paglalaro mo nito. Maihahalintulad ang ilang parte ng game mechanics nito sa nakasanayan nating laro na Darts kung saan mayroon tayong target na tinatamaan. 

Sa larong ito, kailangan mo lamang ubusin ang ilang mga kutsilyong hawak mo sa pamamagitan ng pag-target mo sa isang makapal na kahoy upang kalaunan ay mawasak mo ito. Trabaho mo lamang sa larong ito na ilagay ang mga kutsilyo sa bawat espasyo at iwasang hindi mo maitama ito sa kapwa kutsilyo, dahil kung hindi ay maaari kang umulit mula sa umpisa. Simulan ng pasukin ang larong ito, kumasa sa Knife Challenge at kumpletuhin ang bawat misyon, talunin ang bawat boss upang makakuha ng iba’t iba pang klase ng knives at tanghalin bilang isang Knife Master.

Features ng Knife Hit

Sa oras na buksan mo ang Knife Hit, bubungad na agad sayo ang ilang features na mayroon ito. Mayroong isang game mode ang laro kung saan ito ang itinuturing na main game ng Knife Hit dahil kung pipindutin mo ang Play button ay agad ka na nitong dadalhin sa mismong laro kung saan naroon ang simpleng game mechanics. Hindi mo man masisilayan kung ilang mga levels pa ang mayroon dito ay malalaman mo namang mas mahaba ito dahil mayroon itong tatlo o apat na stages bago makaharap ang boss, kumpara sa ibang game mode na dalawa at tatlo lamang.

Upang mas maging kaaliw-aliw at kapanapanabik ang magiging experience ng bawat manlalaro sa Knife Hit, mayroong iba’t ibang klase ng game mode o kung tawagin sa laro ay Challenges na siyang matatagpuan sa loob nito. Hindi man nag-iiba ang game mechanics, unti-unti namang bumibigat ang bawat pagsubok mo rito na talagang magiging dahilan bakit mo ito lalaruin nang lalaruin. Sa kabuuan ay mayroon itong anim na Challenges at may kanya-kanyang inilagay na theme gaya ng Kingdoms, Monsters, Pirates, Jungle, Treasures, at Ice Age. Bawat isa sa mga ito ay may mga levels, stages at Boss na kailangan mo ring lagpasan upang makakuha ka ng bagong knife o power-ups.

Dahil malaki ang gampanin ng Knife sa larong ito, isa sa maaaring makuhang reward ng bawat manlalaro sa tuwing nakakalayo sila sa paglalaro nito ay ang iba’t ibang klase ng kutsilyo na maaari nilang gamitin sa kanilang susunod pang laro. Kung sisilipin, maraming iba’t ibang klase ng Knife ang makikita rito. Mayroong knife na maaaring ma-unlock sa pamamagitan ng paggamit ng apple na siyang currency ng laro, sa panonood ng ads, sa pakikipaglaban sa mga boss na makakaharap mo sa bawat game mode, sa pagkumpleto mo sa isang challenge o kaya naman sa pamamagitan ng pagbili mo rito gamit ang tunay na pera. Sa kabuuan, mayroong 136 na klase ng knife ang makikita rito.

Saan maaaring i-download ang Knife Hit?

Ang larong ito ay nangangailangan lamang ng 63MB sa Google Play Store habang 134.7MB naman pagdating sa App Store. Maaari ka namang gumamit ng emulator gaya ng MEmu Player para naman sayong PC. Kung nais mo itong laruin, i-click lamang ang link na nasa ibaba depende sa device na iyong gamit.

Download Knife Hit on Android https://play.google.com/store/apps/details?id=com.ketchapp.knifehith

Download Knife Hit on iOS https://apps.apple.com/us/app/knife-hit/id1336527043

Download Knife Hit on PC https://www.memuplay.com/how-to-play-com.ketchapp.knifehit-on-pc.html

Tips at Tricks sa Paglalaro ng Knife Hit

Mayroon lamang simpleng game mechanics ang Knife Hit ngunit kung lalaruin mo ito nang hindi pinag-iisipan at basta-basta lamang, malabong manalo ka rito. Kaya naman, narito ang ilang mga tips ng Laro Reviews para sayo upang kahit papaano ay magkaroon ka ng kaunting kalamangan sa paglalaro nito. Naway makatulong ang ilan sa mga ito upang kahit paano’y makausad ka sa bawat level.

Ang spaces sa bawat log o wood ay mahalaga. Kaya naman, isang magandang aksyon na iniisip mo rin kung paano pupunan ang mga espasyo na ito nang may pag-iingat. Huwag basta-basta maglalagay ng kutsilyo sa mga ito dahil kung mangyaring dumating ang pagkakataon na tila maliliit na lamang na espasyo ang maiiwan, mahirap na para sayo na isingit ang mga natira mong kutsilyo nang hindi tumatama sa iba mo pang kutsilyong nauna mo nang nailagay rito. Kung papansinin, may mga pagkakataon din naman na talagang binibigyan ka ng laro ng tiyansang targetin ang log o wood sa pamamagitan ng pagtatapat nito sayo ng mga espasyo na maaari mo pang punan. Huwag mo na itong palampasan, i-grab iyon at huwag kalilimutan ang timing para rito.

Isa rin sa mga bagay na dapat mong tandaan na ang daan upang makakuha ng panibagong knife ay ang talunin ang bawat boss dito. Maituturing na rin na isa itong magandang motibasyon upang magpatuloy ka sa paglalaro nito. Palaging i-aim na makarating sa boss level upang makapag-unlock ng iba pang klase ng knife na maaari mo pang magamit sa laro. Bukod pa rito, sa oras na malagpasan mo ang level na ito, may makukuha ka pang item na gaya ng knife ay makakatulong din sayo upang makausad pa sa paglalaro nito. Huwag magmadali at manggigil dahil mauuwi lamang ito sa pagkatalo.

Pros at Cons ng Knife Hit

Kung naghahanap ka ng larong maaari mong laruin bilang pampalipas-oras, maaari mong subukan ang larong ito. Marami na ring laro na nagkalat sa Play Store at App Store na kaparehas din ng Knife Hit o mas nauna pang lumabas rito ngunit hindi mo pagsisisihang laruin ito. Simple lamang ang gameplay nito ngunit kaya ka nitong aliwin dahil marami kang bagay na maaaring gawin dito. Tunay na kahit nauulit lamang ang gameplay nito ay hindi mo pa ring maiiwasang kaadikan ito sa oras na simulan mo na itong laruin dahil unti-unti namang nadadagdagan ang level of difficulty nito. 

Kaakit-akit din ang graphics na ginamit para sa larong ito. Nakakaagaw ito ng atensyon at posibleng maging isa sa mga factor bakit mo ipagpapatuloy laruin ito. Malinis itong tingnan, kakaiba at makulay na hindi naman gaanong matingkad at masakit sa mata. Isa pa, hindi rin gaanong marami ang mga bagay na kailangan mong gamitin para manalo sa laro. Lahat ng bagay na narito ay simplified ngunit nakakaya pa ring magdala ng kakaibang pakiramdam sa bawat manlalaro. Idagdag pa rito ang tunog nito na nakakatuwa sa tuwing tumatama ang mga kutsilyo sa wood at dumadaplis ito sa kapwa niya kutsilyo.

Bagaman kailangan mong ulitin ang laro sa umpisa sa tuwing natatalo ka ay mayroon pa rin namang tiyansa na ibinibigay ang laro upang ipagpatuloy mo ito at iyan ay sa tulong ng ads. Malaki ang naitutulong ng ads hindi lamang sa paraang maipagpapatuloy mo ang naputol mong laro kundi makakapag-unlock ka rin gamit ito ng iba pang klase ng knife. Iyon nga lang, isang disadbentahe lamang dito na may pagkakataong palagi itong sumusulpot kahit na hindi mo naman piniling panoorin ang mga ito. Masyadong marami ang mga ito, mahahaba at posibleng nakawin nito ang interes mo para ipagpatuloy pa ang paglalaro nito.

Konklusyon

Noong sinabi ng Laro Reviews na tunay na marami kang magagawa sa larong ito, iyon ay dahil hitik ito sa iba’t ibang klase ng Challenges na kailangan mong lampasan. Mahahaba ang mga ito at tunay na sapat na upang kagiliwan ng bawat manlalaro nito. Iba’t iba rin ang mga boss na makakaharap mo rito at bawat isa sa mga ito ay may iba’t ibang katangian kaya naman isang malaking pagsubok din sa bawat manlalaro na mag-isip din ng iba’t ibang klase ng tactics para matalo ang mga ito. Hindi lamang din umiikot ang laro sa pagpukol ng kutsilyo sa isang kahoy kundi pati na rin sa pagkolekta ng iba’t ibang klase ng kutsilyo na may iba’t iba ring disenyo na talagang kagigiliwan mo. Hindi ka na lugi sa larong ito at tunay na hindi kabawasan sa oras kung susubukan mo.

Leave a Comment

Categories
Latest Posts
Login
Loading...
Sign Up
Loading...