Candy Witch – Match 3 Puzzle Review

Pamilyar ka ba sa Candy Crush? May ideya ka ba kung paano iyon laruin? Tulad ng Candy Crush, malaki ang pagkakapareho ng gameplay nito sa ipapakilalang laro dito sa article. Kaya kung may ideya ka na sa mechanics nito, magiging madali na lamang sa iyo na matutunan ito. Tamang-tama ang mga detalyeng inihanda ng Laro Reviews dito kung mahilig ka lang talaga sa match-3 games o kung sadyang interesado ka lang dito.

Ang Candy Witch – Match 3 Puzzle ay isang Android game na ginawa ng game developer na gameone. Tulad ng pamagat nito, ito ay isang match-3 game kung saan layunin ng manlalaro ay i-swap at i-match ang tatlo o higit pang magkakaparehong candies. Maaari ka ring makabuo ng special candies kapag mas maraming candies ang iyong naipag-match.

Features ng Candy Witch – Match 3 Puzzle

Unli Life – Hindi tulad ng karamihan sa mga larong may parehong gameplay, ito ay walang limitasyon sa energy o buhay para makapaglaro ng isang level. Ibig sabihin ay pwedeng-pwede mong ipagpatuloy ang paglalaro sa susunod na levels kahit gaano mo katagal gustong maglaro. Kaya kung sakali mang matalo ka sa isang level, pwede mo itong ulitin nang ilang beses hanggang sa malampasan mo ito. Patuloy mong mae-enjoy ang libu-libong levels na nakaabang sa iyo.

Time Killer Game – Kung naghahanap ka ng larong pwede mong gawing pampalipas-oras sa iyong free time, tamang-tama ito sa iyo. Sapagkat madali lamang ang mechanics nito kaya pwedeng-pwede kang mag-relax habang nilalaro ito. Hindi kailangan ng labis na effort para rito dahil hindi rin ito kumplikadong laruin.

Offline Mode – Maaari kang mag-enjoy sa paglalaro kahit nasaan ka man. Hindi na kailangan na konektado sa Wi-Fi o mobile data ang iyong mobile device para malaro ito. Tamang-tama itong laruin kung naghihintay ka sa mahabang pila o kaya sa iyong order. Tuluy-tuloy lang ang paglalaro mo ng kada level anumang oras!

Saan Pwedeng I-download ang Candy Witch – Match 3 Puzzle?

Sa section na ito ng article, ituturo kung saan at paano i-download ang Candy Witch – Match 3 Puzzle. Kasalukuyang available lamang ang laro sa Android at PC devices. Kaya hindi pa ito posibleng mai-download sa iOS devices. Gamit ang iyong mobile phone, pumunta sa Google Play Store at ilagay sa search bar ang pamagat ng laro o ‘di kaya i-click ang link sa ibaba. Pindutin ang Install button at hintaying matapos ang pag-download. Hindi na kailangang magbayad para i-download ang laro dahil free-to-play (F2P) ito. Buksan ang app at kumpletuhin ang lahat ng kailangan sa sign-in details. Pwede mo nang simulan ang paglalaro!

Narito ang links kung saan pwedeng i-download ang laro:

Download Candy Witch – Match 3 Puzzle on Android https://play.google.com/store/apps/details?id=com.game.candywitch.cookie.stars.free

Download Candy Witch – Match 3 Puzzle on PC https://www.bluestacks.com/apps/casual/sweet-candy-witch-match-3-puzzle-on-pc.html

Tips at Tricks sa Paglalaro

Ang maipapayo ko sa iyo ay unahing hanapin ang mas maraming candies na pwede mong i-match. Kapag nag-match ka ng apat na candies, magreresulta ito sa special candy na may stripes kung saan may kakayahan itong i-clear ang buong row o column kapag ini-swap mo ito. Subukan mo ring mag-match ng T-shaped o L-shaped na pattern. Magreresulta ito sa potion na magsisilbing bomba kung saan mai-eliminate din ang candies sa paligid nito. Bukod pa rito, posibleng pagsamahin ang dalawang special candies para mas malakas ang magiging effect nito sapagkat dalawa rin ang katangiang ipapakita nito. Halimbawa, kapag nag-combine ang bomba striped at potion na candies, magkakaroon ito ng kakayahang i-eliminate ang tatlong row at tatlong columns nang sabay-sabay. Malaki ang maitutulong nito para mas mabilis mong mai-clear ang laro.

Makakatulong din sa iyong performance ang paggamit ng Boosters. Marami kang pwedeng pagpilian sa mga ito. Ang tatlong boosters ay matatagpuan bago magsimula ang level kung saan nasa itaas ito ng Play button. Kailangan mong lampasan ang partikular na level para ma-unlock ang bawat isa rito. Bukod pa rito, mayroon ka pang matatagpuang karagdagang boosters na matatagpuan na mismo sa loob ng level habang ikaw ay naglalaro. Dapat alamin mo kung para saan ang bawat booster para magamit mo ito nang tama batay sa gamit nito. Kritikal ito lalo na kapag kaunti na lamang ang natitirang mong moves at hindi mo pa nakukumpleto ang goal sa level na iyon. Sa ganitong sitwasyon, ang dapat mong gamiting booster ay ang pinakamakakatulong sa iyong malampasan ang level. Magagawa mo lamang ito kung alam mo ang gamit ng bawat booster.

Ugaliin tignan ang bilang ng moves na matatagpuan sa kanang itaas na bahagi ng screen. Nang sa gayon ay matatantsa mo ang gagawin mong moves para maggawa ang goal bago tuluyan itong maubos. Makikita mo rin sa gilid nito kung ilang stars na ang naabot ng kasalukuyan mong score. Maganda itong gabay kung target mong makakuha ng tatlong stars sa bawat level. Tandaan mo ring paiba-iba ang goal na kailangan mong gawin sa bawat level. Matatagpuan mo sa kaliwang itaas na bahagi naman ng screen kung ilan pa ang natitira sa bagay na kailangan mong kolektahin. Bukod pa rito, huwag mong kalimutang i-claim ang reward kada araw sa Daily Bonus. Makakadagdag ito sa mga gamit na pwede mong pakinabangan sa susunod. 

Pros at Cons ng Candy Witch – Match 3 Puzzle

Bukod sa magandang gameplay nito, kapansin-pansin ang pagiging makulay at maaliwalas ng graphics nito. Kaya lalong nakakaengganyong maglaro dahil nabu-boost nito ang mood ng manlalaro para masiyahan sa paglalaro. Hindi rin mawawala ang pagiging challenging ng laro kahit na madali lamang ang mechanics nito. Kaya talagang masusubok ang iyong galing sa match-3 games at kung paano ka makakabuo ng epektibong techniques para makumpleto ang bawat level. Bagaman challenging ang puzzles nito, galante naman ang laro sa special items kung sakaling mai-stuck ka sa laro. Halimbawa na lamang sa Daily Bonuses, ang kailangan mo lang gawin ay mag-log in sa laro araw-araw sa loob ng isang linggo at marami ka nang matatanggap na items na magagamit mo sa mahihirap na levels.

May mga isyu sa laro pagdating sa in-app purchases kung saan hindi natanggap ng manlalaro ang binayaran niya para makakuha ng karagdagang coins. Bagaman mayroon namang natanggap na resibo, hindi pa rin ito nag-reflect sa mismong piggy bank sa laro. Dahil sa mga ganitong isyu, nawawalan ng tiwala ang mga manlalaro para gamitin ang kanilang totoong pera para sa laro. Limitado rin lamang ang maaaring makapag-download nito sapagkat isa itong Android game. Mas maganda kung gagawin din itong available ng game developer para sa iOS devices. Nang sa gayon ay lalong magiging malawak ang maabot nitong audience.

Konklusyon

Pasok na pasok ang Candy Witch – Match 3 Puzzle kung naghahanap ka ng panibagong match-3 game. Makikilala at makakasama mo ang karakter na si Witch Anya sa journey ninyo sa paghahanap ng candies sa magical world na ito. Mayroon itong simple at magandang graphics kaya magaganahan ka sa paglalaro. Labis din itong nagiging convenient sa manlalaro sapagkat hindi na nito kailangang konektado sa Wi-Fi o mobile data para laruin. Kaya kahit nasaan ka man, pwede mo itong ma-enjoy anumang oras. Kung nais mo itong subukan, mainam na gamitin ang article na ito mula sa Laro Reviews para magsilbing gabay sa iyong paglalaro. Masaya itong laruin ngunit mas mabuting iwasan mong bumili ng in-app purchases dahil sa isyu tungkol dito na nabanggit sa pros at cons section.

Leave a Comment

Categories
Latest Posts
Login
Loading...
Sign Up
Loading...