Ang Cat Spa ay isang sikat na management simulation game mula sa HyperBeard. Matapos lamang ang isang taon mula nang ito ay inilabas noong Abril 2021, nakapagtala na ito ng milyun-milyong downloads at mga positibong feedback sa iba’t ibang gaming platforms. Sa pamamagitan ng kawaii-themed na larong ito, mararanasan ng mga manlalaro kung paano magpatakbo at magpaunlad ng isang spa para sa mga pusa.
Ang mga manlalaro rito ay magsisilbing may-ari at tagapamahala ng kakabukas lang na cat spa. Ang nakaka-relax na pasilidad na ito ay matatagpuan sa gitna ng kagubatan. Upang masigurado na makakapagbigay sila ng magandang serbisyo at dumami ang kanilang customers, kailangan din nilang mag-recruit ang empleyadong cat fairies. Ang pangunahing layunin nila rito ay pataasin ang reputation points ng spa at gawin itong pinakamaganda sa lahat.
Contents
Paano I-download ang Laro?
Available ang game app na ito sa parehong Play Store at App Store. Kailangan mo lang hanapin ito at i-download ang app sa Android o iOS devices. Kung nais mo namang maglaro gamit ang gaming devices na may malaking screens tulad ng laptop o desktop, maaari mong i-download ang app na ito at i-run gamit ang isang lehitimong emulator. Upang hindi masayang ang iyong oras sa paghahanap, maaari mo ring i-click ang mga sumusunod na link:
Download Cat Spa on Android https://play.google.com/store/apps/details?id=com.hyperbeard.catopia&fbclid=IwAR0jEU4QmwSbvZFl6qKt930sNcb5J_wvYd7GJZnJaoLyhCuT0D4_bVELIDg
Download Cat Spa on iOS https://apps.apple.com/us/app/cat-spa/id1543729168
Download Cat Spa on PC https://www.emulatorpc.com/cat-spa/
Ultimate Guide para sa mga Manlalaro
Kung handa ka na para sa isang kapanapanabik na pakikipagsapalaran sa mundo ng mga pusa, tutulungan ka ng Laro Reviews na mapaghandaan ang mga naghihintay sa’yo sa loob ng laro. Bago ang lahat, kailangan mong malaman kung paano i-save ang iyong game data at progress. Siguraduhing ang iyong device ay konektado sa internet at i-click ang Menu icon sa kanang-itaas na sulok ng gaming screen. Pagkatapos, i-tap ang Settings, i-click ang Cloud icon at piliin ang Upload option. Kopyahin at i-save ang lalabas na Cloud code. Maaari mo itong gamitin upang ma-download ang iyong game data gamit ang ibang gaming device.
- Gameplay
Ang Cat Spa ay may linear-type na gameplay. Ang ibig sabihin nito ay may sinusundan na game progression ang mga manlalaro. Mahalagang bagay din dito ang pagpapanatili ng magandang reputation status ng iyong spa dahil ito ang nagsisilbing batayan ng iyong pagli-level up.
Magsisimula ka sa isang simpleng massage parlor at kakaunting resources. Kapag kumita ka na ng sapat na halaga, maaari kang bumili ng game items nang paunti-unti. Sa pamamagitan nito ay mapapataas ang iyong reputation points. Ito ay sinisimbolo ng Cat Paw icon sa kaliwang-itaas na sulok ng gaming screen. Habang nadaragdagan ito ay maa-unlock din ang ibang negosyo na maaari mong pasukin tulad ng hair salon at restaurant. Ang ilan sa mga mainam na paraan upang madagdagan ang iyong reputation points ay sa pamamagitan ng pagkumpleto ng Daily Goals. Ipagpatuloy mo rin ang pagdidisenyo at pagbili ng mga karagdagang gamit sa spa. Ugaliing suriin ang quality range ng game items na iyong bibilhin. Mas maraming points kasi ang makukuha mo mula sa items na may matataas na quality range. Gayunpaman, tandaan na ang ganitong uri ng game items ay mas mahal kaysa pangkaraniwan. Bilang karagdagan, siguraduhin ding natutugunan mo ang mga pangangailan ng mga empleyado sa pamamagitan ng pakikipag-usap o kaya ay pagpapahinga sa kanila kung kailangan.
- In-game Currencies
Ang mga sumusunod ay ang tatlong in-game currencies ng Cat Spa:
Apple – Ito ang itinuturing na pangunahing in-game currency sa larong ito. Ito ang nagsisilbing coins na ibinabayad ng customers. Ginagamit itong pambili ng game items o kaya ay pambayad sa upgrades. May items at gamit sa Shop na kapag binili mo ay makakakuha ka ng karagdagang apples.
Crystal – Ang isang ito ay ginagamit upang makakuha ng bagong mga empleyado. Bukod dito, ito rin ang nagsisilbing pambayad sa kanilang trainings. Pwede kang makakuha ng crystals bilang bonus, sa panonood ng ads at pagbili ng special offers.
Wool – May mga pagkakataong magkakaroon ka galanteng customers. Ang mga ito ay kadalasang nagbibigay ng wools bilang karagdagang bayad. Maaari ka ring makakuha nito mula sa Daily Rewards at sa panonood ng ads. Ang wool ay maaaring ibenta kapalit ng apples.
- Tamang Pakikitungo sa Customers at mga Empleyado
Ang kinikita ng iyong spa ay nakadepende sa customers na pumupunta rito. Tandaan na may iba’t ibang uri ng customers sa larong ito. May mga tuso na walang ibang nais kung hindi gumawa ng gulo at pabagsakin ang spa. Kapag nakita mo ang mga ganitong uri ng customers tulad nila Ketchup Hotdog at Prince Giraffe, kailangan mo silang palabasin kaagad sa pamamagitan ng pag-tap sa kanila nang paulit-ulit. Samantala, ang regular customers naman ay madaling pakitunguhan dahil hahayaan lang nilang gawin ng mga empleyado ang kanilang trabaho, magbabayad ng tama at tahimik na aalis. At higit sa lahat, mayroon ding ilang special customers na bongga kung magkapagbigay ng bonus.
Mahalaga rin sa iyong pagli-level up ang tamang pag-aalaga sa mga empleyado. Sila kasi ang aktwal na nagbibigay ng serbisyo at nakikipag-ugnayan sa customers. Ang kanilang kondisyon ay lubos na nakakaapekto sa trabaho at sa kita ng iyong negosyo. Kapag kinakailangan, hayaan silang makakuha ng sapat na pahinga at regular din silang bigyan ng crystals upang maging maayos ang kanilang trabaho. Para mas makilala mo pa ang customers at mga empleyado sa laro, maaari mong suriin ang Dictionary sa Main Menu.
Pros at Cons ng Cat Spa
Maraming manlalaro ang humahanga sa minimalistic ngunit nakakaaliw na konsepto at tema ng larong ito. Ang kawaii-themed graphics at game character design nito ay nakakatuwa at kaibig-ibig. Bagama’t ang gameplay nito ay simple lang, lubos naman itong nakakahumaling. Marami ring mga kapanapanabik na bagay ang pwedeng asahan habang nagpapatuloy sa paglalaro. Isa na sa mga ito ay ang pagpaparami ng koleksyon ng game characters. Wala ring nakakaabalang ads dito. Sa halip, pwedeng piliin ng mga manlalaro na kusang manood ng ads upang makakuha ng karagdagang resources o kaya’y upang i-maximize ang kanilang makukuhang rewards. Hindi ka rin mapipilitang gumastos ng pera dito dahil maaayos at balanse ang level of difficulty nito. Sapat din naman ang resources na makukuha ng libre. Higit sa lahat, hindi masyadong kumplikado at nakaka-pressure ang larong ito, sapat lang para makapaglibang at maaaliw ang marami sa kanilang libreng oras.
Sa kabilang banda, mayroon ding mga manlalarong nagkaroon ng negatibong karanasan sa laro. Nakalulungkot dahil ang game app ay madalas na nagkakaroon ng technical issues tulad ng biglaang pagka-crash o kaya’y pagfi-freeze. Puno rin ito ng bugs kaya palagi itong nagla-lag at mabagal mag-load. May mga pagkakataon ding hindi natatanggap ng mga manlalaro ang dapat sanang rewards kapalit ng panonood ng ads. Para sa iilan, ang gameplay nito ay sobrang simple at walang kalatuy-latoy.
Konklusyon
Ang Cat Spa ay may average rating na 4.4 stars sa Play Store. Samantala, 4.5 stars naman ang nakuha nitong rating sa App Store. Kumbinsido ang Laro Reviews na marami ang nasisiyahan at nalilibang sa simpleng game app na ito. Subalit, hindi rin naman maipagkakaila na marami pa ditong dapat ayusin lalo na pagdating sa technical aspects nito.
- 0 Comment
- Casual Game Apps, Reviews
- July 27, 2022