Cave Shooter – Instant Shooting Review

Isang kapanapanabik na laro ang inyong matutunghayan dito sa artikulong ginawa ng Laro Reviews. Kung ikaw ay naghahanap ng pampalipas oras na larong may kawili-wiling graphics at gameplay, malamang ay masisiyahan ka dito. Halina at kilalanin natin itong laro.

Mga Tampok ng Laro

Ang Cave Shooter – Instant Shooting ay isang online na larong may roguelike gameplay na ginawa ng EYOUGAME(USS). Ang layunin ng laro ay talunin ang dungeon boss sa bawat stage. Upang laruin ito, kailangan mong i-swipe ang screen upang gumalaw sa mapa at para umatake, huminto sa pag-swipe. Napaka-simple lang nitong laruin at kahit na mga bata ay kayang intindihin ang mekaniks ng laro. Narito ang ilan sa mga tampok ng laro na dapat mong asahan.

Tribe – Dito makikita ang iyong village at mga buildings na makakatulong sa iyong makakuha ng rewards at mapalakas ang iyong hero. Narito ang ilang mga pangunahing building na dapat mong pagtuunan ng pansin. Ang altar ay ang lugar na kung saan maaari mong i-upgrade ang kabuuang stats ng iyong hero sa pamamagitan ng pag-level up ng Talents. Kinakailangan mo ng talent gems na makukuha sa mission rewards, shop at altar, upang i-upgrade ang talent. Ang chief house ay ang puso ng lahat ng iyong building dahil bago ma-upgrade ang mga building, kailangan mo muna i-upgrade ang chief house. Dito rin nakaimbak ang iyong mga resources tulad ng wood at stone at habang tumataas ang level nito, lumalaki din ang storage capacity nitong building.

Ang sawmill at quarry naman ang pangunahing pinagkukunan ng mga materyales na kinakailangan sa pag-upgrade (wood at stones). Nagbibigay ang mga building na ito ng resources bawat oras at maaari itong anihin kapag puno na ang storage capacity nito (na iniimbak sa chief house). Lumalaki ang ibinibigay na resource nitong building habang tumataas ang level nito.

Character – Dito mo makikita ang iyong hero at ang stats nito. Maaari mong i-upgrade ang mga equipped items dito at palitan ang costume ng iyong hero. Samakatuwid, dito nagaganap ang lahat ng upgrades, customization at enhancing ng iyong hero.

Adventure – Ito ang main mission ng laro. Mayroon itong apat na chapter at ang bawat chapter ay mayroong mahigit 25 na stage. Maipapasa ang isang chapter kapag natalo mo ang lahat ng boss sa isang chapter.

Store – Maaari kang bumili ng mga premium items dito tulad ng pearl na isang special currency ng laro. Gamit ang pearl, maaari kang bumili ng chest na maaaring naglalaman ng legendary items.

Paano I-download ang Cave Shooter – Instant Shooting?

Hindi mo na kailangan gumawa ng log in account upang makapagsimulang maglaro nito ngunit, kung binabalak mong bumili ng premium items, mainam na i-link ang iyong laro sa iyong Facebook account. Para i-download ito sa Android, pumunta sa Google Play Store at i-type sa search bar ang pangalan nitong laro pagkatapos i-click ang Install. Sa kasalukuyan, wala pa itong iOS version ngunit maaari mo naman itong laruin sa PC. Upang i-download ito sa PC, pumunta sa http://gameloop.com at i-type sa search bar ang pangalan nitong laro pagkatapos ay i-click ang Download. Para sa mas mabilis na pag-access, maaaring i-click ang mga link sa ibaba.

Download Cave Shooter-Instant Shooting on Android https://play.google.com/store/apps/details?id=com.eyougame.caveshooter

Download Cave Shooter-Instant Shooting on PC https://www.gameloop.com/game/action/cave-shooter-instant-shooting-on-pc

Tips at Tricks para sa mga Baguhan

Para sa mga hindi pamilyar sa larong may roguelike na gameplay, simple lang naman ang objective ng laro. Ito ay ang patayin lahat ng kalaban at iwasan ang kanilang mga atake. Ngunit paano nga ba natin epektibong magagawa ito gayung may mga factor na nagpapahirap sa laro tulad ng random pattern ng atake. Malalaman natin ang sagot, dito sa kaalamang ibabahagi ng Laro Reviews.

Resources – Ang pagkuha at pag-iipon ng resources ay mahalaga sa pagpapalakas ng hero. Lahat ng materyales ay makikita lamang sa village (sa Tribe Feature) maliban lamang sa forge stone ( na kailangan upang gumawa ng mga bagong armas). Siguraduhing mapaunlad ang mga buildings na nagbibigay ng resources upang mapalago at lumaki ang daloy ng resources. Sa ganitong paraan, matitiyak mong upgraded ang iyong stats.

Grinding – Malamang ay narinig mo na ang term na ito ngunit para sa mga hindi pamilyar dito, ang grinding ay isang sistema ng pagkuha ng reward sa pamamagitan ng pag-uulit ng mga stage na tapos nang naipasa. Mainam ang pag-grind kapag nai-stuck ka sa isang stage dahil sa kakulangan ng power points. Samakatuwid, kung nahihirapan kang maipasa ang isang stage, kailangan mong mag-grind upang makakuha ng mga materyales na kinakailangan sa pag-upgrade ng items o stats.

Walang partikular na strategy pagdating sa labanan dahil random ang atake ng mga kalaban lalo na ang boss. Kaya pinakamainam na strategy ay palakasin ang iyong defense status sa pamamagitan ng pag-upgrade ng iyong mga items. Sa ganitong paraan, kahit matamaan ka ng atake ng kalaban ay konti lang ang damage na iyong matatanggap.

Kalamangan at Kahinaan

Narito ang mga katangian ng laro at ang mga dahilan kung bakit napakaganda at kawili-wili itong laruin. Sa lahat ng mga roguelike games na aking nalaro, ito ang isa sa may pinakamagandang graphics. Napaka-linis ng detalye ng skills effects kaya kahit magulo at nakakalito ang animation, makikita at malalaman mo pa rin ang lokasyon ng kalaban. Kung minsan, dahil sa dami ng special effects, malilito kung saan ka iiwas at minsan dahil dito, matatalo ka. Simple lang ang gameplay nito at hindi naman gaanong mahirap maipasa ngunit mapanghamon ito dahil sa random na pattern ng atake ng kalaban. Samakatuwid, well-balanced ang kabuuang gameplay nito.

Kung mayroon man akong hindi nagustuhan sa laro, ito ay ang napakalaking file size nito. Dahil sa ganda ng graphics at lalim ng detalye ng animation at design, talagang malaki ang file size nito at dahil dito, maaaring hindi ito compatible sa mga phone na may mabababang specs at memory space. Matakaw din ito sa internet connection kaya hindi ito magandang laruin gamit ang mobile data dahil ito ay magla-lag at kung sakaling maganda ang iyong internet connection gamit ang mobile data, maaaring maubos ito sa madaling panahon o maaaring uminit at iyong phone dahil sa bigat ng data ng laro. Kung lalaruin mo ito sa PC, hindi mo mararanasan ang mga nabanggit na issue ngunit mahihirapan ka sa pag-control ng iyong hero dahil hindi flexible ang pindutan ng keyboard.

Konklusyon

Sa kabuuan, itong laro ay nakatanggap ng star rating na 3.4 sa Google Play Store. Mababa lamang ang star rating nito marahil ay dahil ito sa mabigat at malaki na file size ng laro. Gayunpaman, napakaganda pa rin nito dahil sa well-balanced na gameplay at napakagandang graphics nito. Kaya kung naghahanap ka ng nakakaaliw na larong may magandang graphics, i-download na ang Cave Shooter-Instant Shooting ngayon!

Leave a Comment

Categories
Latest Posts
Login
Loading...
Sign Up
Loading...