Clash Mini Review

Ang Clash Mini ay isa lamang sa mga pinakatanyag na laro ng Supercell sa buong mundo na hanggang sa kasalukuyan ay patuloy pa ring umaani ng downloads kaya hindi na nakapagtatakang ang Clash Mini ay isa sa mga matutunog na laro sa mundo ng mobile game. Kung nalaro mo na ang Clash Royale, mapapansin mo ang pagkakapareho ng dalawang larong ito. Ang malaking pagkakaiba lamang, sa tower ginaganap ang laban sa Clash Royale, habang sa chess-like board naman ang nagiging battleground sa larong Clash Mini.

Sa larong ito, sasabak ka sa iba’t ibang klase ng battle deck kung saan makakasama mo sa laro ang iyong isang hero at limang Minis. Ang mga hero ay itinuturing na superstar sa bawat laban at sila rin ang higit na mas malakas at mas makapangyarihan kung ikukumpara sa mga minis. Subalit, hindi mo dapat minamaliit ang mga mini dahil sa pag-usad ng laro ay nadaragdagan din ang kanilang abilidad at mas nagiging kapakipakinabang sila sa’yo lalo na sa pag-alalay sa iyong hero. Maaari mo ring ilagay kahit saang bahagi ng board ang iyong mga hero at Minis na gagamitin. Ngunit tandaang ang estratehiya para manalo sa laro ay nag-uumpisa sa tamang posisyon ng iyong heros at Minis sa loob ng board kaya lubhang mahalagang alam mo kung saan sila dapat ilagay.

Bukod sa mga nabanggit, mayroong ka ring walong heroes na maaaring magamit sa laro. Sila ay sina Archer Queen, Barbarian King, Skeleton King, Royal Champion, Wave Master, Shield Maiden, at Countes. Ngunit, isang hero lamang ang maaari mong magamit sa bawat laban. Sa kabilang banda, ang tungkulin naman ng iyong mga mini ay ang magbigay ng back up support sa iyong hero sa pamamagitan ng pag-atake rin sa mga kalaban. Bawat mini ay may kanya-kanyang natatanging abilidad na mas lalo pang nadaragdagan kapag ina-upgrade mo sila. Ilan sa mga pwede mong pagpiliang mini ay Knight, Barbarian, Swordsman, Skeleton Guard, Ice Wizard, at Miner.

Malalakas na heroes at maabilidad na minis ang dapat mong maging puhunan sa larong ito upang matiyak ang iyong mga panalo sa laban. Higit sa lahat, talino ang dapat pairalin upang kahit ang pinakamalalakas na players ay makakaya mong patumbahin at durugin .

Tips at Tricks para sa mga Baguhan

Para sa matagumpay na paglalaro, narito ang mga tip at tricks na dapat isaalang-alang ng isang manlalaro:

Ang larong Clash Mini ay mayroong mahigit sa isang game mode. Sa Rumble game mode, higit na masusubok ang iyong galing at diskarte sa laban upang magawang matalo ang ibang players. Sa mode na ito mo dapat ipakita ang iyong magandang taktika at maayos na estratehiya upang magawang matalo ang mga kalaban. Samantala, ang Raid Boss ay isa namang clan game mode kung saan pwedeng isa o hanggang sampu ang sasaling manlalaro sa bawat raid na tatagal ng hanggang dalawang araw kahit pa matalo ang boss ng mga kalaban. Kapag nagawang matalo ang Boss nang mas bababa sa 48 na oras, patuloy pa ring aandar ang orasan hanggang sa tuluyang maubos ang natitirang oras.

Ang Duel ay isa namang 1×1 game mode kung saan limang beses mong makakaharap sa laban ang iyong katunggali. Kung sinong hero ang mayroong tatlo o higit pang naipanalong rounds ang siyang tatanghaling panalo. Sa game mode na ito, tunay na masusubok ang iyong katatagan sa paglalaro kaya bago ka sumabak sa mode na ito, siguraduhin mo munang sapat ang kapangyarihang taglay ng iyong hero na gagamitin at maging ng iyong mga mini.

Huwag na huwag ring kalilimutang kumpletuhin ang mga quest hanggang sa abot ng iyong makakaya sapagkat ito ang pinakamadali at pinakamabisang paraan upang umusad ka sa laro. Gayundin, dapat maging matalino ka sa pagpili ng iyong starting hero, mas makabubuting piliin mo ang may pinakamataas na stats na kayang i-penerate ang atake ng mga kalaban hanggang sa dulo kahit pa walang tulong na matatanggap mula sa mga mini.

Dapat mo ring maging prayoridad ang pag-upgrade sa iyong minis dahil napakalaki ng papel na ginagampanan nila sa laro lalo na sa pag-upgrade ng iyong top heroes. Kapag naabot mo na ang matataas na game levesl, makikilala mo nang mas higit ang bawat isa sa kanila lalo na ang kanilang mga katangiang tinataglay.

Sa kabilang banda, kung napapaisip ka naman kung ano ang susi upang manalo sa mga laban, walang iba kung hindi ang magkaroon ng Lower-Elixir Minis at isang super powerful na hero, sapagkat ang mga mahihinang mini ay mas madaling i-upgrade sa tuwing sumasabak ka sa isang laban. Ngunit, hindi ito nangangahulugang hindi mo dapat piliin ang mas mahal na mga mini dahil malaki rin ang kanilang maitutulong sa iyong hero lalo na kung malalakas ang mga nakakaharap na kalaban.

Saan maaaring i-download ang laro?

Gamit ang search bar, hanapin lamang ang larong ito sa Google Play Store para sa mga Android user, sa App Store para sa mga iOS user, at i-download ang LDPlayer Android emulator sa PC para malaro ito. Maaaring gamitin ang mga link sa ibaba:

Download Clash Mini on Android https://play.google.com/store/apps/details?id=com.supercell.clashmini

Download Clash Mini on iOS https://apps.apple.com/fi/app/clash-mini/id1544240546

Download Clash Mini on PC https://www.ldplayer.net/games/clash-mini-on-pc.html

Features ng Laro

  • Players’ Profile – Makikita sa kaliwang bahagi ng iyong screen ang iyong Profile. Dito mo makikita ang lahat ng iyong mga naitalang panalo sa dalawang game modes. Gayundin, matatagpuan mo rito ang iyong identification card upang makapag-imbita ng mga kaibigan.
  • Crystal Coins – Napakahalaga ng in-game currency na ito lalo na sa pagbili mo ng skins sa laro.
  • Mini News – Kung nais mo namang laging maging updated sa laro, maari mo itong buksan upang alamin kung may bagong updates ba ang laro.
  • Quests – Isa sa maituturing na pinakamahahalagang features ng laro dahil dito ka maaaring makakuha ng karagdagang heroes at minis sa pamamagitan lamang ng pagkumpleto ng mga quest sa laro.
  • Trophy Road – Isa sa mga mabibisang paraan upang makatanggap ng mga reward ang isang manlalaro sa pamamagitan ng paglalaro ng Ranked game.
  • Rumble – Ito ay isang mini tournament na kinabibilangan ng walong manlalaro at kung saan lalabanan nila ang isa’t isa hanggang sa may isang mananalo sa dulo ng laban.

Pros at Cons ng Laro

Walang duda na pagdating sa deck battle game, lubos na naniniwala ang Laro Reviews na ang Supercell lang ang may kakayahang hulihin ang kiliti ng mga manlalaro. Tunay na walang kapantay ang mga larong kanilang nililikha kaya hindi na nakapagtatakang lahat ng kanilang laro ay pumapatok sa kahit anong digital marketplace. Hindi rin lamang de-kalidad na gameplay ang dahilan kung bakit sa paglipas ng panahon ay patuloy ring lumolobo ang bilang ng kanilang downloads dahil pagdating sa usaping graphics, hindi rin mapapantayan ang kanilang inihahandog sa mga manlalaro. Maliban pa rito, hindi rin kayo titipirin ng Clash Mini sa dami ng in-game features nito at sa mga astig na game modes na siyang nagbubukas ng pinto upang higit mong mahasa ang iyong galing pagdating sa deck battle at pakikipaglaban sa iba pang players. Napakaraming paraan din upang makatanggap ka ng mga reward nang walang kahirap-hirap kaya hindi mo na kailangan pang gumastos ng pera para lamang magawa mong makabili ng upgrades. Gayundin, hindi problema ang ads sa larong ito.

Sa kabilang banda, para sa Laro Reviews, ang tanging mairereklamo lang ng mga manlalaro sa Clash Mini ay ang matchmaking dahil may ilang pagkakataong makakaharap mo ang mga pinakamalalakas na kalaban gayong nagsisimula ka pa lamang sa laro. Bukod pa rito, paminsan-minsan ding nagkakaroon ng lag sa laro lalo na pagdating sa duel game mode.

Konklusyon

Aksyon, pakikipagsapalaran, card game, RPG-like game, o kahit ano pa man ang hinahanap mong katangian sa isang laro, halos lahat ay tinataglay na ng Clash Mini. Kaya kung ang hanap mong laro ay isang level-up at mas lalong hindi nakakabagot, panahon na siguro upang maglaan ka ng storage sa iyong device para sa larong Clash Mini dahil lubos na naniniwala ang Laro Reviews na hinding-hindi ka bibiguin ng larong ito.

Leave a Comment

Categories
Login
Loading...
Sign Up
Loading...