Criminal Case: Mysteries of the Past Review

Kilala ang Detective Conan bilang isa sa pinakasikat na anime. Itinuturing itong classic at napatunayan ito dahil maging ang mga hindi fan ng anime ay narinig na ito. Sino nga ba naman ang hindi makakakila kay Shinichi Kudo, ang pangunahing bida sa naturang palabas, at ang pakikipagsapalaran niya tungo sa pagtuklas kung sino ang nagdulot ng pagbalik niyang muli sa pagiging bata. Sa kanyang paglalakbay, tinutulungan niya ang mga kinauukulan upang malutas ang serye ng mga krimeng nagaganap. Ang proseso kung paano tinutuklas ni Shinichi Kudo kung sino nang tunay na suspek sa kada episode ang pumupukaw sa interes ng mga manonood. 

Hindi nalalayo rito ang larong sunod na ipapakilala ng Laro Reviews. Naglalaman ito ng mga krimeng kailangan malutas para matukoy ang tunay na suspek sa mga serye ng krimen. Ito ang Criminal Case: Mysteries of the Past na nilikha ng Pretty Simple na nagtatampok ng hidden object gameplay at iba pang modes na maaari mong laruin. Talasan ang iyong mata sa paghahanap at gamitin ang lawak ng isip para hulihin ang kriminal!

Features ng Criminal Case: Mysteries of the Past

Hidden Object Gameplay – Ito ang pangunahing tampok ng Criminal Case: Mysteries of the Past. Upang malutas ang iba’t ibang serye ng krimeng nagaganap, kailangan mong hanapin ang mga bagay na nakasaad sa listahan. Magagawa ito sa pamamagitan ng pag-click gamit ang iyong daliri mula sa mga kagamitang nakalatag. 

Arrest the Suspect – Matapos mahanap ang mga clue na kinakailangan, iproseso ang mga ito ayon sa instruksyon ng laro. Habang binabagtas ang istorya ng bawat krimen, unti-unti mong matutuklasan ang katangian ng kriminal. Mula rito, i-cross reference ito base sa aktwal na katangian ng mga hinihinalang suspek. 

Real Life Investigator – Subukan ang pakiramdam ng isang totoong imbestigador! Puntahan ang crime scene, suriin ang mga clue, tanungin ang mga testigo, at bigyan ng hustisya ang mga biktima!

Saan Pwedeng I-download ang Criminal Case: Mysteries of the Past?

Basahing maigi ang bawat hakbang mula sa Laro Reviews kung nais masimulan ang hidden object game na ito. Hindi pa ito available sa PC kaya gamit ang iyong mobile device, pumunta sa App Store para sa mga iOS user at Google Play Store naman para sa mga Android user. Ilagay sa search bar ang Criminal Case: Mysteries of the Past. I-click ang icon ng laro matapos itong mahanap. Hindi na kailangang magbayad ng anumang halaga bago makapagsimula. Hintayin lang ang ilang minuto para ma-download ang app at maaari nang masimulan ang paglalaro! 

Narito ang mga link kung saan pwedeng i-download ang laro: 

Download Criminal Case: Mysteries of the Past on Android https://play.google.com/store/apps/details?id=com.prettysimple.mysteriesofthepastandroid

Download Criminal Case: Mysteries of the Past on iOS https://apps.apple.com/us/app/criminal-case-mysteries/id1223379536

Tips at Tricks sa Paglalaro

Handa ka na bang tukuyin at hulihin ang mga suspek sa mga sunud-sunod na pagpatay? Basahin ang tips na inihanda ng Laro Reviews para sa iyo! 

Ugaliin ang pagbabasa. 

Tipikal sa mga Criminal Case na laro ang iba’t ibang kwento nito. Mula sa salaysay at pag-uusap sa pagitan ng iyong karakter at ng iba pang mga detective at pulis, ilalahad dito ang mga clue para matukoy kung sino nga ba ang kriminal. Makikitang naka-highlight ang mga mahahalagang impormasyon kaya mahalagang tandaan mo ito. 

Obserbahan ang mga kagamitan sa crime scene

Kapag pumasok ka na sa senaryo kung saan magaganap ang iyong paghahanap, obserbahan mo muna ang mga kagamitang nakakalat. Kung kinakailangan ay i-zoom mo ang mga iyong screen gamit ang iyong daliri para mas lalong makita ang mga maliliit na detalye. Huwag magpalinlang sa mga gamit na nagbi-blend sa kulay ng kanilang kapaligiran dahil maaaring ito ang iyong hinahanap. 

Alamin ang mga kailangang hanapin

Matapos obserbahan ang iyong paligid, ang susunod na dapat gawin ay alamin ang mga gamit na makikita sa listahan. Kung hindi ka sigurado sa isa o higit pang salita, ihuli ang mga ito sa paghahanap at unahin ang mga bagay na pamilyar ka na. 

Huwag munang i-click agad ang mga gamit

Kapag nahanap mo na ang mga bagay na dapat mong pindutin, huwag itong agad-agad na pindutin. Ang isa sa layunin mo ay makakuha ng mataas na puntos kada level. Para magawa ito, mahalagang mataas ang combo na malilikom. Magagawa ito kung sunud-sunod ang iyong pagpindot sa mga bagay. 

Iprayoridad ang oras na nakalaan sa paghahanap

Gawing epektibo ang paghahanap at laging isaalang-alang ang oras habang ito’y ginagawa. Bukod sa combo na iyong nagawa, may ambag din sa kabuuang score kung gaano mo kabilis na natapos ang level. 

Enjoy-in ang paglalaro!

Sa kabila ng kabi-kabilang diskarte, marahil ang pinakamahalagang tip na maibibigay namin ay i-enjoy ang bawat kaganapan sa laro. Dahil ito naman talaga ang mga mobile game – ang magdulot ng kasiyahan sa mga manlalaro.

Pros at Cons ng Criminal Case: Mysteries of the Past

Tipikal sa mga Criminal Case na laro kagaya ng Criminal Case: Mysteries of the Past ang isang nakakaengganyo at kapanapanabik na karanasan sa paglalaro. Mahahasa nito ang talas ng mata at bilis ng pag-iisip para epektibong mahanap ang mga bagay sa pinakamabilis na paraan. Hindi lamang ito, nagtatampok din ang laro ng iba’t ibang gameplay gaya ng Spin the Wheel, pagsasagawa ng autopsy, at pagtatagpi-tagpi ng mga clue. Mainam ito para sa mga matatanda, partikular na ang mga senior citizen. Binabalanse nito ang isipan ng mga manlalaro gamit ang matalinong pag-iisip upang mahinuha kung sino nga ba ang kriminal mula sa mga clue na nahanap. 

Bagama’t masaya itong laruin, hindi mo magawang palampasin ang mga nakakasagabal na bilang ng ads sa sobrang dami nito. Naiintindihan ng Laro Reviews ang kahalagahan ng video ads para kumita ang laro, subalit kung may kahirapan sa pagsasara ng mga pop-up ads, makakaapekto ito sa kabuuang karanasan sa paglalaro. Dagdag pa rito, masyado ring matagal ang oras na kailangan gugulin sa paghihintay ng resulta galing sa lab. Wala ring save option ang laro kaya posibleng mawala na parang bula ang pinagpaguran sa paglalaro. 

Konklusyon

Nakatanggap ang Criminal Case: Mysteries of the Past ng 4.5 average star rating mula sa Google Play Store samantalang mas mataas naman nang bahagya ang nakuhang average star rating nito sa App Store na umabot ng 4.7. Base sa mga impormasyon, masasabing naging patok ito sa mga manlalaro. Sino ba naman ang hindi masisiyahan sa larong ito kung ang hatid nito ay isang makatotohanang karanasan bilang isang detective? Magiging bahagi ka ng pagbibigay-linaw sa mga serye ng pagpatay mula sa mga clue na iyong nakita. Nakakdismaya lang na ad-heavy ang laro at wala ring Save Option. Kung turn off para sa iyo ang mga nabanggit, maghanap na lamang ng ibang larong may kaparehong tema. Gayunpaman, para sa Laro Reviews, mas nangingibabaw pa rin ang mga positibo nitong aspeto. Ano pa ba ang iyong hinihintay? I-download na ang Criminal Case: Mysteries of the Past!

Leave a Comment

Categories
Latest Posts
Login
Loading...
Sign Up
Loading...