Merge Witches-Match Puzzles Review

Mahilig ka ba sa merge games na may kasamang cute na witches? Idagdag na sa iyong koleksyon ang Merge Witches-Match Puzzles! Ito ay nilikha ng XJoy Games na nagtatampok ng isang simple ngunit nakakaadik na gameplay. Umiikot ang istorya ng laro matapos madiskubre at salakayin ng mga masasamang halimaw ang Sky City kung saan ka naninirahan. Sinira ng pwersang ito ang kapaligiran at ninakaw ang dangal ng mga nilalang na itinuturing itong tahanan. Simula noon, may lumaganap na maitim na usok at patuloy na bumabalot sa Sky City. Bilang manlalaro, nasa iyo ang susi para sa kaligtasan upang muling mabawi ang minsa’y tahimik at mapayapang kapaligiran. Tungkulin mong mangolekta at pamahalaan ang mga nilalang na makakatulong upang maabot ang iyong hangarin. Bukod sa mga cute na witches na kabilang sa iyong hanay, nariyan din ang Mobile Flowers, Mobile Trees, Mobile Grass, Mobile Shrubs, at marami pang iba na magbibigay sa iyo ng dagdag-lakas para mapagtagumpayang matalo ang pwersa ng kadiliman. 

Gabay para sa mga Baguhang Manlalaro ng Merge Witches-Match Puzzles

Bagama’t simple lang ang mechanics ng Merge Witches-Match Puzzles, maaaring malito pa rin ang mga baguhang manlalaro. Kaya narito ang Laro Reviews upang magsilbing gabay at magbigay ng maikli subalit malamang patnubay. 

Base sa pamagat ng laro, ito ay isang merging game. Nangangahulugan lamang na umiikot ang gameplay ng laro sa pagmi-merge ng mga bagay na magkakahalintulad. Maaaring ito ay halaman, mushroom, feather pile, at iba pa. Tatlo ang pinakamababang numero na kailangan mo para mapagsama-sama ang mga ito. Nag-eevolve ang mga ito sa mas advanced na anyo kaya gawin ito hanggang sa maabot ang pinakapinal na kaanyuan. Kunin ang mga Moon Orb dahil may kakayahan itong pagalingin ang grey tiles. Oras na ito ay iyong gawin at napuno mo na ang kinakailangang dami ng Moon Orb, maa-unlock mo ang bagay na nasa grey tile at maaari mo na itong mapakinabangan. Huwag ding kakaligtaang ibigay ang kailangan ng mga hayop na makikita sa iyong teritoryo. Halimbawa na lamang nito ay si Miss Cat na nangangailangan ng Mushrooms. Makatatanggap ka ng dagdag na Wizardom Grade at egg piece kapag natugunan mo ang kanyang ninanais. 

Patuloy na lalawak ang iyong teritoryo habang tumataas din ang iyong level. Siguraduhing kunin ang rewards na matatanggap sa tuwing may na-eevolve na bagay. Mayroon ding pabuyang ibinibigay para sa daily login kaya tiyaking kolektahin ito dahil makatutulong ito sa iyong pag-usad. Dahil nabigyan ka na ng pahapyaw na kaalaman sa takbo ng laro, handa ka na bang itaboy ang kadilimang bumabalot sa iyong lugar? 

Saan Pwedeng I-download ang Merge Witches-Match Puzzles?

Dito ituturo ng Laro Reviews kung saan at paano i-download ang Merge Witches-Match Puzzles. Kasalukuyang available lamang ang laro sa Android at iOS devices. Kaya hindi pa ito posibleng mai-download sa PC. Gamit ang iyong mobile phone, pumunta sa Google Play Store para sa Android users at sa App Store naman sa iOS users. Ilagay sa search bar ang pamagat ng laro. Kapag nahanap na ito, pindutin ang Install o Get button at hintaying matapos ang pag-download. Hindi na kailangang magbayad para i-download ang laro dahil free-to-play (F2P) ito. Buksan ang app at kumpletuhin ang lahat ng kailangan sa sign-in details. Matapos ang lahat ng ito, pwede mo nang simulan ang paglalaro!

Narito ang links kung saan pwedeng i-download ang laro:

Download Merge Witches-Match Puzzles on Android https://play.google.com/store/apps/details?id=com.wjoy.witch

Download Merge Witches-Match Puzzles on iOS https://apps.apple.com/us/app/merge-witches-fun-puzzle-game/id1573744436

Tips at Tricks sa Paglalaro 

Narito ang ilang tips at tricks na inihanda ng Laro Reviews para mas mapadali ang kalakaran ng iyong paglalaro! 

Pagsama-samahin ang mga magkakatulad na bagay

Mula sa pamagat ng laro, umiikot ito sa pamamagitan ng pagtutugma ng mga magkakaparehong bagay. Obserbahan ang mga available na kagamitan at nilalang sa iyong teritoryo. I-adjust ang screen sa anggulong kita mo ang lahat ng mga na-unlock na espasyo. Matapos itong gawin, gamit ang iyong daliri ay i-swipe lang ang mga magkakatulad na bagay. Makikitang mag-eevolve ito sa panibagong bagay o nilalang. Kailangan mo itong muling i-merge sa kahalintulad nitong itsura para umusad sa paglalaro. 

I-customize ang iyong teritoryo 

Upang mas mapadali na mapagsama-sama ang mga magkakatulad na bagay, ayusin ito kung saan magkakasama ang mga ito sa iisang lokasyon. Kailangan mo lamang i-drag ang mga ito gamit ang iyong daliri. Halimbawa, ang halamang nagbibigay ng mushroom ay ilagay sa isang tabi samantalang ang iyong egg piece ay nasa kabilang dulo nito. Sa pamamagitan nito, mas madali ring magkaroon ng access at magiging mas maayostingnan. 

Samantalahin ang Merging Bonus

Dahil tipikal na tatlo ang pinakamababang kailangang numero para i-merge ang mga bagay, makakatanggap ng dagdag na puntos kung mas marami pa rito ang iyong mapagsasama-sama. 

Iprayoridad ang mga nilalang na magiging katuwang sa pamamahala ng iyong teritoryo

Ito ay ang mga witch na makikitang palibot-libot sa iyong teritoryo. Ang ilan sa kanilang pangunahing responsibilidad ay tulungan kang kolektahin ang resources na iyong kakailanganin para patuloy na mag-level up. Pindutin lamang ang resources na tapos nang maproseso. I-double click ang mga lugar na kanilang pupuntahan para sila ay magabayan. 

Huwag hayaang matulog ang iyong wizard

Hindi maiiwasan ang pagkapagod lalo na kung tuluy-tuloy ang pagtatrabaho. Ganoon din ang pakiramdam ng mga wizard na walang habas na pag-monitor at pangangalakal ng resources galing sa iyong teritoryo. Kaya kung gusto mong mapabilis ang pag-usad ng iyong paglalaro, tulungan silang manumbalik ang kanilang Action Points. Minsan ay libre ito ngunit madalas ay kakailanganin ng coins para muli silang magising. 

Pros at Cons ng Merge Witches-Match Puzzles

Masasabing nakakaadik laruin ang Merge Witches-Match Puzzles dahil sa pulido at kapanapanabik nitong gameplay. Tiyak na hindi mo mamamalayan ang paglipas ng sandaliat aabutin ka ng ilang oras sa paglalaro. Nagtatampok din ito ng mga cute na disenyo ng witch, halaman, hayop, at iba pang mga nilalang na tiyak na patok sa mga bata o sa mga mahihilig sa ganitong aesthetics. Pagdating sa usapin ng graphics hindi magpapatalo ang larong ito dahil sa makulay at pulido nitong pagkakagawa. Sinamahan pa ng nakakakalma ngunit may bahid ng misteryong background music na talaga namang nagbibigay ng dagdag-karanasan sa kabuuang atmospera na nais ihatid ng laro. 

Subalit sa kabila ng mga positibong aspeto na nabanggit sa Merge Witches-Match Puzzles, mayroon pa rin itong kailangan pag-ibayuhin. Tulad na lamang kung gaano kadali mapagtagumpayan ang bawat level. Hindi nangangahulugang negatibo ito ngunit mas mainam kung may balanse sa pagitan ng pagiging madali at pagsubok na mayroon ito, partikular na sa mga matataas na level. 

Marami ring mga matagal nang manlalaro ng Merge Witches-Match Puzzles ang umaapela patungkol sa isinagawang update kamakailan ng game developers. Nadismaya ang karamihan sa panibagong format sa mga espesyal na level dahil ito ay ubos-oras at matrabaho. Hindi sapat ang pabuyang matatanggap sa pagsisikap na isinagawa. Dagdag pa rito, hindi rin makatarungan ang presyo ng mga espesyal na item. 

Konklusyon

Sa pangkalahatan, nakakaadik laruin ang Merge Witches-Match Puzzles dahil sa nakakaengganyo nitong gameplay. Mainam itong laruin ng mga baguhang manlalaro at sa mga hindi pa pamilyar sa ganitong uri ng laro. Cute din ang kabuuang disenyo ng laro na talaga namang kahihiligan mo. Subalit para sa mga matagal ng manlalaro, hindi nila maiwasang mapuna ang pagkakaiba sa pagitan ng mga nakaraang version ng laro kumpara sa kasalukuyan. Marami ang nagsasabi na dahil sa naganap na panibagong update, mas naging takaw-oras ang paglalaro ngunit ang kapalit nito ay mas mababang pabuya. Madalas namang tumugon ang game developers sa mga komento at suhestiyon ng manlalaro. Sana ay muli nilang pakinggan ang mga kasalukuyang hinaing. Oras na ito ay kanilang gawin, tiyak na mas lalo pa nilang maaabot ang rurok na potensyal ng laro. 

Leave a Comment

Categories
Latest Posts
Login
Loading...
Sign Up
Loading...