Darkness and Flame 1 Review

Ang Darkness and Flame 1 ay isang adventure quest at puzzle game na nilikha ng FIVE-BN GAMES. Dito, matutuklasan mo ang malaking pagbabago sa buhay ng iyong karakter na si Alice matapos ang partikular na pangyayaring nag-iwan ng marka sa kanyang braso. Magmula rito, habambuhay na siyang nasa pagitan ng labanan ng Darkness at Flame. Pagkatapos mong masaksihan ang masalimuot na nangyari sa iyong tatay, kailangan mong magpatuloy sa paglalakbay upang iligtas ang sarili. Alamin pa ang ibang detalye tungkol sa laro sa pamamagitan ng article ng ito mula sa Laro Reviews.

Features ng Darkness and Flame 1

15 Videos – Magiging available lamang ang videos matapos mong panoorin ang main story. May 15 videos na maaari mong mapanood sa laro. Ang mga ito ang magiging daan mo para matuklasan ang misteryong bumabalot sa kwentong ito. Kailangan mong magpatuloy sa paglalaro upang ma-unlock ang lahat ng ito.

Mini-games – Mayroong 24 mini-games ang maaari mong laruin habang patuloy na hinahanap ang clues at items na kailangan mo sa main game. Binubuo ito ng puzzles, patterns, pagtakas mula sa soldiers, at marami pang iba. Nagbibigay-daan ang mga ito para magkaroon ng karagdagang pampasigla sa iyong paglalaro.

Puzzles – Binubuo ito ng 7 Puzzles kung saan kailangan mo munang makolekta ang hinihingi nitong items para ma-unlock ang bawat isa.

Bonus Game – Bukod sa game modes nito, mayroon pa itong bonus game na pwede mong laruin. Ngunit bago mo ito ma-unlock, kailangan mo munang kolektahin ang lahat ng collection capsules sa Main Game. Makikita mo sa Collections tab kung ilan na ang nakolekta mo.

Gameplay ng Darkness and Flame 1 

Kapag sinimulan mo ang laro, makikita mo ang dalawang opsyon na pwede mong pagpilian, and Main Game o Bonus Chapter. Ngunit bago mo malaro ang Bonus Chapter, kailangan mo munang makumpleto ang Main Game. Kapag sinimulan ang Main Game, mapapanood mo ang maikling animation kung saan magkakaroon ka ng ideya sa storyline ng laro. Pagkatapos nito, bibigyan ka ng pagkakataong magdesisyon kung gusto mong maglaro muna ng interactive tutorial upang matutunan ang gameplay.

Sa pamamagitan ng pag-click sa partikular na parte ng background, pwede mo itong i-zoom in para makita nang mas malinaw ang nilalaman nito. Lalabas ang close-up window kung saan dito mo makikita ng mas malaki ang lugar. Kapag nais mong tanggalin ang pagka-zoom in, i-click lang ang labas nito. Gayundin, pwede mong i-zoom in ang lugar habang inoobserbahan ang bawat sulok nito sa pamamagitan ng pag-pinch ng screen. Pagkatapos ay i-drag lamang ang screen para galawin ang lokasyon habang nananatiling naka-zoom in ito.

Saan Pwedeng I-download ang Darkness and Flame 1?

Sa bahaging ito ng article ituturo kung saan at paano i-download ang Darkness and Flame 1. Available sa kasalukuyan ang laro sa Android, iOS, at PC devices. Gamit ang iyong mobile phone, pumunta sa Google Play Store para sa Android users at sa App Store para naman sa iOS users. Ilagay sa search bar ang pamagat ng laro. Kapag nahanap na ito, pindutin ang Install o Get button at hintaying matapos ang pag-download. Hindi na kailangang magbayad para i-download ang laro dahil free-to-play (F2P) ito. Buksan ang app at kumpletuhin ang lahat ng kailangan sa sign-in details. Pagkatapos ang lahat ng ito, pwede mo nang simulan ang paglalaro!

Narito ang links kung saan pwedeng i-download ang laro:

Download Darkness and Flame 1 on Android https://play.google.com/store/apps/details?id=com.fivebn.daf1.f2p

Download Darkness and Flame 1 on iOS https://apps.apple.com/us/app/darkness-and-flame-1/id1576654367

Download Darkness and Flame 1 on PC https://www.gameloop.com/game/adventure/com.fivebn.daf1.f2p

Tips at Tricks sa Paglalaro

Tandaan na ang ibang items na matatagpuan sa laro ay pwede mong magamit at maging kapaki-pakinabang sa iyo. Kaya huwag kalilimutang i-click ang items na sa tingin mo ay magagamit mo sa susunod. Mapupunta ang lahat ng items na kinolekta mo sa inventory na matatagpuan sa panel na nasa ibabang bahagi ng screen. Halimbawa, may nakita kang walis sa gilid at kapag pinindot mo ito, mapupunta ang walis sa inventory. Pagkatapos mong i-zoom in ang ilog para imbestigahan ito, kung saan mapapansin mong maraming malalaking branches ang nakakalat, dito mo magagamit ang walis na nilagay mo sa inventory. I-click ang walis para makuha ito mula sa panel at saka i-click ang malalaking branches na nais mong alisin. Sa pamamagitan nito, makikita mo nang mas maayos ang bahaging ito at ang nasa ilalim nito dahil natanggal na ang nakaharang na branches.

Kapag hindi ka na makausad at wala ka na talagang magagawang ibang paraan, pwede kang gumamit ng hint. Matatagpuan ito sa kaliwang sulok sa ibaba ng screen. Para gamitin ang in-game hints, kailangan mong gumastos ng coins para rito. 

Matatandaan mong binanggit ko sa itaas ang collection items na kailangan mong makuha. Matatagpuan ang mga ito sa ilang mga lokasyon sa main game. Kaya importanteng tingnan nang maigi ang bawat bagay na nasa background dahil baka makaligtaan mo ito. Ang kailangan mo lang gawin para kolektahin ang items ay i-click ito. Huwag magdadalawang-isip na i-zoom in ang lokasyon para masigurong makikita mo nang mas maayos kahit ang maliliit na bagay.

Mainam ding pindutin ang bawat bahagi ng lugar lalo na kapag sa tingin mo ay magagamit mo ito o posibleng isa ito sa collection items. Dagdag pa rito, kapag may plus sign ang item na nakuha mo, pindutin itong muli dahil ang ibig sabihin nito ay pwede kang makipag-interact sa gamit na iyon para makuha ang ibang bahagi nito na magagamit mo sa susunod.

Bilang isang adventure game, mahalagang i-explore mo ang bawat lokasyon na iyong mapupuntahan. Sapagkat maraming items at clues ang matatagpuan sa mga ito na maaari mong gamitin para magawa ang tasks. Bukod pa rito, kapag may matatagpuan kang puzzle na kailangan mong buuin, siguraduhing i-click ang question mark sign sa ibabang bahagi ng screen para malaman kung ano ang dapat mong gawin sapagkat nakalagay rito ang panuto sa puzzle.

Pros at Cons ng Darkness and Flame 1 

Mayroon itong magandang plot kaya walang duda kung bakit maraming manlalaro ang nahu-hook dito. Kitang-kita mo kung gaano kalaking effort at preparasyon ang ginawa sa laro. Kabilang na rito ang graphics nito dahil kahit i-zoom in mo ang lokasyon, makikita pa rin ang pagiging detalyado ng pagkakagawa nito kung saan kahit ang paggalaw ng mga langgam ay mapapansin dito. Ang maganda pa nito ay may kontrol ang manlalaro kung gaano kabilis niyang madidiskubre at makukumpleto ang bawat task. Nasa kanya rin ang desisyon kung ano ang pagkakasunud-sunod ng mga ito. Nakakatuwa rin dahil magkakaugnay ang clues na makukuha mo sa magkakaibang lokasyon kaya pwede mong balikan ang lugar na pinanggalingan mo.

Limitado lamang ang hints na pwede mong gamitin sa laro. Kapag naubos na ang iyong coins na ginagamit para rito, kailangan mong gumastos ng totoong pera upang bumili ng karagdagang coins. Gayunpaman, posible pa ring matapos mo ang level ng hindi gumagamit ng hint ngunit mas matagal na panahon ang gugugulin mo para rito. Pero may posibilidad ding mainip ka sa kakapindot ng screen lalo na kung hindi mo mahanap ang item na kailangan mo.

Konklusyon

Sa kabuuan, magandang irekomenda ang Darkness and Flame 1 sa mga manlalarong mahilig sa adventure at puzzle games. Kailangan ng matinding pag-iisip dito para maging matagumpay sa pagbuo ng puzzles at paggawa ng tasks. Nakakapukaw rin ng atensyon at interes ang storyline nito kaya lalong maeengganyo ang mga manlalaro na ipagpatuloy ang kanilang paglalaro. Kung susubukan mong laruin ito, huwag magdalawang-isip na gamitin ang article na ito mula sa Laro Reviews bilang gabay sa iyong paglalaro.

Leave a Comment

Categories
Latest Posts
Login
Loading...
Sign Up
Loading...