Day R Survival: Last Survivor Review

Ano ang iyong gagawin kung pagkagising mo sa gitna ng kawalan ay makita mong nawawasak ang mundo dahil sa nuclear war? Pilit mong binabalik kung ano bang nangyari ngunit nawala ang iyong alaala. Sa dinami-daming taong namatay, isa ka sa mga pinalad na nakaligtas. Makokonsidera mo pa bang mapalad ka sa kabila ng lahat ng nangyayari sa daigdig o mas gugustuhin mo na lang tuluyang mabura sa mundo?

Ang Day R Survival: Last Survivor ay isang survival, apocalypse, lone survivor, at role-playing game (RPG) na nilikha ng tltGames. Dito ay kailangan mong maghalungkat ng makakain, maiinom, at magagamit na ibang resources upang manatiling buhay sa iyong paglalakbay. Umiikot ang istorya ng laro noong 1985, simula nang winasak ng hindi kilalang kalaban ang USSR. Dahil dito, naging radioactive wasteland ang buong bansa kaya lumaganap ang kahirapan, sakit, at karahasan. Isa ka sa ilang nakaligtas dahil napakaraming namatay sa sakunang ito. Kaya ang una mong gustong malaman ay ang kanilang lokasyon kung buhay pa rin sila.

Features ng Day R Survival: Last Survivor 

Four Game Modes – Mamili kung alin sa apat na game modes ang iyong lalaruin: Easy, Normal, Hard, at Online. Hindi madaling mamatay sa Easy mode kaya maganda itong gamitin para matutunan ang kalakaran ng laro. Samantalang ang Normal mode naman ay akma sa mga may experience nang mga manlalaro sapagkat isang pagkakamali lamang ay magreresulta sa iyong pagkamatay. Sumunod naman ang Hard mode kung saan para ito sa mga eksperto sa paglalaro dahil tunay na challenging ito. Pagdating naman sa Online mode, mayroon itong normal na difficulty. Kailangan ng manlalarong makipagtulungan sa ibang manlalaro para sama-samang makaligtas sa mode na ito. Naglalaman din ito ng chat room kung saan maaaring makipagpalitan ng items ang mga manlalaro.

Vast Map – Puntahan ang iba’t ibang lugar ng USSR. Naglalaman ito ng mahigit 2500 mga bayan at siyudad. 

Realistic Scenarios – Mararanasan ng manlalaro ang mga makatotohanang gawain dito. Katulad sa tunay na buhay, kailangan din ng karakter ang mataas na health, food, at water. Gayundin, layunin ding makakuha ng maraming experience. Bukod pa rito, kakailanganin din ang pangangaso ng hayop ngunit nakapaloob dito ang lubusang pag-iingat dahil maaaring ma-injure ang karakter sa mga ito, tulad ng daga. 

Saan Pwedeng I-download ang Day R Survival: Last Survivor

Sa seksyong ito ng artikulo ituturo ng Laro Reviews kung saan at paano i-download ang Day R Survival: Last Survivor. Kasalukuyang available lamang ang laro sa Android at iOS devices kaya hindi pa ito posibleng mai-download sa PC. Gamit ang iyong mobile phone, pumunta sa Google Play Store para sa Android users at sa App Store naman sa iOS users. Ilagay sa search bar ang pamagat ng laro. Kapag nahanap na ito, pindutin ang Install o Get button at hintaying matapos ang pag-download. Hindi na kailangang magbayad para i-download ang laro dahil free-to-play (F2P) ito. Buksan ang app at kumpletuhin ang lahat ng kailangan sa sign-in details. Pagkatapos ang lahat ng ito, pwede mo nang simulan ang paglalaro!

Narito ang links kung saan pwedeng i-download ang laro:

Download Day R Survival: Last Survivor on Android https://play.google.com/store/apps/details?id=com.gm_shaber.dayr

Download Day R Survival: Last Survivor on iOS https://apps.apple.com/au/app/day-r-survival-last-survivor/id1060470475

Download Day R Survival: Last Survivor on PC https://www.gameloop.com/game/role-playing/day-r-survival-lone-survivor-on-pc

Tips at Tricks sa Paglalaro

Kapag nagsimula ka sa paglalaro ng Day R Survival: Last Survivor, kailangan mong pumili ng isa sa apat na game modes: Easy, Normal, Hard, at Online. Ang una kong maipapayo sa’yo ay pag-isipang mabuti kung alin ang pipiliin sa apat na ito dahil ang bawat isa rito ay may natatanging target na manlalaro. Kapag baguhan ka pa lang, mainam na laruin muna ang Easy mode dahil mas maiintindihan mo ang laro sa pamamagitan nito. Kung pipiliin mo naman ang Online mode, kung saan pwede kang makapag-interact sa ibang manlalaro, tandaan lamang na wala itong save option. Dahil dito, hindi ka makakabalik sa huli mong nai-save kapag nagkamali ka. 

Para tumaas ang iyong level, kailangan mo ng experience. Sa bawat level, may maa-unlock na schematics para makapag-craft ng items. Makakakuha ka rin ng puntos kapag nakapag-unlock ka ng mga ito. Para makakuha ng experience, kailangan mong manalo ng battles, makakumpleto ng quests, mag-craft ng items, at paghiwalayin ang vehicles. Dagdag pa rito, ang pangunahin mong source ng items ay ang pagse-search. Matatagpuan mo ang partikular na items depende sa lokasyon ng siyudad. Dahil may find chance ang items, pwede itong tumaas kapag gumamit ka ng torch o lantern.

Napakahalaga ng iyong health dahil kapag umabot ito ng zero, matatalo ka sa level at mawawalan ka ng ilan sa iyong items. Kaya naman importanteng manatili itong mataas hanggat makakaya. Kung dumating ka man sa puntong bumaba ito, huwag mag-alala dahil nare-restore naman ito habang natutulog ka kung may laman ang food at water mo. Sa kabilang banda, pwede mo rin itong ma-restore gamit ang Healing Salve at ibang items. Dagdag pa rito, napakakritikal ang gamit ng food dahil ito ang nagpapanatili sa iyo para mabuhay. Para hindi mabawasan ang health, hindi dapat umabot ng zero ang iyong food. Makakakuha ka ng food sa pamamagitan ng pangangaso ng mga hayop, pangingisda, at paghahanap sa siyudad, gubat, o sa wasteland. Katulad ng food, kritikal din ang gamit ng water para manatili kang buhay. Mababawasan din ang health mo kapag umabot ito ng zero. Pero kung ikukumpara ang dalawa, mas importante ang water kaysa sa food. Kailangan mong maging alerto dahil pwede kang makakolekta ng contaminated water mula sa craters sa siyudad o sa may baybayin ng ilog, lawa, at swamp. Hindi naman ito tuluyang masasayang dahil pwede pa rin itong malinis para mainom mo ito. Siguraduhing i-purify muna ito bago inumin kaya kailangan mong gumawa ng filter. Ang tip ko rin sa’yo ay magdala ng karagdagang filters para lagi kang may dalang pang-purify ng water.

Kakailanganin mo ng energy para makapag-perform ka ng actions. Huwag mong hahayaang umabot din ito ng zero dahil mawawalan ka ng malay. Pero mare-restore naman ito habang natutulog ka tulad ng health. Mainam ding gumamit ng hut at fire para mapabilis ang recovery nito. Bukod dito, may kakayahan ding mag-recover ang ibang items tulad ng coffee, cigarette, at iba pa. 

Dahil nga naging radioactive wasteland ang buong bansa, patuloy na maiipon ang radiation kapag pumupunta ka sa radioactive zones. Matatagpuan mo sa ibaba ng screen kung gaano karaming radiation na ang iyong natatanggap kada oras sa partikular na zone na iyon. Mag-ingat sa pagtaas ng radiation dahil maaari kang magkaroon ng radiation sickness kapaag lumagpas ito ng 100. Kapag naman lumagpas pa ito ng 200 o 300, mas lalong magiging malala ang iyong sakit. Para maiwasan ito, makakatulong ang pagsuot ng mask at clothes para gamiting proteksyon laban sa radiation. Halimbawa kung ang zone kung saan ka namamalagi ay mayroong 3 radiation points kada oras at ang protection na gamit mo ay mayroong 2 protection points, makakatanggap ka na lang ng 1 radiation per hour. Bukod pa rito, pwede mong mabawasan ang radiation gamit ang alcohol, tea, IR-190, at iba pang items.

Makakatulong sa iyong paglalaro kung may nabuo kang plano sa bawat galaw dahil matagal din ang oras na kailangan para sa paglalakad mula sa isang lugar papunta sa isa pa. Kaya ang maipapayo ko sa’yo ay alamin ang pangangailangan ng karakter para mai-prioritize mo kung anong building ang unang pupuntahan. Nakabatay sa klase ng building na iyong nire-raid ang iba’t ibang loots na makukuha mo habang nagsi-search. 

Bukod pa rito, ang tip ko rin kapag ikaw ay matutulog ay panatilihing nakabukas ang ilaw. Kahit saang lugar ka man matulog, dapat mayroon kang gamit na magsisilbing liwanag sa dilim habang ikaw ay natutulog. Kung hindi, magiging mapanganib ito dahil maaaring pakinabangan ang pagkakataong ito sapagkat madali kang ma-raid ng mga daga. Ito ang dapat mong iwasan dahil mababawasan ka ng mahahalagang items kapag nangyari ito. Alam mong hindi naging madali ang pag-iipon ng iyong mga pangangailangan kaya siguraduhing ingatan ito sa lahat ng pagkakataon.

Huwag din kalilimutang mag-log in araw-araw para mai-claim mo ang daily rewards, tulad ng food, resources, equipment, at tools. Bukod pa rito, makakatanggap ka rin ng iba pang rewards kapag sunud-sunod na araw kang nakapag-log in. Kung nais mong tignan ang rewards sa mga susunod na linggo, pindutin lang ang arrow buttons sa gilid ng Daily Login screen.

Pros at Cons ng Day R Survival: Last Survivor 

Mahusay ang pagkakagawa sa storyline at mga detalye ng laro. Masasabing may thrill ang laro at hindi gaanong mahirap ang pag-grind dito. Sa paglalaro nito, mararanasan mo ang mahirap na karanasan sa pagti-trekking sa iba’t ibang lugar upang makumpleto ang iyong objective. Dahil dito, hindi maipagkakaila ang pagiging challenging nito ngunit habang tumatagal ay may tendency na maging paulit-ulit na lamang ito. Isa rin sa pinupuring katangian nito ay ang pagkakaroon ng magandang balanse ng mga kagamitan pang-survival at exploration. Hindi rin ito nangangailangan ng internet connection para laruin, maliban na lang sa online mode nito. Kaya kahit nasaan ka man, maaari mo itong laruin kahit hindi konektado sa Wi-Fi o mobile data. Maganda rin itong laruin habang nagpapalipas ng oras. Gayunpaman, kabilang sa cons nito ang madalas na pag-crash ang nararanasan ng mga manlalaro tuwing maglalaro sa battle. Dahil patuloy itong nagka-crash, kinakailangang i-restart ang laro matapos ang ilang minuto. Hindi rin nagustuhan ng karamihan ang pagbabago sa clothes system nito dahil naging isang set na lamang ng damit. Hindi katulad dati na posbileng magkaiba ang klase ng pantaas at pambabang damit ng karakter.

Konklusyon

Kung ida-download mo ito, tandaang piliin ang game mode na naaayon sa iyo dahil malaking factor ito kung mae-enjoy mo ba ang paglalaro. Maigi ring ihanda ang sarili sa maraming oras na gugugulin para maghanap at mangolekta ng loots. Mairerekomenda rin ang offline mode feature nito dahil pwedeng laruin ang tatlo sa game modes nito kahit walang internet connection. Huwag din kalimutang isagawa at gamitin ang tips at tricks mula sa Laro Reviews kapag napagdesisyunan mo nang i-download ito nang sa gayon ay matulungan ka nito sa iyong paglalaro.

Leave a Comment

Categories
Latest Posts
Login
Loading...
Sign Up
Loading...