Identity V Review

Ang Identity V ay 1v4 o one-versus-four na asymmetrical mobile game na nilikha ng NetEase Games. Ito rin ay action at survival horror game kung saan binubuo ito ng isang Hunter na ang layunin ay hulihin ang lahat ng Survivors. Kapansin-pansin ang nakakatakot at gothic na interface nito na tila ba’y ginanap ito sa Tim Borton’s universe.

Magsisimula ang manlalaro sa laro sa pagiging lead detective sa paghahanap sa nawawalang batang babae. Gamit ang mahahanap na clues, unti-unti mong matutuklasan ang mas malalim na istorya sa likod nito at mabibigla ka sa iyong malalaman. Handa ka na bang maranasan ang nakakatakot na gaming experience?

Gameplay ng Identity V 

Dalawa ang kailangang gawin ng Survivor — iwasan ang Hunter at makatakas sa lugar. Ang kanyang pangunahing layunin ay i-decode ang eksaktong numero sa cipher machines. Ginagamit ang joystick para sa movement sa paghahanap ng cipher machine. Makikita sa itaas ng screen kung ilan pang cipher machines ang kailangang ma-decode. Limang cipher machines ang dapat makumpleto para ma-activate ang switch ng exit gates kapag nilagyan ng password. Nang sa gayon ay mabuksan ang gate at makatakas ang Survivors. Matatagpuan ang cipher machines sa kulay dilaw na umiilaw na antenna kapag inusog ang camera papataas. Kailangan pindutin ang action button para magsimulang i-decode ang cipher machine. Habang nagde-decode, lalabas ang calibrations kung saan kailangang i-tap ang action button sa tamang oras para maituloy ang pag-decode. I-tap ang screen kapag tumapat ang needle sa target area na kulay gray upang makakuha ng 30 tranquility points ang manlalaro sa nakumpletong calibration. Kapag naman nasaktuhan ang pag-tap ng screen sa mismong yellow area, mas mataas ang matatanggap ng manlalaro sapagkat 60 tranquility points ang kanyang makukuha. Hindi lang ito, mas bibilis din ng 0.7 seconds ang pag-decode kapag nai-perfect ang calibration. 

Kung hindi kayang makumpleto ang lahat ng decoding machines dahil maraming teammates ang nahuli ng Hunter, layunin ding makapag-decode ng kahit dalawang cipher machines para lumabas ang lokasyon ng dungeon dahil hindi ito nakikita sa simula ng laro. Magbubukas ito kapag isang Survivor na lang ang natitira sa lugar kung saan pwedeng daanan para makatakas.

Pagdating naman sa Hunter, ang kanyang objective ay hulihin ang mga Survivor para itali sa rocket chair. Para magawa ito, kailangan niyang hampasin ng dalawang beses ang Survivor upang tuluyan siyang ma-knock down at nang maitali mo siya sa balloons para madala papunta sa rocket chair. Gayunpaman, tuwing hahampas ang Hunter, ilang segundo muna ang kailangan para makapag-recover siya at makagalaw muli. Ang Survivors na nahuli at inilagay sa rocket chair ay kailangang i-rescue ng kanilang teammates. Dahil kung hindi, tuluyan silang mae-eliminate at ipapadala pabalik sa manor. Sa kabilang banda, kapag naitali ang Survivor nang mahigit dalawang beses, automatic na siyang mae-eliminate sa laro.

Habang tinatakbuhan ng Survivor ang Hunter, maaari niyang patumbahin ang pallet para magsilbing harang. Hindi kayang talunan ng Hunter ang pallet kaya sinisira niya ito para makadaan ngunit tumatagal ng ilang segundo bago ito tuluyang masira. Dagdag oras at pagkakataon ito sa Survivor para makatakas. Bukod pa rito, may kakayahan ang Survivor na tumalon sa windows nang mas mabilis kaysa sa Hunter. Para magawa ito, kailangan lang i-tap ang action button sa kaliwang ibaba ng screen para mag-vault sa pamamagitan ng bintana at tuluyang matakasan ang Hunter.

Saan Pwedeng I-download ang Identity V?

Dito ituturo kung saan at paano i-download ang Identity V. Kasalukuyang available ang laro sa Android, iOS, at PC. Gamit ang iyong mobile phone, pumunta sa Google Play Store para sa Android users at sa App Store naman sa iOS users. Ilagay sa search bar ang pamagat ng laro. Kapag nahanap na ito sa search results, pindutin ang Install o Get button at hintaying matapos ang pag-download. Hindi na kailangang magbayad para i-download ang laro dahil free-to-play (F2P) ito. Buksan ang app at kumpletuhin ang lahat ng kailangan sa sign-in details. Pagkatapos ang lahat ng ito, pwede mo nang simulan ang paglalaro!

Narito ang links kung saan pwedeng i-download ang laro:

Download Identity V on Android https://play.google.com/store/apps/details?id=com.netease.idv.googleplay

Download Identity V on iOS https://apps.apple.com/us/app/identity-v/id1347780764

Download Identity V on PC https://www.bluestacks.com/apps/role-playing/identity-v-on-pc.html

Kung sa PC mo napiling maglaro ng Identity V, dapat mo munang i-download ang Bluestacks emulator mula sa kanilang official website. Ang Bluestacks ay isang uri ng emulator kung saan ay ginagaya ng PC ang interface ng isang Android mobile phone. Matapos itong mai-download, kumpletuhin ang access na kailangan. Mag-sign in gamit ang iyong account sa Google Play.

Tips at Tricks sa Paglalaro

Komplikado ang gameplay nito lalo na kung wala ka pang ideya kung paano ito laruin. Kaya malaki ang posibilidad na malito ka sa paglalaro sa umpisa. Kaya narito ang Laro Reviews upang magbigay ng tips at tricks para gabayan ka sa iyong paglalaro.

Deductions ang tawag sa central scoring system ng laro. Kapag mas malaki ang deductions, mas mataas ang tsansa na makakuha ng clues. Ang clues ang nagsisilbing currencies, kung saan ito ay puzzle pieces na magagamit para makabili sa laro, kabilang na ang Survivors, Hunters, accessories, costumes, at iba pa. Kadalasang ginagamit ito para bumili ng character. Bukod pa rito, mayroon ding fragments na magagamit mo para makakuha ng bonuses sa laro. Mahalagang malaro mo nang maayos ang iyong characters para makakuha ng mas mataas na deductions. Malaking parte nito ang maayos na pagpili ng characters upang maging matagumpay sa paglalaro. 

Nahahati ang Survivors sa apat na kategorya: Rescue, Decode, Contain, at Assist. Isa sa maipapayo ko sa’yo ang grupong kinabibilangan ng iyong character. Isa-isahin nating bigyang pansin ang bawat Survivor para magkaroon ka ng ideya kung alin ang kanilang mga katangian. Ang papel ng Rescue ay ang pagiging pang-counter sa Hunter sa pamamagitan ng pag-distract nito. Sila ang tumutulong sa mga manlalarong nahuli at itinali ng Hunter sa rocket chair dahil nagreresulta ito sa karagdagang oras para tanggalin ang pagkakatali sa kanila at magpatuloy sa pag-cipher ng machines. Pagdating naman sa Decode, tulad ng kanilang pangalan, kilala sila sa pagiging mahusay sa pag-decode ng ciphers. Kaya mas kaunti ang oras na kailangan nila para makatakas. Samantalang ang Contain naman ay kilala sa pagiging matulin at may kakayahang magsilbing distraction sa Hunter habang ang iba ay nagsa-cipher ng machines. Bukod pa rito, kaya rin nilang pahirapan ang Hunters sa pagtali ng mga nahuli sa rocket chairs. Panghuli, ang Assist ay ang mga umaasisti at tumutulong sa Survivors. Mayroong sari-sariling kalakasan at kahinaan ang mga karakter sa bawat kategorya kaya mainam kung aaralin mong maigi ang karakter na iyong gagamitin.

Kapag naging Survivor ka, ang tip ko sa iyo ay simulan ang laro nang nakayuko para hindi ka matagpuan ng Hunter. Manatiling nakayuko habang naglalakad ng kahit limang segundo. Maging alerto sa paligid lalo na sa presensya ng Hunters. Kapag nakita mong ang beating heart o kapag nagkulay lila ang dibdib ng karakter, nangangahulugan itong may Hunter sa paligid ng iyong lokasyon. Tumakbo kaagad at huwag nang paabutin pa na lumakas ang tibok ng puso ng karakter sapagkat ang ibig sabihin nito ay palapit na ang Hunter sa iyo at nasa panganib na ang iyong buhay. Dagdag pa rito, siguraduhing eksakto ang pag-calibrate mo kapag nagde-decode ng machines para makakuha ng dagdag puntos. Para magawa ito, i-tap ang action button kapag nasa target area ang needle para magpatuloy sa decoding. 

Kung ikaw naman ay isang Hunter, mainam ding alamin mo ang strengths at weaknesses nito para magamit mo nang maayos ang karakter. Lalo na at magkakaiba rin ang katangian ng bawat isa sa kanila. Bilang kabuuan, ang maipapayo ko sa pagiging Hunter ay maghintay ng kahit limang segundo kapag nagsimula ang laro. Nang sa gayon, nagsimula nang pumunta ang Survivors sa machines para mag-decode kaya mas mapapadali ang paghahanap mo sa kanila. Sa paningin ng Hunters, naka-outline ang cipher machines ng kulay asul ngunit kapag lumalabas ang kulay pulang logo ng laro, ito ay indikasyon ng electrical shocks na nangangahulugan ng lokasyon ng Survivor. Makatutulong din ang pagpapalakas ng volume at abangan ang mala-beep na tunog dahil indikasyon din ito ng lokasyon ng iba. Kapag naman may hinahabol kang Survivor, maging mabilis sa pagpalo sa kanila kahit habang tumatakbo. Huwag mo nang hintaying tumigil sila sa pagtakbo bago mo sila hampasin. Maaari silang magtago kaya manatiling nakapokus sa iyong tina-target na Survivor. Bukod pa rito, unahin ang paghuli sa mga mahina ang pisikal na pangangatawan at mababagal tumakbong Survivors.

Bukod sa pagkumpleto ng individual tasks na makikita sa kaliwa ng screen, napakaimportante rin ng epektibong komunikasyon sa team. Mainam na pakinabangan ang Quick Messages habang naglalaro kung ikaw ay Survivor. Pindutin ang gray button sa tabi ng progress bar para mai-send ang nais mong sabihin sa iyong teammates. Para i-activate ang feature na ito, pumunta sa Game sa loob ng Settings at hanapin ang Battle, pagkatapos ay pindutin ang Quick Message Settings. Makakakita ka ng 16 na pre-set messages na maaari mong i-send sa iyong teammates habang naglalaro. Pwede mo ring ipagpalit ang ilan sa mga ito sa replaceable messages na makikita sa gilid kung sa tingin mo ay mas magagamit mo ito sa laro. Dagdag pa rito, makakatulong din ang paggamit mo ng map na matatagpuan sa kaliwang itaas ng screen. Habang ginagamit ang Quick Messages, makikita mo sa map kung saang direction ito nanggagaling. Nang sa gayon, kapag humihingi ng tulong ang isa sa iyong teammate, malalaman mo agad kung saan mo siya dapat puntahan. Pwede rin itong magsilbing warning sa iyo kapag nagsabi ang iyong teammate na may malapit na Hunter. Gayundin, kapag may hinampas ang Hunter na kapwa mo Survivor, malalaman mo rin kung saang direksyon ito nangyayari. May pagkakataon kang magdesisyon kung tutulungan mo ang iyong teammate o tatakbo ka papalayo sa area na iyon.

Kung nais mong manalo ang iyong team, importanteng mayroon kayong camaraderie sa isa’t isa. Kapag nakita mong mayroon sa inyong nasugatan, humanap ng pagkakataon para i-heal sila. Minsan ang sanhi ng inyong pagkatalo ay dahil wala sa inyong nakagawa ng mahigit sa dalawang hits sa Hunter. Mabisa ring paraan para mainis at tuluyang sumuko ang Hunter kapag paulit-ulit naghi-heal ang inyong team dahil indikasyon itong ayaw nyong mamatay.

Dalawang klase lang ng Hunters ang makikita mo sa rocket chair—isang aatakihin ka kaagad kapag malapit ka sa area at isang maghihintay lang hanggang sa pakalawan mo ang teammate na nasa rocket chair saka saktong aatake ang Hunter. Kung pinili ng Hunter na tamaan ka kaagad, hayaan mong mahampas ka niya saka mo gamitin ang speed boost habang nagre-recover ang Hunter. Palayain agad ang iyong teammate at mabilisang tumakas. Sa kabilang banda, kung ang Hunter ay nag-aabang lang na mauna kang kumilos papunta sa rocket chair, mainam kung linlangin mo siya sa pamamagitan ng pagpapanggap na papalayain mo ang iyong teammate at kapag napaniwala mo siya, masasayang lang ang paghampas niya sa iyo. Gamitin ang oras ng kanyang pag-recover para iligtas mo ang iyong teammate. Ang risk lang dito ay kapag masyadong matagal kang tumatakbo at masayang ang tsansa na mailigtas mo ang iyong teammate.

Iwasan ding antayin ang ibang teammates sa paligid ng exit gate para sabay-sabay kayong tumakas. Mas mainam na maghiwalay kayong team sa pupuntahang gate para mahirapang mamili ang Hunter kung alin sa inyo ang kanyang pupuntahan. Gayundin, hindi magandang ideya na maghintay sa exit gate lalo na kung isang Survivor na lang ang natitira dahil pinipigilan mo siyang makatakas sa dungeon sapagkat magbubukas lang ito kapag nakatakas ka na.

Pros at Cons ng Identity V 

Napakahusay ng graphics at ang sound effects ng laro. Mararamdaman mo talaga ang nakakatakot na atmosphere nito. Hindi mo rin maiiwasang magulat sa Hunter habang nagtatago ka sa kanya. Tamang-tama ito sa mga taong naghahanap ng horror game kung saan siguradong kikilabutan sila habang naglalaro. Hinahasa rin nito ang pag-iisip ng naglalaro dahil sa simula pa lang ay inaalam na ang nangyari sa nawawalang bata gamit ang clues na matatagpuan. Kaya kailangan ng matalas at alertong kaisipan para hindi malampasan ang mga importanteng detalye. Nakakabilib din ang backstory ng bawat karakter. Habang tumatagal ang iyong paglalaro, mas marami kang madidiskubre tungkol sa istorya ng bawat isa. Mabibigyan ka rin ng pagkakataong pumili kung anong role ang lalaruin batay sa iyong playstyle.

Gayunpaman, may mga ilang issues ito tulad ng pagkakaroon ng problemang makakuha ng clues kapag gusto mong bumili ng partikular na karakter. Mainam kung aayusin ito ng game developer kung saan makakakuha ng clues ang manlalaro sa paglalaro ng matches. Marami ring manlalaro ang hindi nagustuhan ang gacha system ng laro. Dagdag pa rito, bagaman stable ang internet connection, madalas na nakakaranas ng ping issues ang marami. Nagreresulta ito sa labis na lagging sa paglalaro at pag-crash ng app.

Konklusyon

Bilang kabuuan, mairerekomenda ng Laro Reviews ang Identity V lalo na kung pagbabatayan ang husay ng pagkakagawa sa gameplay, graphics, storyline, at background music nito. Sa kabila ng lahat ng takot at challenge na iyong kakaharapin, pinakaimportanteng mag-enjoy ka sa laro. Dito ay mararamdaman mo ang saya at satisfaction tuwing mananalo. Gayundin ang lungkot kapag natatalo sa laro, kung saan magiging determinado ka lalong bumalik at maglaro ulit para mas husayan ang paglalaro.

Leave a Comment

Categories
Latest Posts
Login
Loading...
Sign Up
Loading...