Onmyoji Review

Kung ang hanap mo ay role-playing game (RPG) na may Japanese anime-style visuals, saktong-sakto sa iyo ang tatalakayin ng Laro Reviews sa article na ito. 

Isa sa mga sikat na laro sa genre nito ang Onmyoji na nilikha ng NetEase Games. Ito ang pinakauna sa Onmyoji series na binubuo ng tatlong laro. Ang Onmyoji ay isang turn-based strategy at Japanese-inspired fantasy RPG. Kilala rin ito sa pagkakaroon ng nakamamanghang graphics, visuals, soundtracks, at voiceovers.

Ipakikita ang backstory ng laro sa umpisa sa pamamagitan ng mala-pelikulang animation. Ginanap ito sa panahong magkasamang namumuhay ang demons at mga tao noong Heian period circa 794-1185 AD. Ngunit dumating ang araw kung saan parehong nauwi sa panganib ang dalawang daigdig. Ang magsisilbing pag-asa ng lahat ay ang grupo ng gifted na mga taong may kakayahang basahin ang bituin at gumawa ng amulets. Sila lang ang may kakayahang pagkonektahin muli ang dalawang mundo at ibalik ang kapayapaan dito. Kilala sila bilang Onmyoji.

Features ng Onmyoji 

Gacha System – Binubuo ang laro ng iba’t ibang karakter na maaaring makuha ng mga manlalaro sa pamamagitan ng gacha system. Sa tuwing nagkakaroon ng bagong karakter, may naa-unlock ding bagong gameplay.

PVP and PVE modes – Importante ang team strategy sa Onmyoji kahit sa player-versus-environment (PvE) o player-versus-player (PvP) modes. Sa PvP combat, Duel ang tawag sa lugar kung saan pwedeng maglaban ang mga manlalaro sa isa’t isa. Ito ay naa-unlock pagdating ng Level 12. Pagdating naman sa PvE battles, importante ang pagpapalakas ng iyong Shikigami para bumuo ng sarili mong team.

Guild System – Pagdating sa partikular na level, maa-unlock ang feature na ito. Tulad ng ibang RPGs, mahalaga rin ang papel ng guilds sa larong ito. Sa pagsali sa guild, maraming benefits ang matatanggap ng manlalaro. 

Stunning Graphics and Music – Hinango ang visuals ng laro mula sa Japanese Ukiyo-e art genre. Nakakamangha ang graphics nito magmula sa mga karakter hanggang sa scenery na matatagpuan dito. Hindi rin maipagkakaila ang kahusayan ng background music ng laro. Ito ay ginawan ng soundtracks upang kumpletuhin ang pagkakaroon ng Japanese atmosphere nito. Bukod pa rito, ang mga top voice actors ang kinuha para maging boses ng mga karakter kaya kapansin-pansin ang magaling na pagkaka-deliver nila sa bawat linya.

Saan Pwedeng I-download ang Onmyoji?

Ituturo rito kung saan at paano i-download ang Onmyoji. Kasalukuyang available ang laro sa Android, iOS, at PC. Gamit ang iyong mobile phone, pumunta sa Google Play Store para sa Android users at sa App Store naman sa iOS users. Ilagay sa search bar ang pamagat ng laro. Kapag nahanap na ito, pindutin ang Install o Get button at hintaying matapos ang pagda-download. Hindi na kailangang magbayad para i-download ang laro dahil free-to-play (F2P) ito. Buksan ang app at kumpletuhin ang lahat ng kailangan sa sign-in details. Pagkatapos ay pwede mo nang simulan ang paglalaro!

Narito ang links kung saan pwedeng i-download ang laro:

Download Onmyoji on Android https://play.google.com/store/apps/details?id=com.netease.onmyoji.gb

Download Onmyoji on iOS https://apps.apple.com/us/app/onmyoji/id1257031979

Download Onmyoji on PC https://www.bluestacks.com/apps/role-playing/onmyoji-on-pc.html

Kung sa PC mo napiling maglaro ng Onmyoji, dapat mo munang i-download ang Bluestacks emulator mula sa kanilang official website. Ang Bluestacks ay isang uri ng emulator kung saan ay ginagaya ng PC ang interface ng isang Android mobile phone. Matapos itong mai-download, kumpletuhin ang access na kailangan. Mag-sign in gamit ang iyong account sa Google Play.

Tips at Tricks sa Paglalaro

Mayroong apat na magkakaibang Darumas na makakatulong sa pagpapalakas ng iyong Shikigamis. Binubuo ito ng Red, White, Blue, at Black Darumas. I-level up ang Red Daruma hanggang Level 4 at ang Blue Daruma naman hanggang Level 12 bago mo ito gamitin sa iyong main Shikigamis. Mainam ding isailalim ang Red Daruma sa observation habang nasa Exploration ka para makakuha ito ng EXP nang hindi isinasabak sa battle. Pinakamagandang gamitin ang White Daruma kapag nai-level up na ang mga ito ng hanggang 5-star. Ang pinakamahalaga sa lahat ay ang Black Daruma kaya nakakatulong ang pagkakaroon ng Black Daruma kada linggo, kung saan mabibili ito sa shop. Magagamit ito para pataasin ang skill ng iyong Shikigami. Mainam itong gamitin sa SSR units na mayroon ka. Huwag mo itong gagamitin para sa SR o R units dahil masasayang lang ang Black Daruma sapagkat madali lang makakuha ng duplicates ng ganitong units. Bukod pa rito, isa pang paraan para magpataas ng skill ay ang pag-fuse ng dalawang magkaparehong units. 

Para mapataas ang iyong level sa laro, mainam na mag-farm sa Exploration menu. Makakatanggap ka ng maraming EXP sa simula sa pamamagitan nito. Magagamit mo rin ito para maipagpatuloy ang story mode dahil kailangan mong marating ang partikular na levels upang ma-unlock ito. Bukod pa rito, pwede ka ring bumili ng EXP buffs sa Shop gamit ang Jade bilang pambili. Nakakatulong ito sapagkat makakahanap ka na panpadagdag ng EXP. Halimbawa, magkakaroon ka ng 50% EXP buffs sa isang araw, tatlong araw na may 50% EXP buffs, o kaya 15% EXP bilang monthly buff. Tandaang ihinto ang buff kapag hindi mo naman ito ginagamit. Malalaman mong naka-pause kapag pula ang kulay ng buffs bar, samantalang kulay dilaw naman ang makikita kapag inactivate ito.

Kung nais mong mag-farm, dapat alam mo ang units na epektibong gamitin dito. Halimbawa, kahit na mayroon kang super super rare o SSR units, kung hindi naman ito akmang gamitin para sa farming. Ang tip ko sa paghahanap ng units na iyong gagamitin sa pagfa-farm ay laging tingnan ang area of effect o AoE attack. Kapag ito ang ginamit mo, mas mapapadaling tamaan ang mga kalaban. Dahil dito, matatapos agad ang battle kaya magiging mabilis din ang pagfa-farm. Mabisang gamitin sa farming ang units kagaya nila Kuro Mujou at Uburne. 

Ang souls ang items na nagpapataas ng stats at nagbibigay ng bonuses sa units. Mas mainam na ma-equip mo ang iyong mga karakter bago pa man sila umalis para mag-farm o makipaglaban. Maganda rin kung aaralin mo ang souls at units upang makita kung anong klase ng souls ang magdudulot ng pinakamalakas na damage output sa DPS farmers. 

Pakinabangan mo rin ang bawat pagkakataon upang makatanggap ng rewards at bonuses. Kapag ang priority mo ay farming, mas maganda kung tapusin mo ang map ng bawat kalaban nang sa gayon ay lumabas ang boss pagkatapos. Kapag natalo mo ang boss, maaari kang makakuha ng treasure chest kapag natapos na ang map. Magkakaiba ang nilalaman ng treasure chests. Kadalasang action points ang matatagpuan dito ngunit minsan din ay makakukuha ka ng gold at summon tickets. Kaya siguraduhing nakukumpleto mo ang bawat map, para lumitaw ang boss at nang makuha mo ang treasure chest dito. 

Huwag magsayang ng coins. Kakailanganin mo ito sa pagpapataas ng level ng Souls at para mai-star up ang iyong Shikigami. Kaya huwag bastang gumastos ng iba’t ibang Souls sa shop, lalo na’t napakamahal ng price nito. Kung ako sa’yo, imbes na gumastos ng napakamahal na Souls, mas wais ang bumili ng 3-star Souls. Bukod sa praktikal ito, maganda rin ang mga bonus na maibibigay nito, kung saan magagamit mo ito bilang panimulang pang-boost sa iyong team.

Kapag sasali ka sa guild, mainam kung ang pupuntahan mo ay tiyak na aktibo at malakas dahil mas marami kang makukuhang benepisyo rito. Kabilang na rito ang pagkakaroon ng buffs kapag kabilang ka sa aktibong guild dahil ang leader ang bibili ng karamihan nito para sa members. Dagdag pa rito, kapag talagang aktibo ang iyong guild, makakukuha rin kayo ng benepisyo mula sa Donation function. Dito maaaring maghanap at mag-post ang members ng items na wala sila. Kapag may ibang member sa Guild ang mayroon nang item na ito kung saan hindi niya na ginagamit, pwede itong i-donate sa mga nangangailangan nito. Kapag baguhan ka pa lamang sa laro, hindi mo kailangang sumali agad ng guild dahil mas mainam kung nakatuon ka muna sa iyong sarili upang matutunan ang iba’t ibang kalakalan sa laro. Sa ganitong paraan, mas mapapadali ang paghahanap mo ng malakas at aktibong guild sa kalaunan. Bukod pa rito, maaaring mahirapan ka sa PvP mode sa umpisa ngunit nakakatulong ang pagsama sa ibang members ng guild na madalas mag-duel para matutunan mo ang kalakaran nito mula sa kanila.

Ang maipapayo ko naman sa F2P na manlalaro ay ipunin ang Jades na matatanggap mo sa paglalaro. Makukuha mo ito tuwing nakakakumpleto ka ng quests at achievements. Gawin mong goal na makaipon ng 1,000 Jades para magkaroon ka ng 11 summons bilang kapalit. Bukod pa rito, magagamit mo rin ito sa pagbili ng EXP buffs. Mahalaga ang gamit ng Jades kaya huwag itong sayangin.

Pros at Cons ng Onmyoji 

Nakatanggap ito ng mataas na ratings sa Google Play Store na may 4.4 stars at sa App Store na may 4.6 stars. Ginawaran din ito ng awards katulad ng App Store 10 Best Apps/Games of the Year at Facebook’s 2016 Game of the Year: Best Mobile Game. Isa sa maipagmamalaki ng laro ay ang nakakamanghang graphics at background music nito. Maganda rin ang lore ng laro kaya lalong naaakit ang mga manlalaro habang tumatagal. Hindi nakakawalang ganang abangan ang mga susunod na mangyayari. Mayroon ding magkakaibang animation at voice-over ang bawat karakter. Hindi rin isyu ang pagiging pay-to-win (P2W) nito dahil maraming posibleng paraan para makakuha ng in-game currency.

Madalas nga lang nakararanas ng network issue ang karamihan habang naglalaro kahit wala namang problema sa kanilang internet connection. Bukod pa rito, malala ang crashing na nararanasan ng mga manlalaro kung saan may mga pagkakataong hindi tumatagal ng isang minuto ang pagitan bago mag-crash ulit ang laro. Dahil sa biglaang pagka-crash sa kalagitnaan ng paglalaro, nagreresulta ito agad ng pagkatalo sa laban. Mapapansin ding nagiging repetitive ang gameplay habang tumatagal at wala masyadong pinagkakaiba ang modes sa isa’t isa. 

Konklusyon

Kumpara sa mga larong may kaparehong genre na tulad nito, masasabing isa sa mga may pinakamagandang kalidad ito. Mula sa nakakamanghang visuals, graphics, background music, at voiceovers, hindi maipagkakailangang malaki ang naging budget sa laro. Kung lalaruin ito, posibleng manatiling F2P na manlalaro pero kakailanganin mong mas mag-grind para makakuha ng magandang drops. Ang tanging dahilan lang para magbayad ang manlalaro gamit ang aktwal na pera ay kung gusto niyang lalong mapabilis ang progreso sa laro. Bilang kabuuan, mairerekomenda ng Laro Reviews na laruin ito pero maging handa sa isyu ng pag-crash at pagiging repetitive ng gameplay.

Leave a Comment

Categories
Login
Loading...
Sign Up
Loading...