Detective S: Mystery Game & Find the Differences Review

Mahilig ka ba sa mga laro kung saan kailangan mong hanapin ang mga nawawalang bagay o kaya naman ay tuklasin ang totoong nangyari sa isang krimen? Kung gayon ay ito ang larong para sa iyo! Basahin ang article na ito ng Laro Reviews para malaman ang detalye ng laro.

Ang Detective S: Mystery Game & Find the Differences ay nilikha ng Rawhand Games. Ito ay isang guessing game, partikular na ang Find the Differences na laro. Tunghayan ang iba’t ibang kaso at alamin kung sino ang salarin! Hindi ito ang ordinaryong Find the Differences game na alam mo sapagkat marami ka pang ma-eenjoy sa larong ito!

Magsisimula ang laro sa isang pangyayari, limang taon na ang nakalilipas. Ito ang taon kung kailan namatay ang iyong tatay na isang police officer. Ang sanhi ng kanyang maaagang pagpanaw ay dahil pinatay siya ng isang serial killer. Uhaw ka sa hustisya para sa nangyari sa iyong tatay kaso ang tanging bagay na naiwang makakatukoy sa killer ay ang kahoy na button na may nakaukit na ahas. Ito rin ang tanging clue na nahanap ng iyong tatay na konektado sa salarin. Lumipas na ang panahon ngunit wala pa ring nahanap ang mga pulis at unti-unti na ring nakakalimutan ang nangyari. Ito ang nagtulak sa iyo para maging detective. 

Features ng Detective S: Mystery Game & Find the Differences 

Spot the Difference Game – Hanapin ang lahat ng pinagkaiba ng dalawang litrato! Maging mapagmatyag kahit sa maliliit na detalye. Ito ay may time limit kaya lalong kailangan ng ibayong focus ng manlalaro sa paghahanap. Nakakadagdag din sa pagiging challenging ng laro ang penalty sa tuwing nagkakamali ka ng pagpindot.

Skins – Maaari kang bumili ng Skin gamit ang Diamonds ang reward na makukuha sa puzzle ng K’s Memories. Ito ay maa-unlock lamang kapag natapos ang dalawang chapters. Ibahin ang itsura ng iyong karakter sa pamamagitan nito. Mayroong 12 na available skins dito, mula sa pajama hanggang sa bride attires.

Creative Graphics – Nakakamangha ang graphics at visuals ng laro. Kapansin-pansin ang unique na art style nito pati na rin ang paraan ng pagkukwento ng storyline nito. Alamin ang relasyon ng iba’t ibang karakter sa pamamagitan ng webtoons. 

Saan Pwedeng I-download ang Detective S: Mystery Game & Find the Differences?

Narito ang Laro Reviews upang ituro kung paano i-download ang Detective S: Mystery Game & Find the Differences. Kasalukuyang available lamang ang laro sa Android devices. Kaya hindi pa ito posibleng mai-download sa iOS at PC users. Gamit ang iyong mobile phone, pumunta sa Google Play Store at ilagay sa search bar ang pamagat ng laro. Kapag nahanap na ito, pindutin ang Install button at hintaying matapos ang pag-download. Hindi na kailangang magbayad para i-download ang laro dahil free-to-play (F2P) ito. Buksan ang app at kumpletuhin ang lahat ng kailangan sa sign-in details. Pagkatapos ang lahat ng ito, pwede mo nang simulan ang paglalaro!

Narito ang links kung saan pwedeng i-download ang laro:

Download Detective S: Mystery Game & Find the Differences on Android https://play.google.com/store/apps/details?id=com.rawhand.dts.gl

Tips at Tricks sa Paglalaro

Gamitin ang Note dahil dito mo pwedeng isulat ang lahat ng natuklasan mo tungkol sa kaso. Kung nais mo namang tingnan ang kahit anong impormasyon na konektado sa kaso, pindutin lang ang File button sa kanang-ibabang bahagi ng screen. Maaari mo itong i-check kahit anong oras. Matatagpuan ang Note button sa loob ng File page.

Kapag natanggap na ang profile ng biktima, mainam na basahin at maging pamilyar sa mga impormasyong nakalagay rito. Makikita ang basic information nito sa itaas tulad ng pangalan, sex, date of birth, height, weight, eye color, hair color, job, marital status, family, criminal record, at iba pa. Bukod pa rito, nakasaad din ang detalye ng kaso kung saan mababasa ang eksaktong oras kung kailan at saan natagpuan ang katawan, tinatayang oras ng pagkamatay, sanhi ng pagkamatay, at karagdagang notes. Magagamit mo ang mga ito para sa susunod na mga pangyayari tungo sa paghahanap ng salarin. Gayundin, siguraduhin mo ring tingnan nang maigi ang bawat suspect profile na makukuha. Bukod sa Character Profile, malalaman mo rin ang relasyon niya sa biktima, ang kanyang alibi, at karagdagang notes na nakasaad sa Case Info. Tandaang maaaring magbago ang impormasyon nito dahil nadadagdagan ito habang naglalaro ka, kaya dapat ay madalas mo itong i-check.

Basahing maigi ang panuto bago simulan ang laro. Mayroong time limit ang iyong paghahanap, tulad sa Case No.1. Kaya kailangan mong bilisan ang pagsasagawa nito. Ngunit huwag din basta-basta ang pagpindot ng mga bagay para lang maging mabilis ang laro. Dahil kapag pinindot mo ang maling area, mababawasan ang natitira mong oras. Malaking bagay ito dahil 30 seconds agad ang mawawala sa iyo.

Maging mapanuri sa paghahanap kung alin ang mga bagay na pinagkaiba ng dalawang litrato. May mga pagkakataong madali lang itong mahanap, ngunit minsan hindi mo talaga ito makikita hangga’t hindi mo iisa-isahin ang bawat sulok at bahagi ng lugar. Kahit mistulang arrangement at orientation lang ang disenyo nito, huwag itong papalampasin sa iyong paningin. Kailangan ay obserbahan mo rin ang mga dugo, footprint, karagdagang ebidensya, at iba pa dahil ito ang kadalasang kasama sa mga kailangang hanapin. 

Huwag matataranta sa tunog ng timer pagsapit ng natitirang 30 seconds dahil posibleng ma-distract at mawala ka sa focus. Kung tutuusin, mahaba pa ang 30 seconds para mahanap mo ang natitirang objects. Kapag hindi mo nakumpleto ang mga sagot, makakatulong ang panonood ng ads para makatanggap ka pa ng karagdagang isang minuto. Malaking bagay ito para magkaroon ka ng oras na hanapin ang mga natitirang bagay.

Pros at Cons ng Detective S: Mystery Game & Find the Differences 

Napakahusay ng graphics ng laro pati ang pagkakadisensyo ng bawat bahagi nito. Sa umpisa pa lang, mapupukaw na ang iyong atensyon sa creative na pagkakakwento ng storyline nito. Bukod pa rito, nakaulat ang mga istorya sa istilong webtoon. Sinamahan pa ito ng magandang sound effects, kaya lalong makabagbag-damdamin ang nagiging karanasan sa paglalaro. Hinahasa rin nito ang talas ng pag-iisip at linaw ng paningin ng mga manlalaro. Hindi mawawala ang pagiging challenging nito lalo na at kailangang mabilis ang paghahanap ng mga bagay dahil sa time limit. Kaya naman hindi nagiging boring ang paglalaro. Sa halip, mas lalong nakakaenganyong maglaro dahil sa iba’t ibang pagsubok na dapat malampasan.

Walang duda na napakaganda at creative ng graphics ng laro. Ngunit mainam din kung magkakaroon pa ng maraming background music habang naglalaro. Siguradong mas magkakadagdag ito sa kabuuang impact ng laro. Mairerekomenda ko sa game developers na gawin din itong available para sa iOS at PC users para mas dumami pa ang makapaglaro nito. Isa rin sa hindi nagustuhan ng mga manlalaro ay kailangang gumamit ng diamonds para makuha ang ibang stories. Dahil dito, nagiging pay-to-play ito dahil gagastos ka pa ng aktwal na pera.

Konklusyon

Kung hilig mo ang mga laro kung saan ang tungkulin mo ay maging isang detective o kaya ay kailangan mong mag-solve ng puzzles, ito ang para sa iyo! Ang Detective S: Mystery Game & Find the Differences ay isang spot the difference game na binubuo ng napakahusay at creative na graphics. Lalo kang maeenganyo sa paglalaro dahil sa kakaibang paraan ng story-telling nito. Gayunpaman, limitado nga lang ang maaaring makapaglaro nito dahil sa Android devices pa lamang ito kasalukuyang available. Sa kabuuan, mairerekomenda ito ng Laro Reviews para iyong i-download at subukang laruin!

Leave a Comment

Categories
Latest Posts
Login
Loading...
Sign Up
Loading...