Dr. Bingo – VideoBingo + Slots Review

Patok na patok ang bingo sa iba’t ibang parte ng mundo. Marahil ay narinig mo na ang larong ito o kaya naman ay nalaro mo na mismo. Ngunit natanong mo na ba minsan sa iyong sarili kung bakit ba ito sikat? 

Ang bingo ay isang laro ng tsansa at kadalasang ikinokonekta sa swerte. Bibigyan ang bawat manlalaro ng card na may laman ng iba’t ibang numero na may natatanging kaayusan. Mayroong game host o caller na pumipili ng random na numero mula sa machine. Kadalasang ginagamit dito ang bingo cage o electronic random number generators (RNG). Ang tungkulin ng manlalaro ay markahan ang mga napiling numero ayon sa nabanggit ng caller na tutugma sa kailangang pattern. Kapag nakabuo na ng partikular na pattern sa mga nabanggit na numero, sisigaw ang manlalaro ng “Bingo!” at lalapit ang caller para suriin kung tama ba ito.

Matapos masuri at makitang natugunan ang akmang pattern, tatanghaling panalo ang manlalaro at magsisimula muli ang caller ng panibagong round. Para sagutin ang katanungan kanina, patok sa masa ang bingo dahil hinahamon nito ang bawat manlalaro para makipagpaligsahan na maunang makakuha ng winning arrangement ng card para sa premyo o malaking jackpot prize. Nagiging pabor sa mga manlalaro na madali lang ang mechanics at instant ang reward nito. Dumating na rin ang bingo sa mobile devices, katulad ng larong tatalakayin sa artikulong ito mula sa Laro Reviews. 

Tamang-tama ang Dr. Bingo – VideoBingo + Slots para sa mga mahilig maglaro ng bingo o sa mga taong gusto lang itong subukan. Libre lang ito at binubuo ng bingo machines at slot machines na parehong hango sa tradisyunal na bingo. Sinamahan din ng Brazilian style ang larong ito. Pag dating sa graphics, makulay ang kabuuang disenyo ng laro at naibigay ang atmosperang kagaya sa casino.

Dr. Bingo - VideoBingo + Slots Review

Features ng Dr. Bingo – VideoBingo + Slots

Video Bingo Machines at Classic Slot Machines – Maihahambing ang bingo at slot machines sa laro sa tradisyunal na itsura nito.

Tournaments – Maaari kang makipagpaligsahan sa tournament kapag na-unlock mo na ang feature na ito sa level 12. 

Variety of Games – Maraming klase ng laro ang maaaring laruin at i-unlock. Kabilang na ang paglalaro ng classic video bingo machines tulad ng Show Bingo, Bingo Filipino, Pachinko, Go Bingo, Nineballs, Plus III, at marami pang iba. Pati na rin ang laro sa slot machines tulad ng Ocean Adventure, Fu Fu Fu, Bingo 7, Bingo Money, at iba pa. 

Multiple Languages Available – Pumili ng nais gamiting wika habang naglalaro. Ang mga wika na available ay English, Brazilian, Spanish, French, Filipino, Italian, at Portuguese. 

Daily Bonus Prizes – Makakatanggap ang manlalaro ng karagdagang coins kada araw. May countdown bago makuha ang susunod na bonus prize kaya kailangan talagang balikan ang laro araw-araw kung gustong matanggap ang premyo. 

Invite and Send Gifts to Friends – Imbitahin ang iyong mga kaibigan at magsaya habang naglalaro kasama sila! Hindi lang iyon, maaari ka ring magbigay ng regalo sa kanila.

In-game Purchases – May deals sa laro kada araw na maaari mong bilhin gamit ang iyong aktwal na pera. Halimbawa, sa halagang $0.96, maaari kang makabili ng $6,000 na coins sa laro. O kaya naman sa presyong $3.88 ay may pagkakataon kang manalo hanggang $2,960 na coins sa roleta. 

Saan Pwedeng I-download ang Dr. Bingo – VideoBingo + Slots? 

Pumunta sa Google Play Store para sa Android users at sa App Store naman para sa iOS users, gamit ang iyong smartphone. Ilagay sa search bar ang Dr. Bingo – VideoBingo + Slots. Dahil libre ang larong ito, diretso nang i-download ang app. Sumunod ay kumpletuhin ang sign-in details para makapaglaro. Patuloy na basahin ang tips, tricks, pros, at cons ng laro sa artikulong ito mula sa Laro Reviews para sa karagdagang kaalaman tungkol sa laro. 

Saan Pwedeng I-download ang Dr. Bingo - VideoBingo + Slots? 

Narito ang mga link kung saan pwedeng i-download ang laro:

Download Dr. Bingo – VideoBingo + Slots on Android https://play.google.com/store/apps/details?id=com.gamesmartltd.doctorbingo

Download Dr. Bingo – VideoBingo + Slots on iOS https://apps.apple.com/ph/app/dr-bingo-videobingo-slots/id1152226735

Tips at Tricks sa Paglalaro

Dahil ang mechanics ng Dr. Bingo – VideoBingo + Slots ay hango mismo sa tradisyunal na bingo, makakatulong kung pamilyar ka na sa game rules nito bago magsimula sa paglalaro. Kung ikaw naman ay baguhan, ang payo ko sa iyo ay i-click ang information button bago simulan ang bawat laro para mabasa ang mechanics. Makatutulong kung iintindihin nang maigi ang mga dapat gawin.

Isa sa magiging puhunan mo rito ay ang iyong oras. Importanteng maglaan ng sapat na panahon para kumita ng maraming pera at mapataas ang level. Magiging daan din ito para ma-unlock ang iba pang mga laro. Maituturing din na puhunan ang iyong pera. Maging madiskarte at matalino kung paano ito papalaguin. Huwag agad itong ubusin para lang ipusta sa isang laro dahil walang kasiguraduhang mababawi ito. Isaalang-alang ang probabilidad na iyong makukuha sa tuwing tataya ng pera. Kaya kung napapansin mong nasa losing streak ka na, mainam na ikonsiderang lumipat sa kabilang laro at doon subukin muli ang swerte. Halimbawa, kung ang kasalukuyang nilalaro ay bingo at magkakasunod na ang iyong pagkatalo, pwedeng lumipat pansamantala sa slot machines at doon magsimulang subukin muli ang iyong swerte.

Dagdag pa rito, mahalaga na matalas ang iyong paningin kapag hinahanap ang mga nabanggit na numero sa iyong bingo card. Ngunit huwag masyadong mag-alala dahil namamarkahan naman ang mga tugmang numero sa card. Maging maingat lang na mapansin ito agad lalo na kung maraming hawak na cards dahil marami-rami rin ang bibilugan ng pula. Sa kabilang banda, kung maliit pa lang ang iyong pera, mas magandang magsimula sa pagbili ng pinakamurang card kapag naglalaro upang hindi ito maging malaking kawalan kung hindi man palaring manalo. 

Pros at Cons ng Dr. Bingo – VideoBingo + Slots

Sa oras na simulan ang paglalaro, may option ang manlalaro na mag-sign in gamit ang Apple account, Facebook account, o kumonekta bilang guest. Kung madalas kang maglaro ng bingo noon bago ipatupad ang pandemic, hindi mo na kailangan pang lumabas muli para lang maglaro nito dahil posible na ang mag-bingo gamit ang iyong mobile device. Mas naging madali ito dahil pwede nang maglaro anumang oras at kahit saan man dahil sa Dr. Bingo – VideoBingo + Slots. Nakakadagdag kagandahan din ang makulay na disenyo ng laro na sinamahan pa ng nakakaengganyong background music. 

Pros at Cons ng Dr. Bingo - VideoBingo + Slots

Wala itong offline mode kaya kailangang nakakonekta sa WiFi o mobile data bago maglaro. Kaya importante na mayroong stable internet connection para maging smooth ang paglalaro, o kaya naman ay may malakas na signal ang lugar na kinaroroonan kung mobile data ang gagamitin. Mainam na may nakaantabay na mas nakatatanda kung lalaruin ito ng mga bata sapagkat karamihan ng bingo ay isang porma ng sugal. Ang target audience ng larong ito ay ang mga nasa hustong gulang na sapagkat maaari itong maging sanhi ng bisyo at pagkaadik sa pagsusugal kapag nasobrahan at kung walang pagkakaunawa kung ano ang tama sa mali. 

Konklusyon

Magandang irekomenda ang laro sa mga taong mahilig mag-bingo at sa mga may karanasan na sa paglalaro nito. Maaaring mahirapan sa una ang mga baguhang manlalaro kung walang sapat na kaalaman sa kalakaran ng bingo at slots machines. Pero dahil madali lang ang mechanics ng laro, hindi naman ito mahirap matutunan. Para naman sa mga taong hilig talaga ang paglalaro ng bingo, nakakaadik at tiyak na paglalaanan nila ito ng maraming oras. Dahil dito, importanteng magtabi ng sapat na oras at maging madiskarte kung nais mo itong laruin nang pangmatagalan. Huwag din kalimutan na mahalaga rin ang swerte sa larong ito! 

Laro Reviews

Leave a Comment

Categories
Latest Posts
Login
Loading...
Sign Up
Loading...