Dragon Merge Master 3D

Ang merge games ay itinuturing na isa sa pinakapatok at kinahuhumalingang uri ng laro. Bukod kasi sa nakakaengganyong gameplay, may mga meta-layer gaming elements din ang mga ito tulad ng kapanapanabik na storylines, building, hunting at resource management features. Sa unang sulyap, maaaring simple lang ang laro subalit hindi ito nangangahulugang dehado ito kumpara sa ibang uri ng game app. Ang Dragon Merge Master 3D ay isang action merge game na inilabas noong Abril 12, 2022. Ang single-player game na ito ay ginawa at inilunsad ng Falcon Game Publishing. Sa kasalukuyan, ito ay nakapagtala na ng mahigit sa isang milyong downloads sa Google Play Store lamang.

Ang pangunahing layunin ng mga manlalaro ay magkaroon ng pinakamalakas at pinakamatapang na hukbo sa Dragon City. Upang makapag-level up dito, kinakailangang talunin ng mga manlalaro ang kanilang mga kalaban sa isang harap-harapang game match. Sa bawat game level ay makakatapat nila ang grupo ng mga kaaway na patuloy na lumalakas. 

Paano I-download ang Laro?

Ang game app na ito ay pwedeng i-download sa mga Android at iOS device mula sa Play Store o sa Play Store. Maaari rin itong laruin gamit ang laptop o desktop sa pamamagitan ng pag-download ng app at pag-run nito gamit ang isang Android emulator. Kung sabik ka ng maglaro nito kaagad, maaari mong i-click ang mga link sa ibaba:

Download Dragon Merge Master 3D on Android https://play.google.com/store/apps/details?id=com.dragon.merge.master.battle.fight

Download Dragon Merge Master 3D on iOS https://apps.apple.com/gb/app/dragon-merge-master-3d/id1618890787

Download Dragon Merge Master 3D on PC https://napkforpc.com/download/apk/com.dragon.merge.master.battle.fight/

Ultimate Guide para sa mga Manlalaro

Ang Dragon Merge Master 3D ay isang natatanging laro na nagtatampok ng dalawang uri ng game characters: warriors at dinosaurs. Ang mga ito ang kasama mong makikipaglaban upang talunin ang malalakas na mga kaaway. Ang progressive game levels ng larong ito ay susubok sa iyong kakayahan na bumuo ng iba’t ibang diskarte at taktika. Alalahanin na ang bawat game match ay may time limit kaya kinakailangan mong kumilos at mag-isip ng mabilis. 

Hindi na kinakailangan pang gumawa ng account o kaya ay mag-sign in ng mga manlalaro rito. Agad kang sasabak sa aktwal na labanan sa sandaling i-launch mo ang app. Bagama’t ang game data ay automatic na masi-save sa iyong gaming device, hindi maaaring ilipat ang iyong game progress sa ibang gadget. 

Para mas madali mong maintindihan kung ano nga ba ang dapat mong asahan sa larong ito, tutulungan ka ng Laro Reviews na alamin ang gameplay, mechanics at features nito. 

  • Gameplay at Game Mechanics

Ang Dragon Merge Master 3D ay gumagamit din ng battle card system. Kinakailangan mong mamili ng cards na kumakatawan sa warriors at dinosaurs. Ang gameplay nito ay simple lang at madaling maunawaan ngunit puno ng mga hamon na kinahuhumalingan ng marami. Ang grupo ng mga kalaban na iyong kakaharapin ay lumalakas habang ikaw ay nagli-level up. Ang mga labanan ay magaganap sa isang battle board na matatagpuan sa gitna ng gaming screen. 

Sa bawat game match, ang mga manlalaro ay maaaring gumamit ng hanggang sa limang game characters. Para mas tumaas ang tsansa mong manalo, gamitin ang characters na magkasing-level o kaya ay mas mahusay pa kaysa sa iyong makakalaban. Ang game cards na pwede mong pagpilian ay makikita sa ibaba ng start button. Kapag maayos mong nailagay ang iyong hukbo at handa ka ng makipagpalitan ng atake, agad na click ang Start Fight button upang magsimula ang match. 

Medyo kakaiba ang game mechanics ng larong ito dahil maaari mo lamang i-merge ang magkakaparehong dinosaurs at warriors bago magsimula ang laban. Ang mga ito ay makikipagsalitan ng atake hanggang sa maubos ang battle time o kaya ay tuluyang matalo ang isa sa inyo. Ang pinakamahalagang hakbang dito ay ang pagpapasya kung aling game characters nga ba ang dapat mong gamitin at kung paano mo aayusin ang mga ito sa board. Pag-aralan mo rin ang level ng iyong kalaban at tapatan ito. Pwede mo ring i-merge ang iyong characters upang makabuo ng mas malakas pang hukbo. 

  • Warriors at Dinosaurs 

Ang warriors at dinosaurs sa larong ito ay may iba’t ibang uri batay sa kanilang stats. Hindi mo maaaring i-access ang lahat ng ito nang sabay-sabay. Habang nagli-level up ka ay unti-unti mo ring maa-unlock ang mga ito. Ang life meter ng bawat game character ay makikita sa itaas na bahagi ng kanilang mga ulo. Kung mapapansin mo, ito ay nababawasan sa bawat tira na kanilang natatanggap. Makikilala mo rito ang mababangis na dinosaurs tulad ng triceramon, carnotaurus, tyrannosaurus, styracosaurus, raptormon at iba pa. Samantala, ang magigiting naman na warriors ay kinabibilangan nina Hun, Hawk, Brus, Cel at marami pang iba.


  • In-game Currency

Ang in-game currency na ginagamit sa Dragon Merge Master 3D ay ang coins. Makakakuha ka nito kapag naipanalo mo ang match. Maaari mo itong gamitin upang madagdagan ang iyong hukbo. Gayunpaman, tandaan na medyo may kamahalan ang pagbili ng karagdagang game character kaya gamitin ang iyong coins sa matalino at madiskarteng paraan. Huwag kaligtaang magtira ng sapat na halaga ng mga barya para sa mga susunod mong laban.

Pros at Cons ng Dragon Merge Master 3D

Ang game controls ng larong ito ay simple at madaling gamitin kung kaya’t hindi nahihirapan ang mga manlalarong laruin ito. Marami ang pumupuri sa gameplay nito dahil ito ay balanse at may mahusay na execution. Walang masyadong bugs ang app na nakakagambala sa paglalaro. At hindi tulad ng iba, hindi ito palaging nagla-lag. Ang game mechanics nito ay madaling maunawaan at maaaring laruin ng iba’t ibang uri ng manlalaro – bata man o matanda. Kahanga-hanga din ang 3D graphics at animations nito – simple at hindi nakakalito. Ang layout nito ay maayos at user-friendly din. Higit sa lahat, maaari rin itong laruin kahit walang internet connection.

Sa kabilang banda, may nakakadismayang mga bagay din sa larong ito. Isa na rito ang napakaraming lumalabas na ads lalo na kapag naglalaro ka ng may internet connection. Ang mga ito ay nagdadala talaga ng hindi kaaya-ayang gaming experience sa lahat. May iilan pa naman na masyadong matagal matapos at hindi pwedeng i-skip. Nakakalungkot din na ang rewards sana na makukuha mula sa panonood ng mga ito ay hindi naibibigay. May mga pagkakataong nagka-crash na lamang bigla ang app at kinakailangan pang i-restart ito upang gumanang muli. Sa katagalan, nagiging boring at nakakasawa ang gameplay nito dahil walang special events. Medyo nakakalito rin ang larong ito dahil ang game characters ay dinosaurs at hindi naman dragons. 

Konklusyon

Ang Dragon Merge Master 3D ay may average rating na 4.1 stars mula sa mahigit 600 reviews sa Play Store. Sa kabilang banda, mayroon lamang itong 3.6-star rating mula sa 12 reviews sa App Store. Para sa Laro Reviews, ang game app na ito ay medyo nakakadismaya at masyadong simple kung ikukumpara sa ibang merge games. Kahit na ang visuals at execution nito ay maayos naman, sobrang nakakadismaya talaga ang ads nito. Bagama’t ito ay itinuturing din na isang action game, walang masyadong aksyon na nagaganap. Mas maituturing itong isang idle game dahil ang kinakailangan mo lang gawin ay pumili at i-merge ang iyong hukbo. 

Leave a Comment

Categories
Latest Posts
Login
Loading...
Sign Up
Loading...