Pikmin Bloom Review

Nag-eenjoy ka bang gumala at palaging nasa labas? O kaya’y naghahanap ka ng dagdag na inspirasyon para maging mas aktibo? Ito na ang pagkakataon mong alamin ang tungkol sa Pikmin Bloom, isang game app na mula sa Niantic. Inilabas ito nang taong 2021 at naglalayong hikayatin ang mga manlalaro na maglakad, mamasyal at mag-enjoy sa labas sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng mga kapanapanabik na game rewards.

Ang pangunahing layunin ng mga manlalaro rito ay magkaroon ng marami at iba’t ibang uri ng Pikmin sa pamamagitan ng pagiging physically active. Nagbibigay ito ng positive reinforcement sa pamamagitan ng game rewards upang mahikayat ang mga manlalaro na magkaroon ng malusog na pangangatawan. Wala kang lugi rito, magli-level up ka na sa laro, magagawa mo pang magkaroon ng mas healthy na lifestyle.

Paano I-download ang Laro?

Ang Pikmin Bloom app ay libreng maida-download sa Play Store at App Store. Maaari itong laruin gamit ang Android o iOS devices na may RAM na hindi bababa sa 2GB at OS na katumbas o mas mataas sa Android 6.0. Pwede mo rin itong ma-enjoy gamit ang laptop o desktop. Bagama’t walang itong official PC version, pwede mong i-download ang APK file nito sa iyong computer at i-run ito gamit ang isang Android emulator. Subalit, tandaan na maaari kang mahirapan sa paglalaro kapag computer devices and gagamitin mo. Bilang alternatibo, pwede mong gamitin ang mga sumusunod na link upang hindi ka na mahirapan: 

Download Pikmin Bloom on Android https://play.google.com/store/apps/details?id=com.nianticlabs.pikmin

Download Pikmin Bloom on iOS https://apps.apple.com/bs/app/pikmin-bloom/id1556357398

Download Pikmin Bloom on PC https://napkforpc.com/download/apk/com.nianticlabs.pikmin/

Ultimate Guide para sa mga Manlalaro

Ang stylized adventure game na ito ay nagdadala ng bagong dahilan upang ikaw ay lumabas at maglakad-lakad. Dito ay sasabak ka sa mundo ng augmented reality kung saan ay makikilala at makakasalamuha mo ang mga kakaibang nilalang na tinatawag na Pikmin. Ang Laro Reviews ay magbibigay ng maikli ngunit detalyadong pagpapakilala sa larong ito. Magkakaroon ka rin ng karagdagang kaalaman para makapagsimula sa laro. 

Kapag ini-launch mo ang app sa unang pagkakataon, kailangan mong i-input ang iyong birthdate. Kinakailangan mo ring gumawa ng game account gamit ang iyong Nintendo, Google o Facebook account. I-click ang “I agree” button bilang patunay na iyong nabasa at sang-ayon ka sa Terms of Services ng laro. Huwag ding kalimutan na i-activate ang GPS feature ng iyong gaming device at i-allow ang app na ma-access ang iyong lokasyon. 

  • Ano ang Pikmin?

Sa augmentred reality game na ito, ang Pikmin ay maliliit at kaibig-ibig na mga nilalang. Sila ay makikita lamang gamit ang gaming devices. Kung titingnan silang mabuti, ang kanilang anyo ay medyo nakalilito dahil may pagkakahawig ang mga ito sa parehong hayop at halaman. Pwedeng makipag-ugnayan ang mga manlalaro sa kanila sa Pikmin World at sa augmented reality mode ng laro. Ang mga Pikmin ay may tatlong life stages: leaf, bud at flower. Ang mga sumusunod ay ang pitong uri ng Pikmin sa larong ito: 

  1. Red Pikmin – Ito ang pinakabasic na uri ng Pikmin. Magaling sila sa labanan at may kakayahang makatiis ng matinding fire attacks.
  2. Yellow Pikmin – Ito ay may malalaki at matutulis na mga tainga. Ang mga ito ay maaaring itapon pataas at hindi tinatablan ng electric attacks.
  3. Blue Pikmin – Ito ay mga amphibious-type na Pikmin dahil mayroon silang hasang na parang bibig. Hindi tinatablan ng water-based attacks ang mga ito.
  4. Purple Pikmin – Ang mga Pikmin na ito ay mabalahibo at mas malaki kumpara sa iba. Kaya ng mga itong magdala ng mabibigat na bagay ngunit mabagal kumilos.
  5. White Pikmin – Ang mga ito ay mas maliit kumpara sa ibang Pikmin at ang kanilang mata ay kulay pula. Hindi sila tinatablan ng kahit na anong uri ng lason.
  6. Winged Pikmin – Kulay rosas naman ang mga ito at may malalaking ulo. May kakayahan silang lumipad dahil sa kanilang mga pakpak sa likod.
  7. Rock Pikmin – Ito ay matitibay na uri ng Pikmin at matutukoy mo ang mga ito kaagad dahil sa dahon sa kanilang ulo. Hindi sila tinatablan ng anumang uri ng brute force attacks. 
  • Gameplay

Ang gameplay ng Pikmin Blooms ay binubuo ng pagkolekta at pag-upgrade sa mga Pikmin. Upang masimulan ang iyong kapanapanabik na pakikipagsapalaran, kailangan mong ilagay ang mga punla sa planter pack. Dapat kang maglakad o magpalipat-lipat ng lokasyon upang tumubo at lumago ang iyong mga tanim. Kapag naisagawa mo na ang karampatang bilang ng steps, ang mga ito ay magbubunga ng Pikmin na dapat mong pitasin at kolektahin. Habang patuloy kang kumikilos ay makakakuha ang mga Pikmin ng mga prutas sa paligid. Ang mga ito ay automatic na magiging nectar at magsisilbing pagkain ng mga Pikmin. Regular na pakainin ng nectar ang mga Pikmin upang sila ay mamulaklak. Kinakailangan mong kolektahin ang mga mamumuong bulaklak para makakuha ng panibagong punlang itatanim. Sa ganitong paraan, magagawa mong makakuha ng marami at iba’t ibang uri ng Pikmin. Maaari mong utusang maghanap ng mga prutas ang mga ito o kaya ay tipunin sila para makipaglaro o para pakainin sa pamamagitan ng pag-tap sa whistle icon na makikita sa ibabang bahagi ng gaming screen.

Pros at Cons ng Pikmin Bloom

Ang konsepto ng larong ito ay bago at kapakipakinabang. Nag-uudyok ito sa mga manlalaro na maging physically active at magkaroon ng malusog na pangangatawan sa masaya at mas nakakaaliw na paraan. May feature rin ang larong ito kung saan maaaring maglagay ng mga larawan sa mga daanan upang magsilbing alaala na pwedeng balik-balikan. Ang interactive features nito ay kapansin-pansin din dahil maaaring makipagpalitan dito ng postcards. Gamit ang reflection tracker nito, pwede itong gawing monitoring app upang masubaybayan ang iyong physical fitness activities. Ang graphics at animations nito ay maganda at de-kalidad. Sobrang cute at kaibig-ibig na din ng mga Pikmin na game characters sa laro. Nanaisin mo talagang magkaroon ng marami at iba’t ibang uri ng mga ito. Ang gameplay nito ay simple at nakakarelaks din kaya marami ang hindi nakakaramdam ng pressure sa paglalaro nito. Ang background music na gamit sa laro ay nakaka-relax at hindi nakakagambala. Ang mga special events dito ay hindi dapat palampasin. 

Gayunpaman, may mga bagay din sa larong ito na dapat pang pagbutihin at ayusin. Isa na rito ang kawalan ng paraan upang makapaglagay ng kahit na maikling mensahe sa postcards. May kalakihan ang file size nito kung kaya kinakailangan talagang siguraduhin ng mga manlalaro na may sapat na memory space ang kanilang gaming device para gumana ito ng maayos. Ang counter ay nito ay hindi maaasahan dahil hindi ito nakakapagtala ng tamang bilang ng steps. Kinakailangan ring ayusin at baguhin ang UI nito dahil hindi ito user-friendly. Magastos din ang app na ito sa data. Marami ang nakapansin na mabilis ma-lowbatt ang gaming devices kapag naglalaro nito. 

Konklusyon

Ang Pikmin Bloom ay may average rating na 4.2 stars sa Play Store habang sa App Store naman ay may 4.7-star rating ito. Para sa Laro Reviews, ang larong ito ay isang magandang uri ng passive motivational game app. Bagama’t ang mechanics nito ay katulad ng sa Pokemon Go, mas madali ito at hindi mapilit kumpara dito. Sa pamamagitan nito, mas nakakaaliw at nakakatuwang maglakad at mamasyal sa labas. 

Leave a Comment

Categories
Latest Posts
Login
Loading...
Sign Up
Loading...