Evil Defenders Review

Kung may kwento patungkol sa heroes at evil, iisipin na agad natin na ang evil ang villain habang ang mga hero naman ang main character. Iyon na kasi ang nakasanayan ng lahat. Ngunit ibahin natin ang larong ito sa mga iyon. Dahil dito, ang mga evil forces ang sinasabing bida habang ang mga hero naman ang itinuturing na villain. Bakit nga ba? Ang larong ito ay tinatawag na Evil Defenders. Ito ay isang uri ng strategy-tower defense game na siyang nilabas ng Crazy Panda Limited. Umiikot ang kwento ng larong ito sa mga demons, orcs, skeletons at evil forces na naninirahan sa isang lugar na hitik sa ginto. Tahimik ang mga ito hanggang sa matuklasan ito ng ilang mga greedy idlers at plinanong pasukin ang Lands of Evil. Sa larong ito, gagampanan mo ang pagiging isa sa mga evil forces at trabaho mong magpadala ng ilang mga kauri mo upang depensahan ang iyong teritoryo mula sa mga mananakop nito. Gumamit ng mga pana, cannon at marami pang iba. Handa ka na ba? 

Features ng Evil Defenders

Sa oras na mabuksan mo na ang Evil Defenders, bubungad na kaagad sa iyo ang malawak na mapa nito. Kung baguhan ka pa lamang sa laro ay maaari mong subukan ang tatlong bukas na mapa na naglalaman ng tig-labinglimang levels habang ang isa naman ay nakahanda para magbigay ng pahapyaw na kwento na mayroon ang laro. Kung bubuksan naman ang mga ito ay nakahilera ang iba’t ibang klase ng game mode na maaari mong subukan gaya ng Standard, Nightmare, Chaos, Hell, Inferno at Challenge. Bukod pa sa mga bukas na lugar sa mapa ay mayroon pang apat na lugar na maaari mong mabuksan marahil ay sa pamamagitan ng pagbili rito.

Gaya ng ibang laro na may ganito ring genre, mayroon kang section na maaaring puntahan kung nais mong malaman kung sinu-sino ang mga hero o tower na mayroon ka gaya nina Crossbow Goblin, Old Crypt, Orc Cannon, Apprentice at Sleeping Lizard. Bawat isa sa mga ito ay mayroong iba’t iba ring anyo sa oras na i-upgrade. Kasama na rin dito ang iba’t ibang klase ng kalaban gaya ng peasant, fat peasant, soldier, archer, cleric, knight, mage, standard bearer, icarus, Paladin, at musketeer. Inaasahan na maaari pa itong madagdagan sa oras na tumagal ka pa sa paglalaro nito.

Dahil lumalakas din ang iyong mga kalaban kasabay ng pagtaas ng level ng iyong paglalaro ng Evil Defenders, mayroong hinandang section ang laro upang ma-upgrade mo pa ang lahat ng iyong mga hero at kalauna’y maging epektibo sa kanilang mga laban. Sa Upgrade section makikita ang lahat ng iyong Heroes at kung ilang pag-upgrade ang iyong maaaring gawin sa mga ito upang lalo pa silang lumakas. Bawat hero ay may kanya-kanyang bilang ng upgrade at magagawa ito sa pamamagitan ng paglalaan dito ng souls na siyang nagsisilbing currency ng laro.

Saan maaaring i-download ang Evil Defenders?

Ang larong ito ay nangangailangan lamang ng 25MB sa Google Play Store habang 598.5MB naman pagdating sa App Store. Maaari ka namang gumamit ng emulator gaya ng BlueStacks para naman sa iyong PC. Kung nais mo itong laruin, i-click lamang ang link na nasa ibaba depende sa device na iyong gamit.

Download Evil Defenders on Android https://play.google.com/store/apps/details?id=ru.crazypanda.EvilDefendersFree

Download Evil Defenders on iOS https://apps.apple.com/us/app/evil-defenders/id1434692934

Download Evil Defenders on PC http://bluestacks.com/apps/strategy/evil-defenders-on-pc.html

Tips at Tricks sa paglalaro ng Evil Defenders

Upang magkaroon ng adbentahe sa larong ito, kailangan mo lamang tandaan ang ilang mga bagay. Narito ang tips ng Laro Reviews para iyong subukan:

Isang magandang ideya na isipin na agad sa oras na simulan mo nang laruin ito kung saan mo maaaring ilagay ang iyong mga hero upang mapigilan ang mga kalaban na makapasok sa iyong teritoryo. Bilang paalala pagdating dito, sikaping ilagay ang cannon sa likurang bahagi at unang bahagi habang ang ilan naman ay para na sa iyong mga old crypt. May karamihan din kasi ang mga bilang ng mga ito at kung ia-upgrade mo pa ito ay tunay na mas magiging epektibo pa ito.

Pag-aralan din ang iyong kilos ng iyong mga kalaban dahil gaya ng ibang tower defense game ay mayroon ka ring mga kalaban na mabilis, matatag at kayang magpalutang-lutang. Aralin mo ang mga ito sa pamamagitan ng pagpapadala ng mga hero na epektibo at maaaring ipantapat sa mga ito. 

Pros at Cons ng Evil Defenders

Ilan sa mga bagay na nagustuhan ng Laro Reviews dito sa Evil Defenders ay ang pagiging complete package nito pagdating sa graphics. Kumpara kasi sa ibang laro, ang artwork na makikita rito ay buong-buo, malinaw at detalyado. Mapapansin mo ito pagdating sa kung papaano rumaragasa ang tubig, ang itsura ng ulap maging ang mga disenyo ng bawat bahay rito. Isama mo rin dito maging ang nilapat na kulay para rito na talagang nakadagdag-buhay sa mga ito. Kung papansinin din ay talagang may pagka-humorous ang palitan ng lines sa larong ito kaya hindi ka lang maaaliw sa gameplay ng laro kundi pati na rin sa kwelang pagkukwento nito.

Sapat na rin maituturing ang dami ng quest sa larong ito lalo na pagdating sa Campaign. Sapat na ang mga ito upang magbigay-aliw sa bawat manlalaro at hasain ang iyong talino pagdating sa pagde-deploy ng iba’t ibang klase ng Tower, matalo lamang ang iyong mga kalaban. Isa rin sa bagay na kagandahan sa Evil Defenders ay maaari mo na ring malaro ang bawat level depende sa nais mong level of difficulty nito. Kung nais mong malaman muna ang basic, nariyan ang easy. Kung nais mo namang ma-challenge ay nariyan ang ilan pang game mode na talagang susubukin ka at ang talinong mayroon ka.

Gayunpaman, isang bagay lang na maituturing na disadbentahe sa larong ito ay ang parte kung saan kailangan mo talagang paglaanan ng pera ang laro alang-alang sa ikagaganda ng laro mo rito. Kailangan mo ng pera para mapagtagumpayan ang bawat mahihirap na level. Kailangan mo rin ng pera pagdating sa pag-level up o pag-upgrade. Gayunpaman, maaari mo pa rin namang malaro ito nang hindi naglaaan ng pera. Iyon nga lang, katakot-takot naman na pag-grind ang kakailanganin mo, magkaroon lamang ng adbentahe sa bawat laban mo.

Konklusyon

Para sa Laro Reviews, may ibubuga naman ang larong ito pagdating sa ganitong klase ng genre ng laro. Sinikap maging angat ng larong ito sa ibang laro pagdating sa mga features nitong tunay na kaaaliwan mo. Bagaman masasabing nakakaadik nga ang larong ito, hindi pa rin maikakaila na ang pagkakaroon nito ng in-game currency kung saan maaari mo lamang malaro ang ibang parte ng laro kung may mailalabas kang pera, nalilimitahan nito ang iba pa na walang kakayahan na gawin ito.

Leave a Comment

Categories
Latest Posts
Login
Loading...
Sign Up
Loading...