Cursed Treasure 2 Review

Hanggang saan mo kayang protektahan ang iyong kayamanan, huwag lang itong makamkam ng mga nilalang na mayroong interes dito? Sukatin natin iyan sa larong nilikha ng developer na una nating nakilala dahil sa larong itinampok natin dito noon gaya ng Soda Dungeon, ang Armor Games. Ngayon, bibigyan naman tayo nito ng panibagong laro kung saan bibigyan ka nito ng pagkakataong maging isa sa mga evil force. Ito ang Cursed Treasure 2, isang casual-strategy tower defense game. Umiikot ang larong ito sa isang kwento patungkol sa isang Dark Overlord na mayroong iniingatang gems. Ngunit may ilang mga sakim na tao na nais itong kunin upang gamitin sa personal lamang na interes. Kaya naman, bilang isang manlalaro nito, trabaho mong protektahan ang sinasabing cursed treasure kasama ang mga orcs, undead at demons mula sa mga sinasabing “do-gooders” na ito. 

Features ng Cursed Treasure 2

Sa pagpasok mo pa lamang sa loob ng Cursed Treasure 2, bubungad na agad sa iyo ang mundong mayroon dito. Makikita mo na kaagad dito ang malalaking lupain gaya ng Meadow Shire, Holy Mountain, Argania, Tanglewood, The Coreland, Wasteland, at The Free Coast. May iilan pang lupain na makikita pa rito ngunit dahil natatakpan pa ito ng ulap ay hindi mo pa ito tuluyang masisilayan. Tulad ng ibang laro ay maaari mo itong mapasok kung matapos mo na ang mga lupaing nabanggit. Laman ng mga ito ang iba’t ibang level na nakaangkla sa kwento na mayroon ang laro.

Mayroong tinatawag na Evilopedia ang laro. Laman nito ang iba’t ibang bagay na maaaring makatulong sa iyo upang lubos mo pang maunawaan ang pagdaloy ng laro. Halimbawa ng mga bagay na makikita rito ay ang basics, towers, enemies, buildings at spell items.

  • Basics – Naririto ang ilang mga bagay na maaari mong gawin pagdating sa paglalaro ng Cursed Treasure 2. Narito ang ilang gabay pagdating sa pagprotekta ng gems, paglalagay ng tower at kung paano susugpuin ang mga kalaban, sa ibaba man o sa himpapawid. Narito rin maging ang pag-upgrade sa iyong mga tower, paggamit ng spell o mana, pagputol ng mga kahoy upang paglagyan ng mga towers, pagbubukas ng ilang mga building upang makakuha ng rewards, sino-sino ang mga boss sa larong ito at marami pang iba.
  • Towers – Mayroong tatlong klase ng tower sa larong ito; ang Den, Crypt at Temple. Bawat isa ay may iba’t ibang anyo sa oras na i-upgrade mo. Sa pag-upgrade mo rin ay maaaring madagdagan ang kanilang stats pagdating sa damage, recharge at range.
  • Enemies – Dito naman makikita ang kumpletong listahan ng iyong mga maaaring makalaban sa paglalaro mo nito. Sila ang mga taong nais kamkamin ang iyong mga gems. Kung paanong may kakayahan ang iyong mga tower na magkaroon ng iba’t ibang klase ng lakas sa pamamagitan ng pag-upgrade, lumalakas din ang iyong mga kalaban. Nahahati ito sa tatlong klase gaya ng Regular, Champion at Boss. Sa kabuuan ay mayroong apatnapu’t isa ang bilang ng iyong kalaban sa larong ito.
  • Buildings – Ang mga bagay naman na ito ay ang mga makakatulong sa iyo kung nais mong makakuha ng gold at mana. Gaya ng iba ay mayroon din itong iba’t ibang klase gaya ng gold mine, mana pool, at town. Kung baguhan ka pa lamang sa laro ay ito pa lamang muna ang maaari mong mabuksan habang labing-isa pa ang hinihintay na ma-unlock.
  • Spell Items – Ang mga ito naman ang makakatulong sa iyo o bilang pandagdag sa gamit mong pang-atake sa kalaban. Ilan sa mga ito ay ang Meteor, gold coin, mana potion, skull, scroll of stasis at marami pang iba. Sa kabuuan ay mayroong nakalaang walong slot para rito.

Kung babalikan natin ang iba’t ibang klase ng tower na maaari mong itayo at gamitin sa bawat laban, mayroong section sa larong ito kung saan maaari mong bigyan ang mga ito ng iba’t ibang klase ng skills upang mas maging malakas at kapaki-pakinabang pa ito sa bawat laban. Bawat isa sa kanila ay maaaring makapagtamo ng sampung klase ng skills.

Saan maaaring i-download ang Cursed Treasure 2?

Ang larong ito ay nangangailangan lamang ng 82MB sa Google Play Store habang 334.9MB naman pagdating sa App Store. Maaari ka namang gumamit ng emulator gaya ng Steam para naman sa iyong PC. Kung nais mo itong laruin, i-click lamang ang link na nasa ibaba depende sa device na iyong gamit.

Download Cursed Treasure 2 on Android https://play.google.com/store/apps/details?id=ru.iriysoft.cursedtreasure2

Download Cursed Treasure 2 on iOS https://apps.apple.com/us/app/cursed-treasure-2-evil-td/id670189358

Download Cursed Treasure 2 on PC https://store.steampowered.com/app/643960/Cursed_Treasure_2/

Tips at Tricks sa paglalaro ng Cursed Treasure 2

Upang magkaroon ng adbentahe sa larong ito, kailangan mo lamang tandaan ang ilang mga bagay. Narito ang ilang tips ng Laro Reviews para iyong subukan:

Una, mainam na palagi mong i-prioritize ang unang bahagi kung nasaan ang mga gems at ang dulong bahagi. Agad ding maglagay sa gitnang bahagi ng mga Tower upang tunay na wala talagang makalagpas na mga kalaban. 

Pangalawa, ugaliin din na kilalanin ang iyong mga maaaring maging kalaban. Silipin ang mga ito pagdating sa kung gaano sila kabilis at kung gaano katagal ang buhay nila at ilang pag-atake pa ang kailangan mong gawin bago mo sila tuluyang mapatay. Sa ganito, magiging handa ka sa maaaring dumating na kalaban, nasa lupa man sila o nasa himpapawid. 

Pangatlo at huling paalala, ugaliing gamitin ang iba’t ibang klase ng skills na mayroon ka. Marami ang mga ito at kung lahat ay mapapakinabangan mo, tiyak na malaki ang tsansa ng ikauusad ng iyong laro. Hindi mo ito madadala lahat sa sa bawat laban ngunit maaari mong pag-eksperimentuhan ang mga ito depende sa kung sino ang iyong makakalaban.

Pros at Cons ng Cursed Treasure 2

Isa sa mga bagay na nagustuhan ng Laro Reviews pagdating sa Cursed Treasure 2 ay ang pagkakaroon nito ng mahabang Campaign. Dito pa lamang ay busog na ang bawat manlalaro dahil kaya nitong tugunan ang pangangailangan ng bawat manlalaro pagdating sa paghahanap ng isang libangan na kaya nilang laruin sa mga libreng oras nila. Nakakatuwa rin na kasabay ng pagpasok mo sa laro ay ang pagbaybay mo rin sa daloy ng kwento na mayroon dito. Para bang pinagtatagpi-tagpi mo na rin ang kwento patungkol sa mga gems at kung bakit ito pinagkakaguluhan ng maraming tao.

Dito sa Cursed Treasure 2, manalo ka man o matalo sa bawat laban, ay mayroon ka pa ring reward na matatanggap. Uuwi kang sawi ngunit may dala ka namang star o kaya naman ay exp na siyang magagamit mo upang mas umangat pa sa bawat laban. Gayunpaman, sa kabila ng lahat ng ito, hindi pa rin maikakaila na ang bawat challenge na nilagay sa larong ito ay ubod na ng hirap. Tunay na madali ang mga naunang level ngunit sa oras na makalipat ka na susunod na mapa ay doon mo na mararamdaman ang bigat ng level na para bang ayaw ka na nitong ipanalo. Mayroon mang nakukuhang reward ang bawat manlalaro, manalo man sila o matalo sa laro, iba pa rin ang saya kung pinaghirapan nila ito mismo.

Konklusyon

Kung susuriin naman ang kabuuan ng Cursed Treasure 2, isa ito sa maaaring irekomenda para sa mga taong nahihilig sa mga Tower Defense game dahil laman nito ang challenging na level na talagang hahasain ang iyong talino para lang matalo ang iba’t ibang klase ng kalaban. Bukod din sa pagkakaroon nito ng paminsan-minsang ads, kabilang pa rin ang larong ito sa mga larong hindi ka magdadalawang isip na subukan. 

Leave a Comment

Categories
Latest Posts
Login
Loading...
Sign Up
Loading...