Wild Sky TD Review

Gaya ng ibang tower defense game, ang Wild Sky TD ay mayroon ding gameplay kung saan kailangan mo lamang mag-deploy ng iba’t ibang klase ng heroes at towers kasama ang iba’t ibang klase ng spells o kaya naman ay magic upang matalo ang iyong mga kalaban. Ngunit, kung may maituturing na bago pagdating sa strategy tower defense game na ito ng Funovus, ito ay ang pagkakaroon nito ng style na siyang makikita lamang sa mga role playing game. Bukod pa rito, tunay na hahasain nito ang iyong galing pagdating sa pag-iisip ng estratehiya lalo na sa paglikha ng isang deck na laman ang mga hero na may iba’t ibang klase ng lakas at kapangyarihan. Sila ang maaari mong gamitin pangontra sa iba’t iba ring klase ng kalaban. Dadalhin ka ng larong ito sa isang fantasy medieval RPG world na ang tanging misyon mo ay huwag hayaan ang mga monsters na pumasok sa iyong Kingdom. Depensahan ang iyong kingdom! Depensahan ang Wild Sky!

Features ng Wild Sky TD

Ang Wild Sky TD ay mayroong isang malawak na mundo. Sa oras na simulan mo ng buksan ang Map section nito ay bubungad na agad sa iyo ang mga lugar na maaari mong mapuntahan dito. Gayunpaman, ilan sa mga ito ang natatakpan pa ng mga ulap, senyales na hindi mo pa ito mapapasok hangga’t hindi mo pa nakukumpleto ang ilang mga misyon mo sa ibang lugar. Unang nagbubukas dito ang Greenvale Island na sinusundan naman ng Deadwood Desert. Bawat isa ay mayroong walo, sampu o higit pang mga levels o challenges depende sa laki ng lupain ng isang lugar. Ito ang nagsisilbing Campaign ng laro.

Sa Event section naman ng laro makikita ang iba pang game mode na maaari mong laruin nang mag-isa o kaya naman ay nang may kasama. Ilan sa mga makikita mo sa loob nito ay ang Story kung saan naglalaman ito ng labing-anim na quest. Ang Levels naman ay isang game mode kung saan maaari mong makalaban ang iba’t ibang klase ng boss sa laro. Maaari mong makasama sa pakikipaglaban dito ang iyong guild. Bukod dito ay mayroon din namang solo rito na siyang maaari mong laruin lalo na kung wala ka pang guild na sinasamahan. Sa loob naman ng Travel section makikita ang side story ng laro. Mayroon din itong mga quest na maaari mong subukan gaya ng Warship Chase, Flaming Arena, Sophia’s Finale, at The Siege of Ironwall. Bawat isa sa mga ito ay may kanya-kanyang bilang naman ng levels.

At dahil tungkol ito sa labanan, may isang section din dito kung saan makikita mo ang kumpletong listahan ng iyong mga Hero. Dito sa Card section makikita ang mga Hero na matatanggap mo na kaagad kahit pa baguhan ka pa lamang sa laro gaya nina Cannon Tower, Flint, ang Barracks. Bolt, Arrow Tower, Tesla Tower, ang Reinforce at si Sophia. Maaari pang madagdagan ang mga ito dahil tinatayang nasa isang daan pa ang maaari mong ma-unlock habang tumatagal sa laro. Bawat card ay may kanya-kanyang skills at posible mo pang ma-customize pagdating sa kanilang kasuotan.

Maraming section naman ang maaari mong mapuntahan kung nais mong makakuha ng iba’t ibang klase ng rewards. Maaari kang magtungo sa Quest section kung saan bawat quest ay mayroong kapalit na gold, gems, crystals at marami pang iba. Kasama nito ang Achievements kung saan kapalit naman ng mga challenges ang reward gaya ng gems at XP. Bukod sa mga ito ay mayroon ding Bootcamp, Event chest at Reward Section. Ilan sa mga ito ang maaaring mag-expire kada araw habang ang iba naman ay nakadepende sa pag-usad mo sa laro.

Dahil may ilang mga laro na nangangailangan ng may kasama, may section dito kung saan maaari kang sumali o lumikha ng sariling guild. Nagkalat ang mga guild na maaari mong salihan na nilikha ng ibang mga manlalaro na nagmula pa sa iba’t ibang panig ng mundo. Bawat guild ay nangangailangan lamang ng 20 members bago tuluyang magsara. Kung nais mo namang lumikha ng sarili, maaari ka ng makalikha ng isa gamit ang gems.

Saan maaaring i-download ang Wild Sky TD?

Ang larong ito ay nangangailangan lamang ng 290MB sa Google Play Store habang 501.9MB naman pagdating sa App Store. Maaari ka namang gumamit ng emulator gaya ng GameLoop para naman sa iyong PC. Kung nais mo itong laruin, i-click lamang ang link na nasa ibaba depende sa device na iyong gamit.

Download Wild Sky TD on Android https://play.google.com/store/apps/details?id=com.wildsky.td

Download Wild Sky TD on iOS https://apps.apple.com/ph/app/wild-sky-td/id1474891914

Tips at Tricks sa paglalaro ng Wild Sky TD

Upang magkaroon ng adbentahe sa larong ito, kailangan mo lamang tandaan ang ilang mga bagay. Narito ang tips ng Laro Reviews para iyong subukan:

Una, mainam na magkaroon ng pagpaplano pagdating sa kung anong Tower ang mainam na ilagay sa bawat pwestong kailangan mong punan sa laro. Gamitin ang hero o tower na kung hindi pa naman gaanong kalakasan ay mayroong sapat naman na dami para kahit papaano ay maantala sandali ang mabilis nja paglapit ng kalaban patungo sa destinasyon ng mga ito.

Pangalawa, hindi dapat natatapos sa pagde-deploy ang bawat manlalaro. Habang tumatagal sa laban, mas mainam din na binabantayan mo ang mga na-deploy mong tower at kalaunan ay i-upgrade para sa mas mabisa pa nitong gamit.

Pangatlo, sikaping makapag-unlock pa ng iba’t ibang klase ng cards upang magamit pa sa bawat paparating mo pang mga laban. Bawat isa ay may kanya-kanyang skills na epektibo mong magagamit kaya makakatulong kung makuha mo ang karamihan sa kanila. Sunod dito, gawin ding prayoridad ang pag-upgrade sa kanila para mas maging kapaki-pakinabang sa mga susunod pang laban.

Panghuli, huwag ding kalilimutang libutin ang bawat feature na makikita sa larong ito lalo na kung pagdating sa mga rewards lalo pa’t ilan sa mga ito ay nag-e-expire. 

Pros at Cons ng Wild Sky TD

Isang kalamangan na nakikita ng Laro Reviews pagdating sa larong ito ay ang hitik ito sa mga bagay na maaari mong gawin. Mayroon itong iba’t ibang klase ng game mode na talaga namang kasasabikan mong laruin lahat. Bukod pa rito, nakakatuwa rin na hindi lamang nag-pokus ang laro pagdating sa isang Kingdom kundi sinubukan din nitong hapyawan ang iba pang story na may kinalaman sa mundo ng Wild Sky. Kung mapapansin din, bawat level na makikita rito ay may sapat na ring dami para iyong malaro sa loob ng isang araw. Iba’t iba rin ang level of difficulty ng mga ito kaya hindi mo maiiwasang paghandaan ang bawat laban mo rito. Hindi rin masasabing linear o repetitive ang bawat level dahil bawat isa ay mayroong iba’t ibang challenges o mga kalaban na talagang hahasain ang iyong galing pagdating sa pag-strategize.

Sa kabilang banda, masasabi lang na disadbentahe sa larong ito na may mga pagkakataon na bagaman hindi pa natatapos ang laro o hindi pa tuluyang nauubos ang iyong mga kalaban, basta’t sigurado na ang iyong panalo ay kusa na itong natatapos. Wala namang problema rito ngunit mainam pa rin siguro kung hinahayaan muna ng laro na maubos ng mga manlalaro ang kanilang mga kalaban bago tuluyang tanghaling panalo. Bukod pa rito, nakakalungkot din na hindi ito kumpletong offline game dahil maaari mo nga itong malaro ngunit hindi mo naman maa-upgrade ang iyong heroes at towers sa kalagitnaan ng laban kung hindi ka naka-online.

Konklusyon

Taglay ng Wild Sky TD ang isang uri ng graphics na talagang nakakaaliw, hindi man bago sa mata ngunit nakakatuwang pagmasdan ang visuals at animation ng laro. Laman din nito ang iba’t ibang klase ng game mode na maaari mong laruin nang mag-isa o kaya nang may kasama. Sa kabuuan, tunay na complete package ang larong ito upang maging libangan ng bawat manlalaro. Kaya naman, i-download na ito upang iyong masubukan!

Leave a Comment

Categories
Latest Posts
Login
Loading...
Sign Up
Loading...