Farm Island: Farm & Building Review

Hay Day, Farming Simulator Series, at FarmVille 2: Country Escape. Ito ang ilang sikat na farming games na nilikha upang tularan ang buhay sa countryside sa pamamagitan ng pag-aalaga ng mga hayop at pag-aani ng crops. Subalit dadalhin ka ng featured game sa artikulong ito sa ibang lugar. Ang Farm Island: Farm & Building ay isang city-building at farm simulation game na inilabas ng AlexStone Game Studio.

Sa larong ito, dapat mong tuklasin ang isla sa pamamagitan ng pagpapalawak ng iyong teritoryo. Ngunit magagawa mo lamang ito gamit ang coins upang bilhin ang mga lupain at magtayo ng mga tulay na gawa sa mga kakahuyan. Kaya putulin ang mga puno at alagaan ang mga pananim at hayop upang maibenta ang mga produktong nagagawa ng mga ito. Habang tinutuklas mo ang higit pang mga lugar, maaari kang magtayo ng higit pang mga istruktura na makakatulong sa iyong pangalagaan ang iyong farm island.

Features ng Farm Island: Farm & Building 

Automatic task – Isang feature na tumutulong sa iyong karakter na gawin ang kanyang trabaho nang mag-isa. Halimbawa, ang iyong magsasaka ay magtatanim, magdidilig, at mag-aani ng lahat ng crops kapag nilagay mo sila sa field at puputulin ang mga puno kapag itinabi mo sila sa may puno.

Buildings – Ito ang mga istrukturang maaari mong itayo gamit ang mga kahoy na pinutol mo sa mga puno. Bilang karagdagan, ang bawat isa sa kanila ay may iba’t ibang layunin, tulad ng:

  • Science Museum – Isang gusaling magtataas ng presyo ng iyong crops, kakahuyan, at animal products gamit ang coins.
  • Shops – Ang lugar kung saan maaari mong ibenta ang mga materyales na iyong nakalap.
  • Barn – Maglalabas ito ng tig-iisang Tomato worker, Apple worker, at Sunflower worker na mag-aalaga at aani ng kanilang nakatalagang crops. Bilang karagdagan, maaari mo ring i-upgrade ang kapasidad nito at ang kanilang mga backpack gamit ang coins.
  • Sawmill – Isang istrukturang gagawa ng mga kakahuyan, at maaari mong i-upgrade ang kapasidad at bilis ng produksyon nito gamit ang coins.

Achievement – Naglalaman ito ng mga listahan ng mga materyales at produktong dapat mong ipunin at bibigyan ka ng coins bilang gantimpala kapag nakumpleto mo ang mga ito.

Puno – Dito ka makakukuha ng mga kahoy sa pamamagitan ng pagputol ng mga ito. Bilang karagdagan, may ilang mga punong makukuhanan mo ng mga mansanas kapag inalog mo ang mga ito.

Crops – Ang mga produktong maaari mong ibenta kapalit ng coins. Bago anihin ang mga ito, kailangan mong itanim ang buto at diligan ang usbong. Gayunpaman, hindi mo na kailangang maghintay ng mahabang panahon dahil ang proseso ay matatapos agad-agad.

Saan pwedeng i-download ang Farm Island: Farm & Building?

Pumunta sa Google Play Store gamit ang iyong smartphone kung Android user ka, at i-type ang Farm Island: Farm & Building sa search bar. Dahil libre ang laro, i-click at i-install lang ito at hintaying matapos ang pagda-download. Gayunpaman, hindi ito available sa iOS.

Narito ang link kung saan mo maaaring ma-download ang laro:

Download Farm Island: Farm & Building on Android https://play.google.com/store/apps/details?id=com.buildisland.craftleague

Download Farm Island: Farm & Building on PC https://www.gameloop.com/game/casual/com.buildisland.craftleague

Tips at Tricks sa Paglalaro 

Pinaka-challenging na bahagi ang simula ng laro dahil kumukuha ka ng resources nang walang tulong mula sa iba. Kaya bibigyan ka ng Laro Reviews ng tips na magagamit mo upang pamahalaan ang iyong farm at pabilisin ang iyong pag-usad.

Huwag ibenta ang kakahuyan.

Maaaring ito lang ang produktong pwede mong ibenta sa unang bahagi ng laro, ngunit hindi ito nangangahulugang kikita ka sa mga ito sa huling bahagi ng laro. Kaya dapat kang mag-invest sa crops kapag nakapagtayo ka na ng tindahan at fields.

Buuin ang mga tulay.

Dadalhin ka nito sa iba pang mga isla, kaya siguraduhing

magtipon ng sapat na kakahuyan upang itayo ang mga ito.

Mamuhunan sa Barn.

Malaki ang tulong nito sa iyong laro dahil sa mga manggagawa nitong magtatanim, magdidilig, at mag-aani ng nakatalaga nilang crops. Dahil dito, magkakaroon ka ng mas maraming oras para asikasuhin ang iba pang mga bagay.

Gamitin ang Science Museum.

Para makakuha ng mas maraming coins, i-upgrade ang pinakamahal na produktong maaari mong kolektahin. Isa pa, huwag mag-invest sa kakahuyan at kamatis dahil mura lamang ang mga ito.

I-upgrade ang Sawmill.

Ang kahoy ay isa sa pinakamahalagang resources dahil ginagamit ang mga ito para sa pagtatayo ng mga istruktura at tulay. Gayunpaman, maaaring nakakapagod na putulin ang lahat ng ito, at magsasawa ka bago ka makaipon ng sapat na stock. Kaya gamitin ang iyong coins upang i-upgrade ang bilis ng produksyon nito at ang mga kakahuyang maaari nitong gawin.

Pros at Cons ng Farm Island: Farm & Building 

Malaking tulong ang automatic task feature dahil mas makakatipid ka ng oras. Bilang karagdagan, hindi mo na kailangang pindutin ang anumang button upang gawin ang anumang trabaho, tulad ng pagpuputol ng mga puno. Kaya kailangan mo lang i-swipe ang iyong screen para ilipat ang iyong karakter.

Karamihan sa farming games tulad ng Hay Day, ang nakaraang featured game mula sa Laro Reviews, kailangan mong hintaying tumubo ang iyong crops bago mo anihin ang mga ito. Ang ilan ay tumatagal nang ilang minuto ngunit ang iba naman ay aabutin ng humigit-kumulang walong oras upang makolekta ang mga ito. Sa Farm Island: Farm & Building, hindi mo na kailangang maghintay para lumaki at maani ang iyong crops. Nangangahulugan itong mas mabilis kang makakuha ng coins, hindi katulad sa ibang mga laro. Sa kabilang banda, magkakaroon ng cooldown ang pamimitas ng mansanas mula sa mga puno at pagtitipon ng mga produkto mula sa mga hayop, ngunit hindi ito aabot ng isang oras.

Ang unang bahagi ng laro ay maaaring nakalilito dahil hindi ito nagbibigay ng instructions o kahit na kung paano mo kontrolin ang iyong karakter. Nagpapakita lamang ito ng isang arrow na tumuturo sa isang puno, kaya wala kang pagpipilian kundi pag-aralan ang gameplay nang mag-isa. Bilang karagdagan, nagiging repetitive rin ang early game dahil gugugol ka ng maraming oras sa pangongolekta ng mga kahoy. Kung wala kang sapat na pasensya, malamang na hihinto ka sa paglalaro nito at i-uninstall ang laro. Sa kabutihang palad, hindi matagal matuklasan ang iba pang bahagi ng isla.

Konklusyon

Maaaring hindi mo ma-enjoy ang unang minuto ng gameplay nito dahil sa mabagal na pag-usad. Gayunpaman, magiging mas masayang laruin ang Farm Island: Farm & Building habang nakatutuklas ka ng higit pang features tulad ng karamihan sa farming games. Mayroon ding items na magagamit mo sa panonood ng ads, ngunit wala itong anumang in-app purchases, kaya hindi ito pay-to-win. Maaaring hindi mo ito mae-enjoy kung mayroon kang maikling pasensya. Gayunpaman, inirerekomenda ito ng Laro Reviews kung mahilig ka sa mga larong malalaro mong pangmatagalan.

Leave a Comment

Categories
Latest Posts
Login
Loading...
Sign Up
Loading...