FIFA Soccer Review

Kung natatandaan mo pa, naitampok na ng Laro Reviews ang eFootball PES 2021 noon, isang soccer game kung saan talagang ipaparanas nito sa iyo ang kakaibang experience pagdating sa paglalaro ng sports game na ito at napatunayan naman natin iyon sa pamamagitan ng paghimay sa maaari nating makita sa loob ng larong ito. Ngayon naman, muli tayong magtatampok ng panibagong soccer game kung saan sinasabi naman ng larong ito na taglay nito ang realistic soccer simulation action. Ito ang FIFA Soccer na inilabas ng ELECTRONIC ARTS at sinasabing mahigpit na karibal ng eFootball PES 2021 pagdating sa soccer game. Atin namang pasukin ang larong ito at alamin ang mga bagay na makikita rito. Muli nating subukang pasukin ang mundo ng soccer. Muling tumakbo nang mabilis, gamitin ang mga paa upang agawin ang bola sa kalaban at buong pwersa itong sipain para maka-goal.

Features ng FIFA Soccer

Sa bungad pa lamang ng laro ay makikita mo na kaagad ang iba’t ibang klase ng features na mayroon sa FIFA Soccer. Mayroon ito sa bawat gilid at masasabi mo talagang marami ito kung ikukumpara sa eFootball PES 2021. Gayunpaman, maayos naman itong nakasalansan kaya hindi mahirap para sa bawat manlalaro na i-explore ang bawat isa sa mga ito.

Sa laro ring ito ay mayroon silang section kung saan mo maaaring makita ang kumpletong listahan ng iyong mga player. Ito ang My Team at kung bubuksan ito ay agad mong makikita ang iyong labing-isang member na nagsisilbi mong starter. Nakasalansan na rin ito nang maayos depende sa kanilang mga posisyon sa laro. Kung pipindutin mo ang kanilang mga icon ay makikita ang kanilang details o option kung nais mo silang i-swap sa ibang player o kaya naman ay i-train pa. Bukod pa rito, makikita rin sa section na ito ang ilang mga bagay gaya ng kumpletong bilang ng iyong mga player, skill moves, at skill boosts para sa iyong mga player.

Ang Live Events naman ay isang section na maaari mong puntahan kung nais mong sumubok ng iba’t ibang klase ng game mode na pang-PvE. Ito rin ang mga maaari mong laruin kung nais mong makakuha ng iba’t ibang klase ng rewards. Una na riyan ang Kick-off kung saan ito ang itinuturing na training section dahil laman nito ang ilang tutorial patungkol sa mga basic ng laro. Ang tinatawag namang Team of the seasons ay ang mga event na maaari lamang malaro sa nakatakdang oras. Nag-eexpire ito ngunit maaari namang mapalitan kalaunan. Kasama rin sa section na ito ang League Tour, Challenge Mode, Icon Journeys at Daily Training na maaari mong subukan. Mayroong itong level na sinusunod na kapag nalagpasan mo iyon ay makatatanggap ka ng rewards.

Ang Division Rivals naman ay ang mga larong pang-PvP. Laman nito ang VS ATTACK kung saan maaari mong makalaro ang iyong kapwa manlalaro. Sinasabing ang game mode na ito ay isang fast-paced goal scoring action. Ang Head to Head naman ay isang game mode kung saan sinasabing taglay nito ang authentic match controls. Hindi ito agad nalalaro lalo na kung baguhan ka pa lamang sa FIFA Soccer dahil nagbubukas lamang ito kung nakarating ka na sa Amateur III na siyang level sa VS ATTACK. Panghuli sa PvP na game mode ang VS Friends kung saan maaari mo lamang itong malaro kasama ang iyong in-add as friend sa larong ito.

Saan maaaring i-download ang FIFA Soccer?

Ang larong ito ay nangangailangan lamang ng 127MB sa Google Play Store habang 169.5MB naman pagdating sa App Store. Maaari ka namang gumamit ng emulator gaya ng bluestacks para naman sa iyong PC. Kung nais mo itong laruin, i-click lamang ang link na nasa ibaba depende sa device na iyong gamit.

Download FIFA Soccer on Android https://play.google.com/store/apps/details?id=com.ea.gp.fifamobile

Download FIFA Soccer on iOS https://apps.apple.com/us/app/fifa-soccer/id1094930513

Download FIFA Soccer on PC https://www.bluestacks.com/apps/sports/fifa-mobile-football-on-pc.html

Tips at Tricks sa Paglalaro ng FIFA Soccer

Upang magkaroon ng advantage sa FIFA Soccer, kailangan mo lang tandaan ang ilang mga bagay. Narito ang ilang tips ng Laro Reviews para iyong subukan:

Una, lalo na kung baguhan ka pa lamang sa larong ito, sikaping tapusin muna ang Kick-off bago ang iba pang game mode dahil malaki ang maitutulong nito sa iyo upang malaman ang mga basic sa laro. Epektibo ang mga ito dahil hindi lamang ito basta-basta tutorial. May katamtamang hirap ang mga training dito at tunay na sapat upang ma-develop ang iyong skills sa paglalaro ng soccer. Sa oras ding matapos mo ito, maaari mo na ring mabuksan ang iba pang features ng laro na noong una ay hindi available.

Sunod dito, huwag iwawala sa iyong isip na i-boost ang iyong mga player. Palaging magtungo sa My Team na section ng laro at hanapin ang isa pang section kung saan maaari mong masilip ang iyong mga player at kung alin ang kailangang ma-upgrade sa kanila. Maari ka ring magtungo sa Skill boosts section kung saan naroon ang kumpletong listahan ng skills gaya ng ball control, speed, shooting at marami pang iba na kapag pinindot mo ay makikita mo kung sinong player ang maaaring mag-benefit kung sakaling magdesisyon kang i-upgrade ito.

Pros at Cons ng FIFA Soccer

Kung may isang bagay kang unang mapapansin sa pagpasok mo sa FIFA Soccer, iyon ang maririnig mong background music dito lalo na habang isa-isa mong sinisilip ang bawat feature ng laro. Mula man sa iba’t ibang lenggwahe ang kanta ngunit hindi mo maiiwasan na mapa-indak sa mga ito dahil sa ganda ng mga kantang ito. Tunay na nakakagana at maaari mo pang mapakinggan nang paulit-ulit. Sa katunayan nga niyan ay mayroong ding nilikhang playlist nito sa spotify na maaari mong puntahan kung gaya ko’y naadik ka rin sa pakikinig ng mga ito.

Kagaya ng eFootball PES 2021, taglay rin ng larong ito ang kakaibang graphics kung saan kaya ka nitong dalhin sa mismong laro na soccer. Tugmang-tugma ang bawat tunog na ginamit sa crowd, sa ekspresyon ng mga manlalaro sa tuwing nakaka-score sila o sa tuwing nanghihinayang silang hindi nila nagagawang makapuntos sa kalaban. Nakakatuwa rin na mayroon pa itong pa-replay sa bawat highlight ng laro na para bang nanonood ka na rin ng live coverage ng soccer. Kung may masasabing kaibahan ang FIFA Soccer sa eFootball PES 2021, iyon ay ang pagkakaroon ng game control na makikita rito na pawang invisible naman sa PES. Iyon nga lang, may karamihan ito at kung hindi ka sanay ay malilito kang gamitin ito.

Masasabi ring disadbentahe sa laro na maselan ito sa internet connection. Hindi mo ito mapapakinabangan kung mahina ang iyong internet connection dahil walang tigil ito sa paglo-load. Ngunit, may pagkakataon din namang kahit nasa katamtamang lakas ang internet ay kapansin-pansin pa rin ang malimit na paglo-load ng laro. Lilipat ka lamang ng ibang section ay may ilang minuto itong maglo-load. Mabagal ang kilos ng laro at kung maikli ang pasensya mo ay bibitawan mo talaga ito.

Konklusyon

Kung ikukumpara ang FIFA Soccer sa eFootball PES 2021, lamang ang FIFA Soccer sa parte kung saan hindi ito malaking kumain ng storage kumpara sa PES. May katamtamang laki lamang ito ng storage na sapat na upang ma-enjoy mo ang paglalaro ng soccer sa iyong gadget. Bukod pa rito, may kaunting kalamangan din ang FIFA Soccer pagdating sa graphics nito dahil mas malinaw ito at mas accurate pagdating sa physics. Gayunpaman, isang bagay na sigurado sa dalawang ito – ito ang maaari mong subukan kung nais mong maranasan ang realistic na soccer sa iyong mobile device. Kaya naman, i-download na ito at subukan.

Leave a Comment

Categories
Latest Posts
Login
Loading...
Sign Up
Loading...