GOLF OPEN CUP – Clash & Battle Review

Nais mo bang maglaro ng golf ngunit wala kang sapat na oras at budget para sa magarang sport na ito? Sa pamamagitan ng GOLF OPEN CUP – Clash & Battle, pwede kang maglaro ng golf gamit lang ang iyong gaming device. Ang larong ito ay inilabas noong 2021 ng INLOGIC SPORTS, isang game developer company na dalubhasa sa larangan ng sports app. Ang nasabing developer din ang nasa likod ng sikat na Soccer Cup 2022: Football Game.

Ang layunin ng mga manlalaro rito ay talunin ang mga katunggali sa larangan ng golf at maging isang golf master. Para maglaro, kinakailangang hatawin ng club ang golf ball para maipasok ito sa hole o sa itinuturing na goal. Sa isang game match, ang manlalarong makaka-goal sa pamamagitan ng mas kaunting par o strokes ang idedeklarang panalo.

Paano I-download ang Laro?

Ang GOLF OPEN CUP – Clash & Battle ay pwedeng i-download nang libre mula sa App Store at sa Play Store. Pwede itong laruin gamit ang Android o iOS devices. Kung nais mo namang maglaro gamit ang laptop o desktop, maaari mong i-download ang app sa iyong computer at gumamit ng lehitimong emulator upang ito ay i-run. Upang hindi ka na mahirapan pa, maaari mo ring i-click ang mga sumusunod na link:

Download GOLF OPEN CUP – Clash & Battle on Android https://play.google.com/store/apps/details?id=sk.inlogic.golfOpenCup&showAllReviews=true

Download GOLF OPEN CUP – Clash & Battle on iOS https://apps.apple.com/us/app/golf-open-cup-clash-battle/id1595092893

Ultimate Guide para sa mga Manlalaro

Bago subukan ang laro, kailangang alamin mo muna ang mahahalagang bagay tungkol dito. Makakatulong din ito para mapaghandaan ang mga hamon at maiwasan ang pagkalito. Ang bahaging ito ay eksklusibong ginawa ng Laro Reviews upang mas makilala mo ang tampok nating laro. Para makasiguro na hindi mawala ang iyong game data, huwag kaligtaang i-click ang settings icon at i-link ang iyong Facebook o Google Play account sa laro.

  • Game Features

Ang larong ito ay nakatuon sa pagbibigay ng makatotohanang golf experience sa lahat. Sa pamamagitan ng tournament features nito, maaari kang makipagkumpitensya sa ibang manlalaro mula sa iba’t ibang panig ng mundo. Higit sa lahat, mayroon din itong customization features kung saan marami kang mapagpipiliang gamit para gawing mas personalized ang iyong game character.

Para makapag-rank up sa laro, kinakailangan mong harapin ang iba’t ibang hamon at i-unlock ang karagdagang game levels. May decorative items ka ring pwedeng makuha bilang game rewards. Maaaring makilahok sa mga sikat na game club sa larong ito. May interactive features din ito kung saan pwede kang makipag-ugnayan sa ibang players sa pamamagitan ng emojis. 

  • Gameplay at Game Mechanics

Kahit na wala kang masyadong alam tungkol sa larong golf ay okay lang. Katulad ng aktwal na laro, simple at napakadaling maunawaan ng game mechanics ng larong ito. Bago ka makapagsimula sa aktwal na gameplay, kinakailangan mo munang sumabak sa isang maikling tutorial. Mainam na bigyang-pansin ang bahaging ito upang malaman mo kung papaano ito laruin at para mas maging pamilyar ka rin sa game controls. 

Kailangan ninyong magsalitan ng iyong kalaban sa pagtira. Tandaan na ang layunin dito ay maipasok ang golf ball sa goal gamit ang pinakakaunting bilang ng par o stroke hangga’t maaari. Mag-focus at mag-concentrate habang ina-adjust kung gaano ka lakas ang gagawin mong pagtira upang mas tumataas ang tsansa mong manalo. 

  • Game Controls

Ang controls ng larong ito ay simple at madaling gamitin. Maaari mong kontrolin ang power o kung gaano kalakas ang tirang gagawin mo upang matumbok ang goal. Bago ka pa man makatira, makikita mo sa screen kung gaano kalayo ang goal na kinakailangang tumbukin. Huwag kaligtaang i-check ito pati na rin ang ibang parameters, kasama ang lakas ng hangin, bago tumira. 

Para mai-set ang angkop na power, kinakailangan mong i-slide paatras ang golf ball gamit ang iyong daliri. May power meter na lilitaw sa screen at dapat ay naka-timing dito ang paglipad ng golf ball. Para mapalipad ito patungo sa goal, kinakailangan mo lang alisin ang iyong daliri sa gaming screen. Kung sakali mang hindi ito pumasok sa goal, huwag mag-alala. Hangga’t hindi nagagawang mag-goal ng iyong kalaban ay may pagkakataon ka pang tumira muli. 

  • Game Items

Bukod sa pagkakaroon ng tamang timing at control, dapat ka ring gumamit ng angkop na items para sa iyong game character upang mai-level up ang skills nito. Huwag palampasin at kunin ang bawat libreng items na lumilitaw sa kalagitnaan ng laro. Maaari ka ring bumili ng mga ito sa Store section na matatagpuan sa kaliwang-ibabang bahagi ng iyong gaming screen.

Pros at Cons ng GOLF OPEN CUP – Clash & Battle

Isa sa itinuturing na pros ng laro ay ang graphics at animations nito. Nagtatampok kasi ito ng nakakamanghang 3D landscape golf course. Ang game controls nito ay simple, hindi nakakalitong gamitin at higit sa lahat ay gumagana ng maayos at napaka-smooth gamitin. Ang tanging kailangan mong gawin ay i-swipe ang golf ball, gawing batayan ang power meter at tumira. Mas kapanapanabik din ang laro dahil sa interactive features nito kung saan ang mga manlalaro ay pwedeng makipag-ugnayan sa pamamagitan ng chat feature. Maaari rin silang makipagtunggali sa mga kaibigan at kakilala nila sa pmamagitan ng pagpapadala ng invitation.

Sa kabilang banda, kapansin-pansin din ang ilang isyu at kahinaan ng laro, lalo na pagdating sa technicalities nito. Ang loading time nito ay napakahaba at isa ito sa pangunahing dahilan ng pagkairita ng marami. May mga pagkakataong nagkakaroon ng glitches at nagfi-freeze ang app. Ang ilang manlalaro ay biglang naki-kick out sa kalagitnaan ng match sa hindi malamang dahilan. Sa tuwing nagyayari ito, nahihirapan na rin silang makabalik pa sa paglalaro. Hindi sapat ang rewards na napapanalunan dito. Marami rin ang nadidismaya sa 1v1 matches dahil ang karamihan sa mga kalaban dito ay bots lamang at hindi naman mga aktwal na manlalaro. May mga pagkakataong tila sinasadyang matalo ka sa laro dahil bigla na lamang nagiging sobrang magalaw ang power arrow, nagkakaroon ng hindi tugmang wind direction at mga hindi inaasahang ball bounces. 

Konklusyon

Ang GOLF OPEN CUP – Clash & Battle ay nakakuha ng average rating na 4.2 stars mula sa 1,000+ reviews sa Play Store. Samantala, mayroon naman itong 4.6-star rating mula sa halos 200 reviews sa App Store. Para sa Laro Reviews, medyo palyado ang execution nito. Kaya bago mo i-download ang app, kailangan mo munang timbangin ang pros at cons nito. Maaaring isa ito sa mga itinuturing na pinakamainam na alternatibo sa paglalaro ng golf, subalit nakakalungkot isipin na marami pa talaga itong mga isyu na kailangang ayusin tulad na lang ng napakahabang loading time nito. 

Leave a Comment

Categories
Login
Loading...
Sign Up
Loading...