Haunted Place Review

Hindi na bago sa ating pandinig ang mga larong nagtatampok ng mga nakakatakot na karakter. Sa katunayan, kung maghahanap kayo sa mga online gaming store, tiyak na mapapadpad kayo sa mahabang listahan ng mga horror game na pwedeng pagpilian. Isa sa mga rason marahil kung bakit nauuso ang mga larong ito ay dahil sa paniniwala ng mga tao sa ibang mga nilalang kagaya ng mga halimaw at multo. Ngunit ano nga ba ang ipinagkaiba ng Haunted Place sa iba pang horror games? 

Sa larong ito, mapupunta ka sa isang lugar kung saan napapalibutan ka ng mga halimaw. Kailangan mong magtago ng mabilis at masiguradong nakasara ang lahat ng pinto upang hindi ka agad-agad na makain ng mga halimaw. Gamitin ang Ghost HP power upang i-upgrade ang mga pinto at iba pang kagamitan na magbibigay sayo ng proteksyon kagaya ng martilyo, shovel, syringe at iba pa. Maaari ring manood ng optional ads upang makakuha ng libreng upgrades.

Pangunahing layunin mo sa laro ay manatiling ligtas mula sa mga halimaw. Gawin ang lahat ng makakaya upang maprotektahan ang sarili. Gumamit ng mga upgrade at manood ng ads kung kinakailangan dahil walang ibang tutulong sayo kundi ang sarili mo lang.

Tips at Tricks sa Paglalaro

Para sa matagumpay na paglalaro, narito ang mga tip at tricks na dapat isaalang-alang ng isang manlalaro:

Hindi sapat ang pagtago sa iyong higaan upang matakasan ang mga halimaw. Kailangan mo na gumawa ng mga hakbang upang masiguradong hindi makakapasok ang mga halimaw sa iyong silid at upang nang sa ganun ay hindi ka nila maging pagkain. Malalakas at mabibilis ang mga halimaw kaya hangga’t maaari ay maging mabilis ka rin sa paggamit ng upgrades. Kapag may pagkakataon na gawing mas matibay ang mga pinto, huwag sayangin ang pagkakataon na gawin ito.

Sa Tower Defense mode, kailangan mong makapagtago sa mga halimaw sa pamamagitan nang paggawa ng mga karagdagang harang na bricks upang hindi ka agad matunton ng mga ito. Gamitin ang 30 segundo upang gawin ang bagay na ito. Sa Unlimited Door naman, mayroon kang makakasamang isa pang character. Magtutulungan kayo upang mapanatiling matibay ang inyong mga pinto, at mapalakas ang iyong mga armas kagaya nga ng mga syringe, shovel at iba pang matutulis na bagay na kusang lumilipad papunta sa kinaroroonan ng malalapit na halimaw. Huwag hayaang makampante sa laro dahil katulad ng iyong mga pinto at mga armas, may kakayahan din ang mga halimaw na mag-upgrade ng kanilang immunity power.

Sa Rodeo mode naman, napapalibutan ka ng mga pinto na bumubuo ng hugis puso. Mayroon kang 30 segundo upang i-upgrade ang mga pinto bago pa sumalakay ang halimaw. Sa loob ng hugis puso, maaari ka ring magkaroon ng iba pang mga pinto at kailangan mo ring i-upgrade ang mga ito dahil hindi mo malalaman kung anong pinto ang sisirain ng halimaw.

Sa laro, maaari mo ring gampanan ang character bilang isang halimaw. Malalaro mo ito sa Dream Eater Solo, Bio Mode at Dream Eater Firefight. Sa mga game mode na ito, kailangan mong makapasok sa mga silid upang makain ang mga character na nagtatago roon. Ngunit hindi ka basta-basta na lang makakapasok dahil ang bawat silid ay armado ng mga panangga at mga armas. Dapat mapanatili mong mataas ang iyong life span hanggang sa mabuksan mo ang mga silid. Pero kapag sobrang baba na ng life span mo, maaari kang mag-recharge, o ‘di kaya ay gumamit ng shield.

Features ng Laro:

Lots of Game Modes – Hindi kagaya ng ibang laro na mayroon lamang limitadong game modes, sa larong ito, maraming pagpipilian ang mga manlalaro. Maaari rin nilang gampanan ang dalawang roles: Maging halimaw, o maging kalaban ng halimaw.

Easy Upgrades – Napakadaling makaipon ng in-game currency sa larong ito kahit pa wala kang ibang gagawin kung hindi ang humiga sa iyong higaan dahil awtomatikong nagbibigay ng Ghost HP ang laro bawat segundo. Ito ang nagsisilbing in-game currency.

Gold – Bukod sa Ghost HP, nagtatampok din ang laro ng gold na siyang nagbibigay sa mga manlalaro ng pagkakataon na bumili ng mas maraming upgrades.

Optional Ads – Isa ito sa pinakamahalagang feature ng laro dahil kapag ikaw ay nanood ng mga ads, magkakaroon ka ng limpak-limpak na Ghost HP na maaari mong gamitin upang ma-upgrade ng todo ang iyong mga armas, pinto, repair upgrade at maging gold maker na satellite.

Berserk – Kapag ginampanan mo ang karakter bilang halimaw, ang Berserk ay magbibigay sayo ng bilis upang madaling masira ang mga pinto.

Shield – Ang shield naman ay ginagamit upang mabigyan ka ng panangga laban sa mga armas na ibinabato sa iyo.

Up attack – Makakamit naman ang upgrade na ito kapalit ng panonood ng thirty-second ad. Ang Up attack ay magbibigay sa iyo ng ibayong lakas.

Saan maaaring i-download ang Laro?

Gamit ang search bar, hanapin lamang ang larong ito sa Google Play Store para sa mga Android user at kailangan na i-download ang NoxPlayer sa PC para masimulan ang laro. Samantala, sa kasalukuyan ay hindi pa available ang laro sa App Store. Maaaring i-click ang mga link sa ibaba:

Download Haunted Place on Android https://play.google.com/store/apps/details?id=com.zs.ltpy

Download Haunted Place on PC https://www.bignox.com/appcenter/com-zs-ltpy-pc.html

Pros at Cons ng Laro 

Kung pag-uusapan lang naman ang gameplay ng laro, nakakasiguro ang Laro Reviews na ang Haunted House ay isa sa mga larong mayroong pinakamadaling control. Bukod pa rito, hindi masyadong nakakatakot ang mga wangis ng mga halimaw. Sa katunayan, ang mga ito ay nakabihis kagaya ng mga karaniwang isinusuot ng mga clown. Hindi rin nagpapakita ng dahas ang laro at higit sa lahat, kung takot kayo sa dugo, hindi niyo kailangan na mangamba dahil walang pagdanak ng dugo na makikita rito. Sa karagdagan, ang musika ng laro ay talagang nakakadagdag intensity at thrill lalo na ang tunog ng pagtibok ng puso, kaya naman mararamdaman mo talaga ang kaunting takot kapag lumalabas na ang mga halimaw. 

Sa kabilang banda, hindi maaaring ipagkaila ng Laro Reviews na ang mga ad sa larong ito ang magiging dahilan kung bakit sa katagalan ay mawawalan na ng mga manlalaro ang larong ito. Para kasi malaro ang bawat game mode, kailangan muna na manood ng thirty-second ads ang mga manlalaro. Hindi pa kasama rito ang mga pop ad na lumalabas rin sa kalagitnaan ng thirty-second ads kaya sa kabuuan aabot sa isang minuto, o higit pa ang kailangan mong mapanood na ads bago mo mabuksan ang isang game mode. Dagdag pa rito, asahan rin ang iba pang ads na biglang lalabas sa kalagitnaan ng iyong paglalaro. Sakali namang ma-game over ka, o matapos na ang laro, mayroon pa ulit lalabas na mga ads kaya sino nga naman ang hindi mauubusan ng pasensya sa larong ito. Bukod pa rito, ilan sa mga game mode ay mayroong pagkakapareho ng gameplay.

Konklusyon

Sa pangkalahatan, kung naghahanap ka ng isang horror game na magbibigay sa iyo ng thrill, excitement at saya, pwes hindi para sayo ang larong ito dahil bukod sa mga nabanggit na problema sa ads, lagi ring nagkakaroon ng technical problem ang laro kung saan kusa itong nag-e-exit.

Leave a Comment

Categories
Latest Posts
Login
Loading...
Sign Up
Loading...