Tank Stars Review

Ang Tank Stars ay ang pinakabagong free-to-play na mobile game na nilikha ng game developer na Playgendary Limited Arcade. Naglalaro ka bilang isang tangke na may layuning pasabugin at sirain nang tuluyan ang kalabang tangke. Hindi mo kailangan na magkaroon ng karanasan sa pagmamaneho ng mga war tank o kahit ng anumang uri ng sasakyan upang malaro itong Tank of Stars. Ang kailangan mo lang gawin ay humanap ng perpektong anggulo upang siguraduhing matatamaan ng mga bala ang kalaban. Sa sandaling pinindot mo ang fire button, ang iyong tangke ay awtomatikong magpapaputok sa iyong mga kalaban. 

Sa umpisa ng laro, mayroon ka lamang mga pangkaraniwang card na may sapat lang na kapangyarihan. Kaya kailangan mong subukan lahat ng iyong makakaya na makaipon ng maraming coin upang makabili ng mas malalakas na mga card na siguradong magpapatumba kaagad sa mga kalaban. Bukod pa rito, maaari ka ring bumili ng anumang uri ng tangke gamit ang iyong mga coin. Ang mas mahal na tangke ay nangangahulugang mas malakas at mas maraming features.

Sa karagdagan, sa pagsisimula ng laro, maaaring hindi mo pa maayos na mapapatakbo ang iyong tangke. Ngunit kalaunan, tiyak na magiging pamilyar ka rin sa tamang pag-papaandar nito at paghanap ng tamang anggulo upang umatake at makaiwas sa counter attack ng kalaban.

Tips at Tricks sa paglalaro ng Tank Stars

Para sa matagumpay na paglalaro, narito ang mga tip at tricks na dapat isaalang-alang ng isang manlalaro:

Gamitin ang hindi patag na lupa sa iyong kalamangan. Mas madaling magpaputok sa itaas ng isang burol, ngunit tandaan na may limitasyon ang iyong fuel kaya kailangang bago paandarin ang iyong tangke ay mayroon ka nang target na lugar kung saan ka pu-pwesto.

Iwasan ang sobrang lapit na distansya mula sa kalaban dahil maaari ka ring matamaan ng sarili mong mga bala kapag nagkaroon ng splash. Ngunit iwasan din ang sobrang layo dahil mahihirapan kang matamaan ang iyong target. Maging matalino rin sa pag-atake; hindi mo kailangan na direktang patamaan ang tangke ng kalaban dahil maaari mong gamitin ang mga missile upang lumikha ng malaki at malalim na butas sa dadaanan ng kalaban. Kapag ginawa ito, mahihirapan ang mga kalaban na makalapit sa’yo at mauubos din ang fuel nito kaya hindi siya makakahanap ng magandang anggulo upang umatake.

Mapapansin din sa laro ang paminsan-minsang paglabas sa screen ng mga berdeng kahon. Ang mga ito ay naglalaman ng isang malakas na sandata na maaaring magamit laban sa tangke ng kaaway. Maaari ring kunin ng mga kaaway ang mga kahon na ito, kaya dapat na maunahan ang mga ito sa pagkuha habang isinaalang-alang ang iyong kaligtasan. 

Isa rin sa mahahalagang bagay na dapat gawin sa laro ay ang regular na pag-upgrade ng iyong mga card at tangke dahil kapag nagkataon na makakaharap mo ang isang malakas na kalaban, kaya ka nitong pasabugin sa isang atake lamang at wala ka ng pagkakataon pang mag-counter attack. Kung nabigo kang magdulot ng malaking pinsala sa iyong kalaban sa unang pag atake, may ilang pagkakataon ka pa upang humanap ng magandang anggulo para magawa ang panapos mong atake sa tulong ng mga upgraded na weapon.

Lagi ring tandaan na ang laro ay isang digmaan. Kaya mas mabuting tapusin mo ito sa mabilis na paraan. Kung maaari mong patayin ang iyong kaaway sa pamamagitan ng paggamit lamang ng isang strike, huwag mag-atubiling gawin ito. Dapat mong samantalahin ang bawat pagkakataon na magdulot ng pinsala sa iyong kaaway. 

Saan maaaring i-download ang Laro?

Gamit ang search bar, hanapin lamang ang larong ito sa Google Play Store para sa mga Android user, sa App Store para sa mga iOS user at i-download ang Android emulator sa PC para gumana ito. O ‘di naman kaya’y i-click lamang ang mga link sa ibaba:

Download Tank Stars on Android https://play.google.com/store/apps/details?id=com.playgendary.tanks&showAllReviews=true

Download Tank Stars on iOS https://apps.apple.com/us/app/tank-stars/id1347123739

Mga feature ng Tank Stars

  • Tank Spotlight – Kapag sinimulan mo ang laro, magsisimula ka sa Abrams na mga tangke. Mayroon ditong short-range missiles na magagamit. Ngunit maaari namang gumamit ng ibang uri ng tangke sa lalong madaling panahon kagaya ng pinakamadaling bilhin na Coalition Tank.
  • Superb Weapons – Bukod sa anggulo, ang isang bagay na higit na kinakailangang isaalang-alang ng mga manlalaro ay ang paggamit ng perpektong sandata na magpapasabog sa kalaban. Kapag malayo ang kalaban, may mga bala kagaya ng missile at bouncing rocket na maaaring gamitin.
  • Leaper – Ito ay isang magandang missile at isang long-range na sandata na pumuputok ng mahigit sa isang beses.
  • Cluster Strike – Ang missile na ito ay hindi nagdudulot ng agarang pinsala. Gayunpaman, pagkatapos nitong tumama sa isang lugar o tangke, nagiging sanhi ito ng pagbagsak ng isang kumpol ng mines mula sa langit. Ang pag-landing ng isang perpektong shot ay magiging sanhi ng pagkakaroon ng combo ng mga missile at makalikha ng mas malaking pinsala.
  • V-Strike – Gamitin ito para sa mga kaaway na talagang malapit sa iyo. Pagkatapos mag-strike, nagiging sanhi ito ng isang volley ng missiles na pumuputok mula sa himpapawid sa isang hugis V, na dumadaloy pababa sa tangke sa ibaba nito. Nagdudulot ito ng malaking pinsala sa kapaligiran, kaya maaari din itong gamitin upang magpasabog ng butas sa lupa na nagpapahirap sa iyong mga kaaway na magdulot ng pinsala sa’yo.
  • Auger Shot – Ang Auger Shot na marahil ang pinakamagandang sandata sa Coalition’s Arsenal. Ito ay dumidikit sa kalaban, pagkatapos ay naglalabas ng tatlong missile mula sa lupa na gumagalaw pataas at sumasabog sa paligid ng unang strike point. Hindi ito gaanong lumilikha ng malaking pinsala, ngunit isa itong astig na shot para panoorin.
  • Tournament Mode – Maaari ding makakuha ng mga chest sa pamamagitan ng Tournament Mode, ang pinakamahirap na hamon ng laro. Binibigyang-daan ka ng mode na ilagay ang dalawa sa iyong mga tangke laban sa mga wave attack ng kaaway. Maaaring laruin ang mga paligsahan sa madali, normal, at pinakamahirap.

Pros at Cons ng Laro

Ang bawat pag-upgrade ay nagbibigay ng higit na lakas sa mga tangke, o mga sandata na kayang lumikha ng napakalaking pinsala sa mga kalaban kaya naman napakalaking tulong ng feature na unlimited upgrades ng laro para sa PvP mode ng laro. Hindi na mahihirapan ang mga manlalaro sa pag-atake. Gayundin, napakadaling kumalap ng coins sa larong ito. Maging ang mga ad sa larong ito ay may malaking naitutulong. Kapag pinanood ang mga optional na ad, makakakuha ang mga manlalaro ng libreng revival kapag sakaling nawasak ang tanke sa isang tournament battle. Hindi rin magiging mahirap sa mga manlalaro na pumili ng mga sandata dahil ang larong ito ay nagtataglay ng napakaraming pagpipiliang mga armas.

Sa karagdagan, sa larong ito makakasugupa mo sa isang PvP at tournament na mga labanan ang ibang manlalaro mula sa ibang panig ng mundo kaya higit na mahihikayat at magkaroon ng inspirasyon ang mga manlalaro na talunin ang bawat isa.

Sa kabilang banda, totoong lubhang nakakatulong ang mga optional na ad sa laro. Subalit bukod doon napakarami ring mga pop ads ang larong ito na maya’t-maya ang paglabas sa inyong mga screen. Tunay na maiirita ka dahil kadalasang lumalabas ang mga ito habang naghahanda ka na sa pag-atake kaya hindi lamang naaantala ang iyong paglalaro kundi masasayang rin ang iyong mga bala dahil hindi natamaan ang target.

Konklusyon

Sa kabuuan, higit na naniniwala ang Laro Reviews na may mas igaganda pa itong laro kapag nadagdagan ng game modes at kung magkaroon ng karagdagang updates sa laro ang developer nito. Ang laro ay pwede sa lahat, maganda itong laruin habang nasa byahe, o hindi naman kaya ay kapag may bakanteng oras. Ngunit, lubos ring naniniwala ang Laro Reviews na mas marami pang tank war ang may mas magandang gameplay at mayroong mas upgraded na mga tank. Pero kung ang hanap niyo ay simpleng gameplay, tiyak na para sa inyo ang larong ito.

Leave a Comment

Categories
Login
Loading...
Sign Up
Loading...