HAWK: Airplane Space Games Review

Naghahanap ka ba ng larong digmaan na gumagamit ng mga sasakyang panghimpapawid? Sa dami ng arcade games na pagpipilian mo sa Google Play Store, tiyak akong magugustuhan mo ang nilikha ng My.com B.V, ang HAWK: Airplane Space Games. Ito ay opisyal na inilabas noong taong 2017 at patuloy na nilalaro hanggang ngayon.

Ang HAWK: Airplane Space Games ay isang co-op arcade shooter para sa mga tagahanga ng old-school. Ito ay isang classic shooting game na lumalaban sa mga digmaan sa himpapawid. Ang larong ito ay umiikot sa kwento ng bansang Verdia na sinakop ng Atroxian Empire. Ito ang dahilan para magkaisa ang lahat na kalabanin ang pwersa ng mga kasamaan at panatilihin ang kapayapaan.

Sa larong ito, ikaw ay makikipagtulungan sa iyong mga kakampi upang sama-sama ninyong matalo ang kalaban. Sumanib sa grupo ng Falcon Squad at talunin ang kasamaan. Maraming iba’t ibang labanan ang naghihintay sa iyo at sa iyong grupo. Ibigay ang iyong makakaya at pabagsakin ang mga boss sa isang labanan. Ito na ang panahon upang wakasan ang pwersa ng iyong kaaway.

Ipakita ang iyong galing sa pakikipaglaban at gumamit ng iba’t ibang estratehiya sa tunggalian. Nasa iyo nakasalalay ang tagumpay. Handa ka na bang lupigin ang kasamaan at itanghal na isa sa magagaling na manlalaro?

Para mas lumawak pa ang iyong kaalaman tungkol sa HAWK: Airplane Space Games, basahin ang buong artikulo. Narito ang iba pang detalye na siguradong makatutulong sa iyo.

Features ng HAWK: Airplane Space Games

HD Graphics – Ang larong ito ay mayroong mahusay na graphics. Mula sa mga sasakyang panghimpapawid, sa mga disenyo ng laro, sa kulay at sa kabuuan nito. Hindi ka madidismaya sa magandang graphics na ibibigay sa iyo ng laro.

Challenging levels – Ang HAWK: Airplane Space Games ay mayroong mahigit na 100 level ng laro. Ang bawat level ay may kakaibang hamon at naglalaman ng iba’t ibang uri ng kalaban na iyong makakasagupa. Mayroon itong Easy, Normal at Heroic kada level na iyong pwedeng laruin. Ibig sabihin pahirap nang pahirap ang mga susunod na antas ng laban. Ngunit mas malaking papremyo naman ang naghihintay sa iyo.

Game type – Ang larong ito ay may uring solo, friends, world at squadron. Ibig sabihin maaari kang makapaglaro sa iyong mga kaibigan sa loob ng laro, makipaglaban saan mang panig ng mundo at maglaro kasama ang iyong grupo. Tiyak akong mas masaya sa pakiramdam kapag kasama mo ang iyong mga kaibigan sa pagkapanalo ng bawat laban.

Upgrade items – Sa larong ito maaari mong i-upgrade ang iyong mga item. Mahalagang mapalakas mo ang iyong Brobots at iyong planes. Ito ang mga elementong karaniwan mong gagamitin sa mismong laban. Sa pamamagitan ng mga coins at diamonds na nakokolekta mo, gamitin ito upang i-upgrade ang iyong kagamitan.

Resource box, cards at coins – Iba’t ibang uri ng papremyo ang makukuha mo sa paglalaro ng HAWK: Airplane Space Games. Ang mga resource box ay naglalaman ng mga kagamitan at pera. Samantala, maaari ka ring makakuha ng mga cards sa laro na magagamit mo upang magbagong anyo ang iyong cannons sa lasers. Kolektahin rin ang mga coins na makukuha sa bawat laban at ipunin ito. Lahat ng mga items na makukuha ay gamitin upang i-upgrade ang iyong aircraft.

Saan pwedeng i-download ang HAWK: Airplane Space Games?

Kung nais makuha ang larong ito, narito ang mga links ng laro. I-click lamang ang mga links sa ibaba para i-download ang laro depende sa ginagamit na device:

Download HAWK: Airplane Space Games on Android https://play.google.com/store/apps/details?id=com.my.hawk.air.shooter
Download HAWK: Airplane Space Games on iOS https://apps.apple.com/au/app/hawk-airplane-space-games/id1145878423
Download HAWK: Airplane Space Games on PC https://www.ldplayer.net/games/hawk-airplane-games-shoot-em-up-on-pc.html

Para ma-download ang laro, kailangan mo ng data o internet connection para makuha ito. Pagkatapos, i-click lamang ang link, pindutin ang install at hintayin umabot sa 100% ang pag-download. Kapag tapos na ito, maaari mo nang buksan at laruin ang HAWK: Airplane Space Games.

Tips at Tricks kung nais Laruin ang HAWK: Airplane Space Games

Para sa mga baguhan at nagnanais na laruin ang HAWK: Airplane Space Games, narito ang ilang tips mula sa Laro Reviews na siguradong makakatulong sa iyo. 

Kung ikaw ay bagong manlalaro, mayroong gagabay sa iyo kung ano ang mga dapat mong gawin. Sundin lamang ang itinuturo at basahing mabuti ang sinasabi sa direksyon. Sa ganitong paraan, mas mabilis mong mauunawaan ang daloy ng laro at magiging pamilyar ka rito. Kapag nalagpasan mo na ang tutorial stage, magiging madali na sa iyong laruin ito.

Sa simula ng paglalaro, sumang-ayon lang sa mga tuntunin at patakaran ng laro. Pagkatapos nito, maaari kang pumili ng account na iyong gagamitin upang ma-save ang progreso mo sa laro. Pwede mong gamitin ang my.games na account, Facebook at Google Play. Ang susunod dito ay matutuklasan mo ang maikling kwento tungkol sa laro. Panoorin at basahin ang maikling kwento upang maintindihan mo ang iyong layunin. Sa bawat level, mayroong misyon ang mga manlalaro na dapat maisakatuparan. Gawin ito upang makakuha ng mataas na score at malaking papremyo.

Pagdating naman sa mismong laban, madali lang ito matutunan. I-drag lang ang iyong spaceship at barilin ang mga kalaban. Sa bawat pagpatay mo ay mayroong mga coins at items kang makukuha. Kolektahin ito dahil magagamit mo ito sa mismong laban. Iwasan ang mga pag-atake ng kaaway dahil ikaw ay mamatay kapag naubos ang iyong buhay. Kunin rin ang mga power-ups upang mas lumakas ang iyong karakter. Sa dulo ng bawat level, makakaharap mo ang boss. Ibigay ang iyong makakaya para matalo ang kalaban. Huwag kalimutan na kailangan mo ring gumamit ng estratehiya at pamamaraan sa pakikipaglaban. Nasa iyo nakasalalay ang tagumpay.

Pros at Cons sa paglalaro ng HAWK: Airplane Space Games

Para sa Laro Reviews, ang HAWK: Airplane Space Games ang nakakalamang sa ibang arcade game pagdating sa dami ng features na iyong makikita. Ito ang dahilan kaya mas nakahihikayat ito sa mga manlalaro dahil sa dami ng opsyon na pwede mong pagpilian. Mahusay rin ang pagkakalapat ng visual at sound effects na ginamit sa laro dahil dadalhin ka nito sa mismong laban.

Para sa mga katulad kong una pa lang nasubukan ang larong ito, magaling itong makakuha ng atensyon ng mga manlalaro. Masaya itong laruin dahil sa mga kapana-panabik na hamon na naghihintay sa iyo. Maaari din itong laruin ng mga batang edad pito pataas. Subalit sigurado rin akong magugustuhan ito ng mga kabataan at maging ng mga matatanda.

Dagdag pa rito, maganda rin ang mga review na natatanggap nito sa Google Play Store. Ayon sa mga komento, paborito nila ang larong ito at nakakaadik laruin. Pinuri rin nila ang disenyo ng graphics sa laro. Subalit mayroon ding mga problemang nararanasan ang mga manlalaro sa larong ito. Palagi raw itong nagka-crash sa kanilang devices, may bugs na lumalabas, at error sa pag log-in. Ito ang naging dahilan kaya nadismaya ang mga manlalaro. Subalit sa bago nilang update, isinaad nito na inayos na nila ang mga bug at pinagbuti ang kabuuan ng laro. Nagdagdag rin sila ng mga bagong feature na maaaring laruin ng lahat.

Sa larong ito, maaari ka ring bumili ng mga in-app na produkto gamit ang tunay na pera. Ang mga item na ito ay nagkakahalaga ng ₱57 hanggang ₱5,450 kada item. Subalit pwede mo naman i-disable ang feature na ito at i-off sa iyong setting ang in-app na pagbili kung ayaw mong gumastos.

Konklusyon

Sa kabuuan, ang larong ito ay sulit laruin. Sigurado akong masisiyahan ka kapag nasubukan mo na ito. Ngayon, mayroon itong 4.4 stars out of 5 ratings sa Google Play Store, at umabot na sa mahigit 10 milyon downloads. Kung gusto mong masubukan ang kanilang bagong update at malaman ang iba pang impormasyon tungkol dito, i-download mo na sa iyong devices ang HAWK: Airplane Space Games!

Leave a Comment

Categories
Latest Posts
Login
Loading...
Sign Up
Loading...