Sky Raptor: Space Shooter Review

Naghahanap ka ba ng bagong laro na may iba’t ibang hamon nang pakikipaglaban? Tiyak akong magugustuhan mo ang nilikha ng ONESOFT na arcade game, ang Sky Raptor: Space Shooter. Ito ay opisyal na inilabas noong taong 2020 at patuloy na nilalaro hanggang ngayon.

Ang Sky Raptor: Space Shooter ay isang arcade game na punong-puno ng aksyon. Ito ay isang classic shooting game na lumalaban sa mga digmaan sa kalawakan. Ang larong ito ay umiikot sa kwento ng mga alien na gustong sumakop sa mundo. Subalit ang grupo ng Sky Raptor ay lalabanan ang kaaway at ililigtas ang buong kalawakan. 

Sa larong ito, ikaw ay kasali sa grupo ng Sky Raptor na lalabanan ang kasamaan gamit ang sasakyang pangkalawakan. Haharapin mo ang iba’t ibang uri ng striker boss at aliens na nais sakupin ang mundo. Bilang tagapagtanggol at tagapamahala ng kapayapaan, handa ka na ba sa isang digmaan?

Ipamalas ang iyong galing sa pakikipaglaban at bumuo ng mahusay na estratehiya para magapi ang gawa ng kasamaan. Ito na ang panahon upang wakasan ang mananakop na aliens. Nasa iyo nakasalalay ang tagumpay.

Upang mas lumawak pa ang iyong kaalaman tungkol sa larong ito, basahin ang buong artikulo. Narito ang iba pang detalye tungkol sa Sky Raptor: Space Shooter.

Features ng Sky Raptor: Space Shooter 

Maraming sasakyang pangkalawakan – Sa larong ito maraming mga sasakyang panghimpapawid ang pwede mong pagpilian. Mayroong mga kanya-kanyang katangian at kakaibang kakayahan ang bawat ito. Maaari kang pumili ng main-ship at sub-ship na makakasama mo upang lumaban. Para mas lumakas at tumatag ang iyong spaceship, i-upgrade ito sa mas mataas na level.

Challenging levels – Ang Sky Raptor: Space Shooter ay mayroong mahigit 200 na level na may kakaibang hamon. Ang bawat level ay naglalaman ng iba’t ibang uri ng kalaban na dapat mong talunin.

Game mode – Ang larong ito ay may player versus player o PvP. Maaaring 1v1 o 2v2 na labanan. Kailangan mo lang ng internet connection upang makapaglaro ng 2v2 na mode. Mayroon din itong survival mode o ang unlimited mode dahil maaari mo itong laruin hangga’t ikaw ay hindi namamatay sa laban. Dito nasusukat ang iyong husay sa pakikipaglaban.

Daily quests – Sa larong ito mayroon kang daily quests na kailangang kumpletuhin. Kapag nagawa mo ito, makakakuha ka ng gantimpala. Bukod dito, mayroon ding lucky wheel, free gems, at badge rewards araw-araw ang maaari mong makuha. Kolektahin ito at gamitin para mabuksan ang mga items sa laro.

Leaderboard – Ang ranking na ito ay nagsisilbing inspirasyon mo upang malaman ang iyong husay sa paglalaro. Sa leaderboard makikita mo ang iyong ranggo sa lahat ng manlalaro sa iyong bansa at sa buong mundo. Ipamalas ang iyong galing sa pakikipaglaban upang makakuha ng mataas na pwesto.

Saan pwedeng i-download ang Sky Raptor: Space Shooter?

Kung nais makuha ang larong ito, narito ang mga links ng laro. I-click lamang ang mga links sa ibaba para i-download ang laro depende sa ginagamit na device:

Download Sky Raptor: Space Shooter on Android https://play.google.com/store/apps/details?id=com.skyraptor.spaceshooter

Download Sky Raptor: Space Shooter on iOS https://apps.apple.com/us/app/sky-raptor/id1518974662
Download Sky Raptor: Space Shooter on PC https://www.fibonair.com/en/games/download-34723-sky-raptor-space-shooter/pc

Para ma-download ang laro, kailangan mo ng data o internet connection para makuha ito. Pagkatapos, i-click lamang ang link, pindutin ang install at hintayin umabot sa 100% ang pag-download. Kapag tapos na ito, maaari mo nang buksan at laruin ang Sky Raptor: Space Shooter.

Tips at Tricks kung nais Laruin ang Sky Raptor: Space Shooter

Para sa mga bago at nagnanais na laruin ang Sky Raptor: Space Shooter, narito ang ilang tips mula sa Laro Reviews na siguradong makakatulong sa iyo. 

Kung ikaw ay bagong manlalaro, mayroong gagabay sa iyo kung ano ang mga dapat mong gawin. Sundin lamang ang itinuturo at basahin ang sinasabi sa direksyon. Ito ay para mas mabilis mong maunawaan ang daloy ng laro at maging pamilyar ka rito. Kapag nalagpasan mo na ang tutorial stage, magkakaroon ka na ng ideya kung paano ito laruin.

Sa simula ng paglalaro, matutuklasan mo ang kwento sa likod ng pakikipaglaban ng Sky Raptor. Basahin ang maikling kwento upang maintindihan mo ang iyong layunin. Sa bawat level, mayroong misyon ang mga manlalaro na dapat maisakatuparan. Gawin ito upang makakuha ng mataas na score at malaking papremyo.

Pagdating naman sa mismong laban, simple at madali lang matutunan ito. I-drag lang ang iyong spaceship at barilin ang mga sasakyan ng kalaban na sumasalakay sa iyo. Iwasan ang mga pag-atake at mag-pokus sa pagpatay sa kalaban. Siguraduhin na tatamaan ang iyong mga kaaway upang hindi ka matalo. Kolektahin ang mga coins na makikita at ipunin ito. Kunin rin ang mga power-ups na kulay asul dahil magagamit mo ito upang mas lumakas ang iyong karakter. Sa dulo ng bawat level, makakaharap mo ang boss. Tingnan mabuti ang pulang guhit sa sasakyan dahil ito ang kailangan mong matamaan ng iyong mga bala. Kapag nawala na ito, ibig sabihin mamatay na ang iyong kalaban kaya ikaw na ang magtatagumpay. 

Sa paglalaro ng Sky Raptor: Space Shooter, maaari ka ring gumamit ng iyong sariling estratehiya at pamamaraan sa pakikipaglaban. Nakadepende sa istilo ng iyong paglalaro ang iyong pagkapanalo. Ipamalas ang iyong husay sa pakikipaglaban upang makuha ang matamis na tagumpay.

Pros at Cons sa paglalaro ng Sky Raptor: Space Shooter

Para sa Laro Reviews, ang Sky Raptor: Space Shooter ay nakalalamang sa ibang mga arcade game pagdating sa graphics. Sa aking paglalaro, napansin kong napakahusay ang pagkakagawa ng mga sasakyang pangkalawakan at ang nilalaman ng laro. Marami din itong opsyon na pwede mong pagpilian. Maganda rin ang visual at sound effects na inilapat sa laro dahil nagbibigay ito ng mood na ikaw ay nasa isang labanan. 

Sa mga katulad kong ngayon pa lang nasubukan ang larong ito, masasabi kong hindi ito nakakalito intindihin. Kaya maaari na itong laruin ng mga batang edad pito pataas. Sigurado akong magugustuhan din ito ng mga kabataan at maging ng mga matatanda. 

Dagdag pa rito, maganda rin ang mga review na natatanggap ng laro sa Google Play Store. Ayon sa mga komento, masayang laruin ito at magaling ang pagkakagawa ng graphics. Pinuri rin nila ang disenyo ng mga sasakyang pangkalawakan sa laro. Nakatulong din daw ito upang magkaroon ng eye-hand coordination dahil maaari mong ipraktis ang iyong reflexes. Subalit mayroon ding mga problemang nararanasan ang mga manlalaro sa larong ito. Nagkakaroon raw ito ng pag-crash sa kanilang devices at maraming ads ang lumalabas. Ito ang naging dahilan upang maabala sila sa paglalaro. Ngunit naging bukas naman ang ONESOFT sa mga ganitong komento at humingi ng paumanhin. Ito rin ang naging dahilan upang mas pagandahin at paunlarin pa nila lalo ang larong Sky Raptor: Space Shooter.

Sa larong ito, maaari ka ring bumili ng mga in-app na produkto gamit ang tunay na pera. Ang mga item na ito ay nagkakahalaga ng ₱20 hanggang ₱9,800 kada item. Subalit pwede mo naman i-disable ang feature na ito at i-off sa iyong setting ang in-app na pagbili kung ayaw mong gumastos.

Konklusyon

Sa kabuuan, ang larong ito ang isa sa magandang arcade game na sigurado akong kaaadikan mong laruin. Ngayon, mayroon itong 4.3 stars out of 5 ratings sa Google Play Store, at umabot na sa mahigit 1 milyong downloads. Kung gusto mong masubukan ang kanilang bagong update at malaman ang iba pang impormasyon tungkol dito, i-download mo na sa iyong devices ang Sky Raptor: Space Shooter!

Leave a Comment

Categories
Latest Posts
Login
Loading...
Sign Up
Loading...