Head Ball 2 – Online Soccer Review

Marahil ay hindi na bago sa pandinig mo ang salitang soccer, o football. Sa panahon ngayon, sino pa nga ba ang hindi pamilyar sa sport na ito? Kung kahit minsan ay hindi mo pa naranasang maglaro ng soccer, malamang ay napanood mo na ito sa telebisyon, o sa mga social media lalo na ang mga idinadaos na World Cup. Kung susundin ang alituntunin ng larong ito, kinakailangan na magkaroon ang dalawang koponan na maglalaban ng tig-labing isang manlalaro. Ngunit sa Head Ball 2 – Online Soccer, one-on-one ang magiging labanan. Ibig sabihin, dalawang manlalaro lamang ang maglalaban dito.

Upang manalo sa laro, kailangan na makapuntos ka ng mas maraming goals kaysa sa iyong kalaban bago mag-final whistle ang referee makalipas ang 90 segundo. Sa laro, makakaharap mo ang iba’t ibang mga manlalaro sa buong mundo at sa pag-uumpisa nito, mahihinang kalaban ang makakatunggali mo, ngunit habang umuusad ka ay palakas din nang palakas ang nagiging mga kalaban. Kaya upang maiwasan na matalo sa laro, kailangan na isaalang-alang ang pagpili ng player na gagamitin. Gamitin ang character na may mataas na statistics, o hindi kaya ay regular na i-upgrade ang paborito mong character upang mag-level up ang abilities nito sa paglalaro ng Soccer.

Tips at Tricks sa Paglalaro ng Head Ball 2 – Online Soccer

Para sa matagumpay na paglalaro, narito ang mga tip at tricks na dapat isaalang-alang ng isang manlalaro:

Hindi tulad ng soccer field na malawak, ang larong ito ay mayroon lamang sapat na espasyo at kagaya ng larong soccer, paa ang pangunahing gamit mo para masipa ang bola papunta sa soccer net ng kalaban. Walang kamay na magagamit sa laro, kaya kailangan mo ring galingan sa paggamit ng iyong ulo upang kontrolin ang bola.

Limitado lang din ang galaw ng iyong manlalaro dahil maaari lamang itong umabante ng diretso, umatras ng diretso, lumundag at sumipa. Ngunit kapag naka-posisyon na ang iyong kalaban, maaaring pindutin ang highball button upang lumampas ang bola sa kinaroroonan niya at pagkatapos ay habulin mo ito at sipain diretso sa net.

Madaling makapagtala ng puntos sa laro kung ikaw ang mauuna na makahawak sa bola, kaya pagkatapos ng three-second countdown, sikapin mo na maunahan ang kalaban sa pagsipa ng bola. Kapag naman ang kalaban ang may hawak ng bola, huwag ito hayaang makalapit sa iyong net dahil maaari itong gumamit ng high ball.

Sa karagdagan, may kabuuang limang liga ang maaaring salihan sa laro at ito ay ang mga sumusunod: Amateur League, Stars League, Professional League, Super League at Champions League. Sa bawat liga, ipinapakita ang iyong rank standing kaya upang manatiling pasok sa Top 10, kailangan mong maglaro ng madalas. Maliban pa rito, kapag naipanalo mo ang isang match, makakatanggap ka ng libreng apat na diamonds kada goal.

Napakalaking tulong din ng mga daily reward na ibinibigay ng laro dahil bukod sa coins. Maaari kang makakuha ng malalaking rewards kagaya ng fireball, freezing power, extra character at maging ng mga diamond. Bukod pa rito, kapag nanood ka ng mga optional ad, makakatanggap ka rin ng limpak-limpak na free rewards. Kapag naman nakaipon ka na ng malaking halaga ng pera, maaari mong gamitin ang iba para ibili ng mga upgrade sa shop ng laro.

Features ng Laro

  • Powers – Sa feature ng larong ito makikita ang mga superpowers na maaari mong gamitin sakaling makaharap mo ang malalakas na kalaban kagaya ng mga legendary at heroic. Ilan sa mga kapangyarihan na matatagpuan dito ay ang Freeze na may kakayahan na balutin ng yelo ang kalaban upang hindi ito makagalaw sa loob ng maikling oras; ang Giant Player kung saan kapag ginamit ito ay mahihirapan ang iyong kalaban na maka-score; at ang Clone Goalie na may kakayahan naman na i-multiply ang sarili nito sa dalawa.
  • Friends – Ang feature namang ito ay nagbibigay sa iyo ng option na mag-log in sa iyong Facebook Account at mag-imbita ng mga kaibigan doon kapalit ng 30 pirasong free diamonds.
  • Characters – Mahalaga ang pagkakaroon ng magaling na uri ng player, kaya sa pamamagitan ng Characters, mayroon kang maraming pagpipiliang players mula sa common, rare, legendary at hanggang exclusive. Common ang pinakamahina sa lahat at Exclusive naman ang pinakamalakas at pinakamagaling.
  • Event – Dito naman makikita ang mga daily giveaway kagaya ng coins, fireball, 50 diamonds, double xp, triple point at iba pang mga reward.
  • Diamond Bank – Kagaya ng nabanggit kanina sa itaas, makakatanggap ka ng tig-apat na diamonds bawat goal kapag naipanalo mo ang isang match. Dito naiipon ang mga iyon at dito rin maaaring i-claim.
  • Trainers – Kagaya ng mga player, nagtatampok din ang laro ng tinatawag na mga trainer na maaari mong i-hire. Maaaring pumili mula Common hanggang Heroic. Ang mga pinipili sa kanila ay magbibigay sa iyo ng mahahalagang mga handog.

Saan Maaaring I-download ang Laro?

Gamit ang search bar, hanapin lamang ang larong ito sa Google Play Store para sa mga Android user, sa App Store para sa mga iOS user at kailangan naman na i-download ang Android emulator sa PC para gumana ito. Maaaring gamitin ang mga link sa ibaba:

Download Head Ball 2 – Online Soccer on Android https://play.google.com/store/apps/details?id=com.masomo.headball2

Download Head Ball 2 – Online Soccer on iOS https://apps.apple.com/us/app/head-ball-2-soccer-game/id1193933380

Download Head Ball 2 – Online Soccer on PC https://www.bluestacks.com/apps/sports/head-ball-2-on-pc.html

Pros at Cons ng Laro

Ilang sandali lamang nang paglalaro ay magiging pamilyar ka na agad sa daloy nito dahil bukod sa madali ang gameplay, maayos rin ang pagkakalatag ng mga control button kaya walang dahilan upang hindi makapagtala ng panalo rito. Maliban sa one-on-one play, maaari ka ring sumali sa isang grupo, o bumuo ng sarili mong grupo upang kalabanin ang iba pang koponan mula sa ibang bahagi ng mundo.

Sa karagdagan, napakaraming superpowers na pwedeng magamit sa larong ito. Ngunit kapag gusto mo na masiguradong mananalo ka palagi, maaari mong bisitahin ang Store feature ng laro upang makakuha ng mga premium reward sa tulong ng mga scratcher card na makukuha kapag nanood ka ng mga optional na ad.

Sa kabilang banda, ilan sa mga problema na madalas mong mararanasan sa larong ito ay ang mga sumusunod: Una, sobrang dami ng mga pop ad na lumalabas sa larong ito. Kasunod nito, kapag pinanood ang mga optional ad, minsan ay kusang nag-e-exit ang laro at minsan din ay hindi natatanggap ang reward na kapalit ng panonood ng ads. Maliban pa rito, pagkatapos ng mga laban ay matagal na nag-lo-loading ang laro kaya kailangan mo pang maghintay ng matagal para makabalik sa ‘Home’ ng laro. Kapansin-pansin din na ang mga player ay nilikha kagaya ng mga caricature character. Mayroon lamang ulo ang mga ito na nakapatong sa isang pares ng sapatos kaya walang kamay, o katawan na magagamit sa paghawak ng bola.

Konklusyon

Lubos na naniniwala ang Laro Reviews na nilikha ang larong ito para sa mga batang manlalaro dahil kahit pa sabihin na pwedeng-pwede itong laruin ng mga Millennial at Z Generation, hindi magtatagal ay magsasawa rin ang mga ito sa madaling gameplay ng laro. Ngunit kung nais mo naman ng simpleng soccer game at mga cute na character, nakakatiyak ang Laro Reviews na para sa iyo ang larong ito.

Leave a Comment

Categories
Latest Posts
Login
Loading...
Sign Up
Loading...