Pro 11 – Football Management Game Review

Marahil isa ka rin sa mga nagtatanong kung ano nga ba ang sikreto sa likod ng mga tagumpay ng mga pinaka-kilalang soccer team sa buong mundo katulad ng FC Barcelona, Real Madrid at Manchester United. Kapag tinatanong ang mga player kung bakit palagi silang nananalo sa mga laro, tiyak na isasagot nila ay dahil ito sa magandang pamamahala ng kanilang management. Hindi maikakaila na marami sa atin ang nagtataka kung ano nga ba ang papel na ginagampanan ng mga tao na namamahala sa mga soccer player. Kaya naman upang malaman na ang kasagutan, inihahandog ng Pro 11 – Football Management Game sa iyo ang pagkakataon na pamahalaan ang sarili mong koponan sa soccer.

Ang pangunahing trabaho mo sa laro ay ang siguraduhin na makapagtala ng maraming panalo ang iyong soccer team sa World Tournament, tapusin ang laban sa mga ligang sasalihan ng nasa mataas na ranking upang makapasok sa Champions League kung saan makakaharap ang pinakamagagaling na manlalaro sa balat ng lupa at umani ng maraming karangalan, tropeyo at limpak-limpak na salapi.

Sa karagdagan, upang maging isang ganap na mahusay na manager, kailangan mong isaalang-alang ang mahahalagang bagay na dapat ginagawa sa laro. Pangunahin na rito ang kailangan mong mag-isip ng taktika upang laging manalo. Sikapin na makapag-recruit ng mahuhusay na manlalaro. Tiyakin na hindi kayo mauubusan ng pondo upang mayroong ipantustos sa mga pangangailangan ng koponan. Siguraduhin na araw-araw ang training ng mga player at palakasin ang koponan sa pamamagitan ng pagbili at pagbenta ng mga player sa Transfer Market. Bilang isang manager, ikaw rin ang bahala kung kailan at saang liga mo isasabak sa laro ang iyong koponan.

Tips at Tricks sa Paglalaro

Para sa matagumpay na paglalaro, narito ang mga tip at trick na dapat isaalang-alang ng isang manlalaro.

Sa pagsisimula ng laro, magkakaroon ka lamang ng mga tinatawag na common, o grey card, player. Ang mga ito ay mahihinang uri ng mga manlalaro kaya upang palakasin ang iyong koponan, kailangan mong makahanap ng mga manlalaro na edad 17 hanggang 20 upang sanayin at ihanda para sa hinaharap na mga laban. Pagkatapos ng mahabang pagsasanay, ang mga na-recruit mong mga batang manlalaro ay magiging magagaling ng mga player kaya pwede mo nang palitan ang mga grey card.

Ang mga grey card ay pwedeng mabili sa mababang halaga sa Transfer list. Subalit matagal ang improvement ng mga ito kaya hindi ka dapat manghinayang na palitan sila lalo pa at malalakas ang makakalaban sa laro. Isang mahalagang bagay rin na dapat tandaan ay huwag na huwag ibebenta ang iyong mga best youth player sa mga mauunang season ng laro sapagkat sa kanila nakasalalay ang kinabukasan ng iyong buong koponan. Bukod sa pag-recruit ng mga batang manlalaro, may option ka rin na magkaroon ng instant best players kapag bumili ka sa Transfer list, ngunit kailangan mo na gumastos ng malaking halaga ng pera.

Sa karagdagan, kailangan mo ring makahanap ng sponsorship deal upang madagdagan ang pondo ng iyong koponan at magkaroon ng sapat na pera na magagamit sa mga araw ng matinding pangangailangan. Ngunit upang magkaroon ng sponsorship deal, kailangan na mataas ang statistics ng iyong koponan at maganda ang laro na ipinapakita nito.

Maliban sa mga nabanggit, ang paglalaro araw-araw ay magbibigay sa iyo ng malaking tsansa na mapabilang sa Top 7 ranking upang makapasok sa Champions League, at iba pang matataas na uri ng liga. Sa pamamagitan ng pagkamit ng mga goal sa Clubs Fan section, maaari mong mabuksan ang mga credit bonus. Samantala, ang panonood naman ng optional ads ay magbibigay rin sa iyo ng walang kahirap-hirap na pagkakataon upang makatanggap ng mga reward.

Features ng Laro

  • Leagues – Kagaya sa totoong mundo ng soccer, ang larong ito ay nagtatampok din ng mga liga na pwedeng salihan kagaya ng Super League, Cup at Champions League. Ngunit bago makasali rito, kailangan na pasok sa qualification ang rank standing ng iyong koponan.
  • World Tournament – Ito ang itinuturing na main game ng laro kung saan kailangan mo na makapagtala ng maraming panalo upang mabuksan ang mga nabanggit na liga sa itaas. 
  • Squad – Upang higit na palakasin ang iyong koponan, sa feature na ito ng laro maaaring i-enhance ang strength, pace, tacking at heading ng iyong mga manlalaro.
  • Youth Academy – Sa feature naman na ito makakapag-recruit ng mga batang manlalaro upang sanayin at para magamit sa laro.
  • Tactics – Matatagpuan naman dito ang listahan ng iyong mga manlalaro kung saan may kalayaan kang pumili ng formation sa soccer field, at mag-assign kung sino sa mga manlalaro ang gagawin mong team captain, goalie, midfield, fullback at iba pang posisyon sa soccer.
  • Training – Gamit ang mga naipong trophy o coin, maaari mong palakasin ang iyong mga player sa pamamagitan ng pag-upgrade sa kanilang mga kakayahan dito.

Saan Maaaring I-download ang Laro?

Gamit ang search bar, hanapin lamang ang larong ito sa Google Play Store para sa mga Android user, sa App Store para sa mga iOS user at sa Microsoft Store para naman sa mga PC user. Maaaring gamitin ang mga link sa ibaba:

Download Pro 11 – Football Management Game on Android https://play.google.com/store/apps/details?id=com.trophymanager.pro11

Download Pro 11 – Football Management Game on iOS https://apps.apple.com/gd/app/pro-11-football-manager-game/id1186263817

Download Pro 11 – Football Management Game on PC https://www.microsoft.com/en-us/p/pro-11-football-manager-game/9n5x9qn4t7gb?activetab=pivot:overviewtab

Pros at Cons ng Laro

Sa mga mobile game na soccer, bibihira lamang na makatagpo ng isang 3D football movement kung kaya’t lubos na natutuwa ang Laro Reviews na ang larong Pro 11 – Football Management Game ay mayroong napakalinaw na graphics at visual effects. Talagang kitang-kita sa laro kung paano pinagpapasahan ang bola ng bawat koponan at maging ang mga kahanga-hangang football trick ng mga manlalaro sa soccer field.

Maliban pa rito, kahit online ay hindi problema ang mga pop ad sa larong ito dahil mayroong pagpipilian ang mga manlalaro na manood ng optional ads o hindi. Bukod sa pagsali sa mga liga, napakarami ring pwedeng gawin dito kagaya ng pag-customize ng sariling uniform ng iyong koponan, paghahanap sa mga susunod na star players ng iyong koponan, pakikipag-trade sa Transfer list, pagkolekta ng mga reward at marami pang iba.

Sa kabilang dako, ilan sa mga negatibong katangian na tinataglay ng laro ay ang mga cutscene na ginagamit ay paulit-ulit at maging ang gameplay nito. Maliban pa rito, sadyang nakakainit ng ulo ang matching ng laban. Magagawa kang matalo ng mahihinang team sa isang goal lang nila dahil awtomatikong natatapos kaagad ang laban. Madalas din ang pagkakaroon ng lag sa laro lalo na kapag sinusubukan mong bumili ng bagong player, o sumali sa bagong laban.

Bukod pa rito, mahahalata rin na ang ibang laban ay tila scripted dahil kung nagmamasid ka nang maigi sa laro, mapapansin mo na mayroong mga senaryo na magkakapareho kaya kahit anong tactic pa ang gagamitin mo, mawawalan ito ng silbi dahil hindi pa man natatapos ang laban ay siguradong panalo na kaagad ang kalaban.

Konklusyon

Marami sa atin ang wala ng panahon upang makapaglaro ng kanilang mga paboritong sport, kaya naman ang pagkakaroon ng mga sport-game sa mobile device ay maituturing na isang magandang imbensyon sa modernong panahon na ating ginagalawan sa ngayon. Katulad ng ibang ball games, ang larong soccer, para sa Laro Reviews, ay isa sa magagandang sport-game na pwedeng laruin ng sinuman. Kung hindi mo pa nasusubukan ang larong ito, marahil ito na ang pagkakataon mo upang mapalawak ang iyong kaalaman tungkol sa laro.

Leave a Comment

Categories
Latest Posts
Login
Loading...
Sign Up
Loading...