Jewel Time – Match 3 Game Review

Ang Jewel Time – Match 3 Game ay isang casual offline puzzle game na ginawa ng BuildFun – Jewel Games Star. Kung palmilyar ka sa larong Candy Crush, malamang ay madali mo lang makakabisado itong laro dahil magkapareho lamang ang kanilang gameplay. Para sa dagdag-detalye, basahin itong artikulong ginawa ng Laro Reviews.

Mga Tampok ng Laro

Ang larong ito ay mayroong kakaibang mga tampok at mga quest kaya asahan ang kakaibang puzzle game experience. Upang laruin ito, kailangan mo lamang tapusin ang mga task sa pamamagitan ng pagtugma ng mga gem. Halimbawa, ang task mo ay ipunin ang mga pagong na nakataob at para magawa ito kailangan mong itugma ang mga gem na nasa paligid ng pagong. Parang napakasimple lang kung pakikinggan ngunit huwag kang pakampante dahil hindi lamang ito ang mga task sa larong ito at asahang mas marami pang mas mahihirap na task rito. Mayroon ding mga tampok na power up sa laro at may dalawang uri ito; una ay ang power up bago magsimula ang laro at pangalawa ay ang power up na makukuha mo depende sa nagawang kumbinasyon ng gem. Ang mga power up sa simula ng laro ay maaaring makuha kapag nakumpleto mo ang general quest. Limitado lamang ang paggamit ng mga ito ngunit nakapagbibigay naman ito ng malaking kalamangan kaya gamitin nang mahusay at maigi ang mga ito. Ang pangalawang uri ng power up naman ay maaring makuha habang naglalaro ka at nakadepende ang uri ng power up na makukuha sa uri ng gem na itinugma. Halimbawa, kapag naitugma mo ang limang gems na magkakasunod, makakakuha ka ng rocket na power up na kapag ginamit ay pasasabugin nito ang isang random na gem. Maaari ka ring tumugma ng apat na gems na nakahugis kahon ang posisyon upang makakuha ng bomb na power up at ang epekto nito ay pasasabugin nito ang malaking area na nasa paligid nito. 

Mayroon din itong mahusay na reward system tulad ng star collection. Makakukuha ka ng reward dito kapag nakaipon ka nang sapat na stars sa pamamagitan ng pagpasa ng mga stage at nakadepende ang bilang ng stars sa rating ng iyong game. Sa Moon naman ay kailangan mong makaipon ng sapat na moon sa pamamagitan ng pagkumpleto ng mga task. Ang mga makokolektang mga reward ay random mula sa power up hanggang sa gold coins. Ang mga gold coin ay maaaring magamit sa pagbili ng karagdagang move kapag naubusan ka na.

Paano i-download ang Jewel Time – Match 3 Game?

Napakadaling i-download nitong laro, sundin lamang itong mga hakbang. 

Para sa mga Android user, pumunta sa Google Play Store at i-type sa search bar ang pangalan ng larong ito pagkatapos ay i-click ang ‘Install’. Sa kasamaang palad, wala itong iOS version pero maaari mo itong laruin sa PC. Ang kailangan mo lamang gawin ay pumunta sa https://www.gameloop.com/ph/ at hanapin itong laro sa search bar at i-click ang ‘Download’. Para sa mas mabilis na pag-access, maaaring i-click ang link sa ibaba.

Download Jewel Time – Match 3 Game on Android https://play.google.com/store/apps/details?id=puzzlegame.buildfun.jewelmatch

Download Jewel Time – Match 3 Game on PC https://www.gameloop.com/ph/game/arcade/puzzlegame.buildfun.jewelmatch

Tips at Tricks para sa mga Baguhan

Sa unang tingin, mukhang madali lang ang larong ito ngunit kung susubukan mo ay talagang hahamunin nito ang iyong kakayahan sa pag-solve ng mga puzzle. Kaya kung nahihirapan kang maipasa itong laro, huwag mag-alala dahil tutulungan ka ng Laro Reviews. 

Ang una kong napansin sa larong ito ay ang mga pattern, mahalaga ito dahil magbibigay ito sa iyo ng kalamangan sa laro. Sa halos lahat ng level, mayroong isang move na nakakapagpa-trigger ng maraming combo kaya siguraduhing ito ang una mong move. Tandaan na limitado lamang ang moves mo kaya dapat sulitin mo ang bawat isang move. Mag-focus sa task. Madaling malito sa larong ito. Halimbawa, mayroon kang task na kolektahin ang lahat ng mga itlog sa field kaya dapat ang mga gem na nakapalibot sa itlog ang dapat mong pagtuunan ng pansin, ngunit maaaring malito ka sa mga posisyon ng mga gem lalo na kung maraming mga kulay at posibleng combo na malayo sa itlog. Huwag ubusin ang iyong moves sa mga gem na hindi makakatulong sa iyong kumpletuhin ang task. Hangga’t maaari, mas mainam na itugma ang mga gem na nasa ibabang parte dahil mas maraming combo matches ang magaganap kapag bumaba ang mga gem. Dahil random ang posisyon ng mga gem, walang paraan para makabuo ng isang tiyak na strategy kaya ang pinaka magandang strategy ay ang pag-isipang mabuti ang bawat move at subukang hulaan ang magiging posisyon ng gems kapag ginawa mo ang isang move.

Kalamangan at Kahinaan

Bagama’t may parehong konsepto ito sa candy crush pagdating sa gameplay, mas makakapaglaro ka naman nang matagal dito dahil wala itong limit sa paglalaro. Hangga’t mayroon ka pang oras, maaari kang maglaro at sa bawat panalo mo ay madaragdagan ang iyong oras. Ang detalye naman ng laro ay napakakinis dahil ito ay nasa 3D. Ang bawat level ay talagang mapanghamon ngunit hindi naman gaanong mahirap, kaya naman kahit pa maglaro ka nang mahabang oras, hindi ka mababagot at hindi rin sasakit ang iyong ulo sa hirap ng puzzle. Plain at basic lamang ito, walang gaanong mga tampok tulad ng pagkokolekta o kahit anong bagay na makapagbibigay sa manlalaro ng dahilan upang i-uninstall ito. Wala rin itong storyline na sinusundan kaya hindi gaanong kapanapanabik ito. Mas magiging maganda sana itong laro kung mayroon itong mga tampok tulad ng storyline o kahit anong bagay na nakapagbibigay sa manlalaro ng gana upang laruin pa ito. Wala itong gaanong pop up ads kaya hindi ka maiinis sa paglalaro at kung gusto mo pang makakuha ng mas maraming mga power up, pwede kang manood ng ads. Kung hindi mo man magustuhan itong laro, malamang ay hindi ito para sa’yo dahil sa tingin ko ay idinisenyo ito para lamang sa mga batang edad apat hanggang walo upang mahasa ang kanilang thinking skills na isang magandang tampok nito. 

Sa kabuuang kalamangan at kahinaan nito, ang pagiging plain at basic nito ay nangangahulugang hindi ito idinisenyo para sa mga beteranong manlalaro kaya huwag kang umasa rito ng kumplikadong gameplay.

Konklusyon

Sa ngayon, wala pang star rating itong laro ngunit kung ako ang magbibigay ng rating, bibigyan ko ito ng 4.5 out of 5 stars na rating. Totoong basic at napakasimple lamang nito, ngunit mainam pa rin itong pampalipas ng oras. Kaya kung gusto mo ng bagong puzzle game na may balanseng gameplay, subukan ang Jewel Time – Match 3 Game ngayon!

Leave a Comment

Categories
Latest Posts
Login
Loading...
Sign Up
Loading...