Lost Lands 3 Review

Iba talaga ang hatid sa atin ng mga puzzle game, ano? Gusto natin ang mga larong bagaman pigang-piga na ang ating utak kakaisip ay patuloy pa rin natin itong sinusubukan hanggang sa matapos natin ito. Hindi natin ito tinitigilan. Kaya naman, walang mapaglagyan ang ating tuwa sa oras na malagpasan na natin ang mga ito. Ganoon kalaki ang impact sa atin ng mga puzzle game na ito at kung bakit sobra ang pagkahumaling natin dito. Kung gaya ng karamihan ay ganito rin ang nais mo, mayroong inihahandog ang Laro Reviews para sa iyo, ito ang Lost Lands 3: The Golden Curse. Ang Lost Lands ay isang dark fantasy adventure game series na nilikha ng FIVE-BN Games kung saan dadalhin ka nito sa mala-paraisong lugar upang maghanap ng mga tagong bagay at magsagot ng ilang mga puzzle upang maging gabay para ituro ang daan palabas dito. Kung sa unang installment ay patungkol ito kay Susan at sa kung paano kinain ng portal ang kanyang anak na si Jimmy habang sa pangalawang installment naman ay patungkol sa mga horseman na nais kontrolin ang parallel world, ang ikatlong installment naman ay patungkol sa pagtuklas sa dahilan kung paano muling nagkaroon ng buhay ang mga cursed beasts. Muling samahan si Susan na pasukin ang kakaibang mundo, mag-solve muli ng puzzle at mangalap ng mga gamit upang masagot ang mga misteryong ito.

Features ng Lost Lands 3

Ang Lost Lands 3 ay mayroong tinatayang limampung location na maaaring puntahan ng bawat manlalaro kung patuloy nilang lalaruin ito. Sa bilang pa lamang nito ay alam mong tila may kahabaan ang magiging journey ng bawat manlalaro nito. Upang hindi magkaroon ng pagkalito at hindi mahirapan magpabalik-balik ay mayroon namang hinanda ang Lost Lands na map na siyang makikita sa ilalim ng Hint button. Kung bubuksan ito ay makikita mo ang listahan ng mga lugar na napuntahan mo na at kung gaano karami ang maaaring pasuking kwarto sa mga ito.

Sa loob naman ng mga lugar na ito ay hindi mawawala ang mga quest na kailangan mong pagdaanan bilang isang manlalaro. Sa kabuuan ay mayroon itong apatnapung mini-games kung saan maaari kang mag-solve ng iba’t ibang klase ng puzzle para lamang makakuha ng isang bagay na siyang kakailanganin mo naman upang makaabante sa susunod na lugar. Sa larong ito, ang mga gamit na iyong makakalap ay makikita namang nakahanay sa ibabang parte ng iyong screen. Ang iba sa mga ito ay kailangan pang kolektahin isa-isa habang ang iba naman ay kailangan lamang pagsamahin upang makabuo ng panibagong gamit. 

Kung bubuksan naman ang menu section ay makikita mo rito ang iba’t iba pang bagay gaya ng Store kung saan dito nakalagay ang ilang mga item na kakailanganin mo upang magkaroon ng kalamangan sa laro. Narito ang iba’t ibang dami ng coins na siyang magagamit mo upang makabili ng hints at mabibili mo gamit ang tunay na pera. Ang Task naman ay ang kumpletong listahan ng ilang mga bagay na kailangan pang gawin ng bawat manlalaro sa isang specific na lugar. Maaari nila itong maging gabay upang malaman nila kung alin pa ang kailangan nilang tapusin at kung saan nila iyon kailangang gawin. 

Bukod pa sa mga iyon ay mayroon din ditong Achievements na maaaring ma-acquire ng bawat manlalaro habang ginagawa nila ang kanilang task. Mayroong ibinibigay na award kung sakaling makumpleto nila ang kanilang task sa maikling oras lamang, kapag may nahahanap silang mahahalagang bagay at marami pang iba. Sa kabuuan ay mayroong nakalaang dalawampu’t tatlong klase ng achievements para sa larong ito. Kasama rin sa section ng Main Menu ang sinasabing Collections o purse ng karakter kung saan kailangan ding mahanap bukod pa sa mga gamit na kakailanganin sa mga main quests.

Saan maaaring i-download ang Lost Lands 3? 

Ang larong ito ay nangangailangan lamang ng 21MB sa Google Play Store habang 1.1GB naman pagdating sa App Store. Kung nais mo naman itong laruin sa iyong PC, mangyari lamang na bisitahin ang link na nasa ibaba. Kung para sa iyong mobile naman, i-click lamang ang link depende sa device na iyong gamit.

Download Lost Lands 3 on Android https://play.google.com/store/apps/details?id=com.fivebn.ll3.f2p

Download Lost Lands 3 on iOS https://apps.apple.com/us/app/lost-lands-3-f2p/id1534706094

Download Lost Lands 3 on PC https://www.99images.com/apps/ios-games/1100182118/download-for-pc-windows-mac

Tips at Tricks sa Paglalaro ng Lost Lands 3

Upang magkaroon ng adbentahe sa Lost Lands 3, kailangan mo lang tandaan ang ilang mga bagay. Narito ang ilang mga tips ng Laro Reviews para iyong subukan:

Una, palagi lamang suyurin ang bawat makikita sa lugar. Nagkalat ang iba’t ibang klase ng gamit sa paligid, Kung kinakailangang pindutin isa-isa ang mga ito ay mainam. Magsimula ka sa mga malalaki hanggang sa maliliit na bagay. Subukan din ang bawat pasikot-sikot dahil baka hindi mo na lang namamalayan ay may mapupulot ka rin dito na mahalagang bagay.

Pangalawa, subukan lamang i-explore ang mga gamit na iyong nakalap. Kung sinasabi ng laro na kailangan ng isang gamit na siyang kayang pumutol, subukan lamang ang mga gamit mo na maaaring gamitin bilang pamutol gaya ng ilang mga matatalas na bagay. 

Pangatlo at panghuli, marami kang makikitang walkthrough ng larong ito sa YouTube at Google. Kung susubukan mo ngang maghanap ngayon ay marami kang mahahanap nito dahil nagkalat ito kahit saan. Gayunpaman, kung nais mo talagang ma-enjoy ang larong ito, isang magandang desisyon na huwag subukang silipin ang mga ito.

Pros at Cons ng Lost Lands 3

Laman ng Lost Lands 3 ang mga challenging na puzzle na talagang kayang pumiga ng utak ng bawat manlalaro. Hindi ito ubod ng hirap ngunit tunay na susubukin nito ang iyong galing sa pag-iisip ng paraan para lamang masagot ang mga ihinain sa iyong mga quests. Ilan sa mga ito ang sadyang gugugol ng malaking panahon bago mo pa masagot. Gayunpaman, hindi ito naging kabawasan sa laro. Sa halip ay naging isa pa itong daan upang lalo mo itong kagiliwan.

Isa rin sa kalamangan sa larong ito na ang mga bagay na makikita rito ay hindi simplified. Manu-mano mong gagawin ang bawat bagay para lamang makalikha ka ng panibagong materyales na siyang magagamit mo pa sa susunod na level. Halimbawa nito ay ang Axe. Hindi sapat dito na nakalap mo ang mismong ulo ng axe at maaaring gamiting hawakan para rito. Kailangan mo ring isipin kung paano mo pagsasamahin ang dalawang ito at manu-mano mo itong kailangang gawin. 

Nakakatuwa rin ang graphics na inilagay para rito. Talagang pinapakita nila kung paano nangyayari ang isang bagay gaya na lamang kung paano mo ibubuhos ang isang timba ng tubig sa mismong inumin ng mga kabayo. Nakakatuwa rin maging ang ginamit na tunog rito dahil sinikap nilang piliin ang mga natural sounds para magmukha talagang makatotohanan ang bawat lugar. Kung may isang kakulangan lamang dito, iyon ay ang pagiging inconsistent ng laro pagdating sa quality ng graphics. May pagkakataon kasi na nagiging malabo ito o low quality.

Buko pa sa nabanggit sa itaas, isa ring maituturing na kabawasan dito ay ang pagkakaroon ng mahahabang paragraph upang basahin ng bawat manlalaro. Halimbawa nito ay ang mga sulatin na makikita sa bawat lugar. Ang iba sa mga ito ay kinokolekta habang ang iba naman ay makikita bilang gabay bago pasukin ang ilang lugar. Kung titingnan pa lamang ay talagang tatamarin kang basahin ang mga ito dahil sa bloke-blokeng paragraph nito. Kung sana ay sinubukan nilang gawing ‘short but concise’ ay siguradong walang magtatangkang i-skip ito.

Konklusyon

Isa sa mga bagay na kayang ituro ng Lost Lands pagdating sa paghahanap ay ang pagbibigay ng kumpletong atensyon sa bawat detalye na makikita sa paligid mo. May ilang mga bagay kasi rito na hindi mo alam ay may mahalaga palang papel na ginagampanan. Kung hindi mo ito bibigyang atensyon agad ay maaari mo itong makaligtaan at kalaunan ay magiging sanhi pa ng iyong pagka-aligaga. Kung titingnan ang kabuuang itsura ng laro, isa ito sa mga larong maaari mo ring kagiliwan. Kaya kung nais mo itong laruin, malaya kang i-download ito ngayon upang subukan.

Leave a Comment

Categories
Latest Posts
Login
Loading...
Sign Up
Loading...