Ninja Arashi Review

Na-miss mo na ba ang larong may kinalaman sa mga ninja? Walang problema, sagot ka ng Laro Reviews para rito. Muling gampanan ang pagiging isang ninja sa larong ito. Muling tumalon nang mataas, iwasan ang mga patibong at mabilis na alisin ang maaaring humarang sa iyong daraanan. Ito ang Ninja Arashi, isang intense platformer at adventure-RPG na inilabas ng Black Panther kung saan binibigyan ka nito ng pagkakataong gampanan ang role ni Arashi, isang ninja na handang pasukin ang isang corrupted world at makipaglaban upang iligtas ang kanyang anak mula sa kamay ng shadow devil na si Orochi. Gamit ang kakaibang galing sa pagtalon at bitbit ang mga sandatang kayang kumitil ng buhay, samahan si Arashi na lagpasan ang iba’t ibang klase ng patibong at paslangin ang hindi mabilang na mga kalabang maaaring humarang sa kaniyang daraanan. Handa ka na ba? Kung oo, halina’t pasukin na natin ang larong ito at manatiling buhay hanggang dulo.

Features ng Ninja Arashi

Ang Ninja Arashi ay mayroong tatlong mapa na maaaring puntahan ng ilang mga manlalaro. Bawat isa sa mga ito ay mayroong tig-apatnapu’t limang levels na kailangan munang lampasan ng bawat manlalaro bago nito tuluyang mabuksan ang iba pang mapa. Laman ng bawat level na ito ang iba’t ibang klase ng kalabang may iba’t iba ring klase ng armas maging ang mga obstacles na kailangang lampasan ng bawat manlalaro upang makaligtas at makapagpatuloy sa susunod pang level. Bukod pa rito, inaasahan na maaari pa itong madagdagan sa oras na tuluyan mo nang makumpleto ang mga levels sa tatlong mapa na ito.

Iilan lamang ang features na makikita sa larong ito at lahat ng ito ay makikita sa bandang itaas sa kanang bahagi kung saan kapag pinindot mo ang dalawang diyamanteng-hugis na button ay bubungad sa iyo ang tatlong section na maaari mong puntahan kung nais mong i-customize ang iyong karakter o mapalakas pa ito. Una na riyan ang Costume Shop kung saan narito ang kumpletong listahan ng maaari mong bilhin upang maging kasuotan ng iyong karakter. Sa kabuuan ay mayroon itong siyam na klase gaya ng Tree trunk, Mr. Candy, Spooky, Wine Urn, Samurai, Knight, The Thinker, Assassin at Golden Sexy. Bawat isa sa mga ito ay maaari mong mabili gamit ang currency ng laro na gold coins at gems.

Ang pagkakaroon ng armas sa larong ito ay isa sa mga pinakamabisang paraan upang malampasan ang bawat level at masiguro na hindi ka mahuhulog sa ilang mga patibong. Kaya naman ang larong ito ay may hinandang Shop para rito. Ito ang Dojo kung saan laman ng section na ito ang iba’t ibang klase ng armas at skills na maaring magamit at taglayin ng iyong karakter upang makaabante sa bawat level. Sa loob nito ay makikita ang Kenjutsu kung saan ito ay may kinalaman sa paggamit ng espada. Sunod naman nito ang Shurikenjutsu kung saan ito naman ay may kinalaman sa paghagis ng shuriken sa kalaban upang mapatay ito. Ang Meditation naman ang makakatulong kay Arashi upang mapatagal pa ang kanyang buhay at shield duration sa laro habang ang Henjutsu naman ang ginagamit ni Arashi upang panandalian siyang makapag-disguise bilang isang bagay at hindi madaling makita ng kalaban. Bawat isa sa mga ito ay may iba’t ibang level na maaari mong i-upgrade kung nais mong mas maging bihasa pa si Arashi pagdating sa mga gamit na ito.

Dahil may ilang ads din na makikita sa larong ito, maaaring pagkatapos ng iyong bawat laban o kaya naman ay kung nais mong ma-extend ang iyong buhay sa laro, mayroong item sa larong ito kung saan maaari mo na malaro ang Ninja Arashi nang hindi naiistorbo ng mga ads. Makikita ito sa Cash Shop ng laro kung saan kasama nito ang ilang mga item gaya ng gold, gems at promo offers na siyang maaari mong bilhin gamit ang tunay na pera. 

Saan maaaring i-download ang Ninja Arashi?

Ang larong ito ay nangangailangan lamang ng 61MB sa Google Play Store habang 261.2MB naman pagdating sa App Store. Maaari ka namang gumamit ng emulator gaya ng LDPlayer para naman sa iyong PC. Kung nais mo itong laruin, i-click lamang ang link na nasa ibaba depende sa device na iyong gamit.

Download Ninja Arashi on Android https://play.google.com/store/apps/details?id=com.blackpanther.ninjaarashi

Download Ninja Arashi on iOS https://apps.apple.com/us/app/ninja-arashi/id1218127789

Download Ninja Arashi on PC https://www.ldplayer.net/games/ninja-arashi-on-pc.html

Tips at Tricks sa Paglalaro ng Ninja Arashi

Upang magkaroon ng adbentahe sa Ninja Arashi, kailangan mo lang tandaan ang ilang mga bagay. Narito ang ilang tips ng Laro Reviews para iyong subukan:

Habang tumatagal ka sa paglalaro nito ay unti-unti ring bumibigat ang bawat level na maaari mong pagdaanan dito. Dumadami ang mga patibong sa iyong daraanan na maaaring kumtil ng iyong buhay sa laro. Kaya naman, isang mabisang paraan na maging alerto pagdating dito. Talasan ang iyong mga mata sa mga nakausling matulis na bagay, sa mga trap at sa mga malalaking bagay na maaaring sumalubong sa iyo. Kung mangyari man na mayroong patibong na talagang sinusundan ka, huwag lang kalilimutan ang umatras bilang pag-iwas dito. 

Mahalaga ang timing sa larong ito partikular na sa pagkakataong kailangan mong tumalon at umatake. Kung mangyaring malayo ang agwat ng iyong tatalunan, ugaliin lamang ang bumwelo bago kumilos. Subukang umatras muna saka ipagpatuloy ang pagtalon. Maaari mo ring gawin ang dobleng pag-tap sa button na para sa pagtalon. Pagdating naman sa pag-atake sa kalaban, huwag magmadali. Kailangan mo lamang hintaying tumalikod muna ang kalaban at makalayo ng kaunti bago ka kumilos at umatake.

Lahat ng mga armas na makikita sa larong ito ay epektibo at talagang makakatulong upang makausad ka sa laro. Kaya naman, huwag manghinayang na gamitin ito sa kahit saang parte ng iyong journey bilang isang ninja. Ugaliin din na i-upgrade ito para sa mas malakas at mas epektibo pa nitong gamit lalo pa’t lumalakas din ang iyong mga kalaban.

Pros at Cons ng Ninja Arashi

Ang Ninja Arashi ay mayroong shadow silhouette art style bilang graphics nito. Hindi na ito bago pagdating sa mga ganitong klaseng tema ng laro partikular na pagdating sa ninja. Kung magkaroon man ng kulay ay gumagamit sila ng neon na color upang maging angat ito sa madilim na kulay ng laro. Kung meron mang masasabing kaibahan ang larong ito kung ikukumpara sa ibang larong patungkol sa ninja, iyon ay ang mga artwork na makikita sa larong ito. Mabibighani ka sa itsura ng cherry blossom at mga naglalakihang kabute na kahit papaano ay napapagaan ang mabigat at intense na mood ng laro.

Masyadong maikli ang tatlong buhay sa larong ito lalo pa’t napakadali mo lamang masawi rito. Kaunting dikit mo lamang sa mga patibong o kahit sa lason ay agad ka ng mamamatay. Gayunpaman, isang magandang bagay na maaari itong ma-refill sa oras na malagpasan mo ang isang level. Halimbawang isa na lamang ang iyong buhay nang matapos ka sa isang level. Sa oras na makapag-proceed ka na ulit sa panibagong level ay muli itong bumabalik sa orihinal na bilang ng buhay. 

Kung may disadbentahe man na maituturing ang Laro Reviews para sa larong ito, iyon ang pagkakaroon nito ng mga levels na kung titingnan ay ubod ng hirap. May level nga rito na naglalaman ng patibong na hindi kakayanin ng kahit na anong taas ng pagtalon. Nangangailangan ito ng isa lamang na paraan upang makalampas dito. Agad namang ibibigay ng laro ang paraan para makalagpas ka sa unang subok ngunit kung mangyaring mataya ka ay tila ba wala ka ng pag-asang lagpasan pa ang mga patibong na iyon dahil hindi na muling magbibigay pa ang laro ng paraan upang makaligtas dito.

Konklusyon

Isang magandang rekomendasyon ang Ninja Arashi para sa mga manlalarong may pagkahilig sa ganitong klase ng laro. Tunay na nakakaaliw ang bawat challenge dito at susubukin talaga ang iyong talino kung nais mong makalagpas sa mga level na narito. Bagaman may pagkakataong maiinis ka dahil sa ilang beses na pagkabigo, hindi maikakaila na swak ang larong ito upang maging libangan. Kaya naman, kung nais mo itong subukan ay i-download na ito sa iyong device!

Leave a Comment

Categories
Latest Posts
Login
Loading...
Sign Up
Loading...