Mega Tower – Casual TD Game Review

Maligayang pagdating mga manlalaro! Alam kong nasasabik na kayo sa bagong larong itong tiyak na dadalhin kayo sa kalawakan at iba’t ibang planeta, kaya hayaan nyo akong ipakilala sa inyo ang Mega Tower – Casual TD Game. Itong laro ay isang offline tower defense na ginawa ng Youloft Games. Kung nais mong kilalanin pa ito, basahin itong artikulong gawa ng Laro Reviews.

Mga Tampok ng Laro

Narito ang ilan sa mga kapanapanabik na mga tampok ng larong dapat mong asahan. Tulad ng ibang Tower Defense game, napakasimpleng laruin nito. Ang tema ng laro ay Science Fiction at nasa kalawakan ang setup. Para laruin ito, kailangan mo lang bumili ng mga turret at i-deploy ito sa field. Ang pangunahing layunin ay dapat mong biguin ang pag-atake ng mga kalaban at wasakin silang lahat. Upang mas mahusay mong madepensahan ang iyong posisyon, kailangan mong i-upgrade at i-level up ang iyong mga turret. Para magawa ito, kailangan mong pagsamahin ang dalawang magkaparehong uri at level na turrets. Sa pag level up ng mga turret, kailangan mong makalikom nang sapat sa shard. Pwede mo ring dagdagan ang turrets mo sa field ngunit kailangan mo munang umabot sa takdang stage bago mo magawa ito. 

Mayroong tatlong uri ng units na maaari mong magamit sa larong ito. Una ay ang mga Turret na siyang pangunahing units pandepensa. Ito rin ay isa sa mga unit na nagtatanggol sa main Tower. Pangalawa ay ang Main Tower na syang pinaka puso ng iyong depensa at kapag nawasak ito, maaari kang matalo. Pangatlo ay ang Titan na syang espesyal na unit at may layuning protektahan ang mga turret at akitin ang mga kaaway papunta sa kanya. 

Ang graphics nito ay nasa 3D kaya napakakinis ng animation nito. Mahusay din ang reward system nito, maaari kang makakuha ng mga malalaking reward sa pamamagitan ng 7-day login na kung saan ay dapat mong makumpleto ang attendance sa loob ng pitong araw, daily quest at achievements. Mas marami at malaki ang mga reward na ito kapag bago ka palang sa laro.

Paano i-download ang Mega Tower – Casual TD Game?

Ang larong ito ay maaaring i-download nang libre at walang kinakailangang login accounts para makapaglaro. Kung handa ka nang maglakbay, sundin lamang itong mga simpleng hakbang upang mai-download ito. 

Para sa mga Android user, pumunta sa Google Play Store at i-type sa Search bar ang pangalan ng laro pagkatapos ay i-click ang ‘Install’. Para naman sa gumagamit ng iOS, pareho lamang ang proseso ngunit sa halip na Google Play Store, maaari mo itong mai-download sa App Store. Kung PC naman ang gamit mo, pumunta sa https://www.gameloop.com/ph/pagkatapos ay hanapin ito sa search bar at i-click ang ‘Download’. Para sa mas mabilis na pag-access, maaaring i-click ang mga link sa ibaba.

 Download Mega Tower – Casual TD Game on Android https://play.google.com/store/apps/details?id=com.lemix.megatower

Download Mega Tower – Casual TD Game on iOS https://apps.apple.com/us/app/mega-tower-tower-defense-game/id1575499299

Download Mega Tower – Casual TD Game on PC https://www.gameloop.com/ph/game/arcade/com.lemix.megatower

Tips at Tricks para sa mga Baguhan

Ang larong ito ay tulad lang din ng ibang mga Tower defense na laro. Wala itong tiyak na gameplay at hindi ito nangangailangan ng kumplikadong mga strategy at tactics. Dapat mo lang tandaan na parating i-upgrade ang iyong mga turret at sigurado akong maipapasa mo ang karamihan sa mga stage. Ngunit kung talagang nahihirapan kang maipasa ang ilan sa mga stage, huwag mag-alala dahil tutulungan ka ng Laro Reviews na paunlarin ang iyong kaalaman sa larong ito.

Kagaya ng nabangit kanina, mahalagang i-upgrade ang mga turret kung maaari, ngunit paano nga ba i-upgrade ang mga turret nang mabilis? Simple lang ang sagot, kailangan mo lamang sakupin ulit ang mga natapos na stage. Ang tawag sa ganitong strategy ay grinding. Kung nasa stage 4 ka na, malamang ay nakapag-upgrade ka na nang maraming beses. Kung babalikan mo ang mga stage 3, 2 at 1, siguradong mas madali mo itong matatapos at makakatanggap ka ng mga reward. Kung nahihirapan kang maipasa ang stage 4, ulitin lamang ang mga nakaraang stage hanggang sa makapag-upgrade ka at makaipon ng sapat na lakas upang maipasa ang stage 4. Kung pupunta ka sa iyong base, makikita mo ang isang section na tinatawag na Mine Field. Dito, maaari kang makakuha ng mga shard para i-upgrade ang iyong mga turret kaya siguraduhing pagtuunan ng pansin ito. Ilan lamang ito sa mga strategy na maaari mong gawin, ngunit makadidiskubre ka ng sarili mong strategy kapag tumagal ka na sa laro. Kaya pag-igihan lang ang pag-grind at siguradong lalakas ka sa madaling panahon.

Kalamangan at Kahinaan

Napakaganda ng larong ito at siguradong kagigiliwan ng karamihan. Isa sa mga magagandang katangian nito ay ang 3D graphics. Napakakinis ng animation nito at halos walang lags tuwing naglalaro. Mahusay rin ang reward system nito lalo na kapag bago ka pa lamang sa laro dahil sa mga tampok na quest at daily quest nito na siyang magbibigay sa iyo ng advantage sa unang mga level. Gusto ko rin ang pagiging offline nito dahil maaari mo itong laruin kahit saan at kahit walang koneksyon sa internet. Mas masaya itong laruin sa online dahil maaari kang makipaglaban sa mga manlalaro sa iba’t ibang panig ng mundo sa pamamagitan ng PvP na tampok nito na tinatawag na star wars. Napakaganda rin ng konsepto nito at siguradong mahuhumaling ka lalo na kung ikaw ay isang masugid na fan ng Science fiction. 

Totoong mahusay itong laro ngunit hindi ibig sabihin nito na wala itong kapintasan. Isa sa mga hindi ko nagustuhan dito ay ang VIP system dahil mayroong mga mahahalagang tampok na maari mo lamang magamit kapag ikaw ay VIP member na, tulad ng Speed up na tampok. Ito ay isang perk na pinapabilis ang buong galaw ng laro, maaari mo sanang magamit ito para mabilis mong matapos ang isang stage at makapag-level up nang mas mabilis. Ang PVP battle ay pay-to-win dahil napansin kong kadalasan sa mga manlalaro online ay napakalalakas kahit na hindi gaanong mataas ang kanilang level. Isa lang ang ibig sabihin nito, mas magiging malakas ka kapag bibili ka ng mga premium item at dahil dito, nakakawalang ganang maglaro sa PvP. Sa kabuuan ng mga kalamangan at kahinaan nito, maganda pa rin ito dahil walang mga pop up ad. Kayo na ang humusga kung karapat dapat ba itong pagtuunan ng oras o hindi.

Konklusyon

Ang larong ito ay nakakuha ng star rating na 4.6 sa Google Play Store at 4.7 naman sa App Store. Hindi na katakataka kung nakakuha ito ng mataas na ratings dahil sa husay ng pagkakagawa nito. Sa aking palagay, mainam pa rin naman itong laro lalo na kung ang hanap mo lang ay pampalipas oras. Kaya kung gusto mong subukin ang iyong kakayahan sa pakikipaglaban, i-download na ang Mega Tower – Casual TD Game ngayon!

Leave a Comment

Categories
Latest Posts
Login
Loading...
Sign Up
Loading...