Turret Merge Defense Review

Ang Turret Merge Defense ay isang offline casual na larong ginawa ng Mobirix. Ito ay mayroong arcade vibe na gameplay at iba’t ibang disenyo ng mga turret na pagpipilian. Kung gusto mong makilala itong laro, basahin itong artikulong ginawa ng Laro Reviews.

Mga Tampok ng Laro

Napakasimple lang ng gameplay nito. Kailangan mo lang bumili at maglagay ng mga turret sa mga daanan ng kalaban at protektahan ang isang microchip mula sa mga virus na gusto itong atakihin. Maaari mong palakasin ang iyong mga turret sa pamamagitan ng pag-merge sa mga magkaparehong turrets na may parehong level o pwede mo ring i-upgrade ang mga turret sa pamamagitan ng pagbili nito. Mayroong limang uri ng turrets na may iba’t -ibang kakayahan ang maaari mong magamit. Una ay ang Quicky Turrets, ito ay isang turret na bumubuga ng kuryente at may kakayahang pabilisin ang pag-atake nito. Pangalawa ay ang Freezy Turret, ito ay bumubuga ng yelo at may kakayahang mapigilan at pabagalin ang mga kalaban. Pangatlo ay ang Burny Turret, ito ay bumubuga ng apoy at may kakayahang doblehin ang damage output nito. Pang-apat ay ang Explody Turret, ito ay bumubuga ng mga bomba at may kakayahang magbigay ng malawakang pinsala. Panghuli ay ang Electry Turret, bumubuga rin ito ng kuryente ngunit mas malawak ang saklaw ng atake nito kumpara sa ibang turrets. Ito ay may anim na mapa at mayroong itong iba’t -ibang uri ng setup at mga kalaban. Pwede ka ring manood ng mga ad para doblehin ang iyong atake, gold at ang takbo ng mga kalaban at gamitin ang auto-merge. 

Sa reward system, mayroon itong apat na bahagi. Una ay ang Challenge na kung saan maaaring mong hamunin ang isang stage at kapag naipasa mo ito, makatatanggap ka ng reward. Pangalawa ay ang Quest na kung saan maaari kang makatanggap ng reward kapag nakumpleto mo ang ibinigay na quest. Pangatlo ay ang milestone na bibigyan ka ng reward base sa layo ng stage na iyong naabot. Ang panghuli ay ang arena na kung saan ay makatatanggap ka ng reward base sa iyong level.

Paano i-download ang Turret Merge Defense?

Napakadaling i-download ng larong ito, ang kailangan mo lang gawin ay sundin itong mga hakbang. Kung ikaw ay Android user, maaari mo itong i-download sa Google Play Store. Buksan lang ang nasabing app pagkatapos ay hanapin ang larong ito at i-click ang install. Para sa iOS, pareho lamang ang proseso ngunit sa halip na Google Play Store, maaari mo itong i-download sa App Store. Kung ikaw ay gumagamit ng PC, kinakailangan mo munang mag-download ng Bluestacks emulator pagkatapos ay hanapin ito rito at i-download. Pwede rin namang i-download ito nang direkta sa PC, pumunta lang sa https://www.gameloop.com/ph/ at hanapin sa search bar itong laro at i-download. Para sa mas mabilis na pag-access, maaari mong i-click ang mga link sa ibaba.

Download Turret Merge Defense on Android https://play.google.com/store/apps/details?id=com.mobirix.tmd

Download Turret Merge Defense on iOS https://apps.apple.com/app/id1543355244

Download Turret Merge Defense on PC https://www.gameloop.com/ph/game/arcade/com.mobirix.tmd

Tips at Tricks para sa mga Baguhan

Kadalasan sa mga tower defense na mga larong tulad nito ay mayroong mga agresibong uri ng mga kalaban. Ibig sabihin, patuloy ang paglabas ng mga kalaban at habang tumatagal ang laro, mas nagiging malakas ang mga kalabang iyong masasagupa. Tandaan na ang pangunahing layunin mo ay ang protektahan ang isang microchip, at para magampanan ito nang mahusay ay kailangan mong maglagay ng pinakamalakas na turret malapit dito. Ang pinakamahusay na turret para sa layuning ito ay ang Burny Turrets sapagkat may kakayahan itong doblehin ang kanyang damage output. Kapag mayroon ka pang mga extra na turret, maaaring mo itong ilagay malapit sa portal na labasan ng mga kalaban upang makapagbigay ka ng pinsala sa mga kalaban bago pa man sila makarating malapit sa microchip. Pinakamainam na turret na maaaring ilagay dito ay ang Freezy Turret sapagkat maliban sa nagbibigay ito ng damage, may kakayahan din itong pabagalin ang paggalaw ng mga kalaban. Sa gitnang bahagi ng mapa, maaari mo nang ilagay ang mga nais mong turret. Huwag mong kakaligtaang i-upgrade ang iyong mga turret kung sa tingin mo ay hindi na sila gaanong epektibo sa pagpaslang ng mga kalaban. Gayundin, dapat mong tandaan itong pormasyon – Freezy Turrets malapit sa portal at Burny Turrets malapit sa microchip. Kapag nasunod mo ito nang maayos, siguradong tataas ang win rate mo ng 60-70%.

Kalamangan at Kahinaan

Narito ang ilan sa mga Kalamangan at Kahinaan ng larong ito base sa pananaliksik ng Laro Reviews.

Isa sa mga magagandang katangian ng larong ito ay ang balanseng gameplay na hindi ganun kahirap talunin ang mga kalaban lalo na kung parati kang nag-aa-upgrade ng mga Turret. Bukod dito, mayroon din itong mabilis na gameplay, kaya asahan na madaling matapos ang bawat level. Mahusay rin ang reward system nito dahil maaari kang makakuha ng mas malalaking rewards at makakagamit ka ng perks kapag nanood ka ng mga ad. Napakalalim ng bawat detalye ng mga Turret at napakakinis ng animation nito dahil ito as nasa 3D. 

Talakayin naman natin ang mga kahinaan nito. Una ay ang nakakalitong graphics nito. Totoong napakaganda at napakalalim ng mga detalye nito ngunit dahil maliliit ang mga character, nakakalito ito minsan lalo na kapag nagdagsaan na ang mga kalaban. Dahil dito, maaari kang matalo dahil hindi mo mapapansin ang mga turret na kinakailangan mong i-upgrade. Mayroon din akong napansin na glitch, isa rito ay ang hindi pag-usad ng stage kahit na natapos na ito at matagumpay na natalo ang boss. Sa katunayan, isang buong araw akong nagpaulit-ulit sa parehong stage dahil hindi ko kaagad napansin ang nasabing glitch. Kung nakararanas ka ng ganitong uri ng isyu, pumunta lamang sa setting ng iyong phone at pagkatapos ay hanapin ang app management, hanapin ang larong ito at i-clear ang cache. Maaaring maayos nito ang laro ngunit babalik ka sa simula.

Konklusyon

Sa kabuuan, itong laro ay nakakuha ng star rating na 4.7 sa Google Play Store at App Store. Hindi maikakailang napakaganda ng konsepto ng larong ito. Ang mga glitch ay normal lamang sa mga laro at sana ay maayos na ito ng mga developer sa lalong madaling panahon. Gayunpaman, nakakaaliw pa rin itong laro lalo’t dahil wala itong masyadong ads. kaya kung naghahanap ka ng bagong kagigiliwang laro, i-download na ang Turret Merge Defense ngayon!

Leave a Comment

Categories
Latest Posts
Login
Loading...
Sign Up
Loading...