Downhill Smash Review

Sa mga bansang malapit sa Equator kagaya ng Pilipinas, uhaw na uhaw ang mga tao na makaranas ng pag-ulan ng snow. Subalit ngayon, hindi na nila kailangan pang mangibang bansa dahil sagot na ng Downhill Smash ang kanilang kahilingang makapaglaro sa snow. Inihahandog ang isang laro kung saan walang ibang gagawin ang mga manlalaro kundi panatilihing gumugulong ang boulder mula sa itaas ng bundok upang madaganan ang mga kalabang zombie at masira ang kanilang mga harang na building.

Ang pangunahing layunin ng bawat manlalaro ay malampasan lahat ng klase ng harang sa daan upang hindi maabutan at matabunan ng Avalanche. Ngunit dapat ring tandaan na kailangang kargado sa fuel ang boulder upang hindi ito huminto sa pag gulong.

Tips at Tricks sa Paglalaro ng Downhill Smash

Para sa matagumpay na paglalaro, narito ang mga tip at tricks na dapat isaalang-alang ng isang manlalaro:

  • Kailangang i-swipe nang mabuti ang boulder upang tumalon ito ng mataas at malampasan ang matataas na building;
  • May mga mabibigat na uri ng harang kaya hindi kakayanin ng pangkaraniwang boulder na malampasan ang mga ito kung kaya’t kailangang i-upgrade ang boulder upang makayanan ng lakas nito ang tibay ng mga ganitong uri ng harang;
  • Mahirap na malampasan ang mga building kung nagmumula sa patag ang paggulong ng boulder kaya hindi pwedeng kalimutan ang paggamit ng mortar at machine gun upang pasabugin ang mga ito mula sa malayo;
  • Sa daan, huwag ding kalimutan ang pangongolekta ng mga chest dahil naglalaman ang mga ito ng mga special reward kagaya ng extra mortars, machine gun, gems at mga coin.
  • Ang avalanche ay mabilis na lumalabas sa screen sa sandaling mahirapan ang boulder na makaalis sa isang harang kaya hindi pwedeng matagalan;
  • Ang paggamit ng mga upgrade sa laro ay lubhang mahalaga dahil ito lamang ang tanging paraan upang makalampas sa mahihirap na game levels.

Mga Feature ng Laro

  • Machine Gun Isa sa pinakamahahalaga at pinakamalalakas na weapon na kayang magpasabog ng kahit anong harang sa daanan ng boulder. 
  • Engine Power Upang higit na maging mabilis ang paggulong ng boulder at maiwasan ang avalanche na laging nakasunod, kailangang gamitin ang feature na ito.
  • Mortar Kasabay ng machine gun, dapat na gamitin din ang mga mortar sa laro upang walang building na mananatiling nakatayo kapag armado ang boulder nito.
  • Coin Fabricator Isa sa pinakamagagandang features ng laro na pinapataas ang halaga ng mga coin mula sa pagsira sa mga building at pagdurog sa mga kalabang zombie;
  • Treasure Chest Tila imposibleng malampasan ang mga game level kung hindi magkakaroon ng mga treasure chest ang isang manlalaro. Ang bawat chest ay kadalasang naglalaman ng mortars at machine gun kaya hindi pwedeng lampasan ang mga ito.
  • Daily Reward Kagaya ng ibang mga laro, ang Downhill Smash ay mayroon ding daily rewards kung saan maaaring makakuha ng iba’t ibang malalakas na weapon ang mga manlalaro sa araw-araw na paglalaro nito.
  • Jump Cooldown Pinapaikli nito ang oras ng paghihintay bago makagawa ng isang powered jump ang boulder.
  • Spike Bukod sa mortar, ang mga spike sa laro ay nakakatulong ding madurog ang bawat zombie na madaraanan ng boulder.
  • Shop Kapag nais ng manlalarong makakuha kaagad ng mga upgrade nang hindi na kailangan pang maghirap sa laro, maaari silang bumili ng mga booster at reward pack mula sa shop ng laro.

Saan maaaring i-download ang laro?

Gamit ang search bar, hanapin lamang ang larong ito sa Google Play Store para sa mga Android user, sa App Store para sa mga iOS user at kailangang gumamit ng NoxPlayer ang mga PC user para i-download ang laro. O ‘di naman kaya’y i-click lamang ang mga link sa ibaba:

Download Downhill Smash on Android https://play.google.com/store/apps/details?id=com.zeptolab.downhillsmash&gl=ru

Download Downhill Smash on iOS https://apps.apple.com/us/app/downhill-smash/id1586265901

Download Downhill Smash on PC https://www.memuplay.com/how-to-play-com.zeptolab.downhillsmash-on-pc.html

Pros at Cons ng Laro

Isa sa mga batayan para maituring na total package ang isang laro ay kapag maaari itong laruin ng sinuman. Naniniwala ang Laro Reviews na bata man, matanda at lalaki man, o babae ay may kakayahang laruin ito. Napakadali lamang sundin ang mechanics ng laro at matutunan ang tamang taktika upang manalo. Maliban sa pagdurog ng mga zombie, wala nang iba pang uri ng karahasang makikita sa laro kaya walang dapat ipag-alala ang mga magulang na baka maimpluwensiyahan ng masama ang kanilang mga anak. Kung pag-uusapan ang control ng laro, napakadali lamang nitong pagalawin at hindi kumplikadong gamitin.

Hindi kagaya ng ibang laro, sakto lamang ang dami ng ads na makikita sa laro kahit pa laruin ito online. Ang mga optional na ad rito kapag pinindot at pinanood ay magbibigay ng kapalit kagaya ng libreng gems, coins, mortars at iba pa.

Sa kabilang banda, hindi rin pwedeng ikaila ng Laro Reviews na marami ring negatibong katangian ang larong ito na hindi dapat palampasin. Isa na rito ang pagkakaroon nito ng iisang background lamang sa lahat ng game levels. Mula umpisa hanggang dulo tanging puting background lamang ang makikita sa screen. Hindi ito kagaya ng ibang mga larong nagtatampok ng iba’t ibang uri ng makukulay na laro upang gawing mas kaakit-akit ang paglalaro. Kahit sobrang haba na ng nilakbay ng boulder sa sandaling mahirapan lamang itong makaalis sa isang harang kahit tatlong segundo lang, agad na susulpot ang avalanche kaya kadalasan ay laging natatalo ang mga manlalaro. Wala ring continuation ang laro kaya kapag nag game-over ay babalik sa level 1 ang mga manlalaro.

Ang fuel ng boulder ay hindi rin tumatagal kaya mapipilitan ang mga manlalarong gumastos ng maraming coins para lang makabili ng maraming fuel. Hindi rin pwedeng maubusan ng keys sa laro dahil kapag nagkataon, walang ibang paraan para maipagpatuloy ang laro nang hindi gagastos ng totoong pera upang bumili sa shop at mabuksan ang mga treasure chest. Maging ang mga challenge rito ay nakakasawa rin dahil paulit-ulit lamang ang mga ito.

Sa karagdagan, hindi rin maganda ang graphics ng laro dahil bukod sa hindi ito 3D, ang mga zombie na makikita rito ay tila mga langgam dahil sa liit nila at sa iisang wangis ng mga ito. Higit sa lahat, ang Downhill Smash ay hindi maaaring malaro sa mga Android device na may mabababang bersyon.

 

Konklusyon

Nakakaaliw ang paglalaro ng Downhill Smash sa simula, ngunit sa katagalan, hindi maiiwasang hindi mairita ng mga manlalaro sa dami ng mga problemang nararanasan sa laro kagaya ng mga nabanggit sa itaas. Tila napabayaan na rin ng developer ang laro dahil hanggang sa ngayon, hindi pa rin nalulutas ang mga hinaing ng mga manlalaro tungkol sa larong ito. Dahil dito, lubos na naniniwala ang Laro Reviews na hindi magtatagal ay mawawalan na ng mga manlalaro ang Downhill Smash. Sa modernong panahon na ating ginagalawan sa ngayon, lalong humihigpit ang kompetisyon sa mundo ng online gaming. Kaya kung gusto ng mga developer na manatiling patok ang kanilang mga laro, dapat lamang na isaalang-alang nila ang mga kahilingan at kagustuhan ng mga manlalaro. Pero kung gusto mo pa ring masubukan ang larong ito, hanapin lamang ito sa gaming store at ikaw na mismo ang humusga.

Leave a Comment

Categories
Latest Posts
Login
Loading...
Sign Up
Loading...