Merge Mermaids-Design Home&Create Magic Fish Life Review

Mahilig ka ba sa mga merge at puzzle game? Kung sakaling hindi mo pa alam ang tungkol sa casual merging game na ito, hayaan mong ipakilala ng Laro Reviews ang makulay at nakakalibang na mundo ng Merge Mermaids-Design Home&Create Magic Fish Life. Ang larong ito ay binuo at inilunsad ng Hong Kong-based game developer na XJoy Games noong 2020. 

Ang layunin ng mga manlalaro rito ay tulungan ang mermaids na mapanumbalik ang sigla ng kanilang tahanan gamit ang dragon magic. Kailangan nilang maglaro ng merge at puzzle games upang makakuha ng game resources na gagamitin upang ayusing muli ang mahiwagang lugar.

Paano I-download ang Laro?

Ang larong ito ay mada-download ng libre mula sa Google Play Store. Sa kasalukuyan, hindi pa ito available sa App Store kaya hindi ito pwedeng laruin gamit ang iOS devices. Sa kabilang banda, maaari mo itong laruin gamit ang laptop o desktop. Kailangan mong i-download ang app o ang APK file at gumamit ng lehitimong emulator upang ito ay i-run. Maaari mo ring gamitin ang mga sumusunod na link bilang alternatibo: 

Download Merge Mermaids-design home&create magic fish life on Android https://play.google.com/store/apps/details?id=com.xjoy.mermaid

Download Merge Mermaids-design home&create magic fish life on PC https://napkforpc.com/apk/com.xjoy.mermaid/

Ultimate Guide para sa mga Manlalaro

Ang Merge Mermaids-Design Home&Create Magic Fish Life ay simple, madaling matutunan at lubos na nakakahumaling na laro. Halina’t sumisid sa mahiwaga at makulay na mundo ng mermaids. Kailangan mo silang tulungan na maibalik sa dati ang masigla at nakakabighani nilang tahanan. Ikaw ang masisilbing tagapagligtas ng mga mahiwagang nilalang ng dagat. Kailangan mong lutasin ang ilang puzzles upang mapalabas ang dragon magic. Sa pamamagitan nito, pwede mong ayusin ang kaharian sa ilalim ng karagatan. 

Gamitin ang iyong imahinasyon upang makagawa ng mga nakakamanghang istruktura. Galugarin ang malawak at masaganang kaharian upang maghanap ng mahahalagang items at resources tulad ng sea flowers, precious gems, chests at diamonds. Pagkatapos, kinakailangan mong pagsamahin ang items na pwedeng i-merge at gamitin ito. 

Kung hindi mo nais na mawala ang iyong game progress, i-click ang settings button sa kanang-itaas na bahagi ng iyong gaming screen at i-tap ang save progress option. Ilagay ang iyong Facebook o Google Play account upang mai-link ito sa laro. Huwag din kalimutang i-set up ang iyong profile. Gumamit ng natatanging username at piliin ang game avatar na sa tingin mo ay kumakatawan sa’yo. 

Narito ang ilang mahahalagang bagay na dapat mong malaman bago simulan ang sa iyong pakikipagsapalaran sa ilalim ng dagat: 

  • Gameplay

Sa unang bahagi ng laro, kinakailangan mong pagtuunan ng pansin ang iba’t ibang uri ng merging at puzzle games. Dapat mong pagsamahin ang tatlo o higit pang magkakaparehong game objects sa pamamagitan ng pag-drag sa mga ito ng magkakasabay. Gayunpaman, hindi ito kasing simple ng inaakala mo. Ang puzzles ay puno ng mga halamang-dagat at iba pang mga harang upang pahirapan ka. Kung kinakailangan, i-tap ang mga ito upang maalis sa board. May ibang mga bagay din na hindi mo pwedeng mailipat o alisin. Isa rito ang mga nagyeyelong halaman. Pwede mo namang alisin ang mga kagaya nito sa pamamagitan ng pag-combine nito sa ibang naka-activate na game objects. 

Bago ka makapag-level up, kinakailangan mo munang kumpletuhin ang iba’t ibang tasks tulad ng pag-solve sa puzzle games. Tandaan na kapag mas marami kang objects na pinagsama, mas malaking halaga rin ng game coins ang maaari mong makuha. Kapag nakabuo ka ng sea flower ay pwede kang makakuha ng isang Level 1 mermaid. Pwede mong mas paramihin ang iyong mermaids sa paraang ito. Isa marahil sa pinakasimpleng paraan para makakuha ng karagdagang coins dito ay sa pamamagitan ng Daily Chest. Ito ay naglalaman ng mga mahahalagang impormasyon at rewards na makakatulong sa iyong paglalaro. Maaari mo ring gugulin ang oras sa laro at pag-isipang mabuti ang bawat move dahil walang time limit dito.

  • Game Features

May game features ang larong ito na pwede mong paganahin o hindi, depende sa kung ano ang gusto mo. Mayroong Auto Gather feature rito kung saan automatic na kokolektahin ng mermaids ang game items at resources na nasa paligid. Sa kabilang banda, kapag naman pinagana mo ang Confirm Tap option ay makakatanggap ka ng abiso sa tuwing may makukuha kang pambihira at special items. Mas mainam din na i-enable mo ang Merge Combo Feature upang automatic na mapagsama-sama ang lahat ng combos. Mayroon ding Overlapping Merge feature sa laro kung saan ang magkakaparehong game objects ay automatic na mabubuo. Maaari mong makita at i-enable o disable ang lahat ng nabanggit na features sa game settings. Bago mo simulan ang paglalaro, mas mainam na suriin mo muna at i-set ito ng maayos. 

  • Game Menu

Marami kang makikitang kagiliw-giliw na mga bagay sa game menu. Makikita mo sa gitna nito ang bahagi ng kaharian na pwede mong ayusin ng paunti-unti. Minsan, makakahanap ka rin dito ng game objects na maaari mong i-combine o kaya ay may chests na naglalaman ng bibihirang game items. Kung nais mo namang makakuha ng resources, i-click lamang ang play button sa kanang-ibabang sulok ng gaming screen at maglaro ng regular gameplay. 

Pros at Cons ng Merge Mermaids-Design Home&Create Magic Fish Life

Maraming ang nalilibang sa challenging at exciting na game levels ng larong ito. Wala rin ditong nakakainis at istorbong ads na sagabal sa paglalaro. Subalit, maaari pa rin namang piliin ng mga manlalaro na manood ng ads para makakuha ng karagdagang rewards, lalo na kung kinakailangan. Gayundin, ang graphics at animations nito ay de-kalidad, nakakamangha at nagdaragdag ng sigla sa laro. Marami rin ang nakapagsabi na mas nagiging maayos at mas maganda ang laro sa bawat updates. Kahanga-hanga ang lehitimo at patas na gameplay nito pati na rin ang iba’t ibang mini-games. Ang special events ay isa rin sa mga bagay na kinasasabikan ng marami. 

Sa kabilang banda, may mga pagkakataon ding nagdadala ng pagkabigo at pagkadismaya ang larong ito. May mga manlalarong nagreklamo tungkol sa mahabang oras na kailangang gugulin upang maglinis at makakuha ng resources tulad ng gems at eggs. Medyo nakalulungkot din na kinakailangan mo talagang gumastos ng gems para makasali sa special events. Karamihan pa naman sa mga ito ay may limitadong oras lang at napakatagal pa bago mag-load. Bukod sa mga ito, mayroon ding technical issues tulad ng lags at biglaang pagka-crash ng app. Medyo mabagal din ang takbo ng laro dahil kinakailangan mo munang makaipon ng napakaraming game resources para makapagpatuloy. At kahit pa man gustuhin ng iba na gumamit ng in-app purchases, hindi nila ito nagagawa. May problema kasi sa payment processing system kaya hindi sila nakakabili ng game packages. 

Konklusyon

Sa kasalukuyan, ang laro ay may average rating na 4.6 stars mula sa halos 16,000 reviews sa Play Store. Gayunpaman, tandaan na ang mga ganitong laro ay hindi bagay sa lahat. Maaaring ang ilan ay mabagalan at maburyong sa gameplay nito subalit ang iba naman ay agad na mahumaling sa merge at puzzle games. Sa kabuuan, kung ikaw ay mahilig sa mga ganitong uri ng casual games, hinihikayat ng Laro Reviews na subukan mo ito sa lalong madaling panahon.

Leave a Comment

Categories
Latest Posts
Login
Loading...
Sign Up
Loading...