Adventure Escape Mysteries Review

Kung sawa ka na sa mga pangkaraniwan at makalumang escape games, may ipapakilalang bago ang Laro Reviews sa’yo. Ang Adventure Escape Mysteries ay isang gaming app kung saan ang mga manlalaro ay magiging bahagi ng iba’t ibang kwento. Maaari silang maging tagapagligtas ng mga kaharian o kaya ay maging tagalutas ng mga misteryosong krimen. Maraming game critics ang nagsabing ito ay isa sa mga pinakamahusay na gaming app na may temang escape room.

Ang larong ito ay inilunsad ng indie game developer na Haiku Games noong 2018. Ito ay naging isa sa kanilang pinakakinilalang laro kasama ang iba pang installments ng Adventure Escape game series tulad ng Adventure Escape: Asylum at Adventure Escape: Murder Manor. 

Sa larong ito, kinakailangan ng mga manlalaro na lutasin ang iba’t ibang uri ng puzzles. Sila ay magiging bahagi ng mga kwento kung saan dapat nilang kumpletuhin ang bawat tasks upang makapagpatuloy sa susunod na game chapter. Mabibigyan din sila ng pagkakataon na gampanan ang papel ng iba’t ibang characters sa bawat kuwento. 

Paano I-download ang Laro?

Ang larong ito ay mada-download ng libre mula sa Play Store at sa App Store. Maaari itong laruin gamit ang Android at iOS devices. Kung nais mong gumamit ng laptop o desktop, i-download ang app o ang APK file sa computer device at i-run ito gamit ang lehitimong emulator. Bilang kahalili, maaari mo ring gamitin ang mga link sa ibaba:

Download Adventure Escape Mysteries on Android https://play.google.com/store/apps/details?id=com.haiku.adventure.escape.game.mystery.stories

Download Adventure Escape Mysteries on iOS https://apps.apple.com/us/app/adventure-escape-mysteries/id1419796608

Download Adventure Escape Mysteries on PC https://pcmac.download/app/1419796608/adventure-escape-mysteries

Ultimate Guide para sa mga Manlalaro

Ang mga tampok na kwento sa Adventure Escape Mystery ay nagdadala ng kapanapanabik na gaming experience. Mayroon itong mahigit sa 100 puzzles na pwedeng mapaglibangan. Kinakailangan mo ring makuha ang items at clues na makakatulong sa’yo na mabigyang-linaw ang bawat misteryo sa kwento. Sa larong ito, masusubukan ang iyong critical thinking at deductive skills. 

Kung hindi mo nais mawala ang iyong game data at game progress, huwag kalimutang mag-sign up sa laro at i-link ang iyong Facebook o email account. 

  • Gameplay

Bukod sa pangunahing storyline, may mga karagdagang kwento rin dito na pwede mo pang ma-enjoy. Dapat mong kumpletuhin ang mga partikular na misyon tulad ng sa Legend of the Sacred Stones. Maglalaro ka rito bilang si Aila na may tungkuling talunin ang Stone Gods at iligtas ang buong pamayanan mula sa nakamamatay na sakit. Ang kwentong ito ay nakatakda sa isang mahiwagang mundo kung saan maaari kang matutong gumawa ng spells. Ito ang gagamitin mo upang talunin ang mga kaaway at para maibalik ang kapayapaan. 

Gayunpaman, ang mga kwento rito ay nahahati sa iba’t ibang chapters. Ang puzzles ay may natatangi ring game mechanics. Ang gameplay nito ay progressive, habang umuusad ka sa laro ay tumataas din ang difficulty level nito. 

  • Game Controls

Upang makolekta ang items at mailipat ang mga ito sa inventory, kailangan mo itong lapitan at i-tap. Ang inventory ay naglalaman ng lahat ng mga bagay na iyong nakolekta sa laro. Upang ma-access ito, i-tap ang inventory icon na makikita sa kanang bahagi ng iyong gaming screen. 

Samantala, para malaman kung ano ang kailangan mong gawin sa bawat chapter, i-click lang ang magnifying glass icon sa kanang-itaas na sulok ng gaming screen. Ito ang nagsisilbing hint sa larong ito. Pwede mo ring gamitin ang feature na ito kapag nahirapan ka sa paglutas ng puzzles. Gayunpaman, tandaan na kakailanganin mong mangolekta ng stars upang magamit ang hint feature.

  • Featured Stories

Ang featured stories sa larong ito ay may iba’t ibang genre. Kung handa kang humarap sa mga kakaiba at maaksyong gaming experience, pumunta sa Adventure section at maglakbay sa mga mahiwagang lupain at lutasin ang misteryong bumabalot sa mga ito. Ang mga kwentong kabilang sa kategoryang ito ay ang Lost Ruins: Revenge of Atlantis, The Sultans Inventor, Legend of the Sacred Stones, Psychic Squad, Painted Worlds, Pirate Treasure at Curse Crown. Kung mahilig ka naman sa mga bagay na nakakatakot, magtungo sa Creepy Section. Ang mga tampok na kwento rito ay makatindig-balahibo at ang mga ito ay binubuo ng The Covenant, Haunted Hunt, Midnight Carnival at Puzzle Pack. Kung mas gusto mo namang lumutas ng mga krimen, ang Detective Kate section ang bagay sa’yo. Sa kwentong ito, gagampanan mo ang papel ni Detective Kate at kailangan mong lutasin ang mga karumal-dumal na krimen. 

Pros at Cons ng Adventure Escape Mysteries 

Ang isa sa mga kalamangan at pagkakaiba ang Adventure Escape Mysteries ay ang pagkakaroon nito ng hindi lamang isa kung hindi tatlong uri ng featured stories. Ang bawat isa rito ay may detalyado at natatanging-kwento na kinahuhumalingan ng marami. Ang bawat manlalaro kasi ay nagkakaroon ng sari-saring uri ng karanasan, malapantasya, misteryo at katatakutan sa pamamagitan lamang ng isang gaming app. Bukod pa rito, patuloy pa itong nadaragdagan ng panibagong mga kwento. Ang mga natatangi at angat na game characters dito ay talagang kahanga-hanga. Marami ring uri ng puzzles ang pwede mong ma-enjoy kung kaya hindi ka magsasawa at mabo-boring sa paglalaro nito kahit pa sa katagalan. Ang puzzle logic na ginamit dito ay napakahusay at ang bawat eksena at ganap ay tunay na nakakaengganyo. Gayundin, ang featured mini-games ay kinasasabikan din ng marami. Magandang bagay din na ang paglabas ng ads dito ay napakadalang lamang kung kaya’t hindi ito nakakaabala sa paglalaro. 

Sa kabilang banda, ang ilang manlalaro ay nagrereklamo dahil may puzzles dito na napakahirap malampasan at tila imposibleng makuha ng tama. Ang ilang mga tagubilin sa ilang game chapter ay masyadong malabo at mahirap maintindihan. Isa rin ito sa itinuturong dahilan kung bakit sobrang nahihirapan ang mga manlalaro na malampasan ang ibang hamon. Para makapaglaro ng mabuti at gumana ang app ng maayos, kinakailangang siguraduhin ng mga manlalaro na ang gaming device nila ay may sapat na storage memory. Medyo may kalakihan kasi ang kabuuang app size nito. May mga pagkakataon ding nagka-crash at nagkakaroon ng glitches ang app. Nakakadismaya rin ang customer service nito dahil walang paraan upang maiparating ang mga isyu at problema sa mga developer at para makapagbigay ng feedback. 

Konklusyon

Ang Adventure Escape Mysteries ay may average rating na 4.7 stars sa parehong Play Store at App Store. Bagaman ang larong ito ay hindi perpekto, dahil sa hindi malinaw nitong mga alituntunin, masasabi pa ring sulit ito. Inirerekomenda ng Laro Reviews na subukan mo ang puzzle-adventure game na ito dahil sa kakaiba nitong konsepto at nakakaengganyong storyline. Ito ay isa sa mga pinakamainam na laro kung nais mong subukan ang iyong galing sa puzzle games at paglutas ng mga kaso. 

Leave a Comment

Categories
Latest Posts
Login
Loading...
Sign Up
Loading...