Middle Earth Heroes Review

Ang Middle Earth Heroes ay isang roguelike magic action na larong nilikha ng Revontulet Soft Inc. Ang istorya ng laro ay umiikot matapos lumaganap ang pwersa ng kadiliman. Umusbong ang giyera sa pagitan ng mga masasamang loob sa pangunguna ng hari ng mga demonyong si Hashim at ng sanlibutan. Nagtagal ito ng ilang taon at halos kalahati ng sangkatauhan ay tuluyang nagapi ng kalaban. Nang inaakalang tuluyan ng malalamon ang mundo ng kadiliman, nakapasa sa pagsubok ng mga diyos ang salamangkerong si Michel. Natanggap niya ang Light Stone na may kakayahang ikulong nang tuluyan ang kapangyarihan ng kadiliman. Dahil halos maubos ang lakas at pwersa ni Michel mapagtagumpayan lang ang pagsubok, hindi na niya kayang ma-maximize ang kabuuang kapangyarihan ng Light Stone. Ang solusyong kanyang naisip ay hatiin ang Light Stone sa apat na bahagi at ibinigay sa apat na batang heroes na sa tingin niya ay karapat-dapat at may sapat na kakayahang maging tanglaw sa gitna ng kadilimang nananaig. Nakatanggap ang apat na batang heroes ng iba’t ibang light powers. 

Bilang manlalaro, pipili ka ngayon sa apat kung sino ang nais mong gamitin sa kalakhan ng iyong paglalaro. May iba’t ibang playstyle ang mga ito kaya nasa iyo na kung alinman sa kanila ang pinakakomportable mong gamitin. Matapos makapili, ihanda na ang sarili para sa isang paglalakbay na puno ng galak at aksyon! 

Features ng Middle Earth Heroes

Hero Class – Ito ang apat na napiling batang heroes ng salamangkerong si Michel. Bawat isa sa kanila ay may taglay na natatanging kalakasan at kahinaan. Ang heroes na ito ay ang mga sumusunod:

  1. Warrior – Melee ang istilo ng kanyang pag-atake. Ito rin ang nagtataglay ng may pinakamalakas na pisikal na damage at depensa. Mataas din ang kanyang stamina. Maaaring mabago ang kanyang klase sa Berserker, Knight, o Swordsman. 
  2. Archer – Ito naman ang class na nagtataglay ng pinakamalayong distansya ng pag-atake. Asintado ang lahat ng tira at maliksi rin itong kumilos. Maaaring mabago ang kanyang klase sa Marksman, Ranger, at Rogue. 
  3. Mage – Isang long-ranged na tipo ng mandirigmang may AoE (area of effect) damage. Makapangyarihan ang kanyang mahika. Maaaring mabago ang kanyang klase bilang Firewaker, Icediver, at Thunderwaker. 
  4. Summoner – Dahil sa Spiritual Pact na kanyang isinagawa na nagsisilbing kontrata sa pagitan niya at ng mga phantom beast, may kakayahan siyang kontrolin ang mga ito at gamitin sa digmaan. Maaaring mabago ang kanyang klase sa Vampire, Deathmage, at Beastmaster. 

Chat System – Maaaring makipag-usap sa ibang manlalaro gamit ang system na ito. Nahahati ito sa World Chat kung saan pwedeng makipag-usap nang publiko. Kapag nagpadala ka ng anumang mensahe rito, makikita ito ng lahat. Gayundin, maaari din namang magpadala ng personal na mensahe sa iyong mga kaibigan online. 

Guild System – Sumali sa isang aktibong guild upang sama-sama kayong gapiin ang mga mini boss nang makakuha ng malakihang rewards na tanging dito lamang makukuha. Kailangan mo munang umabot ng level 20 bago sumali o makabuo ng sarili mong guild. Ang pinakamaraming miyembrong maaaring mapabilang sa isang guild ay nagbabago depende sa level nito. Ang iba ay hanggang 30 lamang, samantalang ang iba naman ay umaabot ng 140. 

Energy System – Bago pumasok sa dungeons, ko-consume ka ng limang enerhiya kada pasok. May katumbas itong 12 minuto para ma-refill ang isang enerhiya. Dagdag pa rito, maaari ding manood ng ads para makatanggap ng dagdag-enerhiya o kaya naman ay gamitin ang gems kapalit ng enerhiya. 

Choose Your Ability – Matapos mapagtagumpayan ang bawat level, may opsyon kang pumili ng isa mula sa tatlong random na abilidad. Pwedeng i-refresh ang mga pagpipilian kung wala kang napupusuan sa mga ito. Ang ilan sa halimbawa ng mga abilidad na makikita ay ang Multicast, Rear Missile, at Shock Aura. 

Saan Pwedeng I-download ang Middle Earth Heroes?

Gamit ang iyong smartphone, pumunta sa Google Play Store para sa Android users at sa App Store naman para sa iOS users. Ilagay sa search bar ang Middle Earth Heroes. Dahil walang bayad ang laro, diretso mo na itong maida-download. Pindutin lang ang icon ng app at simulan na ang paglalaro.

Narito ang mga link kung saan pwedeng i-download ang laro:

Download Middle Earth Heroes on Android https://play.google.com/store/apps/details?id=com.gamestar.dh

Download Middle Earth Heroes on iOS https://apps.apple.com/us/app/middle-earth-heroes/id1516569138

Download Middle Earth Heroes on PC https://www.gameloop.com/game/adventure/com.gamestar.dh

Tips at Tricks sa Paglalaro

Hindi masyadong kumplikado ang mechanics ng Middle Earth Heroes. Gamit lamang ang iyong dominanteng kamay ay maaari mo na itong malaro. May virtual joystick na makikita sa iyong screen at ito ang iyong gagamitin para makontrol ang paggalaw ng iyong karakter. Aatake lamang ang iyong mandirigma sa tuwing hindi ito ginagalaw. Para naman epektibong mapagtagumpayan ang mga dungeon, narito ang Laro Reviews para magbahagi ng ilang tips para epektibong matalo ang pwersa ng kadiliman. 

Pagdating sa dungeon, kailangang obserbahan mo muna ang konstruksyon ng iyong kapaligiran at kung paano magagamit ito sa iyong kapakinabangan. Halimbawa, ang mga harang ay magagamit mo para pansamantalang gamiting panangga sa atake ng mga kalaban, partikular na ang mga long-ranged na kaaway. Hindi lamang ito, kapag nagawa mo ito ay maiiwasan mo ang mga spiked tiles na makakabawas sa iyong HP kapag patuloy itong tatapakan. Mahalagang ito ang iyong unang gawin pagpasok para maplano nang maaga ang iyong mga susunod na hakbangin. 

Sunod naman ay maging alisto pagdating sa direksyon kung saan patungo ang atake ng iyong mga kalaban. Kadalasa’y linear ang mga ito at nasa diretsong linya lamang. Oras na maging pamilyar sa kanilang gameplay, pumwesto sa pagitan ng mga atake upang hindi mabawasan ang iyong HP. Dahil makakaatake lamang ang iyong karakter kapag ito ay nakahinto, ito ang isang mabisang paraan para patuloy na makadulot ng damage habang pinoprotektahan ang iyong mandirigma. Gayundin, mahalagang maging maingat din pagdating sa mga harang na nakapaloob sa dungeon dahil maaaring matabunan ng mga ito ang iyong pag-atake. 

Kapag napansin mong puno na ang metro sa baba ng iyong HP, senyales na ito para i-activate ang iyong ultimate skill. Ngunit bago mo ito gawin, tiyaking nasa loob ng iyong AoE ang kalaban o kaya naman ay malapit ka sa iyong target kung melee naman ang iyong napiling karakter. Matapos nito, i-double tap lang ang gitnang bahagi ng iyong virtual joystick para i-activate ito. Mainam kung gagawin ito kapag nakaharap na ang boss o kaya naman ay alanganin na ang iyong HP at kailangan na ng isang pangmalakasang damage para magapi ang kalaban. 

Kagaya ng ibang mga laro, isa sa mga importanteng gawain sa Middle Earth Heroes ay ang pag-level up ng iyong karakter para mas maging epektibong panlaban sa pwersa ng kadiliman. Siguraduhing i-equip ito ng nararapat na armas, helmet, guwantes, armor, leggings, at sapatos na makakadagdag sa iyong stats ng attributes. Huwag ding itong kaliligtaang i-upgrade para mapataas ang level. Maging masinop sa paggastos ng resources dahil limitado lamang ang mga ito. Gamitin ang mga nalikom na materyales sa mga kagamitang aktwal na susuotin. 

Pros at Cons ng Middle Earth Heroes

Malaki ang potensyal ng Middle Earth Heroes. Mula sa magkakaibang gaming experience na mararanasan sa apat na klase, hanggang sa pag-usad ng laro, masasabing nakaka-enganyo itong laruin. Disente rin ang graphics na ginamit. Hindi masasabing ito ang may pinakamagandang visual kumpara sa ibang larong may similar na tema ngunit hindi mo masasabing hindi nagbigay ng effort ang game developers pagdating sa departamentong ito. Hindi rin nakakasagabal ang bilang ng ads na mayroon dito. Binigyang kalayaan ang mga manlalarong makapanood ng video ads kung nanaisin lamang nila. Bukod dito, walang pop-up ads na mararanasan. 

Subalit sa kabila nito, hindi maiwasang madismaya ng mga manlalaro dahil sa ilang mga bagay na iisa-isahin ng Laro Reviews. Isa na rito ay ang mga teknikal na isyung makakaharap sa laro. May mga isyu kung saan nawawala nang biglaan ang kanilang pinagpagurang gems. Nakararanas din ang iba ng glitches na kahit ilang beses nang ni-restart ang app, sa halip na matugunan ang isyu, ay nawala na ang kanilang biniling battlepass. Para palalain pa ang sitwasyon, bumaba pa ang kanilang level. Dagdag pa rito, may iilang manlalarong nagrereklamo na ‘di umano’y balanse ang laro. Masyadong OP (overpowered) ang mga kalaban at asintado kung tumira samantalang kung ikukumpara sa damage ng hero na ginagamit ay napakahina nito. Mailap ding makuha ang ilang mga equipment kahit na matagal-tagal nang naglalaro ng Middle Earth Heroes. 

Konklusyon

Kinakitaan ng malaking potensyal ang Middle Earth Heroes dahil sa nakaka-enganyo nitong mga karakter na may iba’t ibang playstyle at kabuuang gameplay. Subalit sa kabila nito, mas matimbang pa rin ang mga kailangang pag-ibayuhin ng mga game developer para patuloy na manatili ang mga manlalaro. Kung ikaw ay baguhan sa ganitong genre at naghahanap ng larong pampalipas-oras, mairerekomenda ng Laro Reviews na i-download ito. Ngunit kung ikaw ay batikan na o kaya naman ay hindi tipo ang mga ganitong laro, maisa-suggest naming basahin ang ibang mga artikulo para mahanap ang larong akma para sa iyo. 

Leave a Comment

Categories
Latest Posts
Login
Loading...
Sign Up
Loading...