Homicide Squad: New York Cases Review

Mahilig ka bang lumutas ng mga ‘di maipaliwanag na krimen? Ang Homicide Squad: New York Cases ay nilikha ng G5 Entertainment na naglalayong siyasatin ang mga serye ng pagpatay. Upang maresolbahan ang krimen, kailangan mong hanapin ang mga nakatagong bagay at resolbahan ang match-3 puzzles. Mula rito, unti-unting paliitin ang mga hinihinalang suspek upang malagay sa bilangguan ang nararapat na responsable sa krimen. Habang tumataas ang bilang ng mga biktima, bisitahin ang mga natatanging lokasyon at suriin ang mga nakakabagabag na eksena ng pagpatay. Makipag-interact sa nakaka-enganyong storyline habang nakikipag-ugnayan sa mga nakakaintriga at kahina-hinalang mga karakter. Kasama ang mga detective na sina Lamonte at Turino, tulungan silang litisin ang mga kriminal na responsibilidad sa mga krimen sa siyudad ng New York. Muling ipanumbalik ang batas at ang kaayusan para manatiling ligtas ang mga residente. 

Gabay para sa mga Bagong Manlalaro ng Homicide Squad: New York Cases

Masisilayan ang dayalogo sa pagitan ng mga detective at pulis upang lutasin ang unang kaso. Ito ay tungkol sa isang model na natagpuang patay sa isang parke. Tungkulin mong hanapin ang mga clue na makakatulong sa inyong malaman kung sino nga ba ang nakagawa ng kahindik-hindik na krimen. Pupunta kayo sa unang lokasyon ng krimen. Makikita ang listahan ng mga kagamitang kailangan mong hanapin. Kailangang mahanap ang mga ito sa loob ng time limit na nakalaan kada level. I-click lamang ang mga nahanap na kagamitan gamit ang iyong daliri. Mako-crossout ang mga gamit na iyong nakita. 

May hints na maaaring gamitin kung sakaling ikaw ay nahihirapan sa paghahanap. Ang ilan sa mga ito ay ang Flashlight, Magnifying Glass, Scanning Wave, at Magnet. Iba-iba man ang intensidad at bilang ng mga gamit na maaaring mahanap, iisa lamang ang abilidad nito – ang matulungan kang mahanap ang hindi makitang gamit. Bukod pa rito, may power-ups ding pwedeng gamitin upang mapabilis ang iyong imbestigasyon. Ang halimbawa ng mga ito ay ang Quick Inspection, Careful Inspection, Exclusive Evidence, Good Memory, at Skilled Cryptographer. 

Makatatanggap ng EXP at pera sa tuwing natatapos mong hanapin ang mga kagamitan. Ang mga nalikom na EXP ang siyang tutukoy sa karanasang propesyonal mo bilang detective. Habang dumarami ang bilang nito, tataas din nang tataas ang iyong level. 

Dahil nababatay ang iyong paglalaro sa isang Energy System, may katumbas na eherhiya ang kinakailangan bago ka makapasok sa isang lokasyon. Hanggang 50 ang max na dami nito at may oras na kailangan bago ma-refill ang isang enerhiya. Kung hindi ka makapaghintay, maaaring gamitin ang iyong gems sa pagbili ng pagkain para agarang madagdagan ito. Maaaring bumili ng kape, protein bar, energy drink, bote ng juice, malaking burger, at hearty meal. Nagre-range ang presyo nito mula 15 hanggang 50. 

Saan Pwedeng I-download ang Homicide Squad: New York Cases?

Narito ang Laro Reviews para ituro kung saan at paano i-download ang Homicide Squad: New York Cases. Kasalukuyang available lamang ang laro sa Android at iOS users, pati na sa PC. Pumunta sa Google Play Store para sa Android users at sa App Store naman kung ikaw ay iOS user gamit ang iyong mobile phone. Ilagay sa search bar ang pamagat ng laro sa Google Play Store. Iba ang pangalan nito sa App Store kaya mas mabuting i-type ang Homicide Squad: Hidden Objects. Kapag nahanap na ito, pindutin ang Install o Get button at hintaying matapos ang pagda-download. Hindi na kailangang magbayad para i-download ang laro dahil free-to-play (F2P) ito. Buksan ang app at kumpletuhin ang lahat ng kailangan sa sign-in details. Ayan, pwede mo nang simulan ang paglalaro!

Download Homicide Squad: New York Cases on Android https://play.google.com/store/apps/details?id=com.g5e.homicidesquadpg.android

Download Homicide Squad: New York Cases on iOS https://apps.apple.com/us/app/homicide-squad-hidden-objects/id1179007417

Download Homicide Squad: New York Cases on PC https://www.mumuglobal.com/en/games/adventure/homicide-squad-hidden-crimes-on-pc.html

Tips at Tricks sa Paglalaro

Sa paghahanap ng mga kagamitan, ang unang mahalagang gawin ay tingnan ang listahan ng mga gamit na kailangan mong hanapin. Matapos nito, obserbahan ang lokasyon ng krimen. Huwag agad-agad pindutin kung sakaling may nahanap ka na. Sa halip, tandaan mo muna ang lokasyon ng mga ito at sunud-sunod na pindutin dahil makakatanggap ng bonus points kapag ginawa ito. 

Maaaring gamitin ang hints kung sakaling nahihirapan kang hanapin ang ibang mga gamit ngunit para sa Laro Reviews, maging masinop sa paggamit nito lalo na’t kung ikaw ay walang balak maglabas ng aktwal na pera sa larong ito. Gamitin lamang ang hints na nalikom sa mga mahahalagang pagkakataon kagaya na lamang kapag nasa mataas na level na o kung isa na lang ang kailangang hanapin. 

Kapag nasa silhouette mode naman, pagmasdang mabuti ang ang hugis ng anino para mabigyan ng ideya kung ano ang gamit na iyong hahanapin. Mas mahirap ito kaya siguraduhing hindi maubos ang oras na nakalaan sa bawat lokasyon. Ang ilan sa mga gamit ay iba ang posisyon sa aninong ipinapakita sa listahan kaya huwag magpapaloko pagdating dito. 

Pros at Cons ng Homicide Squad: New York Cases

Nakakaengganyong laruin ang Homicide Squad: New York Cases dahil sa istorya, graphics, at disenyo ng lokasyon. Makikitang binigyan ng atensyon ang visual ng laro dahil hindi masakit sa mata at madaling matukoy ang pagkakaiba-iba sa pagitan ng mga kagamitan. Bagamat matingkad at makulay ang ginamit na graphics, hindi pa rin ito nagkulang para bigyan ng misteryosong atmospera ang kalakhan ng laro. Mas ramdam pa ang intensidad ng paglutas ng mga kaso dahil swak ang ginamit na mga boses na maririnig sa pagitan ng mga diyalogo. Dahil nakaangkla ang Homicide Squad: New York Cases sa energy system, magandang may makukuhang dagdag-enerhiya sa tuwing natatapos ang paghahanap ng mga kagamitan. 

Sa kabila nito, may iilang aspeto lang na kailangang pag-ibayuhin pa sa laro para patuloy na maging swabe ang gaming experience ng mga manlalaro. Kagaya na lamang ng hindi nasusunod ang nakasaad na rewards sa tuwing nagpapalit ng badges na hinihingi ng Assemblers. Halimbawa sa kaso ng Swab Badge, ayon dito ay makakatanggap ng limang universal tokens at isang luck kada 24 na oras subalit tokens at dagdag na 30 segundo lamang ang nakukuha. Hindi na dapat simpleng tokens lang ang matatanggap kapag naabot na ang ranggo ng Senior Captain. Bukod pa rito, paulit-ulit din ang mga lokasyong makikita rito. Bagama’t may hamong dulot ang paghahanap ng mga gamit, subalit kung paulit-ulit na lamang ang mga ito at makikita rin halos sa iisang pwesto, nakakawala na ito ng gana na sa kinalauna’y magdudulot ng pagkabagot.

Konklusyon

Sa kabuuan, kung ikaw ay mahilig sa pagresolba ng mga krimen na hinaluan ng nakakasiyang puzzle games at paghahanap sa mga kagamitan, para sa iyo ang larong ito! Hindi matatawaran ang de-kalidad nitong graphics at voiceover na talaga nga namang nagbigay ng isang mala-misteryosong atmospera. Sana ay gumawa ng panibagong lokasyon o content ang G5 Entertainment para patuloy na mapanatili ang interes ng mga tao, lalo na ng mga dating manlalarong nalutas na ang mga kasong matatagpuan dito. Kung handa ka nang hanapin kung ano ang sanhi ng mga serye ng kaso ng pagkamatay, i-download na ang Homicide Squad: New York Cases! 

Leave a Comment

Categories
Latest Posts
Login
Loading...
Sign Up
Loading...