My Restaurant Empire: Decorating Story Cooking Game Review

Ilang cooking game na nga ba ang nalaro mo? Marahil hindi na mabilang, ngunit nalaro mo na ba ang My Restaurant Empire:Decorating Story Cooking Game? Kung hindi pa, hayaan mong isalaysay ng Laro Reviews kung ano ang mayroon sa larong ito at gaano kalaki ang ipinagkaiba nito sa mga klasikong cooking games. Sa pagsisimula ng laro, magtatagpo ang landas ng magkaibigang Lisa at Mike sa isang Food Town. Humingi ng tulong si Mike kay Lisa na tulungan siya sa pagluluto ng pagkain sa loob ng kanyang food truck. Bilang butihing kaibigan, pinaunlakan ni Lisa ang pabor na hinihingi ng kaibigan. Mula sa pagsi-serve ng sausage, mas dadami pa ang putaheng lulutuin ng dalawang magkaibigan, ngunit sa dami ng kanilang customers, hindi nila makakayang pagsilbihan silang lahat, kaya kailangan nila ang iyong tulong. Handa ka ba? Kung oo, tara na at alamin ang ibang detalye kung paano ka makakatulong.

Sa paglalaro ng My Restaurant Empire:Decorating Story Cooking Game, hindi mo na kailangan pang maging graduate ng culinary school para maging isang magaling na manlalaro. Ang dapat mo lang gawin ay maging mabilis sa pagluluto upang bawat isang customer ay mapagsilbihan mo, at walang sinuman sa kanila ang aalis ng nakasimangot at gutom.

Tips at Tricks sa Paglalaro

Para sa matagumpay na paglalaro, narito ang mga tip at tricks na dapat isaalang-alang ng isang manlalaro:

Hindi ka lamang tutulong sa pagluluto ng mga pagkain sa Food Truck ni Mike dahil kakailanganin din ni Lisa ang iyong tulong sa Restaurant ng kanyang lolo at lola kung saan higit na mas marami ang customers na kailangan mong pagsilbihan at higit na mas marami ang task na kailangan mong gawin. Kaya siguraduhing nasa kondisyon ang iyong katawan dahil tiyak na walang pahinga ang iyong mga kamay sa pagluluto at paghahatid ng pagkain sa mga customer.

Kung tutuusin, walang masyadong pinagkaiba ang gameplay ng My Restaurant Empire: Decorating Story Cooking Game sa mga cooking game na nalaro mo na maliban na lang sa mas challenging ang mga hamon sa larong ito at may pagkakataon ka ring isakatuparan ang pinapangarap mong magkaroon ng sarili mong restaurant na ikaw mismo ang magdidisenyo. Kung pag-uusapan naman ang mga pagkaing iyong lulutuin, literal na halos lahat ng mga sikat na pagkain sa buong mundo ay masusubukan mong lutuin sa larong ito. Kung nangangamba kang baka hindi mo kayang lutuin ang marami sa kanila, huwag nang mag-alala dahil laging nakaalalay ang laro sa iyo.

Sa larong ito, kailangan na alam mo rin ang konsepto ng ‘multitasking’ dahil hindi mo magagawa ang iyong misyon sa bawat game level kung paisa-isa ang iyong pagluluto dahil kagaya ng nabanggit sa itaas, kailangan na laging abala ang iyong kamay sa paghahanda ng pagkain ng mga customer. Isaalang-alang rin ang pag-upgrade ng mga kitchen utensil dahil malaki ang kanilang maitutulong upang higit na mas mapadali ang iyong pagluluto. Ngunit upang magawa mong i-upgrade ang mga kagamitan sa kusina, kailangan muna na magkaroon ka ng sapat na coins. Ang in-game currency na ito ay makukuha mo lamang kapag nagawa mong malampasan ang bawat level ng laro.

Para naman mas maraming customer ang mahikayat na kumain sa Food Truck ni Mike at sa restaurant ng lolo at lola ni Lisa, kailangan na maipamalas mo ang iyong galing sa interior designing upang higit na maging kaaya-ayang tingnan ang mga ito at mas maging komportable ang mga customer na kakain. Tandaan rin na habang umuusad ka sa laro, mas lalo ring nagiging mahirap ang mga objectives ng bawat misyon kaya hindi maaaring hindi ka mag-upgrade ng kagamitan at hindi mo bilisan ang iyong kilos.

Higit sa lahat, ang pinakamahalagang sikreto upang magawa mong lampasan ang bawat hamon sa larong ito ,partikular na sa mga timed-level, ay maging mabilis at gawin ang pagluluto ng bukal sa iyong loob upang kahit gaano man kadami ang trabaho na kailangan mong gawin, hindi ka pa rin mapapagod na magsilbi sa mga customer at hinding-hindi mawawala ang ngiti sa iyong mukha.

Saan maaaring i-download ang laro?

Gamit ang search bar, hanapin lamang ang larong ito sa Google Play Store para sa mga Android user at sa App Store para sa mga iOS user. Samantala, hindi pa available ang larong ito para sa mga PC user. Maaaring gamitin ang mga link sa ibaba:

Download My Restaurant Empire: Decorating Story Cooking Game on Android https://play.google.com/store/apps/details?id=com.ministone.game.restaurantscapes

Download My Restaurant Empire: Decorating Story Cooking Game on iOS https://apps.apple.com/sl/app/my-restaurant-empire-cooking/id1402516830

Download My Restaurant Empire: Decorating Story Cooking Game on PC https://www.gameloop.com/game/casual/com.ministone.game.restaurantscapes

Mga Feature ng Laro

  • 3D Characters – Kadalasan na natin napapansin sa ibang laro na paulit-ulit na lamang ang mga customer na pumapasok sa restaurant, ngunit sa larong ito, makakatagpo ka ng mga character na nakasuot ng mga unique costumes.
  • Interior Designing – Hindi lamang pagluluto ang magagawa mo sa larong ito dahil magagamit mo rin ang iyong pagiging malikhain sa pagdisenyo ng mga restaurant.
  • Hundreds of fast-paced time-management levels – Kung sa tingin mo ay nalaro mo na ang pinaka-challenging na cooking game, marahil hindi mo pa nasusubukan ang My Restaurant Empire: Decorating Story Cooking Game.
  • Conversational Dialogues – Mahilig ka rin ba sa pakikinig ng kwento ng iba? Kung oo, aba! Malamang na hindi mo palalampasin na mapakinggan ang kwento ng mga character sa larong ito.
  • Timed-levels – Kaya mo bang magluto ng may oras na kailangang habulin? Kung oo ang sagot mo, patunayan na sa larong ito.

Pros at Cons ng Laro

Kung pareho kang mahilig sa pagluluto at pagde-design, walang duda na para sa iyo ang larong ito. Ipinapangako rin ng Laro Reviews na mas level-up ang magiging karanasan mo sa paglalaro ng My Restaurant Empire: Decorating Story Cooking Game kaysa sa iba pang cooking games dahil bukod sa nagtatampok ang larong ito ng mga bagong hamon sa isang cooking game, sigurado ring magugustuhan mo ang 3D graphics ng laro at lalo na ang storyline sa larong ito. Kung problema sa ibang laro ang labis-labis na ads, hindi mo iyan mararanasan dito dahil bukod sa optional ang mga ad, maaari ka pang maglaro ng offline. Saan ka pa nga ba makakahanap ng ganitong uri ng laro?

Ang pagkakaroon ng timed-levels ng laro ay isa rin sa magandang katangian na mayroon ang My Restaurant Empire: Decorating Story Cooking Game kaya naman kung ang hanap mo ay isang tunay na challenging ngunit full-package pa rin na cooking game, hinding-hindi ka bibiguin ng laro.

Habang kapuri-puri ang storyline ng laro, kagaya ng ibang laro, imposible ring malampasan ang mga mahihirap na game levels sa larong ito kapag hindi ka gagastos ng totoong pera upang bumili ng diamonds na iyong magagamit sa pag-upgrade. Dagdag pa rito, kahit gumamit ka pa ng boosters sa larong ito lalo na pagdating sa timed-levels, halos imposible pa ring malampasan mo ang mga ito.

Konklusyon

Patunay ang mahigit limang milyong downloads ng My Restaurant Empire: Decorating Story Cooking Game sa Playstore kung gaano ito kagusto ng mga manlalarong mahilig sa cooking game. Ngunit, lubos pa ring naniniwala ang Laro Reviews na kapag binawasan ng kaunti ang level of difficulties mula 100th level pataas, paniguradong mas dadagsain pa ng mga manlalaro ang larong ito. Higit sa lahat, tiyak na makakaya na rin ng mga batang manlalaro na maipanalo ang mga hamon.

Leave a Comment

Categories
Latest Posts
Login
Loading...
Sign Up
Loading...