Orna the GPS RPG Review

Ang Orna the GPS RPG ay isang role-playing game na ginagamitan ng GPS à la Pokémon Go. Subalit sa halip na mangolekta ng mga Pokémon ay kakalabanin mo ang mga halimaw, pakikidigma sa mga dungeon at tatalunin ang mga dragon sa klasikong istilo ng RPG. Pinagsama ng Northern Forge, ang developer, sa larong ito ang 8 pixel graphics at mga makabagong tampok. Sapat na ba ang kahandaan mo para sumuong sa malapantasyang mundo ng mga halimaw? Basahin ang artikulong ito na inihanda ng Laro Reviews.

Mga Tampok ng Laro

Gaya ng ibang location-based games, sa paglalaro ng Orna ay kailangan mong pisikal at literal na lumibot sa totoong mundo, na sa iyong paglalakbay ay makakatagpo ka ng mga kalaban, shops at dungeons. Mapasisimulan mo ang laro sa pagpili ng iyong class na maaaring Warrior, Thief o Mage. Sa pag-abante mo sa laro ay pwede mong i-upgrade ang iyong class sa mas tukoy na katayuan, gaya ng Knight at Centurion, Archmage at Sorcerer, at Rogue at Battlemaster. Depende sa iyong class, malilimitahan ka sa paggamit ng iilang items at makakagamit ka ng ibang atake. Ang mga kalaban naman ay nagkakaiba sa uri at level nito, kaya kung lalaban ay siguraduhing handa at nasa full health ka. Simple lang ang paglaban. Pagpipilian mo kung Attack, Defend, Flee, gumamit ng item o skill, at pwede ring gumamit ng atakeng ginagamitan ng Mana. Mas malaking damage ang maidudulot ng Mana attacks pero kailangang gamitan ng Mana. Ang opsyon naman ng Skill ay kung aling Mana attack ang iyong gagamitin. Sa ganun, ikaw at ang kalaban ay magsasalitan ng pag-atake hanggang maubusan ang isa sa inyo ng health points upang siya’y matalo.

Makikita mo rin sa laro ang shops. Kung may matagpuan kang shop ay pwede kang pumasok dito at bumili ng potions, items, mga sandata at iba pang mga kagamitan na pwede mong magamit sa iyong mga quest. Magre-restock ang mga shop pagkatapos ng isang araw mula sa pagpasok mo dito. May mga partikular ding shops tulad ng Blacksmith na kung saan ay pwede mong i-upgrade ang iyong gear, Bestiary na pwedeng mong pagbilhan ng alaga o pet na tutulong sa iyo sa laban, at Keep na mahahanap mo ang mga iba pang mga kagamitan. Ang mga Dungeon naman ay pwede mong pasukin pero kakailanganin ng Gauntlet Key. Makakakuha ka nito mula sa mga in-game raid, mga kalaban sa mapa o pagbili sa shop. Ang Dungeon ay para sa mga may mataas na level na sapagkat mas mahirap ang sagupaan dito.

Paano i-download ang Orna the GPS RPG?

Napakadaling i-download ng larong ito. Ang kailangan mo lang gawin ay sundin itong mga hakbang. Kung ikaw ay Android user, maaari mo itong i-download sa Google Play Store. Buksan lang ang nasabing app, hanapin ang larong ito at i-click ang Install. Para sa iOS, pareho lamang ang proseso ngunit sa halip na Google Play Store, i-download ito sa App Store. Sa kasamaang palad, wala itong version para sa PC. Para sa mas mabilis na pag-access, maaari mong i-click ang mga link sa ibaba.

Download Orna the GPS RPG on Android https://play.google.com/store/apps/details?id=playorna.com.orna&hl=en_US&gl=US

Download Orna the GPS RPG on iOS https://apps.apple.com/us/app/orna-turn-based-gps-rpg/id1451775309

Download Orna the GPS RPG on PC https://www.gameloop.com/game/role-playing/playorna.com.orna

Tips at Tricks para sa mga Baguhan

Sa paglalaro ng Orna, maraming tips at tricks ang maaaring i-apply ngunit kakailanganin pa ng mahabang panahon para matutunan ito at ma-master. Patuloy na matuto ng mga paraan na magagamit mo sa laro sa tulong ng Laro Reviews. Una, huwag magpatukso sa experience level. Kadalasan sa mga laro, hinahangad nating tumaas agad ang level natin. Ngunit sa Orna, kapag nasa mataas na level ka na mapapansin mong di na gaanong matibay ang equipment mo at maaaring mahirapan ka sa pag-abante sa laro. Kaya imbes na madaliin ang pagpapataas ng level ay mas ituon mo muna ang laro sa pagkalap ng resources, lalo na ng mga Orns. Ito dapat ang dapat mong i-prioritize dahil ito ang nagpapalakas sa iyong karakter. Kasunod ay ang pagpunta sa Blacksmith. Kapag lagi mong ina-upgrade ang iyong mga equipment, mas madali kang mananalo sa mga labanan, pati na sa Arena at Kingdom Wars. Kadalasan, di napapansin ang Blacksmith at inaakalang ang mas mataas na level ay kapantay sa mataas na kapangyarihan. Ngunit sa katotohanan, ang pagkapanalo mo sa laro ay matutukoy sa equipment na meron ka sa sagupaan.

Sa simula ng laro, siguradong kunin ang lahat ng resources nang walang nasasayang. Ngunit dapat malaman mong dapat maging basehan ang kalidad at kasalatan ng isang equipment. Mas piliin ang mga equipment na Ornate, Legend, Famed at Superior kaysa Broken, Poor at Common. Mangalap lagi ng mga equipment dahil ito ang magpapaunlad sa iyong kagalingan, ngunit mas bigyang pansin ang mga equipment na makakapagdulot sa iyo ng magandang benepisyo kasi napupuno rin ang equipment slot. Karagdagan pa, gawin ang Exploration at Control. Kapag nagawa mo ito nang matagumpay ay maaaring magantimpalaan ka ng Gold, Orn o Item. Sa exploration, kalaban ka ng halimaw na tagapagbantay sa isang lugar, at kung matalo mo ay mapapasaiyo na ang lugar. Ang Control naman ay ang pagtangka mong pag-agaw sa isang lugar na nasasakupan ng ibang manlalaro. Maaari ring ang lugar mo ang pagtangkaan.

Kalamangan at Kahinaan

Isa sa mga aspeto ng larong Orna na masyado kong nagustuhan ay mataos nitong pinapabayaan ang paglabas, paglalakad at paggalugad sa inyong pook. Pwede kang maglaro sa isang lokasyon lamang. Ang mga halimaw ay babalik at babalik sa kahit saang lokasyon pero mas mabilis kang makaabante sa laro ‘pag inikot mo ang inyong pook. Marami ring iba’t-ibang mga halimaw o kalaban na pwede mong kalabanin, mga kagamitan o equipment na kokolektahin, at pet o alaga na tamuhin sa laro na ipinapakita na ang laro ay detalyadong ginawa. Gayundin ang mga pook na pwede mong galugarin at sakupin, at pagbuo ng iyong sariling nayon na nakakapag-dagdag ng aksyon sa laro. Madali lang ang mga kontrol ng laro at ang husay ng pagpili ng pixelated graphics para sa laro, na ipinaghahalo ang klasikal na biswal sa makabagong uri ng paglalaro, ang geocaching. Gayundin ang mga labanan na angkop sa iyong level kaya walang lamangan at pantay ang sagupaan at pagpaplano ng istratehiya. Sa kalahatan, bukod sa nakakaaliw at solido ang larong ito ay wala ring advertisements ito.

Kung may maaari mang idagdag sa laro ay mas gawin itong sosyal, gaya ng ibang location-based games. Ang mga raid sa Orna na ang laman lang ay experience na ang pagtalo sa kalaban ay sari-sariling mga atake at di pagkakaisa. Sa PVP din na ang ibang manlalaro o player na kakalabanin mo ay AI lamang. Mas nakatutuwa ‘pag makakakita na may ibang mga sagupaan ng mga manlalaro sa mapa kaysa solo mo ang mundo. Minsan, nagiging monotonous ang laro kaya maaari ring dagdagan pa ang laro ng ilang mini-games nang di lamang salitan ng atake ang kadalasang magagawa sa laro.

Konklusyon

Mataas ang rating at magaganda ang pagtanggap sa Orna the GPS RPG ayon sa ibang mga review sa larong ito. Madaling intindihin ang gameplay nito at kahanga-hangang nakakaengganyo. Kaya sa personal na pagga-grado, 10/10 ito. Isang RPG na may retro-style at modernong katangian na pinag-isa sa isang GPS MMO. Literal na maaari kang lumusong sa mundo na puno ng mga halimaw at mga lokasyong kapanapanabik na galugarin. Ang mga ito ay kahit nasa higaan ka lang ay maaari kang makapag-enjoy sa maraming bagay na pwede mong gawin. Halatang pinagaling ng developer itong laro kaya nakakamangha ang aliw at saya na maibibigay nito. Gusto mo na bang makipagsapalaran sa mundo ng Arcana at mangalap ng mga Orn? I-download ang Orna the GPS RPG ngayon na!

Leave a Comment

Categories
Latest Posts
Login
Loading...
Sign Up
Loading...