Kilala na natin ang King bilang isa sa pinakamagagaling na game developers na lumilikha ng nakakapiga ng utak na puzzle game. Naging saksi rin ang Laro Reviews dito dahil ang ilan sa kanilang mga likha ay naging tampok na natin dito. Tunay na kaakibat na ng kanilang pangalan ang isang de-kalidad na larong maaaring magustuhan ng kahit na sino at anong edad. Kaya naman, muli ay narito kami upang bigyan na naman kayo ng isang laro mula sa King. Ito ang Pet Rescue Saga kung saan ang kailangan mo lamang gawin ay makapag-match ng dalawa o higit pang blocks na may kaparehas na kulay para lamang mailigtas ang mga itinuturing na pet sa larong ito gaya ng aso, pusa, ibon, baboy at marami pang ibang mula sa kamay ng mga evil Pet Snatcher. Gaya ng nakasanayan natin sa ibang likha ng King, limitado lamang din ang buhay at galaw mo rito kaya talagang hahasain nito ang iyong utak para makapag-isip ng iba’t ibang klaseng estratehiya para makumpleto ang bawat level dito. Kaya naman kung hilig mo ang puzzle, halina’t subukan na natin ito!
Contents
Features ng Pet Rescue Saga
Gaya ng nakasanayan nating format sa bawat puzzle game ng King, makikita rin sa Pet Rescue Saga ang isang malawak na mapa. Kung baguhan ka pa lamang sa laro ay agad mong mapapansin ang makapal na ulap na siyang bumabalot dito. Maaari lamang matanggal iyon sa oras na makarating ka na sa level na inilagay para sa bawat parte ng mapa. Kung papansinin din ay masasabi na ring may kahabaan ito at naglalaman ang bawat mapa ng mga level na talaga namang susubok sa iyong talino, maso-solve lamang ang bawat puzzle at makausad sa susunod na level. Gaya ng mga nauna na ring laro ng King, ang bawat level ay nangangailangang magkaroon ng isa hanggang tatlong stars para makausad. Sa kabuuan ay mayroong tatlumpu’t talong mapa ang Pet Rescue Saga.
Sa larong ito, mayroon kang limang buhay na kailangang pangalagaan kung nais mo pang makatagal sa laro. Bawat pagkatalo mo sa level ay maaari itong mabawasan. Gayunpaman, mayroon namang paraan upang muling magamit ito kung sakaling maubos mo na ito. Maaari rin kasi itong ma-refill kung maghihintay ka ng ilang minuto para rito. Upang magkaroon ng isang buhay, kailangan mo lamang maghintay ng tatlong minuto. Medyo mabilis na rin ito kumpara sa mga dating puzzle game na nilikha ng King. Bukod pa rito, kung pakiramdam mo’y matagal pa ang iyong paghihintay ay maaari ka namang bumili nito sa Shop o hindi naman kaya ay humingi mula sa magiging friend mo rito sa loob ng laro.
Mayroong dalawang currencies ang Pet Rescue Saga, ang gold bar at coins. Ito ang maaari mong magamit kung sakaling nais mong magkaroon ng additional booster gaya ng Block Buster, Color Pop, Column Blaster, Mesh Masher, Master Key at marami pang iba na siyang maaari mong magamit upang magkaroon ng adbentahe sa laro. Kalimitang makakaipon nito kung patuloy mong maipapanalo ang bawat level na narito sa laro. Bukod din sa iba’t ibang klase ng booster at buhay ay laman din ng Shop ang naka-bundle na gold bar na siyang mabibili mo gamit ang tunay na pera at masasabi mo talagang isa sa pinakaimportanteng currencies ng laro.
Sa totoo lang, ang bawat puzzle na makikita sa bawat level ay sapat na upang maaliw ka sa larong ito. Gayunpaman, sinikap pa rin ng King na bigyan ang bawat manlalaro nito ng kakaibang experience sa pamamagitan ng paglalagay nito ng Event section kung saan makikita rito ang mga side quest na maaaring masubaybayan din ng bawat manlalaro habang pinagkakaabalahan nila ang mismong Campaign ng Pet Rescue Saga. Sa Events ay maaari kang magkaroon ng isang pet at alagaan ito hanggang lumaki upang magkaroon ng reward gaya ng gold bar. Bukod pa rito, maaari ka ring makapagkolekta ng iba’t ibang klase ng laruan ng iyong pet at sa oras na makumpleto mo ito ay maaari ka ulit makatanggap ng reward.
Saan maaaring i-download ang Pet Rescue Saga?
Ang larong ito ay nangangailangan lamang ng 94MB sa Google Play Store habang 183.6MB naman pagdating sa App Store. Maaari ka namang gumamit ng emulator gaya ng BlueStacks para naman sa iyong PC. Kung nais mo itong laruin, i-click lamang ang link na nasa ibaba depende sa device na iyong gamit.
Download Pet Rescue Saga on Android https://play.google.com/store/apps/details?id=com.king.petrescuesaga
Download Pet Rescue Saga on iOS https://apps.apple.com/ph/app/pet-rescue-saga/id572821456
Download Pet Rescue Saga on PC https://www.bluestacks.com/apps/casual/pet-rescue-saga-on-pc.html
Tips at Tricks sa paglalaro ng Pet Rescue Saga
Upang magkaroon ng adbentahe sa larong ito, kailangan mo lamang tandaan ang ilang mga bagay. Narito ang tips ng Laro Reviews para iyong subukan:
Una, ugaliin lamang na silipin ang bawat block na makikita sa laro bago tuluyang mag-merge. Tingnan kung saang parte ka mas makakarami ng maaaring mapag-merge. Piliin lagi ang mas maraming magkakaparehong kulay at siguraduhing makakatulong ito para hindi ka mahirapang mag-merge sa susunod. Gayunpaman, applicable lamang ito lalo sa parte kung saan wala ka nang ibang pagpipilian kundi ang punuin na lamang ang metro kung saan magagamit mo ang rocket na siyang booster ng laro.
Pangalawa, tiyakin ding palaging pinaprioritize ang iyong mga pet na makababa. Mainam nang makapag-merge ng dalawa o tatlo lamang basta’t talagang naibaba mo ang mga pet na kailangan mong irescue kaysa naman sa nakarami ka ngang merge ngunit wala namang naitulong upang ma-rescue mo ang iyong mga pet. Sa bandang huli, hindi mo naman trabahong ubusin ang mga block kundi ang maisalba lamang ang mga pet kaya doon lamang mag-fokus. Iyon lamang ang isipin sa bawat pagtirang gagawin.
Panghuli, palagi lamang silipin kung ano ang pinaka-mission mo sa laro dahil kahit gaano mo man kabilis ma-rescue ang iyong pet o kung gaano man karaming magkakaparehong kulay na block ang iyong na-merge, mawawalan ito ng silbi kung ang pinakamisyon mo lamang ay kumolekta ng isang specific na kulay ng block o target na dami ng points.
Pros at Cons ng Pet Rescue Saga
Masasabi talagang isang magandang laro ang Pet Rescue Saga dahil sa pagkakaroon nito ng mga puzzle na talagang susubok sa iyong talino. Kung titimbangin ang bilang ng mga level na narito, mapagtatanto mo ring may kahabaan ang bawat challenge na makikita rito at bilang isang manlalaro nito, siguradong busog na busog ka na rito. Isa ring kagandahan nito na ang bawat level din ay may kanya-kanyang level of difficulty, iba-iba rin ng misyong siyang nagpapatunay na lahat ay may dalang bagong timpla at talagang challenging. Hindi repetitive kahit pa pare-pareho lang naman ng pinakalayunin – ang iligtas ang sinasabing pet sa laro gaya ng aso, pusa at marami pang iba. Idagdag na rin ditong may mga inilagay pang side quest upang mas maging kaaliw-aliw pa ito. Ngunit sa kabila ng mga magagandang katangiang ito, maituturing lamang na disadbentahe sa mga ilang sumubok nang laruin ito dahil sa malimit na nitong pagka-crash, biglaang pagkawala ng mga inipong booster, at ilan pang problema siyang malimit nangyayari sa oras na magtagal ka na sa paglalaro nito.
Konklusyon
Para sa Laro Reviews, ang Pet Rescue Saga ay isang magandang laro at may potensyal din namang kagiliwan ng lahat gaya ng mga naunang larong inilabas ng King. Nakakaaliw ang puzzle game na ito at talagang maaari mong laruin kahit saan ka magpunta dahil maaari rin itong laruin kahit offline. Bagaman may ilang mga problema sa loob nitong nangangailangan pa rin ng pag-aayos mula sa developer nito, hindi pa rin maiaalis na ito ang klase ng larong hindi mo pagsisisihang laruin.
- 0 Comment
- Casual Game Apps, Reviews
- July 20, 2022