Pool Blitz Review – Tips at Tricks sa Paglalaro

Ang Pool Blitz ay isang 3D pool game na dinevelop ng Cherry Pop Games. Mayroon itong dalawang modes, ang Ultimate 8 Ball Pool at Blitz. Kagaya ng ibang pool games, iisa lang din ang mechanics nito. Ngunit sa Blitz Mode ay may kakaibang patakarang ipinapatupad na nagdudulot ng thrill para sa mga pool player. Kinakitaan din ang larong ito ng solidong pool physics na talaga namang isa sa mga bagay na kailangan suriin sa mga ganitong tipo ng laro. Upang malaman ang iba pang katangian ng Pool Blitz at verdict ng Laro Reviews, huwag kakalimutang basahin hanggang dulo ng artikulo para sa iba pang mga detalye!

Features ng Pool Blitz

1v1 Gameplay – Nakapaloob dito ang 12 tours na maaari mong ma-unlock habang nagpo-progress sa laro. Ang mga lugar kung saan gaganapin ang tour ay sa New York, Las Vegas, San Francisco, Hawaii, Sweden, Manchester, Amsterdam, Paris, Berlin, Scottish Highlands, London, at Toronto. May nakalaan ding entrance fee sa bawat tour: 100 ang pinakamababa, samantalang 20 milyong golden coins naman ang pinakamahal. May tatlong mode rin sa bawat tour. Ito ay ang Blitz, 8-Ball, at Any. Sa Any ay random ang tournament na iyong maaaring salihan. 

Customizable Cues – Bukod sa pisikal na itsura ng cues, nilakipan din ito ng iba’t ibang stats na iyong magagamit sa laro. Ang stats na makikita rito ay ang Aim, Power, Top Spin, Back Spin, Side Spin, at Butt. Nahahati rin ito sa tatlong rarity: Common, Rare, at Epic. 

Pool Blitz Review - Tips at Tricks sa Paglalaro

Chat System – Maaaring makipag-usap sa iyong mga katunggali gamit ang emotes at text templates upang maipabatid ang iyong saloobin. Halimbawa, kung ikaw ay namangha sa kanilang pagtira pwede kang magpadala ng “that was awesome!” na mensahe. 

Quickfire Tournament – Mula sa iyong mga naimbitahang kaibigan, maaaring magyaya ng pitong kaibigan para maglaro sa isang tournament. Subalit kailangan mo munang maging Rookie 2 upang ma-unlock ang feature na ito.

Saan Pwedeng I-download ang Pool Blitz? 

Ang Pool Blitz ay malalaro sa Android, iOS devices at PC. Gamit ang iyong smartphone, pumunta sa Google Play Store o App Store at ilagay sa search bar ang Pool Blitz. Dahil libre ang laro, hindi kailangang magbayad ng kahit anumang halaga bago makapagsimula. Maghintay na ma-download ang app at kumpletuhin ang sign-in details para masimulan ang paglalaro. 

Narito ang links kung saan pwedeng i-download ang laro:

Download Pool Blitz on Android https://play.google.com/store/apps/details?id=com.CherryPopGames.PoolNationClash

Download Pool Blitz on iOS https://apps.apple.com/au/app/pool-blitz/id1464521050

Download Pool Blitz on PC https://www.gameloop.com/ph/game/sports/com.CherryPopGames.PoolNationClash

Tips at Tricks sa Paglalaro

Sa iyong unang tira, mas mainam na laging naka-max ang pwersa para kumalat ang billiard balls sa iba’t ibang bahagi ng pool table. Madalas ay laging may masu-shoot na billiard ball sa pocket points sa tuwing ito ay iyong gagawin. Sunod naman ay iyong obserbahan ang lokasyon kung saan napadpad ang billiard balls. Laging unahin ang mga hindi alanganin at nakatitiyak kang mahuhulog sa pockets. Gamiting gabay ang puting linya para matukoy ang direksyon kung saan ito tatama o pupunta. Mag-ingat sa puntong ito dahil oras na maging pula ang linyang lumabas, nangangahulugan lamang na hindi mo maaaring i-shoot ang billiard ball na iyon. I-tap at huwag bumitiw sa screen base sa metrong makikita sa iyong harapan, nakasalalay sa tamang timing ang lakas ng iyong pagtira. Hinaan ang pwersa kapag nakikitang malapit ang targeted billiard balls sa pocket points. Lakasan naman kapag ito ay nasa magkabilang-panig ng pool table. 

Sa paglalaro ng 8-Ball Mode, mahalagang maging maingat sa Spots at Stripes na billiard ball. Tiyaking ang target na bola ang iyong isu-shoot kundi ay maaaring mabigyan ang iyong katunggali ng oportunidad na i-shift ang balance at maging pabor sa kanya ang takbo ng laro. Kung maaari ay magsagawa ka rin ng mga combo shot na kung saan sa isang tira ay may dalawa o higit pang billiard ball ang potensyal na matatamaan. 

Tips at Tricks sa Paglalaro

Sa kabilang banda para naman sa Blitz Mode, tiyaking alerto at kalkulado ang iyong bawat tira dahil may time limit itong 120 segundo. Tandaan na ang unang contact ng kahit na anumang shot ay dapat matamaan ang iyong active ball. Tingnan ding maigi ang kulay ng mga billiard ball dahil may potensyal na bola ng kalaban ay iyong nasu-shoot. Mabibilang iyong puntos ng kalaban kapag nagkataon. Gamitin din ang Pocket Blocker sa iyong kapakinabangan. Minamarkahan nito ang isang pocket point ng iyong katunggali at ibinibalik mula sa pool table ang anumang billiard ball na nahulog sa pocket na ito. Kapag ito naman ay lumabas sa iyong pool table, maghulog ka ng power balls para maipadala sa kalaban. Magdudulot ito ng matinding pagkalito sa iyong kalaban na maaaring magresulta ng iyong agarang pagkapanalo. 

Siguraduhin ding kunin ang lahat ng daily rewards at libreng chests. Makatutulong ang mga ito upang ikaw ay mapalakas. Bukod pa rito, makakakuha ka rin ng cards upang ma-unlock ang cues. Kung marami ka namang oras, imnumungkahi ng Laro Reviews na manood ng ilang ads upang makuha ang mga karagdagang gantimpala. Malaki ang magiging ambag nito lalo na kung hindi mo balak maglabas ng anumang pera. 

Pros at Cons ng Pool Blitz

Unang bagay na mapapansin mo sa Pool Blitz ang de-kalidad nitong graphics. Swabe at crisp ito at talaga namang masasabing pinagtuunan ito ng pansin ng game developers. Nasa tamang pace rin ang daloy ng trophy progression. Bawat level ay tiyak matututunan mo ang mga kinakailangang abilidad upang magtagumpay. Bukod pa sa mahahasa ang iyong abilidad sa paglalaro ng billiard pools, kasiya-siya rin ang mga premyong matatanggap dahil sapat ang mga ito para sa effort na iyong ginawa. May iba’t ibang game mode ring ibinibigay ang laro para hindi tuluyang mawala ang interes ng mga manlalaro. Dagdag pa sa mga nabanggit, ang nakakaengganyong aspeto sa Pool Blitz ay ang feature na makipaglaro sa ibang pool players sa iba’t ibang bansa. Dito masusukat ang iyong angking abilidad kumpara sa iba. Mapapaigting nito ang iyong pagiging competitive, partikular na sa game mode na Blitz. 

Pros at Cons ng Pool Blitz

Sa kabila ng mga nabanggit na positibong aspeto, may mga bagay na kailangan pa ring pag-ibayuhin sa laro, lalo na sa teknikal na aspeto at gameplay nito. Isa rito ay ang isyung kinakaharap tuwing 8-Ball tournament kung saan 15 na puntos lamang ang iyong matatanggap kumpara kapag ang kalaban ang nakagawa nito. Hindi ka na nga mabibigyan ng pagkakataong makatirang muli, bibigyan ka pa ng parusa dahil dito. Nag-aalangan din ang ibang manlalaro kung tunay nga bang real-time ang mga labanan. May mga pagkakataong kahit sino ang iyong makalaban ay laging dikit ang inyong puntos. Napakarami na ng ganitong pangyayari para isiping ito ay nagkataon lamang. Dagdag pa rito, sa usaping teknikal naman ay may mga manlalarong hindi natatanggap ang biniling in-app purchase kaya tuloy ito ay nagdudulot ng matinding pagkabahala lalo na’t hindi naman agaran ang kanilang pagtugon pagdating sa ganitong usapin. Nakararanas din ang iba ng bugs kaya madalas ay nagha-hang ang app. Kailangan pang i-restart ng ilang beses para lamang magkapagpatuloy muli sa paglalaro.

Konklusyon

Sa kabuuan, inirerekomenda ng Laro Reviews ang Pool Blitz para sa mga manlalarong mahilig sa pool games. Bukod sa iba’t ibang game modes at tournaments na ino-offer ng laro, isama mo pa ng de-kalidad nitong graphics na talaga namang nagpapahusay sa karanasan sa paglalaro. Inirerespeto rin ng larong ito ang desisyon ng mga manlalaro kung nais nilang manood ng ads o hindi. Subalit kagaya ng ibang laro, mayroon din itong mga bagay ng kailangan pang pagbutihin. Kagaya na lamang ng usaping gameplay at teknikal. Dahil patuloy naman sa pagsagot ang game developers sa Google Play Store sa feedback na ibinibigay ng ibang manlalaro, mukhang maganda ang hinaharap ng larong ito. Kaya kung ito ang tipo mong laro o kaya naman ay naghahanap lang ng mapaglilibangan, i-download na ang Pool Blitz! 

Laro Reviews

Leave a Comment

Categories
Latest Posts
Login
Loading...
Sign Up
Loading...