EA SPORTS™ UFC® Mobile 2 Review

Ang Modern Mixed Martial Arts (MMA) competition ay isang uri ng full-contact combat sport kung saan makikita ang pagsuntok, pagsipa, pagbalibag, at iba pang mga porma ng atake na ginagamit sa iba’t ibang larangan ng martial arts. Sino nga ba ang hindi makakaalam dito lalo na’t ito ang isa sa itinuturing na pinakamadugo at marahas na sports? Gayunpaman, marami pa rin ang nahuhumaling dito. Iba ang thrill at excitement na hatid nito dahil may bahagyang kalayaang madarama mula sa mararahas na pag-atake. Iisa lamang ang layunin ng bawat manlalaro – ang manalo. Kahanga-hanga rin ang kanilang disiplina upang patuloy na mapalakas ang katawan. Maging duguan man sa labanan, ang mahalaga ay nagawa nila ang kanilang makakaya para maiuwi ang tamis ng tagumpay. 

Ang EA SPORTS™ UFC® Mobile 2 ay halaw sa sports na ito. Makikita rin ang mga pinagpipitagang atleta sa larangang ito. Maaaring pagsama-samahin ang iyong mga paboritong atleta at bumuo ng sariling team. Ito ay nilikha ng Electronic Arts at ito na ang kanilang ikalawang bersyon. Hindi maiiwasang ikumpara ang EA SPORTS™ UFC® Mobile 2 sa naunang bersyon kaya narito ang Laro Reviews upang himayin kung ano nga ba ang mas maganda sa dalawa. 

Gameplay ng EA SPORTS™ UFC® Mobile 2 

Swipe at Tapping ang pangunahing paraan para makontrol ang iyong karakter. Wala itong virtual joystick at anumang buttons kaya kung ikaw ay manlalaro ng RPG, marahil ay maninibago ka sa kakaibang gameplay na ito. Ngunit huwag mag-alala dahil narito ang Laro Reviews para tulungan kang makapag-adjust.

Sa tuwing ikaw ay aatake sa kalaban, huwag kalilimutang nasa kanang bahagi ng screen ang controls para sa mga galaw. Upang umatake sa kalaban, i-tap lamang ang iyong screen ng tatlong beses para makabuo ng combo. Para naman sa upper jab, i-swipe ang iyong screen ng tatlong beses din. Maaaring bumuo ng iba’t ibang combo gamit ang pag-tap at pag-swipe para makita ang samu’t saring istilo ng pag-atake ng iyong karakter. 

Para naman sa depensa, gagawin ang moves sa kaliwang bahagi ng octagon. Nariyan ang Block kung saan ay haharangan mo ang nakaambang pag-atake ng kalaban. Gawin ito sa pamamagitan ng pag-hold sa iyong screen depende kung gaano katagal ang suntok at sipang ibinibigay ng kalaban. Sunod naman ay ang Dodge na magagawa kung isu-swipe mo pakaliwa ang iyong karakter para makapagbigay ng sapat na distansya at maiwasan ang paparating na atake.

Saan Pwedeng I-download ang EA SPORTS™ UFC® Mobile 2?

Pumunta sa Google Play Store para sa mga Android user at App Store naman para sa mga iOS user. I-type sa search bar ang EA SPORTS™ UFC® Mobile 2 at pindutin ang icon ng app. Dahil free-to-play (F2P) ang larong ito, hindi mo na kailangan magbayad ng pera para lang makapagsimula. I-click lang ang Install o Get button at hintaying ma-download. Matapos ito, pindutin ang app, kumpletuhin ang sign-in details, at simulan na ang paglalaro! 

Narito ang mga link kung saan pwedeng ma-download ang laro: 

Download EA SPORTS™ UFC® Mobile 2 on Android https://play.google.com/store/apps/details?id=com.ea.gp.easportsufc2

Download EA SPORTS™ UFC® Mobile 2 on iOS https://apps.apple.com/us/app/ea-sports-ufc-2/id1188865737

Download EA SPORTS™ UFC® Mobile 2 on PC https://www.bluestacks.com/blog/games/ea-sports-ufc-mobile-2.html

Kung sa PC mo naman napiling maglaro ng EA SPORTS™ UFC® Mobile 2, i-download muna ang Bluestacks emulator mula sa official website nito. Ang Bluestacks ay isang uri ng emulator kung saan ginagaya ng PC ang interface ng isang Android mobile phone. Matapos ma-download, kumpletuhin ang access na kailangan. Mag-sign in gamit ang iyong account sa Google Play.

Tips at Tricks sa Paglalaro

Mahalagang tamaan ang iyong katunggali sa mga parteng malaki ang magiging kabawasan sa HP. Isa na rito ay ang core o sikmura. Ang bawat Core Strike na iyong magagawa sa iyong katunggali ay magbibigay ng karagdagang Stamina sa iyo. Mahalagang pagtuunan ito ng pansin dahil ito ang itinuturing na special move ng iyong karakter. Mas malaki ang damage na matatanggap ng iyong katunggali oras na ito ay iyong ma-activate. Pwedeng gamitin ito bilang final move o kaya naman ay kapag sa tingin mo ay nauungusan ka na ng kalaban. Kaya importante ring bigyan ng halaga ang HP meter na matatagpuan sa itaas na bahagi ng iyong screen. Ikaw at ang iyong kalaban ay parehong mayroon nito. Ito ang tutukoy kung gaano pa karami ang enerhiya ng bawat isa upang magtagal sa octagon. 

Kasing halaga rin ng opensa ang depensa sa EA SPORTS™ UFC® Mobile 2. Hindi pwedeng bara-bara ang iyong pag-atake. Obserbahan ang galaw ng kalaban. Subukan ding tingnan ang potensyal o susunod na galaw. Saan ito aatake? Sa mukha, sikmura, o binti? Ito ang mga bagay na kailangan mong pagtuunan ng pansin para manalo. Isang halimbawa ng epektibong pagdepensa ay ang Blocking, na base sa pangalan, ay sasalubungin mo ang nakaambang pag-atake at haharangan ito upang hindi maging matindi ang epektong damage. Kapag natutunan mo nang mabasa ang galaw ng kalaban, ang isa pang nakakatulong na pamamaraan ng depensa ay ang Dodge. Ito ay ang agarang pag-iwas sa atakeng gagawin ng kalaban. Halimbawa, kung nakikita mong may straight jab na paparating, maaaring i-swipe paiwas ang iyong karakter para hindi tamaan ng suntok. Nakaiwas ka na sa potensyal na damage, maaari mo pa itong magamit sa iyong kapakinabangan. Ang sunod na galaw na laging ginagawa matapos umiwas ay ang pag-counterattack sa kalaban. Dahil nakabwelo ka na at may sapat na distansya, gamitin ang pagkakataong ito para umatake. Kung iyong mapapansin ay mas mataas ang damage na natatanggap ng kalaban sa ganitong pamamaraan. 

Para naman sa epektibong opensiba laban sa iyong kalaban, pagsama-samahin ang tatlong aksyon para makabuo ng kakaibang Combo. Nahahati ito sa tatlong klasipikasyon. Ang Light Combo ay mabilis ngunit ito ang may pinakamababang Damage at Stamina. Ang Medium Combo naman ay nagsasara ng distansya sa pagitan mo at ng katunggali na nagdudulot ng saktuhang Damage at Stamina. Bilang panghuli, ang Heavy Combo naman ay mabagal ngunit ito ang may pinakamataas na Damage at Stamina. Gamitan din ng Fighter XP ang iyong karakter upang mapataas ang kanilang Fighter Level. Kapag mas mataas ito, mas magiging malakas at makapangyarihan ang iyong in-app character dahil tataas din ang kanyang attributes. 

Pros at Cons ng EA SPORTS™ UFC® Mobile 2

Walang pag-aatubiling masasabi ko na ang larong ito ang isa sa may kahanga-hangang visuals. Kaya nitong makipagsabayan sa NBA 2K pagdating sa malaking pagkakatulad sa mga atleta. Halimbawa na lamang kay McGregor kung saan makikita ang bawat detalye ng kanyang tattoo. Makikitang binigyan ng matinding effort ang aspetong ito para bigyang-buhay ang mga atleta. Bukod pa rito, maging ang bawat hulma ng katawan ng mga karakter ay makikitang crisp ang pagkakagawa. 

Marahil ang pinakanakadidismayang aspeto sa EA SPORTS™ UFC® Mobile 2 ay mas mababa ang kalidad nito kumpara sa unang bersyon. Smooth ang daloy ng animation ng nakaraang bersyon kaya ito talaga ang kapansin-pansing bahagi ng laro. Naging masyadong mabagal ang animation at paggalaw ng mga karakter ng pangalawang bersyon kaya hindi naging kasiya-siya ang karanasan sa larong ito. Bilang ito rin ay ang ikalawang bersyon na ng laro, inaasahan na ang mga bagay na dapat pag-ibayuhin sa nakaraang bersyon ay maayos dito. Ngunit, sa kasamaang palad, hindi naging ganoon ang kinalabasan. Hindi pa rin naging realistic ang kontrol na ginagamit sa mga karakter. Mas ramdam sana ang gameplay kung may kalayaan kang makontrol nang tuluyan ang mga karakter upang makapagsagawa rin ng iba’t ibang combos. Halimbawa kung ikaw ay mayroon lamang tatlong moves, kinakailangan mong pindutin ang buttons ng paulit-ulit. Hindi kinakitaan ng pagkakaiba sa pagitan ng mga istilo ng galaw kaya agarang nagiging boring ang laro. Nagdudulot na tuloy ito ng pagkawala ng motibasyon para magpatuloy pa sa paglalaro. Tinanggal din ang Ground and Pound na itinuturing na isa sa mga elementong inaabangan sa UFC games. 

Konklusyon 

Sa kabuuan, ang EA SPORTS™ UFC® Mobile 2 ay may kahanga-hangang visuals pagdating sa pagiging pareho nito sa mga aktwal na atleta. Tinatayang umaabot ng 250 ang available na mga karakter na maaari mong magamit at lahat ng ito ay kinakitaan ng pagkakatulad sa mga atletang pinaggayahan. Mula sa detalye ng kanilang tattoo, muscles, at hulma ng katawan, nakatutuwang isipin na binigyan ng pagpapahalaga ng mga game developer ang aspetong ito. Sa kabila nito, may mga bagay na kailangan pa ring pag-ibayuhin sa laro. Bilang ito na ang ikalawang bersyon ng franchise, inaasahang mas maganda ang kalidad nito. Subalit hindi nagtagumpay ang game developers sa paglikha ng mas magandang laro dahil mas swabe ang daloy ng nakaraang bersyon kaysa rito. Nagiging paulit-ulit din ang galaw at istilo ng pakikipagbuno ng mga karakter kaya hindi maiwasang madaling magdulot ito ng pagkabagot sa mga manlalaro. Wala ring sunod na aasahan pa sa larong ito at nagiging paulit-ulit na lamang.

Leave a Comment

Categories
Latest Posts
Login
Loading...
Sign Up
Loading...