Punishing: Gray Raven

Punishing: Gray Raven – Parami nang parami ang mga palabas na nagpapakita ng post-apocalyptic na tema o iyong mga sinasabing end of the world scenario. Mula sa sikat na Train to Busan hanggang sa Alice in Borderland, pareho itong naglahad ng isang mundong puno ng hinagpis at kawalan ng pag-asa. Sa kabila nito, naging patok pa rin ito sa masa at patuloy na inabangan ng karamihan. Kung kaya’t hindi na katakataka kung may mga larong nag-adapt na rin ng ganitong tema. 

Ang Punishing: Gray Raven ay isang 3D action roleplaying game (RPG) na ginawa ng game developer company na Kuro Game. Ang istorya ng laro ay umiikot sa panahong pawala na ang sangkatauhan. Nasa bingit ng kapahamakan ang buong daigdig dahil sa mga Corrupted at hukbo ng mga robot na nalason at naimpluwensyahan ng isang biochemical virus na The Punishing. Ang huling hanay ng mga taong nakaligtas ay lumipad palabas ng daigdig at pumunta sa space station na Babylonia. Matapos ang ilang taong paghahanda upang makuha ang ninakaw sa mga tao, naitatag ang Gray Raven – ang special forces unit na nangunguna sa mga mission upang maibalik muli ang mundo. 

Mula rito, ikaw ang kanilang magiging lider. Bilang pangunahing kumandante ng Gray Raven, naatasan kang pamahalaan ang digmaan ng mga pinakamagagaling na sundalong cyborg. Ang pinaka layunin ng laro ay tuklasin ang sikreto sa likod ng Punishing Virus, talunin ang mga Corrupted, at mabawi ang daigdig. Siguraduhing basahin hanggang dulo ng artikulong itong mula sa Laro Reviews upang mas magkaroon ng dagdag-kaalaman sa Punishing: Gray Raven. 

Punishing: Gray Raven - Laro Reviews

Punishing: Gray Raven – Laro Reviews

Features ng Punishing: Gray Raven

Hack and Slash Battle System – Ito ay isang melee weapon-based action game. May tatlong buttons kang gagamitin: basic attack, dash, at movement. Madalas ay nahahati sa tatlo ang tipikal na battle sequence na kung saan ang panghuli ay ang boss fight.

Gacha System – Ito ay mechanic na ginamit kung saan ay maaaring i-unlock ng mga manlalaro ang mga limitado at featured na karakter at armas. Makukuha ang ibang SSS Constructs na iyong gusto gamit ang feature na ito. 

Constructs – May malawak na pagpipilian ng mga karakter na pasok sa iyong panlasa. Depende sa disenyo, klase, o kung meta ba ang napupusuang Construct, tiyak ay may mae-enjoy kang laruin. 

Saan Pwedeng I-download ang Punishing: Gray Raven? 

Pumunta sa Google Play Store para sa mga Android user at App Store naman para sa mga iOS user. I-type sa search bar ang Punishing: Gray Raven at pindutin ang icon ng app. Dahil free-to-play (F2P) ang larong ito, hindi mo na kailangang magbayad para makapagsimula. I-click lang ang install o get button at hintaying ma-download. Dahil may kalakihan ang file, matatagalan ang pag-download depende sa bilis ng iyong internet connection. Pagkatapos nito, pindutin ang app, kumpletuhin ang sign-in details, at simulan nang maglaro! 

Narito ang mga link kung saan pwedeng ma-download ang laro: 

Download Punishing: Gray Raven on Android https://play.google.com/store/apps/details?id=com.kurogame.gplay.punishing.grayraven.en

Download Punishing: Gray Raven on iOS https://apps.apple.com/app/punishing-gray-raven/id1571685286

Download Punishing: Gray Raven on PC https://www.bluestacks.com/apps/action/punishing-gray-raven-on-pc.html

Punishing: Gray Raven - Laro Reviews

Punishing: Gray Raven – Laro Reviews

Kung sa PC mo naman napiling maglaro ng Punishing: Gray Raven, dapat mo munang i-download ang Bluestacks emulator mula sa kanilang https://www.bluestacks.com/ Ang Bluestacks ay isang uri ng emulator kung saan ginagaya ng PC ang interface ng isang Android mobile phone. Matapos ma-download, kumpletuhin ang access na kailangan. Mag-sign in gamit ang iyong account sa Google Play.

Tips at Tricks para sa mga Baguhang Manlalaro

Sa unang bahagi ng laro, papipiliin ka ng server na tukuyin kung sino ang mga manlalarong pwedeng makalaro sa co-op system. May tatlo kang options: Asia-Pacific, North America, o Europe. Siguraduhing tama ang pipiliing server sapagkat hindi nagke-carry over ang data sa pagitan ng mga server. May posibilidad ding bumagal ang koneksyon sa internet kapag hindi pumili ng akmang server. 

Ang Black Cards ang pinakamahalagang banner currency dahil pwede itong i-convert sa iba pang uri ng currency. Makukuha ito kapag nagawa ang mga mission, events, stages, o kaya naman ay sa pagta-top up. Kung ikaw ay nagpaplanong maliit lang ang gagastusin o maging isang ganap na F2P, maging matalino sa paggamit ng Black Cards at hangga’t maaari ay iwasang gamitin sa Member Recruit Banner at Weapon Research Banner. Mainam kung gagamitin ito sa mga limited banner kagaya ng Event – Guaranteed, Special Event – Floating Guarantee, at Target Weapon Research. Makakakuha ka rito ng 6-star weapons at mga bago at limitadong S-rank na karakter. Gawing prayoridad na matapos agad ang Level 35 at ang 5-7 Normal para ma-unlock ang lahat ng weekly missions at magkaroon ng tuluy-tuloy na pinagkukunan ng Black Cards.

Sa usapin ng gameplay, importanteng maging pamilyar muna sa kakayahan at skills ng iyong Constructs. Tukuyin kung sila ba ay Attacker, Tank, o Support. Ang Attacker o tinatawag ding DPS (damage per second) ay mga Construct na responsable sa pinakamalalaking damages na iyong balak gawin sa mga kalaban. Kumbaga, sila ang iyong damage dealer. Sunod naman ang Tank na pinakabase ng iyong depensa at may mahalagang parte sa pagsira ng shield ng kalaban. Ang pinakahuli ay ang Support na naka-focus sa buffs at healing ng ibang mga Construct. Epektibo ang bubuuing active team kung makikita ang lahat ng iyan. Mahalagang malaman din ang mga karakter na compatible na pagtambalin. Halimbawa na lang ay si Nanami – Pulse, magandang isama siya kay Karenlina – Ember bilang silang dalawa ang bubuo sa core ng iyong Fire team. 

Punishing: Gray Raven - Laro Reviews

Punishing: Gray Raven – Laro Reviews

Mayroong anim na ranks na naghahati sa mga Construct: B, A, S, SS, SSS, at SSS+. Mahalagang malaman din kung paano mag-level up ang iyong mga karakter. Bukod sa mga side quest at ibang missions, makabubuti kung uunahing i-unlock ang Interludes at i-clear ang 3-8 Normal upang matanggap ang mga Inver Shard. Ang Inver-Shards ay materyales na iyong magagamit upang mag-level up ang iyong karakter. Halimbawa, mula S-rank ay maaaring pataasin ang level ng iyong Construct papuntang A-rank. Matapos magkaroon ng access sa Challenge Mode version ng mga Interlude, gumawa ng estratehiya kung sino ang karakter na nais unahing i-level up. Sapagkat may dalawang attempts ka lang kada araw upang makakuha ng isang Inver-Shard sa bawat panalo. Mainam kung unang patataasin ang DPS na balak gamitin. Sunod naman ay ang Support, at panghuli ang Tank. Subalit walang espisipikong paraan kung sino talaga ang dapat unahin dahil nakadepende itong lahat sa iyo. Kung gusto mong i-level up ang mga Construct na iyong natitipuhan base sa itsura o lore niya, wala namang problema rito. 

Pros at Cons ng Punishing: Gray Raven

Pag-usapan muna natin ang mga positibong aspeto ng laro. Tunay ngang swabe at malinis ang graphics, visuals, at kabuuang disenyo nito. Sa tuwing itatagilid nang kaunti ang screen, tila sumasabay ang kabuuang laro at kitang-kita ang pagiging futuristic na estilo. Hindi rin matatawaran ang disenyo ng mga karakter at kanilang lore. Kung mahilig ka sa anime, tiyak na magugustuhan mo rin ito. Mula sa kasiya-siya nitong stunts at animations tuwing ginagawa ang ult at burst skills ng mga karakter, hanggang sa mga kaaway, boss, at kapaligiran ng laro, ay tunay ngang nakakahumaling din. Ngunit kung babanggitin ang magagandang katangian ng Punishing: Gray Raven, hindi maikakailang ang pinakanakakaengganyo rito ay ang official soundtracks ng laro. Bawat hampas ng beat, bass, at tono ng tugtog ay akma sa pangkalahatang atmospera na nais ipahayag ng laro. 

Para naman sa mga bagay na kailangang pag-ibayuhin sa laro, maraming manlalaro ang nadismaya sa hindi pantay na trato sa pagitan ng China, Korea, at Japan servers kumpara sa Global servers. Sinasabing doble ang presyo ng mga top-up purchase sa Global servers kumpara sa ibang mga server. Kinakailangang mag-whale o maglabas ng malaking pera para lang makuha ang mga hinahangad na reward at Black Cards. “F2P friendly” ang laro sa umpisang bahagi nito ngunit kinalauna’y mapipilitan kang maglabas ng pera para lang patuloy na ma-enjoy ito. Wala sanang problema pagdating dito, kung pantay lang sana ang halaga ng mga in-app purchase. 

Konklusyon 

Sa kabuuan, mula sa disenyo ng mga karakter, tema, lore, graphics, visuals, hanggang sa battle system ng Punishing: Gray Raven ay masasabing mataas ang potensyal nito na maging malaki. Kung hilig mo ang mga action RPG, nakatitiyak akong magugustuhan mo ito. Isama mo pa ang napakagandang soundtracks na nagbigay ng dagdag karanasan sa kabuuang atmospera ng laro. Mainam na gumamit ng earphones o headset habang naglalaro upang mas lalong ma-feel ang laro. Ngunit sa kabila nito, ang pinaka nakakadismayang bahagi ay ang hindi pantay na trato sa Global servers. Tinatayang doble ang itinaas na presyo ng mga top-up sa Global servers kumpara sa China, Korea, at Japan servers. Nawa’y nakatulong ang Laro Reviews upang mabigyan ka ng buod tungkol sa Punishing: Gray Raven.

Laro Reviews

Leave a Comment

Categories
Latest Posts
Login
Loading...
Sign Up
Loading...