Epic Seven Review

Epic Seven – Patok na patok ang anime sa masa mula noon hanggang ngayon. Ilang dekada na ang nakalipas ngunit mas pinaigting ang kasikatan nito hindi lang sa Japan, kundi maging sa buong mundo. Kaya hindi na nakakagulat kung may mga larong may temang anime. Tiyak na magugustuhan ito ng marami, lalung-lalo na ang mga tagahanga nito.

Tulad ng nabanggit, ang larong tatalakayin ng artikulong itong mula sa Laro Reviews ay may temang anime. Bukod dito, ang Epic Seven ay isa ring turn-based role-playing game (RPG) na ginawa ng Smilegate Megaport – video game company na lumikha rin sa sikat na larong CrossFire. Naging tanyag ang Epic Seven sa mga mahilig sa classic na RPGs. Nakadagdag pa na sinamahan ang laro ng nakamamanghang storyline at mga karakter, pati na ang mala-anime na art style at visual effects. 

Features ng Epic Seven 

Epic Seven - Laro Reviews

Epic Seven – Laro Reviews

Anime-themed Game and Characters – Ito ay mayroong 2D animated graphics. Mapapansin ang mala-anime na istilo nito magmula sa karakter, cutscenes, at maging sa kapaligiran. Tunay na nakapukaw ito ng mga tagahanga ng anime at mga mahilig sa RPGs sapagkat sa larong ito ay mararanasan nila ang kombinasyon ng dalawang features. 

Captivating StorylineSa oras na masimulan ang laro, makikitang umiikot ang istorya sa gagampanan mong karakter na si Ras, ang tagapagmana ng Covenant na kaisa-isang pinili ng Goddess upang talunin ang mundo ng Archdaemon at ang kanilang hukbo. Nilikha ang nakakapangilabot na Archdaemon ng mga kapatid ng Goddess para wasakin ang mundo. Nagbunga ang kanilang poot at inggit noong nagkaroon ng Celestial War at pinabayaan ng Goddess ang kanyang mga tungkulin sa kanilang lahi upang makapagbigay ng kasaganaan at kapayapaan sa mundo. 

Worldwide Battles – Makipaglaban sa mga manlalarong mula sa iba’t ibang panig ng mundo! Ipamalas ang iyong galing sa buong daigdig. 

PvP Arena – Ipakita sa lahat ang natatangi mong abilidad at estratehiya sa player versus player (PvP) Arena! Kapag lumaban ng PvP, importanteng alamin kung ano ang itinuturing na meta bago mamuhunan sa bubuuing team. 

World Boss Mode – May pagkakataong makipag-team up sa iyong guild upang sama-samang sugpuin ang malakas na kalaban. Lumalabas lang ang boss sa partikular na oras kaya kailangan ng koordinasyon sa pagitan ng guild bago sumabak sa labanan.

Guild – Bumuo ng bagong kaibigan sa loob ng guild! Huwag palampasin ang pagkakataong makabilang sa isang guild at matamasa ang mga benepisyo nito. 

Epic Seven - Laro Reviews

Epic Seven – Laro Reviews

Saan pwedeng i-download ang Epic Seven?

Pumunta sa Google Play Store para sa mga Android user at App Store naman para sa mga iOS user. I-type sa search bar ang Epic Seven at pindutin ang icon ng app. Dahil free-to-play (F2P) ang larong ito, hindi na kailangan magbayad para magsimula. I-click lang ang install o get button at hintaying mai-download. Pagkatapos nito, pindutin ang app at kumpletuhin ang sign-in details.

Narito ang mga link kung saan pwedeng mai-download ang laro:

Download Epic Seven on Android https://play.google.com/store/apps/details?id=com.stove.epic7.google

Download Epic Seven on iOS https://apps.apple.com/us/app/epic-seven/id1322399438

Download Epic Seven on PC https://www.bluestacks.com/apps/role-playing/epic-seven-on-pc.html

Kung sa PC mo napiling maglaro ng Epic Seven, dapat mo munang i-download ang Bluestacks emulator mula sa https://www.bluestacks.com  Ang Bluestacks ay isang uri ng emulator kung saan ay ginagaya ng PC ang interface ng isang Android mobile phone. Matapos itong mai-download, kumpletuhin ang access na kailangan. Mag-sign in gamit ang iyong account sa Google Play.

Tips at Tricks sa Paglalaro

Mainam kung makakasali ka sa guild dahil bukod sa masaya ito, marami pang makukuhang benepisyo rito. Una, makakabuo ka ng mga bagong kaibigan mula sa guild na iyong makakasama sa labanan. Ikalawa, kapag nakilahok sa Guild Wars, maaaring makakuha ng Mystic Medals na ginagamit sa Mystic Summons. Kapag mas maraming panalo at mas madalas ang pakikilahok, mas marami ang Mystic Medals na makukuha. Sa Summon, nagbabago ang pool ng mga kagamitang pwedeng makuha kada linggo. Kaya naman mas malaki ang chance na makapag-summon ng Moonlight Hero kapag ilang beses kang sumubok. Ikatlo, sari-sari na mahahalagang kagamitan ang binebenta sa Guild shop. Bago mo gastusin ang iyong Commander’s Armband sa ibang mga bagay, siguraduhing bilhin muna ang Proof of Valor. Ito ay kapaki-pakinabang na artifact sa lahat ng content dahil pinapahirapan nito ang kalabang mapatay ang kahit anong hero. Mainam din kung bibili ka ng MolaGora Seed kada linggo. Nagkakahalaga ito ng 250 Brave Crests. Siguraduhing kunin ito palagi dahil bihira lang itong dumating. Magagamit ang MolaGora Seed para sa skill enhancement na makakatulong sa labanan. Panghuli, may kakayahang makabili ng 10% na karagdagang EXP at gold buffs ang Guild Captains hangga’t may pera sa kanilang banko. Dito papasok ang importansya ng pagdo-donate ng gold sa kinabibilangang guild. Kung ang sinalihan mong guild ay hindi bumibili ng ganito, ibig sabihin ay hindi maalam ang lider tungkol dito o kaya nama’y hindi nagtutugma ang inyong schedule. Kung ganon, mas mabuting lumipat ka na lang sa ibang mas magandang guild. 

Mairerekomenda ko ring mag-iwan ng tig-isang kopya ng bawat hero dahil madalas ang pag-nerf at pag-buff ng heroes. Kaya hindi masisiguro kung alin sa mga hero ang susunod na magiging meta. Dagdag pa rito, ugaliing gawin ang limited time events. Sa pamamagitan nito, pwede kang makakuha ng mga premyong makakatulong sa iyong progreso sa laro. Bukod dito, alamin ang Elemental Advantage at Disadvantage sapagkat nakakaapekto ito ng performance sa laban. Nagreresulta ng dagdag 15% Critical Hit Chance ang hero kapag nasa Elemental Advantage ito. Kapag nasa Elemental Disadvantage naman, may chance na ma-miss ang kanilang atake. Mayroong limang elemento: Fire, Earth, Ice, Light, at Dark. Ang Fire ay mas malakas sa Earth; ang Earth ay mas malakas sa Ice, at ang Ice ay mas malakas sa Fire. Samantalang ang Light at Dark naman ay magkapantay ang lakas. 

Related Posts:

The Legend of Neverland Review

Punishing: Gray Raven

Epic Seven - Laro Reviews

Epic Seven – Laro Reviews

Para sa mga baguhang manlalaro, kumpletuhin ang Adventure’s Path. I-set ang pinakamagaling na hero bilang Lead Supporter. Mahalaga ito sa pagkakaroon ng mga kaibigan at pagkuha ng friendship points. Ang kadalasang hinahanap ng mga manlalaro ay mga kaibigang mayroong malakas na supporter dahil pwede nilang gamitin ang Lead Supporter upang matulungan sila sa Adventure at Side Stories. Kaya naman importanteng makabuo ng magandang Support. Pagdating naman sa pag-upgrade ng items, huwag masyadong gumastos ng limpak-limpak na gold para rito, lalo na kung ang item ay mas mababa sa Level 70 dahil mapapalitan lang din naman ito kaagad. Kaya mainam na iwasang i-level up na lalampas sa +6 ang kahit anong gear kung hindi pa higit sa 70 ang level nito. 

Pros at Cons ng Epic Seven

Dahil buong mundo ang target audience ng laro, hindi problema ang gagamiting wika rito. Maaaring baguhin ang wika sa display text at voiceover nang naaayon sa iyong hilig. Ang display text ay binubuo ng mga pagpipiliang wika: English, Traditional Chinese, Korean, German, French, Spanish, at Portuguese. Samantalang ang voiceover naman ay pwedeng gawing English o Korean. Dagdag pa rito, kumpara sa ibang laro na may gacha system tulad ng Genshin Impact, ang Epic Seven ay hindi madamot sa pagbibigay ng game currency at summoning chances. Kakaiba rin ang achievement system ng laro dahil sa pamamagitan lamang ng tuluy-tuloy na paglalaro at pagkumpleto ng goals, maaari ka na agad maka-access sa nawawala mong alaala at magkaroon ng “memory chain” points. Sa pag-unlock ng achievements, pwedeng makatanggap ng libreng gems at makabili ng covenant bookmarks upang magkaroon ng karagdagang summons. Gayundin, makakakuha rin ng permanenteng buffs kapag tumataas ang reputation grades, tulad ng Three Sisters’ Diary, Conclave, Phantom CIC, Memory Chain, Merchant Union, at Dagger Sicar.

Ang maaaring pag-ibayuhin ng game developer sa laro ay ang bugs nito. May mga kasong madalas na nagkakaroon ng internet connection issues at naglo-loading ang laro nang matagal kahit na mabilis at stable naman ang gamit na internet connection. Hindi rin maganda ang character balancing nito dahil sa power creeping. Bihira nang ma-buff ang mga lumang 5-star na karakter at mas nauuna pang mag-buff ang mga bagong nai-release na karakter.

Konklusyon 

Hindi ito ang pangkaraniwang grind at level up na klase ng laro sapagkat maraming bagong handog ngunit may pamilyar na modes ang larong ito. Kakaiba ang character development at enhancement mechanics na matutunghayan dito. Nakamamangha rin ang animation sa cutscenes na mapapanood sa kalagitnaan ng diyalogo at labanan. Kung nagustuhan mo ang anime-themed turn-based RPG na ito, ihanda ang sarili para sa pangmatagalang paglalaro dahil tunay na nakakaadik itong laruin! Sana ay nakatulong ang artikulong ito ng Laro Reviews para madagdagan ang iyong kaalaman tungkol sa Epic Seven. Kung pasado ito sa iyong pamantayan, ano pa ang hinihintay mo? I-download na ito at simulan na ang paglalaro!

Laro Reviews

Leave a Comment

Categories
Latest Posts
Login
Loading...
Sign Up
Loading...