Rolling Cube Review

Dulot ng pagbabago ng panahon, sumasabay rin sa agos ng modernisasyon ang halos lahat ng bagay. Kung pagmamasdan nang maiigi ang ating mundong ginagalawan sa ngayon, kapansin-pansin ang laki ng pinagbago ng kapaligiran kung ikukumpara noong nag-uumpisa pa lamang ang kasalukuyang siglo. Mula sa mga gusali, mga sasakyan, mga armas, pananamit hanggang sa online world, hindi maikakailang malayo na nga ang narating ng ating mundo.

Ang pag-usbong ng teknolohiya ang itinuturong na sanhi kung bakit laganap at patok na patok ngayon ang social media, kabilang na ang mga mobile game. Sa katunayan, tila imposible nang mabilang ang dami ng mga larong matatagpuan sa mga digital marketplace kaya kanya-kanya nang paandar ang mga game developer kung paano mapapanatiling patok ang kanilang mga laro. Napakahigpit ng kumpetisyon sa pagitan ng mga mobile game, lahat ay gustong manguna sa listahan ng most downloaded games kung kaya’t hindi na nakapagtatakang hindi nauubos ang pagpipilian nating mga laro.

Upang makahikayat ng mas maraming manlalaro, marami sa mga mobile game sa ngayon ay nagtatampok ng iba’t ibang paraan kung paano kumita ang mga manlalaro nito sa pamamagitan lamang ng patuloy na paglalaro at isa na nga rito sa mga dinudumog na laro ang Rolling Cube na nilikha ng Magicbirder at mayroonng mahigit limang milyong downloads sa Google Play Store. Ngunit ano nga ba ang larong ito, at paano ito dapat laruin?

Ang larong Rolling Cube, maniwala ka man o hindi, ay isang larong kailanman ay hindi ka makakaranas ng pagkatalo dahil ang gameplay ng larong ito ay sobrang dali lamang: pagugulungin lamang ang isang cube hanggang sa makulayan ang lahat ng bahagi ng isang hugis kung saan ito gugulong. Sundin lamang ang mechanics na ito hanggang sa pinakadulo ng laro.

Tips at Tricks sa Paglalaro

Para sa matagumpay na paglalaro, narito ang mga tip at tricks na dapat isaalang-alang ng isang manlalaro:

Gamit lamang ang isa sa iyong mga daliri, kayang-kaya mo nang laruin ang Rolling Cube dahil wala ka nng ibang gagawin pa sa larong ito kundi ang pagulungin nang pagulungin ang cube hanggang sa makulayan nito ang lahat ng bahagi ng isang hugis. Sa larong ito, hindi mo kailangang mangamba sa posibleng paglusob ng mga kalaban dahil wala kang makakasama, o makakasagupa sa larong ito kung hindi ang sarili mo lang.

Ang paggamit ng kahit anong power-ups o upgrades sa larong ito ay hindi kailangan dahil maliban sa hindi ito battle game, hindi rin nagbabago ang difficulty level ng laro kaya walang dahilan upang hindi mo maipapanalo ang lahat ng game levels sa larong ito. Sa karagdagan, apat na direksyon lamang ang kailangan mong sundan sa larong ito: kaliwa, kanan, taas, at baba.

Upang makumpleto ang bawat level, ang kailangan mo lang gawin ay paikutin ang iyong cube hanggang sa mapunan mo ng kulay ang kahuli-hulihang bahagi ng isang hugis na hindi pa nalalagyan ng kulay. May option ka rin sa larong ito na manood ng ads upang mag-skip ng game level, ngunit mas makabubuting huwag mo na lamang itong gawin dahil umaabot ng hanggang 30 segundo ang isang ads bago ito matapos. Higit sa lahat, mas mainam na offline mo itong laruin upang maiwasan ang sandamakmak na pop-ads na lalabas sa iyong screen.

Mga Feature ng Rolling Cube

  • Easy Game Mechanics Kung mechanics lang naman ng laro ang pag-uusapan, wala na sigurong mas dadali pa sa mechanics ng Rolling Cube sapagkat walang mga hamong itinatampok sa larong ito.
  • Game for Children – Kung isa kang magulang at naghahanap ng isang perpektong laro para sa iyong maliliit na mga anak, walang dudang ang larong Rolling Cube na ang matagal mo nang hinahanap.
  • Playable online or offline – Kung nangangamba kang hindi ito maaaring malaro nang walang internet access, pwes nagkakamali ka ng iniisip dahil naka-on man o naka-off ang iyong wifi at data, ay pwedeng-pwede pa ring laruin ang Rolling Cube.
  • Cute Characters – Hindi maaaring hindi mo magustuhan ang mga cube-character sa larong ito lalo na ang mga cute na panda at pusa.
  • Colorful Game – Tiyak na magugustuhan din ng mga batang manlalaro ang Rolling Cube dahil punung-puno ng kulay ang larong ito.

Saan maaaring i-download ang laro?

Gamit ang search bar, hanapin lamang ang larong ito sa Google Play Store para sa mga Android user, at i-download naman ang MuMu Player Android emulator sa PC para malaro ito rito. Samantala, hindi pa available ang larong ito para sa mga iOS user. Maaaring gamitin ang mga link sa ibaba:

Download Rolling Cube on Android https://play.google.com/store/apps/details?id=com.rolling.cube.goodcube

Download Rolling Cube on PC https://www.mumuglobal.com/en/games/casual/rolling-cube-on-pc.html

Pros at Cons ng Rolling Cube

Kung sawang-sawa ka na sa pakikipag-away sa mga RPG at action game, marahil ang Rolling Cube na ang larong magbibigay ng panibagong panlasa sa iyo sapagkat walang ibang inihahandog ang larong ito kundi ang kagustuhang ma-relax ka at matanggal ang iyong mga stress sa buhay. Bukod pa rito, hindi mo na rin magiging problema ang pagbili ng mga upgrade dahil gamit lamang ang iyong daliri ay maipapanalo mo na ang lahat ng levels sa larong ito.

Sa karagdagan, hindi pa rin ganap na ligtas ang makisalamuha sa maraming tao, kaya sa halip na lumabas ng bahay at maghanap ng pwedeng paglibangan, mas mainam na manatli na lamang sa loob ng inyong mga bahay at maglaro sa iyong gadget. Lubos na naniniwala ang Laro Reviews na kayang-kaya kang pasayahin ng mga cute na Rolling Cube-character sa larong ito. Gayundin, hindi mo na rin kailangang mag-isip ng isang matinding strategy, o humingi ng tulong mula sa iba para lamang malampasan ang lahat ng levels sa Rolling Cube.

Sa kabilang banda, ang pinakanakakairitang katangiang mayroon ang larong ito ay ang labis-labis na dami ng ads sakaling naka-on ang iyong wifi. Mabagal din ang loading ng laro kaya hindi mo maiiwasang mainip sa paghihintay minsan. Higit sa lahat, habang palapit ka na nang palapit sa goal mong makakuha ng 10, 000 diamonds, pakonti nang pakonti rin ang mga makukuha mo.

Imposible ring pumatok ang larong ito sa mga may edad nang mga manlalaro dahil hindi maaaring ipagkaila ng Laro Reviews ang katotohanang nakakasawa ang gameplay ng larong ito, sapagkat wala ka nang ibang gagawin pa kundi ang pagulungin lang nang pagulungin ang cube. Bukod pa rito, wala ring element of excitement ang larong ito dahil sa kawalan ng mga hamon sa laro.

Konklusyon

Kung matagal ka nang naghahanap ng isang larong pwedeng maging pampalipas-oras habang nasa byahe, o nagpapahinga, damputin na ang iyong device at i-download ang Rolling Cube. Ngunit kung ang habol mo naman sa larong ito ay magkaroon ng Robux points, iminumungkahi ng Laro Reviews na maghanap ka na lang ng ibang laro dahil kahit piso ay wala kang mapapala sa larong ito.

Leave a Comment

Categories
Latest Posts
Login
Loading...
Sign Up
Loading...