Cat Escape Review

Matagal na panahon na ang lumipas simula nang unang umusbong ang mga larong digital lalo na ang mga tinatawag na mobile game. Kung tatanungin ka kung anong mga laro na ang iyong nasubukang laruin, marahil hindi mo na matandaan kung anu-ano ang mga ito. Ngunit nalaro mo na ba ang Cat Escape? Kung hindi pa, halina’t ating pag-usapan ang larong ito.

Ang Cat Escape ay isang mobile game na idinesenyo ng Sunday.gg para laruin sa mga mobile device kagaya ng Cellular phone at Tablet. Sa larong ito, magkakaroon ka ng kapanapanabik na pakikipagsapalaran kasama ng isang pusa. Ngunit paano nga ba nilalaro ang Cat Escape? Simple lamang ang gameplay ng laro, kailangan mo lamang kontrolin ang iyong pusa na makalabas sa pinto nang hindi nadadakip ng mga nagbabantay ng bahay. Upang magkaroon ng malaking tyansang makalabas nang ligtas ang iyong pusang kinokontrol, maaari kang bumili ng iba’t ibang skin para rito. Kailangan mo ring gawin ang lahat ng iyong makakaya upang maiwasan sa daan ang mga bantay ng bahay.

Tips at Tricks sa Paglalaro

Para sa matagumpay na paglalaro, narito ang mga tip at tricks na dapat isaalang-alang ng isang manlalaro:

Hindi kagaya ng mga action game o RPG, hindi gaanong mahirap ang mga hamon sa larong ito. Katunayan, gamit lamang ang iyong isang daliri, magagawa mo nang lampasan ang lahat ng mga balakid sa Cat Escape. Hindi rin nagtatampok ng mga kumplikadong bagay na kailangang gawin ang larong ito. Sa halip, kailangan mo lamang ilipat-lipat ng pwesto ang iyong pusa hanggang sa makalabas na ito sa main door ng bahay.

Upang hindi mahuli ng mga nagbabantay sa bahay, maaari mong itago ang pusa sa loob ng mga cabinet, o sa loob ng mga kahon. Sikapin ding hindi maabot ng ilaw ng flashlight upang kahit papaano ay may tyansa ka pang hindi mahuli.

Sa karagdagan, mayroong ding tinatawag na mga makukulay na magic ball ang larong ito. Kapag nagawa itong makuha at makain ng iyong pusa, magkakaroon siya ng kakayahang masira ang kahit anong pader habang isinasaalang-alang ang kanyang kaligtasan. Ang pagkain sa rainbow ball ay hindi nangangahulugang hindi na maaaring mahuli ang iyong pusa dahil ang tinutukoy na bola ay nagbibigay lamang ng lakas at wala nang iba pa.

Ang bahay kung nasaan ang iyong pusa ay maaring magkaroon ng dalawang bantay o higit pa. Maaari rin itong magkaroon ng napakaraming pinto kaya kailangan mong maging maingat sa iyong kilos dahil isang maling galaw mo lamang ay maaari ka nang mahuli ng mga bantay ng bahay.

Kapag nagkataong nasa linya ng electric wire ang mga bantay, maari mong pindutin ang electric wire button upang makuryente ang mga ito at malaya ka nang magpaikot-ikot sa loob ng bahay hanggang sa makalabas ka rito.

Sakali namang nalampasan na ng bantay ang pinagtataguan mong kahon o cabinet, maaari ka nang lumabas at mabilis na tumakbo sa pinakamalapit na pinto. Kapag maraming game levels na ang iyong nalampasan, mararamdaman mong mas nagiging mahirap ang mga hamon, mas nagkakaroon ng maraming pintong kailangang buksan at mas nadadagdagan ang bilang ng mga bantay.

Sa karagdagan, hindi lamang puro takbo at tago ang kailangang mong gawin sa larong ito. Kailangan rin ng matalinong diskarte upang matakasan o maiwasan ang mga bantay. Kapag mayroong isang bantay na papalapit sa iyong pusa, humanap agad ng mapagtataguan at maghintay ng perpektong pagkakataon upang mabilis na tumakbo palayo sa pwesto ng bantay. Higit ring nagiging kaaya-ayang tingnan ang iyong pusa kapag nagkakaroon ito ng mga bagong damit sa tulong ng mga skin na makukuha sa ilang level ng laro.

Saan maaaring i-download ang laro?

Gamit ang search bar, hanapin lamang ang larong ito sa Google Play Store para sa mga Android user, sa App Store para sa mga iOS user, at i-download ang GameLoop sa PC para malaro ito rito. Maaaring gamitin ang mga link sa ibaba:

Download Cat Escape on Android https://play.google.com/store/apps/details?id=gg.sunday.catescape

Download Cat Escape on iOS https://apps.apple.com/us/app/cat-escape/id1536578421

Download Cat Escape on PC https://www.gameloop.com/ph/game/casual/gg.sunday.catescape

Mga Feature ng Laro

  • Can be played Online or Offline Isa sa mga bentahe ng larong ito ay maaari itong malaro ng mayroong internet access o wala man kaya sakaling wala kang data o internet connection, maaari mo pa ring malaro ang Cat Escape.
  • Optional Ads – Isa sa mabisang paraan upang makatanggap ng mga skin nang hindi na kinakailangan pang ilagay sa panganib ang iyong pusa.
  • Skins – Napakaraming skins na pwedeng makuha sa larong ito. Kailangan mo lamang galingan sa laro upang makuha mo ang mga ito.
  • Unlimited Levels – Sa kabuuan, mayroong mahigit 300 levels ang Cat Escape kaya matagal na panahon pa ang kailangan mong gugulin bago mo matapos ang larong ito.

Pros at Cons ng Laro

Para sa Laro Reviews, ang Cat Escape ay nilikha upang alisin ang lumbay ng mga taong nalulungkot o nag-iisa. Sa uri ng gameplay na mayroon ang larong ito, tiyak na mawiwili ang mga manlalaro sa pagkontrol ng kanilang pusa hanggang sa makalabas ang mga ito ng bahay nang ligtas. Nakakatuwa rin ang mga skin na nakukuha sa larong ito dahil mas nabibigyan ng kulay at dating ang laro.

Sa karagdagan, kahanga-hanga rin ang graphics ng laro dahil walang dudang magugustuhan ito ng mga batang manlalaro, lalo pa at may kalayaan ang bawat isang ayusan ang kanyang pusa ayon sa kanyang kagustuhan. Wala ring patayan o matitinding karahasang itinatampok sa larong ito, kaya walang dahilan ang mga magulang na mangamba para sa kanilang mga anak.

Sa kabilang banda, naniniwala rin ang Laro Reviews na hindi para sa lahat ang larong ito dahil bukod sa paulit-ulit lang ang gameplay ng laro, hindi rin patok sa panlasa ng mga manlalarong nasa hustong edad ang mga hamon sa larong ito. Maliban pa rito, kahit offline, hindi pa rin nawawalan ng pop-ads dito kaya naman hindi mo pa rin maiiwasang mairita lalo na kapag lumalabas ang mga ito sa kalagitnaan ng iyong paglalaro.

Konklusyon

Sa pangkalahatan, naniniwala ang Laro Reviews na maraming features pa ang pwedeng idagdag ng developer sa larong ito. Halimbawa, mas maganda kapag nagkaroon ng multiplayer mode nang sa ganun ay mabigyan ng pagkakataon ang mga manlalarong makipagkumpitensya laban sa isa’t isa. Mas mainam din sana kung magkaroon ng higit sa isang floor ang bahay upang mas malaking espasyo ang pwedeng paghabulan ng pusa at mga bantay. Sa kabilang dako, mainam ang larong ito para sa mga taong gustong mag-relax, o mga taong nasa byahe dahil hindi maikakailang nakakalibang din ang paglalaro ng Cat Escape lalo na kung ang tipo mong genre ng laro ay puzzle.

Leave a Comment

Categories
Latest Posts
Login
Loading...
Sign Up
Loading...