Seven Knights Review

Kilalanin itong bagong larong idle at mayroong 3D graphics. Ang Seven Knights ay isang online na larong ginawa ng Netmarble Corporation. Halina at samahan nyo akong tunghayan ang mga tampok nitong laro. Basahin ang artikulong itong ginawa ng Laro Reviews.

Mga Tampok ng Laro

Ito ay ilan lang sa mga natatanging tampok nitong laro na maaari mong ma-enjoy. Ito ay mayroong tatlong pangunahing modes, ang Battle, Adventure, at Content. 

Ang Battle Mode ay mayroong apat na bahagi. Una ay ang special dungeon. Ito ay isang espasyal na dungeon na kung saan ay makakatagpo ka ng mga mahihirap na kalaban ngunit makakukuha ka naman ng malaking reward dito. Pangalawa ay ang Raid, ito ay isang dungeon na kung saan ang tanging makakalaban mo ay ang boss ng dungeon. Dito, makakukuha ka ng jewelry at accessories na siyang makakatulong sa iyong makapagpalakas. Pangatlo ay ang Heavenly Stairs, kung ikaw ay nakapaglaro na ng mga RPG na may Tower mode, maaaring pamilyar ka sa mode na ito. Ito ay tulad din ng Tower mode sa ibang RPGs na kung saan ay kailangan mong umakyat pataas ng tower sa pamamagitan ng pagtalo ng mga kalaban at boss. Panghuli ay ang brawl. Dito, kailangan mong talunin ang ibang manlalaro sa isang 1v1 battle.

Ang Adventure mode ang siyang pangunahing mode nitong laro. Dito mo malalaman ang storyline nitong laro at dito mo rin makukuha ang ilang mga mahahalagang item tulad ng keys na siyang ginagamit tuwing mayroon kang chest na reward. Ang Contents mode naman ay isang espesyal na mode na mayroong limited-time at limited-entry quests. Dito, makakukuha ka ng mga espesyal na reward at items.

Upang laruin ito, kailangan mo lamang bumuo ng lineup ng heroes bago pumasok sa isang dungeon, at dahil isa itong idle game, wala kang ibang gagawin kundi ang hintaying maglaban ang dalawang panig at pagkatapos ay i-click ang mga skill ng iyong hero kung ito ay available na. Ang mga ito ay ilan lamang sa mga tampok na maaari mong maranasan sa larong ito. Maaaring mayroong pagbabagong magaganap sa mga susunod na update at mga special event.

Paano i-download ang Seven Knights?

Upang makapagsimulang maglaro nito, hindi mo na kailangang gumawa ng anumang login accounts. Maaari mo itong i-download mula sa Google Play Store para sa Android at App Store naman para sa iOS. Buksan lamang ang mga nasabing app at i-type sa search bar ang pangalan ng larong ito at i-click ang download. Para sa PC, pumunta sa https://www.gameloop.com/ at i-download ang emulator nito at pagkatapos ay hanapin sa emulator ang larong ito. Para sa mas mabilis na pag-access maaaring i-click ang mga link sa ibaba:

Download Seven Knights on Android https://play.google.com/store/apps/details?id=com.netmarble.sknightsgb

Download Seven Knights on iOS https://apps.apple.com/us/app/seven-knights/id970818035

Download Seven Knights on PC https://www.gameloop.com/game/role-playing/seven-knights-on-pc

Tips at Tricks para sa mga Baguhan

Ngayon ay tatalakayin natin ang mga tip at tricks kung paano palakasin ang iyong mga hero sa madaling paraan. Kung nahihirapan kang maipasa ang ilan sa mga stage, huwag kang mag-alala dahil tutulungan ka ng Laro Reviews. Mayroon lamang tatlong bagay na dapat mong tandaan. Una ay ang lineup, pangalawa ay ang itemization at pangatlo ang resources gathering. Talakayin muna natin ang lineup. Sa pagpili ng mga hero na gagawin mong lineup, siguraduhing pinakamalakas ang gagamitin mo. Dapat ay mayroon silang hindi bababa sa five-star ratings. Kung kulang ang mga hero card mo para makabuo ng isang malakas na lineup, pwede mong i-upgrade ang mga mababang level na hero upang magamit mo ito sa iyong lineup.

Kung hindi pa rin sapat ang lakas ng iyong lineup upang maipasa ang mga mahihirap na level, pwede mo silang bigyan ng mga item. Sa itemization, tandaang ang mga item ay mayroong iba’t ibang uri na siyang pinagbabasehan ng lakas nito. Tiyaking ang lahat ng mga hero ay mayroong equipped items at dapat ang mga item na iyong gagamitin ay ang pinakamalakas. Ugaliing basahin ang mga description ng mga item dahil mayroong itong mga exclusive skill na magagamit lamang kapag ito ay na-equip sa isang tiyak na hero.

 Maraming lugar ang makapagbibigay sa iyo ng mga reward. Ngayon ay tatalakayin natin ang mga ito at kung saan mo mahahanap ang mga item, hero cards at iba pang resources na iyong kakailanganin sa pagpapalakas. Sa content, mayroong chessboard feature na kung saan makakukuha ka ng hero card sa pamamagitan ng pag-open ng mga chess box. Dito ay makakukuha ka ng isang tiyak na hero card. Sa Mercure’s Dark Magic Lab, makakukuha ka rito ng isang espesyal na hero card. Ang feature na ito ay time-limited, at para makuha ang reward dito, kailangan mong mag-ipon ng mga experiment point sa pamamagitan ng pag-draw nito tuwing 24 hours. Ito ay ilan lamang sa mga tip at tricks na tiyak na makakatulong sa mga baguhan na palakasin pa lalo ang kanilang mga hero.

Kalamangan at Kahinaan

Ito ay isang idle game, ibig sabihin ay hindi gaanong kumplikado ang gameplay nito. Marahil ay iniisip mong nakababagot itong laro, pero mali ang iyong inaakala dahil kahit na idle ito ay mayroon namang itong napakagandang animation. Halimbawa, sa tuwing magka-cast ng skills ang iyong hero, mayroong itong natatanging animation kaya tiyak na maaaliw ka rito. Medyo kumplikado rin itong laruin dahil sa itemization feature nito. Halimbawa, kapag mali ang mga item na iyong na-equip ay maaaring hindi mo magamit nang maayos ang mga item at hindi mo magagamit ang buong skills nito. Marami ring mga hero na pagpipilian at ang bawat isa sa kanila ay mayroong mga unique passive at active skill. Medyo kumplikado rin ang pagbubuo ng lineup dahil kailangan mo itong buuin nang naaayon sa mga passive at active skill ng iyong ibang hero lineup.

Kaya kung ikaw ay pihikan pagdating sa mga laro at mas gusto mong maglaro ng mga kumplikadong laro, tiyak na hindi ka bibiguin nito. Hindi ka rin mabibitin pagdating sa gameplay dahil kailangan mong tantyahin o i-timing ang bawat bato ng iyong skills upang mas maging epektibo ang mga ito. Kung mayroon man akong hindi nagustuhan sa larong ito, ito ay ang napakalaking file size ng laro. Bukod sa game files na kailangan mong i-download mula sa App Store at Google Play Store, mayroong itong additional files na kailangang i-download pagbukas ng laro, kaya hindi ito mainam para sa mga device na mayroong mababang specs.

Konklusyon

Sa kabuuan, ang laro ay nakatanggap ng star rating na 4.1 sa Google Play Store at 4.2 naman sa App Store. Hindi dahil sa idle game ito ay nakababagot na ito. Hindi man ito tulad ng ibang RPGs na mayroong kumplikadong gameplay, napakaganda naman ng storyline at graphics nito. Kaya kung gusto mo ng bagong kaaaliwang laro, i-download na ang Seven Knights ngayon!

Leave a Comment

Categories
Latest Posts
Login
Loading...
Sign Up
Loading...