Sister Yell’s Dress Up Review

Gusto mo bang pumasok sa mundo ng fashion? Mula ulo hanggang paa, buhok hanggang sapatos, nandito na lahat sa panibagong laro na ipapakilala ng Laro Reviews! Ito ang Sister Yell’s Dress Up, isang online na laro na ginawa ng Sandbox Network, Inc. Patok ito sa mga taong mahihilig sa mga damit at accessories. Layunin ng laro ang subukin ang iyong kakayahan sa pag-style ng isang karakter. Tampok dito ang maraming pagpipiliang gamit na siyang pwede mong subukan. Nasasabik ka na bang malaman kung anu-ano ang mga ito? Huwag mag-alala at ipagpatuloy lamang ang pagbabasa nitong artikulo. 

Mga Tampok ng Laro

Isa sa mga nagsisilbing stress reliever ng mga tao ay ang paglalaro ng dress up na laro. Hindi katulad ng ibang mga online games, wala itong pagsubok na kailangang solusyunan o paglalakbay na kinakailangang malampasan. Wala ka ring kalaban dito at mas lalong walang mga pagsusulit na siyang susukat sa iyong talino. Dahil nga ito ay isang dress up na laro, ang tanging layunin nito ay ang gawing maganda ang suot ng ating karakter. Sino naman ang tinutukoy rito? Walang iba kung hindi si Yell, ang avatar na siyang bibihisan mo sa buong laro. Alam mo ba na sa totoong buhay, si Yell o tinatawag ding Sister Yell ay isang sikat na Tiktok user dahil sa kanyang nakakatuwang mga contents? Maaaring sabihin na ang ating karakter at ang ilan sa mga tampok na damit at accessories sa larong ito ay hango sa pagkatao ng sikat na si Yell. Nakakatuwa, hindi ba? Bumalik naman tayo sa mga tampok sa larong ito. 

Mayroong iba’t-ibang styles na makikita rito at nakabase iyon sa parte ng katawan na iyong bibihisan. Halimbawa ay ang mga mata kung saan may walo (8) kang pagpipilian na estilo. Maaari mong piliin ang singkit na mata at maaari rin namang hindi. Bukod dito, malaya kang makakapili kung anong kulay ng mata ang iyong gusto. Para naman sa mga damit, napakarami ng estilo na pwede mong gamitin. May mga girly na damit at mayroon din namang tomboyish style. Sa buong laro ay buong katauhan din ni Yell ang iyong bibihisan. Sa madaling salita, mula sa buhok papuntang mukha, katawan, at mga paa ay kailangang mabihisan upang talagang mailabas ang iyong galing sa fashion. 

Paano i-download ang Sister Yell’s Dress Up?

Madali lamang i-access ang Sister Yell’s Dress Up sa kahit anong gadget na mayroon ka, lalong-lalo na sa iyong mobile phone. Sundin lamang ang mga gabay na hatid ng Laro Reviews sa pag-download nito. Kung ikaw ay nagmamay-ari ng Android, maaari mong hanapin ang Sister Yell’s Dress Up sa Google Play Store at i-click ang salitang install. Sa kasalukuyan, hindi pa mahahanap ang larong ito sa App Store. Ngunit, kung ikaw ay gumagamit ng iOS at nais mong maglaro, maaari mo pa rin itong i-access gamit ang Qooapp. Mangyaring i-download muna ang Qooapp, pagkatapos ay gawin lamang ang mga hakbang na ginawa katulad ng sa Android. Matapos itong gawin ay pumunta muli sa Qooapp at hanapin ang Sister Yell’s Dress Up. Maaari ring piliin kung aling link na nasa ibaba ang akma sa iyong device upang mapadali ang iyong pagda-download. 

Download Sister Yell’s Dress Up on Android https://play.google.com/store/apps/details?id=com.sandboxgame.yellcoordi&hl=en_US&gl=US

Download Sister Yell’s Dress Up on iOS https://apps.qoo-app.com/en/app/20345

Download Sister Yell’s Dress Up on PC https://www.bignox.com/appcenter/com-sandboxgame-yellcoordi-pc.html

Tips at Tricks para sa mga Baguhan

Napakasikat na uri ng laro ang dress up games. Hindi lamang kasi ito patok sa mga matatanda ngunit pati na rin sa mga bata. Kung hindi ko pa nababanggit, talaga nga namang simple lang ang paglalaro nito. Para sa mga gabay, narito ang ilan sa mga impormasyong handog ng Laro Reviews. Ang una mong dapat gawin ay ang pumili ng avatar sa dalawang karakter na ipapakita sa unang bahagi ng laro. Matapos makapili ay maaari mo nang simulan ang pagbibihis kay Yell. Kahit na sabihin nating hindi komplikado ang mekaniks nitong laro, nararapat pa ring magkaroon ka ng sistema na siyang magiging basehan sa buong paglalaro. Sa pamamagitan nito ay mas magiging kasiya-siya ang iyong karanasan. 

Upang magawa ito, mangyaring tignan muna lahat ng pwede mong pagpilian. Mayroon kang labingdalawang (12) kategorya o closet na pagpipilian ng gamit. Kasama na rito ang para sa katawan ni Yell at para naman sa kanyang background. Matapos masuri ang lahat ay mas mainam kung makakapag-isip ka ng istilo na siyang magiging gabay mo sa pagpili ng damit at accessories. Kapag mayroon ka nang tiyak na konsepto, maaari mo nang i-konekta ito sa tema ng magiging kaanyuan ni Yell. Kapag ikaw ay handa na, mangyaring simulan na ang masayang dress up game na ito. 

Kalamangan at Kahinaan

Sa dinami-rami ng dress up games na sumikat, madali na lamang para sa atin na malaman ang kaibahan ng mga ito. Ngunit, kahit ano pa mang laro ito, masasabi na mayroon talaga itong angkin na kalamangan at kahinaan. Para sa Sister Yell’s Dress Up, isa sa mga naging kalamangan ng laro ay ang smooth nitong gameplay. Base sa aking karanasan, tuloy-tuloy ang aking paglalaro dahil wala itong lag moments. Naging madali ang aking pagpili ng mga gamit dahil walang mga ads na pumipigil. Maliban dito, kaaya-aya rin ang art style ng laro. Simple lang naman ang graphic designs ngunit kuhang-kuha nito ang mga sikat o trending na mga damit at accessories sa kasalukuyan. Mas nagiging masaya rin ang paglalaro dahil maiisip mong parang ikaw na rin ang nagbibihis. 

Sa kabilang banda naman, isa sa mga nakakapanghinayang sa larong ito ay ang limitadong opsyon na maaaring gamitin. Nabanggit kanina na nasa walo (8) lamang ang maaaring i-access sa iyong closet. Dahil dito ay nalilimitihan din ang pagkamalikhain ng mga manlalaro. Maaari namang i-download ang iba pang gamit ngunit nangangailangan munang manood ng halos kalahating minuto na ads. Madali lang naman itong gawin subalit nagiging aksaya ito sa oras kapag kailangan mo ng maraming damit at accessories. 

Konklusyon

Sa kabuuan, mayroong 4.2 na rating ang Sister Yell’s Dress Up sa Google Play Store at 3.6 naman sa Qooap. Mataas naman kung tutuusin itong mga marka at sa katunayan, marami ang natutuwa sa larong ito. Nakakapanlumo lamang na natabunan ng kahinaan nito ang maganda sanang potensyal ng laro. Kung gusto mong subukan at patunayan ang mga nabanggit sa artikulong ito, magmadali at i-download na ang Sister Yell’s Dress Up. 

Leave a Comment

Categories
Login
Loading...
Sign Up
Loading...