Differences: find a difference Review

Hindi naniniwala ang mga tao sa nakikita nila, naniniwala sila sa iniisip nila na nakikita nila. Ito ang katagang madalas gamitin ng mga magician at ito rin ang pangunahing prinsipyo nitong laro. Kung nais mong sukatin at malaman kung gaano katalas ang iyong paningin, marahil ay ito ang larong para sa iyo. Ang Differences: find a difference ay isang offline na larong puzzle na ginawa ng Easybrain. Kung handa ka na, kilalanin na natin itong laro dito sa artikulong ginawa ng Laro Reviews.

Mga Tampok ng Laro

Simple lang ang mekaniks ng laro. Kailangan mo lang hanapin ang pagkakaiba ng dalawang magkaparehong imahe. Hanggang 12 na pagkakaiba ang kailangan mong hanapin depende sa level. Mayroon ka lamang tatlong pagkakataong magkamali bago ka matalo. Pwede mo rin i-zoom in at zoom out ang imahe upang makita sa malapitan ang detalye. Nahahati sa dalawang uri ang puzzle na maaari mong laruin. Una ay ang main chapter na pangunahing level nitong laro at ang daily challenge.

Daily challenge – Sa chapter na ito ay nag-iiba ang imahe depende sa araw at buwan. Isang puzzle lamang araw-araw ang maaari mong laruin dito. Kapag natapos mo ang puzzle na ito, makakatanggap ka ng unique trophy at star token na maaaring gamitin upang makabili ng perk na hints.

Special events – Ang event na ito ay espesyal (binaliktad ko lang ang title, obviously) dahil ang gameplay at puzzle nito ay kakaiba depende sa kung anong klaseng event. Ito ay mayroon ding natatanging tema, sa katunayan, ang tema ngayon ng special event ay Night of Museum. Time-limited din ang chapter nito at kapag natapos mo ito, makakatanggap ka ng natatanging poster card. Mayroon itong 15 chapter at bawat chapter ay may mahigit 20 mga level at habang tumataas ang chapter na iyong natatapos, nadadagdagan din ang level ng bawat chapter.

Ito ay ilan lamang sa mga pangunahing tampok ng laro at maaaring madagdagan pa ito sa mga susunod na updates o mga special events.

Paano I-download ang Differences: Find a difference?

Kung hindi mo pa alam paano mag-download ng application sa iyong cellphone ay dapat mong sisihin ang nagbenta sa iyo ng phone dahil hindi ka nila tinuruan. Pero huwag kang mag-alala dahil simple lang naman itong i-download at hindi mo na kailangang gumawa ng log in accounts o mag-bind ng Facebook o Gmail accounts upang makapagsimulang maglaro nito. Para i-download ito sa Android, buksan ang iyong Google Play Store app at i-type sa search bar ang pangalan nitong laro pagkatapos ay i-click ang Install. Sa kasalukuyan, wala pa itong iOS version ngunit maaari mo naman itong laruin sa PC. Upang i-download ito sa PC, pumunta lang sa http://gameloop.com at i-type sa search bar ang pangalan nitong laro pagkatapos ay i-click ang Download. Para sa mas mabilis na pag-access, maaaring i-click ang mga link sa ibaba.

Download Differences: find a difference on Android https://play.google.com/store/apps/details?id=com.easybrain.find.the.difference

Download Differences: find a difference on PC https://www.gameloop.com/game/puzzle/com.easybrain.find.the.difference

Tips at Tricks para sa mga Baguhan

Ang ganitong uri ng puzzle game ay napakahirap matapos dahil sa nakakalitong setup at gameplay ng laro ngunit huwag mag-alala dahil ibabahagi ngayon ng Laro Reviews ang sinaunang kaalamang minana pa nito mula sa kanilang ninuno (insert drum roll). Batay sa unang kasulatan ng mga ninuno, upang maiwasang malito sa paghahanap ng pagkakaiba ng dalawang imahe, simulan ang paghahanap nang naka-zoom out ang imahe. Sa ganitong paraan medyo halata ang pagkakaiba at makikita mo agad. Pagkatapos nito, simulan ang paghahanap nang naka-zoom in ang imahe. Kung sa kabila ng lahat ng iyong pagsisikap ay hindi mo pa rin mahanap ang mga pagkakaiba, maaari kang gumamit ng hints na perk. Kung naubusan ka na ng hints dahil sa walang habas na paggamit mo nito dahil tinatamad ka nang maghanap, marahil ay kailangan mo nang tumigil sa paglalaro at magpahinga o pwede rin namang manood ka ng mga ads upang makakuha ng karagdagang hints.

Kailangang maging sensitibo ka kahit sa pinakamaliit na detalye tulad ng shadow, bricks at tiles. Kung mayroon kang nakita sa mga nabanggit, bilangin ito at siguraduhing tugma ang bilang nito. Ang mga pangunahing pagkakaiba na dapat mong hanapin ay ang mga sumusunod: kulay ng bagay, posisyon, bilang, laki at haba. Ang mga nabanggit ay ang mga kadalasang pagkakaiba ng mga imahe kaya suriing maigi at tiyakin na makikita mo ang mga nabanggit. Ngayon ay naipasa na sa iyo ang sinaunang kaalaman, humayo ka, dakilang manlalaro, at nawa’y gabayan ka ng kaalamang ito upang matagumpay mong matapos ang larong ito.

Kalamangan at Kahinaan

Sa lahat ng puzzle game na aking nalaro, masasabi kong isa ito sa may pinakamagandang graphics. Ang mga imahe ay HD o high definition kaya hindi ka gaanong mahihirapan sa paghahanap ng pagkakaiba ng dalawang imahe. Nakakatulong din ang zoom in at zoom out na feature ng laro upang mas madaling makita ang mga pagkakaiba. Pwede ka ring gumamit ng hints hanggang sa matapos mo ang buong chapter (higit 20 na level) kung mayroon kang mahabang pasensya sa panonood ng mga ads. Napaka-mapanghamon ang bawat chapter at halos walang ipinagkaiba ang difficulty level ng mga stage kaya kahit nasa unang stage ka pa lang, kung hindi matalas ang iyong paningin ay siguradong hindi mo ito maipapasa. Ito ay isang magandang katangian para sa puzzle games dahil nagbibigay ito ng excitement sa mga manlalaro at hindi nagiging nakakabagot ang laro.

Ang hindi ko nagustuhan sa laro ay ang mga pop up ads dahil sa tuwing lumilitaw ito sa gitna ng laro, nawawala ang aking atensyon at focus. Mayroon din itong lags at bugs na madalas lumilitaw kapag nag-pop up na ang mga ads. Dahil sa mga negatibong katangian na ito, nababawasan ang saya ng laro ngunit kung hindi mo naman kailangan ng internet connection mas mainam na patayin ang iyong WIFI o mobile data upang walang pop up ads na maranasan.

Konklusyon

Sa kabuuan, itong laro ay nakatanggap ng star rating na 4.6 sa Google Play Store. Ang larong ito ay perpekto sa mga manlalarong naghahanap ng nakakaaliw na puzzle game. Kung ikaw ay isang masugid na tagahanga ng mga larong puzzle, i-download na ang Differences: find a difference ngayon!

Leave a Comment

Categories
Login
Loading...
Sign Up
Loading...